Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 8

AWIT BLG. 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

Patuloy na Sumunod sa Patnubay ni Jehova

Patuloy na Sumunod sa Patnubay ni Jehova

“Ako, si Jehova, . . . ang pumapatnubay sa iyo.”​—ISA. 48:17.

MATUTUTUHAN

Kung paano pinapatnubayan ni Jehova ang bayan niya ngayon at kung ano ang mga pagpapala kapag sinusunod natin ang patnubay niya.

1. Bakit kailangan natin ang patnubay ni Jehova? Magbigay ng ilustrasyon.

 ISIPING naliligaw ka sa kagubatan. Delikado dito, kasi maraming mababangis na hayop, insektong may dalang sakit, at nakakalasong halaman. Bako-bako rin at mabato ang daan. Buti na lang, may kasama kang makaranasang guide na kabisado ang gubat, kaya mailalayo ka niya sa panganib! Punong-puno rin ng panganib ang mundo natin ngayon, at puwede nitong masira ang kaugnayan natin kay Jehova. Pero buti na lang, mayroon tayong perpektong Guide—si Jehova. Tutulungan niya tayong maiwasan ang mga panganib para makarating tayo sa ating destinasyon—ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan.

2. Paano tayo pinapatnubayan ni Jehova?

2 Paano tayo pinapatnubayan ni Jehova? Pangunahin na, ginagamit niya ang kaniyang Salita, ang Bibliya. Pero gumagamit din siya ng mga tao bilang kinatawan niya. Halimbawa, inatasan niya ang “tapat at matalinong alipin” para magbigay ng espirituwal na pagkain na tutulong sa atin na makagawa ng tamang mga desisyon. (Mat. 24:45) Ginagamit din ni Jehova ang ilang mahuhusay na lalaki para patnubayan tayo, gaya ng mga tagapangasiwa ng sirkito at elder sa kongregasyon. Nagbibigay sila ng pampatibay at tagubilin na makakatulong sa atin na makayanan ang mahihirap na sitwasyon. Nagpapasalamat tayo na talagang pinapatnubayan tayo ni Jehova sa mga huling araw na ito. Matutulungan tayo nito na manatiling kaibigan niya at patuloy na makalakad sa daan ng buhay.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Pero minsan, baka nahihirapan tayong sundin ang patnubay ni Jehova, lalo na kung galing ito sa di-perpektong mga tao. Baka hindi natin gusto ang tagubiling natanggap natin. O baka para sa atin, hindi iyon praktikal, kaya iniisip natin na hindi iyon galing kay Jehova. Sa ganitong mga sitwasyon, mas lalo nating kailangang magtiwala na si Jehova ang pumapatnubay sa bayan niya at na pagpapalain niya tayo kapag sumunod tayo sa kaniya. Para tumibay ang pagtitiwala natin, tatalakayin sa artikulong ito (1) kung paano pinatnubayan ni Jehova ang bayan niya noong panahon ng Bibliya, (2) kung paano tayo pinapatnubayan ni Jehova ngayon, at (3) kung paano tayo pagpapalain kung patuloy tayong susunod sa patnubay niya.

Mula noong panahon ng Bibliya hanggang ngayon, gumagamit si Jehova ng mga tao bilang kinatawan niya para gabayan ang bayan niya (Tingnan ang parapo 3)


KUNG PAANO PINATNUBAYAN NI JEHOVA ANG BANSANG ISRAEL

4-5. Paano ipinakita ni Jehova na ginagamit niya si Moises para patnubayan ang Israel? (Tingnan ang larawan.)

4 Inatasan ni Jehova si Moises na ilabas ang mga Israelita sa Ehipto. At may mga ginawa si Jehova para patunayang ginagamit niya si Moises para patnubayan ang mga Israelita. Halimbawa, gumamit Siya ng haliging ulap kapag araw at haliging apoy kapag gabi. (Ex. 13:21) Sinundan ni Moises ang haliging ito, at dinala sila nito sa Dagat na Pula. Pero nang malapit na silang maabutan ng mga sundalong Ehipsiyo, akala nila, mamamatay na sila. Talagang natakot sila! Inisip ng mga Israelita na nagkamali si Moises nang dalhin sila nito sa Dagat na Pula. Pero sinadya talaga ni Jehova na dalhin sila doon ni Moises. (Ex. 14:2) At iniligtas ni Jehova ang mga Israelita sa kamangha-manghang paraan.​—Ex. 14:​26-28.

Umasa si Moises sa haliging ulap para patnubayan ang bayan ng Diyos sa ilang (Tingnan ang parapo 4-5)


5 Sa loob ng 40 taon, patuloy na sinundan ni Moises ang haliging ulap para patnubayan ang bayan ng Diyos sa ilang. a May mga pagkakataon na inilalagay ni Jehova ang haliging ulap sa itaas ng tolda ni Moises, at nakikita ito ng lahat ng Israelita. (Ex. 33:​7, 9, 10) Mula sa haliging ito, kinakausap ni Jehova si Moises, at sinasabi naman ni Moises sa bayan ang mga tagubilin ni Jehova. (Awit 99:7) Kitang-kita ng mga Israelita na ginagamit ni Jehova si Moises para patnubayan sila.

Si Moises at ang humalili sa kaniya, si Josue (Tingnan ang parapo 5, 7)


6. Paano tumugon ang mga Israelita sa patnubay ni Jehova? (Bilang 14:​2, 10, 11)

6 Kahit malinaw na ginagamit ni Jehova si Moises bilang kinatawan Niya, hindi pa rin siya pinakinggan ng karamihan sa mga Israelita. (Basahin ang Bilang 14:​2, 10, 11.) Dahil paulit-ulit nilang tinanggihan si Moises, hindi nakapasok ang henerasyong iyon ng mga Israelita sa Lupang Pangako.​—Bil. 14:30.

7. Magbigay ng halimbawa ng mga sumunod sa patnubay ni Jehova. (Bilang 14:24) (Tingnan din ang larawan.)

7 Pero may mga Israelita na sumunod sa patnubay ni Jehova. Halimbawa, nakita ni Jehova na ‘patuloy na sumunod si Caleb sa kaniya nang buong puso.’ (Basahin ang Bilang 14:24.) Pinagpala siya ni Jehova, at pinapili pa nga siya ng lupain sa Canaan na gusto niya. (Jos. 14:​12-14) Nagpagabay rin sa patnubay ni Jehova ang kasunod na henerasyon. Nang maging lider ng mga Israelita si Josue kapalit ni Moises, “iginalang nila siya nang husto habang siya ay nabubuhay.” (Jos. 4:14) Kaya pinagpala sila ni Jehova at ibinigay sa kanila ang Lupang Pangako.​—Jos. 21:​43, 44.

8. Ipaliwanag kung paano pinatnubayan ni Jehova ang bayan niya noong panahon ng mga hari. (Tingnan din ang larawan.)

8 Di-nagtagal, nag-atas si Jehova ng mga hukom na papatnubay sa bayan niya. Noong panahon naman ng mga hari, inatasan ni Jehova ang mga propeta para patnubayan ang bayan niya. Sumunod ang tapat na mga hari sa payo ng mga propetang ito. Halimbawa, tinanggap ni Haring David ang pagtutuwid ni propeta Natan. (2 Sam. 12:​7, 13; 1 Cro. 17:​3, 4) Sumunod si Haring Jehosapat sa patnubay ni propeta Jahaziel, at sinabi niya sa mga taga-Juda na ‘manampalataya sila sa mga propeta ng Diyos.’ (2 Cro. 20:​14, 15, 20) Nang magkaroon ng problema si Haring Hezekias, nagpatulong siya kay propeta Isaias. (Isa. 37:​1-6) Kapag sinusunod ng mga hari ang patnubay ni Jehova, pinagpapala at pinoprotektahan ni Jehova ang bayan niya. (2 Cro. 20:​29, 30; 32:22) Dapat sana, malinaw na sa bayan ni Jehova na ginagamit niya ang mga propeta para patnubayan sila. Pero hindi nakinig sa mga propeta ni Jehova ang karamihan sa mga hari at Israelita.​—Jer. 35:​12-15.

Sina Haring Hezekias at propeta Isaias (Tingnan ang parapo 8)


KUNG PAANO PINATNUBAYAN NI JEHOVA ANG MGA KRISTIYANO NOON

9. Sino ang ginamit ni Jehova para patnubayan ang mga Kristiyano noong unang siglo? (Tingnan din ang larawan.)

9 Itinatag ni Jehova ang kongregasyong Kristiyano noong unang siglo C.E. Paano niya sila pinatnubayan? Inatasan niya si Jesus bilang ulo ng kongregasyon. (Efe. 5:23) Pero hindi direktang kinakausap ni Jesus ang bawat alagad. Ginamit niya ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem para manguna. (Gawa 15:​1, 2) May mga inatasan ding matatandang lalaki para gabayan ang mga kongregasyon.​—1 Tes. 5:12; Tito 1:5.

Ang mga apostol at matatandang lalaki sa Jerusalem (Tingnan ang parapo 9)


10. (a) Paano tumugon ang karamihan sa mga Kristiyano noong unang siglo sa patnubay na natanggap nila? (Gawa 15:​30, 31) (b) Noong panahon ng Bibliya, bakit hindi tinanggap ng ilan ang mga kinatawan ni Jehova? (Tingnan ang kahong “ Kung Bakit Tinanggihan ng Ilan ang Malinaw na Ebidensiya.”)

10 Paano tumugon ang mga Kristiyano noong unang siglo? Sumunod ang karamihan sa mga tagubiling natanggap nila. “Nagsaya sila dahil sa pampatibay na tinanggap nila.” (Basahin ang Gawa 15:​30, 31.) Pero paano naman ginagabayan ni Jehova ang bayan niya sa panahon natin?

KUNG PAANO TAYO PINAPATNUBAYAN NI JEHOVA NGAYON

11. Magbigay ng halimbawa kung paano ginagabayan ni Jehova ang mga nangunguna ngayon.

11 Patuloy na pinapatnubayan ni Jehova ang bayan niya ngayon. Ginagamit niya ang kaniyang Salita at ang Anak niya, ang ulo ng kongregasyon. Pero may nakikita ba tayong ebidensiya na gumagamit pa rin ang Diyos ng mga tao bilang kinatawan niya? Oo. Tingnan ang ilang pangyayari na naganap noong huling mga taon ng 1800’s. Unti-unting naintindihan ni Charles Taze Russell at ng mga kasama niya na mahalagang taon ang 1914 sa pagtatatag ng Kaharian ng Diyos. (Dan. 4:​25, 26) Paano nila nalaman iyon? Pinag-aralan nila ang mga hula sa Bibliya at nagtiwalang matutupad ang mga iyon. Malinaw na ginagabayan ni Jehova ang mga pag-aaral nila. Ipinapakita ng mga nangyari sa buong mundo noong 1914 na nagsimula nang mamahala ang Kaharian ng Diyos. Sumiklab ang Digmaang Pandaigdig I, na sinundan ng mga epidemya, lindol, at taggutom. (Luc. 21:​10, 11) Maliwanag na ginagabayan ni Jehova ang tapat-pusong mga lalaking ito para tulungan ang bayan niya.

12-13. Anong mga kaayusan ang ginawa noong Digmaang Pandaigdig II para palawakin ang gawaing pangangaral at pagtuturo?

12 Tingnan din ang nangyari noong Digmaang Pandaigdig II. Nang pag-aralan ng mga kapatid na nangunguna sa world headquarters ang Apocalipsis 17:​8, naintindihan nila na hindi mauuwi sa Armagedon ang digmaan, kundi sa isang panahon ng kapayapaan. Kaya magkakaroon ng pagkakataon na mapalawak ang gawaing pangangaral. Itinatag ng organisasyon ni Jehova ang Watchtower Bible College (School) of Gilead kahit parang hindi ito praktikal gawin noong panahong iyon. Itinatag ito para magsanay ng mga misyonero na mangangaral at magtuturo sa iba’t ibang bansa sa buong mundo. Ipinadala pa nga ang ilan sa kanila kahit may digmaan. Sinimulan din ng tapat na alipin ang Course in Theocratic Ministry b para sanayin ang lahat sa kongregasyon na maging mahusay sa gawaing pangangaral at pagtuturo. Dahil sa mga pagsasanay na ito, naihanda ang bayan ng Diyos sa malaking gawain ng pangangaral.

13 Kitang-kita natin ngayon na talagang ginabayan ni Jehova ang bayan niya sa mahihirap na panahong iyon. Mula noong Digmaang Pandaigdig II, mapayapa at malayang nakakapangaral ang bayan ni Jehova sa maraming bansa. Talagang lumawak ang gawaing pangangaral!

14. Bakit tayo makakapagtiwala sa patnubay ng organisasyon ni Jehova at ng mga inatasang elder? (Apocalipsis 2:1) (Tingnan din ang larawan.)

14 Sa ngayon, patuloy na nagpapagabay kay Kristo ang mga miyembro ng Lupong Tagapamahala. Tinitiyak nila na ang mga turo at tagubilin na ibinibigay nila sa mga kapatid ay ayon sa pananaw ng Diyos at ni Kristo. Ginagamit nila ang mga tagapangasiwa ng sirkito at elder para ibigay ang mga tagubiling iyon sa mga kongregasyon. c Nasa “kanang kamay” ni Kristo ang mga inatasang elder. (Basahin ang Apocalipsis 2:1.) Pero dahil hindi sila perpekto, nagkakamali pa rin sila. Nagkamali rin noon sina Moises at Josue, pati na ang mga apostol. (Bil. 20:12; Jos. 9:​14, 15; Roma 3:23) Pero kahit ganoon, ginagamit pa rin ni Kristo ang tapat na alipin at mga inatasang elder, at patuloy niyang gagawin iyon “sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:20) Kaya dapat lang na magtiwala tayo sa patnubay na ibinibigay niya gamit ang mga inatasan niyang manguna sa atin.

Ang Lupong Tagapamahala ngayon (Tingnan ang parapo 14)


PAGPAPALAIN TAYO KAPAG SINUNOD NATIN ANG PATNUBAY NI JEHOVA

15-16. Ano ang natutuhan mo sa mga sumunod sa patnubay ni Jehova?

15 Pinagpapala tayo kapag sumusunod tayo sa patnubay ni Jehova. Halimbawa, sinunod nina Andy at Robyn ang payong magpasimple ng buhay. (Tingnan ang study note sa Mateo 6:22.) Dahil dito, nakapagboluntaryo sila sa mga proyekto ng pagtatayo ng mga teokratikong pasilidad. Sinabi ni Robyn: “Napakaliit lang ng mga tinitirhan namin, at madalas pa nga na walang kusina. Gustong-gusto ko ang photography, pero kinailangan kong ibenta ang marami sa mga equipment ko. Ang totoo, iniyakan ko pa nga ang mga iyon. Pero gaya ni Sara na asawa ni Abraham, determinado akong hindi manghinayang sa mga iniwan ko at maging masaya sa mga nagagawa ko ngayon para kay Jehova.” (Heb. 11:15) Nakinabang ba ang mag-asawang ito? Sinabi ni Robyn: “Masayang-masaya kami kasi alam naming ibinibigay namin kay Jehova ang lahat. Kapag ginagawa namin ang mga atas namin, parang nararanasan na namin ang magiging buhay sa bagong sanlibutan.” Sinabi naman ni Andy, “Talagang masayang-masaya kami na lubusan kaming nakakasuporta sa gawain ni Jehova.”

16 Paano pa tayo makikinabang kapag patuloy tayong sumusunod sa patnubay ni Jehova? Pagka-graduate ng high school ni Marcia, sinunod niya ang payo sa kaniya na magpayunir. (Mat. 6:33; Roma 12:11) Sinabi niya: “May nag-offer sa akin ng apat-na-taóng scholarship sa isang university. Pero gusto kong abutin ang mga spiritual goal ko. Kaya pumasok ako sa isang technical training school para matuto ako ng mga skill na susuporta sa pioneering ko. Isa iyon sa pinakamagandang desisyon na ginawa ko. Ngayon, regular pioneer na ako, at dahil flexible ang schedule ko sa trabaho, nakakapag-volunteer ako bilang commuter sa Bethel at nakakagawa ng higit pa para kay Jehova.”

17. Ano pang mga pagpapala ang matatanggap natin kung patuloy tayong susunod sa patnubay ni Jehova? (Isaias 48:​17, 18)

17 Minsan, makakatanggap tayo ng mga payo na poprotekta sa atin sa mga bagay na gaya ng materyalismo at sa mga gawain na labag sa utos ng Diyos. Kung susundin natin ang mga payo ni Jehova, pagpapalain tayo. Mapapanatili natin ang malinis na konsensiya, at maiiwasan natin ang mga problema. (1 Tim. 6:​9, 10) Kaya mapaglilingkuran natin si Jehova nang buong puso, at iyon ang magbibigay sa atin ng tunay na kagalakan at kapayapaan.​—Basahin ang Isaias 48:​17, 18.

18. Bakit determinado kang patuloy na sundin ang patnubay ni Jehova?

18 Sa panahon ng malaking kapighatian hanggang sa Sanlibong-Taóng Paghahari, patuloy na gagamit si Jehova ng mga tao bilang kinatawan niya para patnubayan tayo. (Awit 45:16) Susunod pa rin ba tayo sa mga tagubilin kahit iba ang gusto nating gawin? Magiging mas madali ito kung ngayon pa lang, sumusunod na tayo sa paggabay ni Jehova. Patuloy sana nating gawin ito at sundin pati na ang mga tagubiling ibinibigay ng mga lalaking inatasan niya. (Isa. 32:​1, 2; Heb. 13:17) Habang ginagawa natin ito, makakapagtiwala tayo sa Guide natin, si Jehova. Ilalayo niya tayo sa espirituwal na mga panganib at papatnubayan para makarating tayo sa ating destinasyon—ang buhay na walang hanggan sa bagong sanlibutan.

ANO ANG SAGOT MO?

  • Paano pinatnubayan ni Jehova ang bansang Israel?

  • Paano pinatnubayan ni Jehova ang mga Kristiyano noon?

  • Anong mga pagpapala ang tatanggapin natin kung susundin natin ang patnubay ni Jehova ngayon?

AWIT BLG. 48 Lumakad Kasama ni Jehova Araw-araw

a May inatasan ding anghel si Jehova na “nasa unahan ng kampo ng Israel.” Ginabayan ng anghel na ito ang bansang Israel papunta sa Lupang Pangako. Lumilitaw na ang anghel na iyon ay si Miguel—si Jesus bago siya naging tao.​—Ex. 14:19; 32:34.

b Nang maglaon, tinawag itong Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Ngayon, kasama sa midweek meeting ang pagsasanay na ito.

c Tingnan ang kahong “Ang Papel ng Lupong Tagapamahala” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 2021, p. 18.