TALAMBUHAY
“Hindi Talaga Ako Naging Mag-isa”
KAPAG namatayan ka ng mahal sa buhay, lumipat ng ibang lugar, o wala kang ibang kasama, puwede kang malungkot at maramdaman mong mag-isa ka. Alam n’yo, naranasan ko ang lahat ng iyan. Pero kapag pinag-iisipan ko ang mga pinagdaanan ko, masasabi kong hindi talaga ako naging mag-isa. Bakit ko nasabi iyan? Ito ang kuwento ko.
NAGING HALIMBAWA ANG MGA MAGULANG KO
Debotong Katoliko ang mga magulang ko. Pero naging mga Saksi ni Jehova sila nang malaman nila sa Bibliya na Jehova ang pangalan ng Diyos. Itinigil ng tatay ko ang paggawa ng imahen ni Jesus. Dahil marunong siya sa pagkakarpintero, ginawa niyang Kingdom Hall ang baba ng bahay namin. Iyon ang pinakaunang Kingdom Hall sa San Juan del Monte, sa Maynila, ang kabisera ng Pilipinas.
Ipinanganak ako noong 1952. Isinasama na ako ng mga magulang ko kapag inii-study nila ang apat kong kuya at tatlo kong ate. Lagi rin akong sinasabihan ni Tatay na magbasa ng isang kabanata ng Bibliya araw-araw, at ini-study niya ako sa iba’t ibang publikasyon natin. Madalas, iniimbitahan ng mga magulang ko ang mga naglalakbay na tagapangasiwa at mga kapatid mula sa Bethel na tumuloy sa bahay namin. Masayang-masaya kaming pamilya kapag naririnig namin ang mga karanasan nila, at napatibay kami nito na gawing pangunahin sa buhay namin ang paglilingkod kay Jehova.
Napakarami kong natutuhan sa mga magulang ko. Nanatili silang tapat kay Jehova. Nang mamatay si Nanay noong 1971, nagpayunir kami ni Tatay. At nang 20 years old ako noong 1973, namatay naman si Tatay. Noong wala na sila, napakalungkot ko at pakiramdam ko mag-isa na lang ako. Pero nakatulong ang “tiyak at matatag” na pag-asa na nasa Bibliya para manatili akong positibo at malapít sa Diyos na Jehova. (Heb. 6:19) Di-nagtagal pagkamatay ng tatay ko, inimbitahan akong maging special pioneer sa Coron, isang isla sa probinsiya ng Palawan.
MAG-ISA SA HARAP NG MAHIHIRAP NA ATAS
Nakarating ako sa Coron noong 21 ako. Lumaki ako sa lunsod na laging may kuryente at tubig, kaya nagulat ako na hindi ganoon ang sitwasyon doon. Kaunti lang din ang mga sasakyan. Wala rin akong kapartner na payunir kasi kaunti lang ang mga brother doon. Kaya madalas na mag-isa lang
ako kapag nangangaral. Talagang miss na miss ko ang pamilya at mga kaibigan ko noong unang buwan ko doon. Minsan, kapag napapatingin ako sa langit ’pag gabi, napapaluha ako. Parang gusto ko nang iwan ang atas ko at umuwi.Noong mga panahong iyon, sinasabi ko kay Jehova ang lahat ng nararamdaman ko. Lagi ko ring inaalala y’ong mga nabasa ko sa Bibliya at sa mga publikasyon natin. Madalas kong naiisip ang Awit 19:14. Sinasabi kasi doon na si Jehova ang magiging ‘Bato ko at Manunubos’ kapag pinag-iisipan ko ang mga bagay na magpapasaya sa kaniya, pati na y’ong mga ginagawa at katangian niya. Lagi ko ring binabasa ang artikulo sa Watchtower na “You Are Never Alone.” a Nakatulong ito sa akin para makita na kahit mag-isa ako, kasama ko pa rin si Jehova. Pagkakataon din iyon para manalangin, mag-aral, at magbulay-bulay.
Di-nagtagal pagdating ko sa Coron, naging elder ako. At dahil mag-isa lang akong elder, ako ang laging nangangasiwa sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, Pulong sa Paglilingkod, Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat, at Pag-aaral sa Bantayan. Linggo-linggo, ako rin ang nagbibigay ng pahayag pangmadla. Kaya dahil marami na akong ginagawa, hindi ko na naramdaman na mag-isa ako!
Nagkaroon ng magagandang resulta ang ministeryo ko sa Coron. Ang ilan sa mga Bible study ko, nabautismuhan din. Pero hindi naging madali ang pangangaral ko doon. Minsan, kailangan ko pang maglakad nang kalahating araw para lang makarating sa teritoryo. Madalas na hindi ko rin alam kung saan ako puwedeng makitulog pagdating doon. Marami ring maliliit na isla sa teritoryo namin. At kahit mabagyo, sumasakay ako sa bangka para makarating sa mga isla na iyon. Nagawa ko iyon kahit hindi ako marunong lumangoy! Alam ko kasi na iingatan ako ni Jehova. Nakita ko rin na paghahanda niya ito sa akin para sa susunod kong atas.
SA PAPUA NEW GUINEA
Noong 1978, naatasan naman ako sa Papua New Guinea, na nasa hilaga ng Australia. Halos kasinlaki ng Spain ang bansang iyon, at maraming bundok doon. Mga tatlong milyon ang populasyon sa Papua New Guinea, at mahigit 800 wika ang ginagamit doon. Mabuti na lang marunong ang karamihan doon ng Melanesian Pidgin, o Tok Pisin.
Una akong naatasan sa isang English na kongregasyon sa Port Moresby, ang kabisera ng Papua New Guinea. Pero di-nagtagal, lumipat ako sa isang Tok Pisin na kongregasyon kaya kailangan kong pag-aralan ang wikang iyon. Mabilis kong natutuhan ang wika na iyon kasi lagi kong nagagamit sa pangangaral. Di-nagtagal, nakapagpahayag na rin ako sa Tok Pisin. Maniniwala ba kayo kapag sinabi kong naatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito kahit wala pa akong isang taon sa Papua New Guinea? Hindi rin ako makapaniwala! Dahil sa atas na iyon, nakapunta ako sa iba’t ibang Tok Pisin na kongregasyon sa mga probinsiya ng Papua New Guinea.
Magkakalayo ang mga kongregasyong dinadalaw ko kaya marami akong inoorganisa na pansirkitong asamblea. Madalas din akong bumiyahe. Noong una, talagang nanibago ako at naramdaman
kong mag-isa na naman ako. Nasa bagong bansa kasi ako, bagong wika ang ginagamit ko, at kailangan kong matuto ng bagong kultura. Dahil mabato at maraming bundok sa mga kongregasyong pinupuntahan ko, halos linggo-linggo akong sumasakay ng eroplano para marating ang mga iyon. May mga pagkakataon na ako lang ang pasahero sa isang maliit at lumang eroplano. Nakakakabang sumakay doon, parang nasa bangka lang ako!Iilan lang ang may telepono doon, kaya sumusulat ako sa mga kongregasyon. Kaso madalas, hindi agad dumadating ang mga liham ko. Kaya pagdating ko sa lugar na dadalawin ko, nagtatanong ako sa mga tagaroon para mahanap ang mga kapatid. Kapag nagkikita kami ng mga kapatid, ramdam na ramdam ko ang pag-ibig nila. Dahil doon, naaalala ko kung bakit ko ginagawa ang atas ko. Naramdaman ko ang tulong ni Jehova sa maraming paraan, kaya mas naging malapít ako sa kaniya.
Noong unang beses kong dumalo sa isla ng Bougainville, may mag-asawa na bumati sa akin. Nakangiti sila at nagtanong: “Naaalala mo pa kami?” Napangaralan ko pala sila noong unang beses akong dumating sa Port Moresby. Bible study ko sila noon bago ituloy ng isang brother na tagaroon y’ong pagba-Bible study sa kanila. At ngayon, bautisado na sila! Isa lang ito sa mga pagpapala ni Jehova sa akin sa tatlong taon ko sa Papua New Guinea.
NOONG MAY PAMILYA NA AKO
Bago ako umalis ng Coron noong 1978, may nakilala akong isang maganda at mapagsakripisyong sister. Siya si Adel. Regular pioneer siya habang pinapalaki ang dalawa niyang anak na sina Samuel at Shirley. Inaalagaan niya rin ang may-edad na niyang nanay. Bumalik ako sa Pilipinas noong Mayo 1981 para pakasalan si Adel. Di-nagtagal, nagpayunir kaming dalawa at magkasama na naming inalagaan ang pamilya namin.
Noong 1983, naatasan ulit ako na maging special pioneer sa Linapacan, Palawan kahit may pamilya na ako. Walang Saksi sa isla na iyon noong lumipat ang buong pamilya namin. Pero mga isang taon pa lang kami doon, namatay ang nanay ni Adel. Nalungkot talaga kami, pero dahil nag-e-enjoy kami sa ministeryo, nakayanan namin iyon. Dahil sa dami ng Bible study namin na gustong dumalo ng mga pulong, nagtayo kami ng isang maliit na Kingdom Hall. Noong 1986, tuwang-tuwa kami na 110 ang dumalo sa Memoryal. At marami sa kanila, mga Saksi na ngayon.
Noong 1986, naatasan naman kami sa isla ng Culion. Pagkatapos n’on, naging special pioneer si Adel. Sa islang iyon, may komunidad ng mga may ketong. Noong una, nag-aalala kami kapag nangangaral kami sa kanila. Pero tiniyak sa amin ng mga kapatid doon na naggagamot ang mga may ketong at na maliit ang tsansang mahawa kami. Ang iba pa ngang pasyente doon, dumadalo na ng pulong sa bahay ng isang sister. Nasanay rin kami na mangaral sa kanila. Iba pala ang pakiramdam kapag nasasabi natin ang pag-asa ng Bibliya sa mga taong nag-aakalang pinabayaan Luc. 5:12, 13.
na sila ng Diyos at ng iba. Kapag nakikita namin silang masaya dahil umaasa silang magkakaroon sila ng perpektong kalusugan sa hinaharap, nagiging masaya rin kami.—Nanibago rin ang mga anak namin sa Culion. Kaya ang ginawa namin ni Adel, may inimbitahan kaming dalawang kabataang sister mula sa Coron para may makasama sila. Masaya sina Samuel, Shirley, at ang dalawang sister sa pangangaral. Kapag may Bible study kami na pamilya, sa amin ni Adel y’ong mga magulang at sa kanila naman y’ong mga anak. May pagkakataon pa nga na umabot sa 11 pamilya ang inii-study namin. Sa dami ng Bible study namin na sumusulong, nagkaroon ng bagong kongregasyon doon!
Noong una, ako lang ang elder sa lugar na iyon. Kaya inatasan ako ng tanggapang pansangay na manguna sa mga pulong para sa walong mamamahayag sa Culion. Kailangan naming pamilya na bumiyahe nang tatlong oras sa bangka para makarating sa nayon ng Marily. Papangunahan ko naman ang pagpupulong doon kasama ang siyam na mamamahayag. Pagkatapos ng pulong doon, tatawirin namin ang mga bundok para makarating naman sa Halsey. Ilang oras naming lalakarin iyon para makarating sa mga Bible study namin doon.
Di-nagtagal, dumami ang mga kapatid sa Marily at Halsey kaya kailangan na naming magtayo ng Kingdom Hall sa mga lugar na iyon. Gaya ng nangyari sa Linapacan, nagtulong-tulong ang mga kapatid at mga interesado para makapagtayo ng Kingdom Hall. Kasya ang 200 tao sa itinayong Kingdom Hall sa Marily, at puwede pang palakihin iyon para magamit sa mga asamblea.
NAPALITAN NG SAYA ANG LUNGKOT AT PAG-IISA
Nang adulto na ang mga anak namin noong 1993, nagsimula kami ni Adel na maglingkod sa mga sirkito sa Pilipinas. At noong 2000, naimbitahan akong mag-aral sa Ministerial Training School para sanaying maging instructor sa paaralan ding iyon. Pakiramdam ko, hindi ko kaya ang atas na iyon. Pero pinatibay ako ni Adel. Lagi niyang sinasabi sa akin na tutulungan ako ni Jehova sa bagong Fil. 4:13) Nasabi iyon ni Adel kasi siya mismo, naranasan niya ang tulong ni Jehova sa mga atas niya habang may sakit siya.
atas ko. (Nang instructor ako noong 2006, nagulat kami nang ma-diagnose si Adel na may Parkinson’s disease! Sinabi ko na huminto na kami sa atas namin para maalagaan ko siya, pero sinabi niya, “Hanap ka lang ng doktor na makakatulong sa sakit ko, at alam kong tutulungan tayo ni Jehova sa atas natin.” Sa sumunod na anim na taon, nagpatuloy si Adel sa atas niya nang walang reklamo. Noong hindi na siya makapaglakad, nag-wheelchair siya para makapangaral pa rin. Noong hirap na siyang magsalita, nagkokomento pa rin siya sa mga pulong kahit isa o dalawang salita lang. Maraming kapatid ang nagpapasalamat sa kaniya dahil sa magandang halimbawa niya ng pagtitiis hanggang sa mamatay siya noong 2013. Mahigit 30 taon din kaming nagsama. Talagang tapat at mapagmahal siyang asawa. Kaya noong wala na siya, sobrang nalungkot ako at pakiramdam ko na mag-isa na ulit ako.
Gusto ni Adel na magpatuloy ako, kaya iyon ang ginawa ko. Dahil naging busy ako, hindi ko na naramdaman na mag-isa ako. Mula 2014 hanggang 2017, inatasan akong dumalaw sa mga Tagalog na kongregasyon sa mga bansang may pagbabawal. Pagkatapos, pinuntahan ko rin ang mga Tagalog na kongregasyon sa Taiwan, United States, at Canada. Noong 2019, nagturo ako sa English class ng School for Kingdom Evangelizers sa India at Thailand. Sobrang saya ko sa lahat ng atas na ito. Napakasaya ko kapag napakarami kong ginagawa para kay Jehova!
LAGING MAY TUTULONG SA ATIN
Mahal na mahal ko ang mga kapatid, kaya nahihirapan akong iwan sila kapag kailangan ko nang lumipat sa susunod na atas. Sa mga panahong iyon, natuto akong magtiwala kay Jehova. Lagi kong nakikita y’ong tulong niya. Kaya kapag nagbago ang atas o sitwasyon ko, handa akong tanggapin iyon. Ngayon, special pioneer ako sa Pilipinas. Lagi akong sinusuportahan at tinutulungan ng bago kong kongregasyon. Masaya rin akong makita na tinutularan nina Samuel at Shirley ang katapatan ng nanay nila.—3 Juan 4.
Marami akong naranasang hamon sa buhay. Nakita kong mahirapan at mamatay ang asawa ko dahil sa malubhang sakit. Kinailangan ko ring mag-adjust sa mga pagbabago. Pero nakita ko na ‘hindi malayo si Jehova sa bawat isa sa atin.’ (Gawa 17:27) “Hindi maikli” ang kamay ni Jehova para tulungan at palakasin ang mga lingkod niya kahit nasa malalayong lugar sila. (Isa. 59:1) Siya ang Bato ko, at noon pa man, lagi ko na siyang kasama. Talagang nagpapasalamat ako sa kaniya kasi hindi talaga ako naging mag-isa.
a Tingnan ang The Watchtower, isyu ng Setyembre 1, 1972, p. 521-527.