ARALING ARTIKULO 6
AWIT BLG. 10 Purihin si Jehova na Ating Diyos!
“Purihin ang Pangalan ni Jehova”
“Maghandog kayo ng papuri, kayong mga lingkod ni Jehova, purihin ang pangalan ni Jehova.”—AWIT 113:1.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang magpapakilos sa atin na purihin ang banal na pangalan ni Jehova sa bawat pagkakataon.
1-2. Ano ang tutulong sa atin na maintindihan ang naramdaman ni Jehova nang siraan ang pangalan niya?
ISIPIN ito: Siniraan ka ng isang tao na mahalaga sa iyo. Alam mong hindi totoo iyon, pero naniwala pa rin ang ilan. Ang mas malala pa, sinabi nila iyon sa iba at marami pa ang naniwala. Ano ang mararamdaman mo? Kung mahalaga sa iyo ang mga tao at ang iisipin nila tungkol sa iyo, siguradong malulungkot ka dahil sa paninirang iyon.—Kaw. 22:1.
2 Tutulong ang halimbawang iyan para maintindihan natin ang naramdaman ni Jehova nang siraan ang pangalan niya. Isa sa mga anghel ang nagsinungaling tungkol sa kaniya sa unang babae na si Eva. Naniwala si Eva. Dahil sa kasinungalingang iyan, nagrebelde sina Adan at Eva kay Jehova, kaya nagkakasala at namamatay ang lahat ng tao. (Gen. 3:1-6; Roma 5:12) Ang lahat ng problema ngayon, gaya ng kamatayan, mga digmaan, at pagdurusa, ay dahil sa mga kasinungalingang sinabi ni Satanas sa hardin ng Eden. Ano ang naramdaman ni Jehova sa paninira sa kaniya at sa mga resulta nito? Siguradong nasaktan siya. Pero hindi siya nagkimkim ng sama ng loob. Ang totoo, “maligayang Diyos” pa rin siya.—1 Tim. 1:11.
3. Ano ang pribilehiyo natin?
3 Pribilehiyo nating tumulong sa pagbabangong-puri sa pangalan ni Jehova. Paano? Kung susundin natin ang utos na ito: “Purihin ang pangalan ni Jehova.” (Awit 113:1) Magagawa natin iyan kung sasabihin natin sa iba ang mga katotohanan tungkol sa kaniya. Handa ka bang gawin iyan? Talakayin natin ang tatlong dahilan na magpapakilos sa atin na purihin ang pangalan ng Diyos nang buong puso.
NAPAPASAYA NATIN SI JEHOVA KAPAG PINUPURI NATIN ANG PANGALAN NIYA
4. Bakit napapasaya natin si Jehova kapag pinupuri natin siya? Magbigay ng ilustrasyon. (Tingnan din ang larawan.)
4 Napapasaya natin ang ating Ama sa langit kapag pinupuri natin ang pangalan niya. (Awit 119:108) Ibig bang sabihin nito, ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay gaya ng di-perpektong mga tao na gustong-gustong mapuri para maramdaman nilang mahalaga sila? Hindi. Isipin ito: May isang maliit na batang babae na yumakap sa tatay niya at nagsabi, “The best ka talaga, Daddy!” Napangiti ang tatay at masayang-masaya. Bakit? Siguradong hindi ito dahil kailangan niya ng papuri ng anak niya, kundi alam natin na masaya siyang makita na mahal at pinapahalagahan siya ng anak niya. Alam ng tatay na magiging masaya ang anak niya paglaki nito kasi mapagmahal ito at mapagpahalaga. Ganiyan din si Jehova, ang pinakamahusay na Ama. Kaya napapasaya natin siya kapag pinupuri natin siya.
5. Anong kasinungalingan ang napapatunayan nating mali kapag pinupuri natin ang pangalan ng Diyos?
5 Kapag pinupuri natin ang ating Ama sa langit, nakakatulong tayo para mapatunayang mali ang kasinungalingang sinabi ni Satanas tungkol sa atin. Sinabi niya na walang tao ang makakapanatiling tapat sa Diyos kapag nakaranas ng pagsubok. Sinabi rin niya na susuwayin natin ang Diyos kung sa tingin natin, mas makikinabang tayo doon. (Job 1:9-11; 2:4) Pero nakapanatiling tapat si Job at pinatunayan niyang sinungaling si Satanas. Matutularan mo ba si Job? May pribilehiyo ang bawat isa sa atin na ipagtanggol ang ating Ama at pasayahin siya sa pamamagitan ng tapat na paglilingkod sa kaniya. (Kaw. 27:11) Napakagandang pribilehiyo niyan!
6. Paano natin matutularan si Haring David at ang mga Levita? (Nehemias 9:5)
6 Gusto ng mga taong nagmamahal kay Jehova na purihin ang pangalan niya nang buong puso. Isinulat ni Haring David: “Pupurihin ko si Jehova; pupurihin ng buong pagkatao ko ang kaniyang banal na pangalan.” (Awit 103:1) Alam ni David na kapag pinupuri niya ang pangalan ni Jehova, si Jehova mismo ang pinupuri niya. Kapag naririnig natin ang pangalan ni Jehova, naiisip natin ang magaganda niyang katangian at mga ginawa. Gusto ni David na purihin at pabanalin ang pangalan ng kaniyang Ama. Gusto niyang gawin iyon nang “buong pagkatao” niya—ibig sabihin, nang buong puso. Nanguna rin ang mga Levita sa pagpuri kay Jehova. Mapagpakumbaba sila, at inamin nila na hindi sapat ang mga salitang sinabi nila para mapapurihan ang banal na pangalan niya. (Basahin ang Nehemias 9:5.) Dahil sa ganiyang mga papuri, siguradong napasaya nila si Jehova.
7. Paano natin mapapapurihan si Jehova kapag nangangaral tayo at nakikipag-usap sa iba?
7 Sa ngayon, mapapasaya natin si Jehova kapag sinasabi natin sa iba kung gaano natin siya kamahal. Kapag nangangaral tayo, tunguhin natin na tulungan ang iba na mapalapit kay Jehova at mahalin din nila siya gaya natin. (Sant. 4:8) Gustong-gusto nating ipakita sa kanila ang sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jehova—kung paano siya nagpapakita ng pag-ibig, katarungan, karunungan, kapangyarihan, at iba pang magagandang katangian. Napapapurihan at napapasaya rin natin si Jehova kapag sinisikap nating tularan siya. (Efe. 5:1) Kapag ginawa natin iyan, baka mapansin ng mga tao na naiiba tayo sa masamang sanlibutang ito at mapaisip sila kung bakit. (Mat. 5:14-16) Kapag nakikipag-usap tayo sa iba, puwede nating ipaliwanag sa kanila kung bakit naiiba ang pamumuhay natin. Dahil diyan, napapalapit sa kaniya ang mga tapat-puso. Kapag pinupuri natin si Jehova sa ganiyang mga paraan, napapasaya natin siya.—1 Tim. 2:3, 4.
NAPAPASAYA NATIN SI JESUS KAPAG PINUPURI NATIN ANG PANGALAN NI JEHOVA
8. Bakit si Jesus ang pinakamagandang halimbawa sa pagpuri sa pangalan ni Jehova?
8 Sa lahat ng nilalang sa langit at sa lupa, si Jesus ang pinakanakakakilala kay Jehova. (Mat. 11:27) Mahal ni Jesus ang kaniyang Ama, at siya ang pinakamagandang halimbawa sa pagpuri sa pangalan ni Jehova. (Juan 14:31) Nang manalangin siya sa kaniyang Ama noong gabi bago siya mamatay, sinabi niya ang pinakamahalagang nagawa niya sa buong ministeryo niya sa lupa: “Ipinakilala ko . . . ang pangalan mo.” (Juan 17:26) Paano niya iyon ginawa?
9. Anong ilustrasyon ang ginamit ni Jesus para talagang makilala ng mga tao ang kaniyang Ama?
9 Hindi lang basta ipinaalám ni Jesus sa mga tao ang pangalan ni Jehova, kasi alam na iyon ng mga Judiong naturuan niya. Nanguna si Jesus sa ‘pagpapaliwanag kung sino ang Ama.’ (Juan 1:17, 18) Halimbawa, mababasa sa Hebreong Kasulatan na si Jehova ay maawain at mapagmalasakit. (Ex. 34:5-7) Nilinaw pa iyan ni Jesus nang gamitin niya ang ilustrasyon tungkol sa alibugha, o masuwayin, na anak at sa ama nito. Kapag binabasa natin ang ulat na natanaw na ng ama ang nagsisisi niyang anak kahit “malayo pa” ito at na tumakbo siya papunta sa anak niya, niyakap ito, at pinatawad nang buong puso, mas naiintindihan natin ang pagiging maawain at mapagmalasakit ni Jehova. (Luc. 15:11-32) Tinulungan ni Jesus ang mga tao na talagang makilala ang kaniyang Ama.
10. (a) Paano natin nalaman na ginamit ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama at na gusto niyang gawin din ito ng iba? (Marcos 5:19) (Tingnan din ang larawan.) (b) Ano ang gusto ni Jesus na gawin natin ngayon?
10 Gusto rin ba ni Jesus na gamitin ng iba ang pangalan ng kaniyang Ama? Oo! Baka may ilang lider ng relihiyon na naniniwala na masyadong banal ang pangalan ng Diyos kaya hindi ito dapat gamitin. Pero hindi ginawang dahilan ni Jesus ang ganiyang paniniwala para hindi parangalan ang pangalan ng kaniyang Ama. Tingnan ang nangyari nang pagalingin ni Jesus ang isang lalaking sinasapian ng demonyo sa lupain ng mga Geraseno. Natakot ang mga tao at nakiusap sila kay Jesus na umalis na siya sa lugar nila. (Mar. 5:16, 17) Pero gusto ni Jesus na malaman ng mga tagaroon ang pangalan ni Jehova. Kaya inutusan niya ang lalaking pinagaling niya na sabihin sa mga tao, hindi ang ginawa niya, kundi ang ginawa ni Jehova. (Basahin ang Marcos 5:19.) a Sa ngayon, gusto rin ni Jesus na ipaalám natin sa lahat ng tao ang pangalan ng kaniyang Ama. (Mat. 24:14; 28:19, 20) Kapag ginawa natin iyan, mapapasaya natin ang Hari nating si Jesus.
11. Ano ang itinuro ni Jesus na ipanalangin ng mga tagasunod niya, at bakit ito mahalaga? (Ezekiel 36:23)
11 Alam ni Jesus ang layunin ni Jehova na pabanalin ang pangalan Niya—na patunayang hindi totoo ang lahat ng kasinungalingan tungkol sa Kaniya. Kaya itinuro ng Panginoon na ipanalangin ng mga tagasunod niya: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang pangalan mo.” (Mat. 6:9) Alam ni Jesus na ito ang pinakaimportanteng isyu sa buong uniberso. (Basahin ang Ezekiel 36:23.) Sa lahat ng nilalang, si Jesus ang pinakamaraming nagawa sa pagpapabanal sa pangalan ni Jehova. Pero nang arestuhin si Jesus, anong akusasyon ang ginamit sa kaniya ng mga kaaway niya? Pamumusong! Alam ni Jesus na ang paninira sa banal na pangalan ng kaniyang Ama ang pinakamalubhang kasalanan, kaya alalang-alala siya sa naging akusasyon sa kaniya. Posibleng iyan ang pinakadahilan kung bakit ‘sobra ang paghihirap ng kalooban’ niya bago siya arestuhin.—Luc. 22:41-44.
12. Paano lubusang pinabanal ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama?
12 Para mapabanal ni Jesus ang pangalan ng kaniyang Ama, tiniis niya ang lahat ng paghihirap, insulto, at paninira tungkol sa kaniya. Alam niya na nasunod niya ang kaniyang Ama sa lahat ng bagay at na wala siyang dapat ikahiya. (Heb. 12:2) Alam din niyang si Satanas mismo ang dahilan ng paghihirap niya nang mga panahong iyon. (Luc. 22:2-4; 23:33, 34) Siguradong inisip ni Satanas na hindi makakapanatiling tapat si Jesus. Pero nagkamali siya! Napatunayan ni Jesus na napakasinungaling ni Satanas at na may mga lingkod si Jehova na makakapanatiling tapat kahit sa pinakamahihirap na pagsubok.
13. Paano mo mapapasaya ang Hari natin?
13 Gusto mo bang mapasaya ang Hari natin? Patuloy mong purihin ang pangalan ni Jehova—tulungan mo ang iba na makilala ang Diyos at malaman ang lahat ng magaganda niyang katangian. Kapag ginagawa mo iyan, natutularan mo si Jesus. (1 Ped. 2:21) At gaya ni Jesus, mapapasaya mo si Jehova at mapapatunayan mo na talagang sinungaling ang kaaway Niyang si Satanas!
PUWEDE NATING MAILIGTAS ANG BUHAY NG IBA KAPAG PINUPURI NATIN ANG PANGALAN NI JEHOVA
14-15. Ano ang puwedeng mangyari kapag itinuturo natin sa iba ang tungkol kay Jehova?
14 Kapag pinupuri natin ang pangalan ni Jehova, puwede nating mailigtas ang buhay ng iba. Paano? Binulag ni Satanas ang isip ng mga di-sumasampalataya. (2 Cor. 4:4) Dahil diyan, napaniwala niya sila sa mga kasinungalingan niya. Halimbawa, may mga hindi naniniwala na may Diyos. Ang iba naman, iniisip nila na walang pakialam ang Diyos sa mga tao at na pinaparusahan niya magpakailanman ang mga gumagawa ng masama. Sinasabi ni Satanas ang lahat ng kasinungalingang ito para sirain ang magandang pangalan ni Jehova at hindi gustuhin ng mga tao na mapalapit sa Kaniya. Pero kapag nangangaral tayo, napipigilan natin si Satanas, kasi itinuturo natin sa mga tao ang katotohanan tungkol sa ating Ama, at napapapurihan nito ang banal na pangalan ng Diyos natin. Ano ang resulta?
15 Makapangyarihan ang mga katotohanan na nasa Salita ng Diyos. Kapag itinuturo natin sa mga tao ang tungkol kay Jehova, hindi na sila mabubulag ni Satanas at makikita nila ang magagandang katangian Niya. Hahanga sila sa walang-hanggang kapangyarihan ng ating Ama. (Isa. 40:26) Matututuhan nilang magtiwala sa kaniya dahil makatarungan siya. (Deut. 32:4) Marami silang matututuhan sa karunungan niya. (Isa. 55:9; Roma 11:33) At magiginhawahan sila kapag nalaman nila na siya ay pag-ibig. (1 Juan 4:8) Habang mas napapalapit sila kay Jehova, nagiging mas totoo sa kanila ang pag-asang buhay na walang hanggan bilang mga anak niya. Kaya isang malaking pribilehiyo para sa atin na tulungan ang mga tao na mapalapit sa kanilang Ama! Kapag ginawa natin iyan, ituturing tayo ni Jehova na “kamanggagawa” niya.—1 Cor. 3:5, 9.
16. Ano ang naging epekto sa ilan nang malaman nila ang pangalan ng Diyos? Magbigay ng mga halimbawa.
16 Sa simula, puwede muna nating ituro sa mga tao na Jehova ang pangalan ng Diyos. Iyan pa lang, posible nang magkaroon ng malaking epekto sa mga tapat-puso. Halimbawa, lumaki ang kabataang babae na si Aaliyah b sa isang di-Kristiyanong pamilya. Pero hindi siya kumbinsido sa turo ng relihiyon niya at hindi siya napapalapit sa Diyos. Nagbago iyon nang makipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi. Mula noon, itinuring na niyang Kaibigan ang Diyos. Nagulat din siya nang malaman niya na inalis pala ang pangalan ng Diyos sa maraming Bibliya at pinalitan ng mga titulo, gaya ng Panginoon. Nang malaman niya ang pangalan ni Jehova, nagbago ang buhay niya. Sinabi niya: “May pangalan pala ang best Friend ko!” Ano ang resulta? Sinabi niya: “Panatag na ako ngayon. Talagang pagpapala sa akin na malaman ang pangalan ni Jehova!” Lumaking Judio ang musician na si Steve. Ayaw niyang sumali sa mga relihiyon kasi nakita niya na pakitang-tao lang ang maraming miyembro nito. Pero nang mamatay ang nanay niya, nakinig siya sa isang Bible study na ginagawa ng mga Saksi ni Jehova. Napakasaya niya sa natutuhan niya. Sinabi niya, “May pangalan pala ang Diyos!” Sinabi pa niya: “Ngayon ko lang siya nakilala! Naging mas totoo siya sa akin, kaya naging Kaibigan na ang turing ko sa kaniya.”
17. Bakit determinado kang patuloy na purihin ang pangalan ni Jehova? (Tingnan din ang larawan.)
17 Kapag nangangaral ka at nagtuturo, sinasabi mo ba sa mga tao ang banal na pangalan ni Jehova? Tinutulungan mo ba silang malaman ang mga katangian ng Diyos? Kung oo, napapapurihan mo ang pangalan Niya. Patuloy mo sanang gawin iyan. Puwede mo silang mailigtas at masusunod mo ang Hari natin, si Kristo Jesus. Higit sa lahat, mapapasaya mo ang ating mapagmahal na Ama, si Jehova. ‘Purihin mo sana ang pangalan niya magpakailanman’!—Awit 145:2.
KAPAG PINUPURI NATIN ANG PANGALAN NG DIYOS, PAANO NATIN . . .
-
napapasaya si Jehova?
-
napapasaya si Kristo Jesus?
-
puwedeng mailigtas ang buhay ng iba?
AWIT BLG. 2 Jehova ang Iyong Ngalan
a May mga dahilan tayo para maniwala na talagang ginamit ni Marcos ang pangalan ng Diyos sa sinabing ito ni Jesus. Kaya ibinalik ito sa Bagong Sanlibutang Salin ng Banal na Kasulatan. Tingnan ang study note sa talatang ito.
b Binago ang mga pangalan.