Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Huwag Maging Makasarili

Huwag Maging Makasarili

INIISIP ng marami ngayon na mas espesyal sila kaysa sa iba. At nakukulangan sila sa anumang bagay na natatanggap nila. Makasarili ang ganitong mga tao at hindi sila mapagpasalamat. Sinasabi ng Bibliya na magiging ganiyan ang mga tao sa mga huling araw.​—2 Tim. 3:2.

Mula pa noon, makasarili na ang mga tao. Halimbawa, gusto nina Adan at Eva na sila ang pipili kung ano ang tama at mali, at dahil diyan marami tayong problema ngayon. Ganiyan din si Haring Uzias ng Juda. Inisip niya na dahil hari siya, puwede na siyang maghandog ng insenso sa templo. Pero maling-mali siya. (2 Cro. 26:​18, 19) Inisip din ng mga Pariseo at Saduceo na dahil ninuno nila si Abraham, dapat lang na mas espesyal ang tingin sa kanila ng Diyos.​—Mat. 3:9.

Kung hindi tayo mag-iingat, baka magaya natin ang mga nakakasama natin na makasarili. (Gal. 5:26) Baka maisip din natin na karapat-dapat tayo sa isang pribilehiyo o na dapat espesyal ang tingin ng iba sa atin. Para maiwasan iyan, dapat malaman natin ang tingin ni Jehova. At makakatulong sa atin ang dalawang prinsipyo sa Bibliya.

Si Jehova ang nagpapasiya kung ano ang nararapat nating tanggapin. Tingnan ang ilang halimbawa.

  • Sa loob ng pamilya, tama lang na tumanggap ang asawang lalaki ng respeto mula sa asawa niya; para sa asawang babae naman, ang pagmamahal ng asawa niya. (Efe. 5:33) Dapat na sila lang ang makatanggap ng romantikong pag-ibig ng asawa nila. (1 Cor. 7:3) Tama lang na sundin ng mga anak ang mga magulang nila, at nararapat namang tumanggap ng pagmamahal at pag-aalaga ang mga anak mula sa mga magulang nila.​—2 Cor. 12:14; Efe. 6:2.

  • Sa kongregasyon, karapat-dapat sa paggalang ang mga elder dahil sa mga pagsisikap nila. (1 Tes. 5:12) Pero wala silang karapatan na kontrolin ang mga kapatid.​—1 Ped. 5:​2, 3.

  • Binigyan ng Diyos ng karapatan ang mga nasa awtoridad na maningil ng buwis at tumanggap ng respeto sa mga nasasakupan nila.​—Roma 13:​1, 6, 7.

Higit pa ang ibinibigay ni Jehova sa atin dahil mahal na mahal niya tayo. Tama lang na mamatay tayo dahil makasalanan tayo. (Roma 6:23) Pero dahil sa tapat na pag-ibig ni Jehova, napakarami niyang ibinibigay sa atin. (Awit 103:​10, 11) Tandaan, kapag may natatanggap tayong pagpapala o pribilehiyo, dahil iyon sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova.​—Roma 12:​6-8; Efe. 2:8.

MGA PUWEDENG GAWIN PARA HINDI MAGING MAKASARILI

Huwag magpaimpluwensiya sa kaisipan ng mga tao ngayon. Iniisip nila na dapat mas marami silang natatanggap kaysa sa iba. At baka nagagaya na natin sila nang hindi natin napapansin. Alam ni Jesus na posibleng mangyari iyan. Tingnan ang ilustrasyon niya tungkol sa mga manggagawang pumayag na magtrabaho para sa isang denario. May ilan na nagtrabaho nang maaga at buong araw sa initan; ang iba naman, isang oras lang nagtrabaho. Inisip ng mga mas maagang nagtrabaho na dapat mas mataas ang sahod nila. (Mat. 20:​1-16) Itinuturo dito ni Jesus na dapat maging kontento ang mga tagasunod niya sa anumang ibinibigay ni Jehova.

Inisip ng ilang manggagawa na dapat mas mataas ang sahod nila dahil buong araw silang nagtrabaho

Maging mapagpasalamat at huwag maging mapaghanap. (1 Tes. 5:18) Tularan si apostol Pablo. Hindi siya humingi sa mga kapatid sa Corinto ng suporta sa materyal kahit na may karapatan siyang gawin iyon. (1 Cor. 9:​11-14) Dapat nating pahalagahan ang anumang bagay na natatanggap natin, at hindi tayo dapat maging mapaghanap.

Hindi humingi ng suporta sa materyal si apostol Pablo

Maging mapagpakumbaba. Kapag masyadong mataas ang tingin ng isa sa sarili niya, puwede niyang maisip na kulang pa ang natatanggap niya. Kaya para maiwasan ang maling kaisipang iyan, dapat tayong maging mapagpakumbaba.

Naging kalugod-lugod si propeta Daniel kay Jehova dahil mapagpakumbaba siya

Magandang halimbawa ng kapakumbabaan si propeta Daniel. Galing siya sa isang prominenteng pamilya, guwapo siya, matalino, at marami siyang kakayahan. Kaya puwede niyang maisip na karapat-dapat siya sa respeto at mga pribilehiyong mayroon siya. (Dan. 1:​3, 4, 19, 20) Pero nanatiling mapagpakumbaba si Daniel, kaya naging kalugod-lugod siya kay Jehova.​—Dan. 2:30; 10:​11, 12.

Huwag nating gayahin ang pagiging makasarili ng mga tao ngayon. Maging masaya tayo sa anumang natatanggap natin mula kay Jehova dahil sa walang-kapantay na kabaitan niya!