Dalawang Bagong Miyembro ng Lupong Tagapamahala
NOONG Miyerkules, Enero 18, 2023, nagkaroon ng espesyal na patalastas sa jw.org—inatasan ang mga brother na sina Gage Fleegle at Jeffrey Winder na maglingkod bilang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova. Pareho silang matagal nang tapat na naglilingkod kay Jehova.
Lumaki si Brother Fleegle sa kanlurang Pennsylvania, sa U.S.A. Itinuro sa kaniya ng mga magulang niya ang katotohanan. Noong teenager siya, lumipat ang pamilya nila sa isang maliit na bayan kung saan malaki ang pangangailangan. Di-nagtagal, nabautismuhan siya noong Nobyembre 20, 1988.
Laging pinapasigla noon si Brother Fleegle ng mga magulang niya na maglingkod nang buong panahon. Madalas silang nag-iimbita ng mga tagapangasiwa ng sirkito at Bethelite sa bahay nila, kaya nakita ni Brother Fleegle kung gaano kasaya ang mga kapatid na ito. Di-nagtagal pagkatapos ng bautismo niya, nag-regular pioneer siya—noong Setyembre 1, 1989. Pagkalipas ng dalawang taon, noong Oktubre 1991, naabot niya ang goal niya mula pa noong 12 taóng gulang siya—ang maglingkod sa Bethel. Naatasan siya sa Bethel sa Brooklyn.
Sa Bethel, na-assign si Brother Fleegle sa Bindery sa loob ng walong taon. Pagkatapos, nalipat siya sa Service Department. Nang panahong iyon, ilang taon siyang naugnay sa kongregasyong nagsasalita ng Russian. Noong 2006, ikinasal sila ni Nadia, at nakasama niya ito sa paglilingkod sa Bethel. Naglingkod sila sa kongregasyong nagsasalita ng Portuguese, at sa loob ng mahigit 10 taon, sa kongregasyong nagsasalita ng Spanish. Pagkatapos ng maraming taon sa Service Department, na-assign si Brother Fleegle sa Teaching Committee Office, at pagkatapos, sa Service Committee Office. Noong Marso 2022, naatasan siyang maging
katulong ng Service Committee ng Lupong Tagapamahala.Lumaki si Brother Winder sa Murrieta, California, sa U.S.A. Itinuro din sa kaniya ng mga magulang niya ang katotohanan, at nabautismuhan siya noong Marso 29, 1986. Nag-auxiliary pioneer agad siya nang sumunod na buwan. Talagang na-enjoy niya iyon, kaya itinuloy niya pa ng ilang buwan. At noong Oktubre 1, 1986, nag-regular pioneer na siya.
Noong teenager si Brother Winder, dinalaw niya ang dalawang kuya niya na naglilingkod noon sa Bethel. Dahil doon, naging goal niya rin na maglingkod sa Bethel. At noong Mayo 1990, naimbitahan siyang maglingkod sa Bethel sa Wallkill.
Sa Bethel, na-assign si Brother Winder sa iba’t ibang department, kasama na ang Cleaning Department, Farm Department, at Bethel Office. Noong 1997, ikinasal sila ni Angela, at magkasama na silang naglilingkod sa Bethel mula noon. Noong 2014, lumipat sila sa Warwick, at tumulong si Brother Winder sa konstruksiyon ng pasilidad para sa world headquarters. Noong 2016, lumipat sila sa Watchtower Educational Center sa Patterson, at na-assign si Brother Winder sa Audio/Video Services. Pagkalipas ng apat na taon, bumalik sila sa Warwick, at na-assign si Brother Winder sa Personnel Committee Office. Noong Marso 2022, naatasan siyang maging katulong ng Personnel Committee ng Lupong Tagapamahala.
Ipinapanalangin natin na saganang pagpalain ni Jehova ang mga lalaking ito na ‘ibinigay niya bilang regalo’ habang nagsisikap silang gawin ang kalooban niya.—Efe. 4:8.