Alam Mo Ba?
Bakit inuulit-ulit ang ilang pananalita sa Bibliya?
MAY mga pagkakataon na inuulit ng mga manunulat ng Bibliya nang eksaktong-eksakto ang ilang pananalita. Bakit? Tingnan ang tatlong posibleng dahilan.
Kung kailan isinulat. Sa sinaunang Israel, walang personal na kopya ng Kautusan ang karamihan sa mga tao. Nalalaman lang nila ang Kautusan kapag binabasa ito habang nagtitipon sila sa tabernakulo at sa templo. (Deut. 31:10-12) Malamang na may mga puwedeng umagaw ng atensiyon nila habang sama-sama silang nakikinig at nakatayo nang ilang oras. (Neh. 8:2, 3, 7) Kaya mas matatandaan nila ang mga narinig nila at mas maisasabuhay ang mga ito kapag inuulit-ulit ang mahahalagang parirala. Mas maaalala rin nila ang mahahalagang detalye, gaya ng mga utos ng Diyos, kapag inuulit-ulit ang ilang partikular na salita.—Lev. 18:4-22; Deut. 5:1.
Kung paano isinulat. Mga 10 porsiyento ng Bibliya ay mga awit—gaya ng Mga Awit, Awit ni Solomon, at Mga Panaghoy. Minsan, may mga salitang inuulit sa mga awit para idiin ang tema nito at mas matandaan ito ng mga nakikinig. Halimbawa, sinasabi sa Awit 115:9-11: “O Israel, magtiwala kayo kay Jehova—Siya ang kanilang katulong at kalasag. O sambahayan ni Aaron, magtiwala kayo kay Jehova—Siya ang kanilang katulong at kalasag. Kayong mga natatakot kay Jehova, magtiwala kayo kay Jehova—Siya ang kanilang katulong at kalasag.” Siguradong nakatulong ang pag-uulit ng mga salita para maalala at maisapuso ito ng mga mang-aawit.
Kung bakit isinulat. Minsan, napakahalaga ng mga pariralang inuulit ng mga manunulat ng Bibliya. Halimbawa, nang iutos ni Jehova sa mga Israelita na huwag kumain ng dugo, ilang beses niyang ipinaulit kay Moises ang dahilan. Gustong idiin ni Jehova na nasa dugo ang buhay ng isang nilikha, o na ang dugo ay kumakatawan sa buhay. (Lev. 17:11, 14) Noong isa-isahin ng mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem ang mga bagay na hindi kalugod-lugod sa Diyos, idiniin ulit nila na kailangang umiwas sa dugo.—Gawa 15:20, 29.
Kahit inuulit-ulit ang ilang pananalita sa Bibliya, ayaw ni Jehova na gawin natin ito na parang ritwal. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag kayong maging paulit-ulit sa sinasabi ninyo.” (Mat. 6:7) Pagkatapos nito, sinabi niya ang mga puwede nating ipanalangin ayon sa gusto ng Diyos. (Mat. 6:9-13) Ibig sabihin, hindi natin dapat ulit-ulitin ang mga salitang ginagamit natin sa panalangin, pero puwede nating ulit-ulitin ang mga gusto nating ipanalangin.—Mat. 7:7-11.
May magagandang dahilan kung bakit inuulit-ulit ang ilang salita at parirala sa Bibliya. Isa ito sa maraming paraan ng pagtuturo sa atin ng Dakilang Tagapagturo natin para makinabang tayo.—Isa. 48:17, 18.