Isang Simpleng Tanong na Magagamit Mo
Si Mary at ang asawa niyang si John a ay nakatira sa isang bansa kung saan maraming trabahador mula sa Pilipinas. Nangangaral sila sa mga trabahador na iyon. At noong panahon ng pandemic, maraming nasimulang Bible study si Mary. Kasama na doon ang mga tagaibang bansa. Paano kaya niya iyon nagawa?
Tinatanong ni Mary ang mga Bible study niya, “May kilala ka pa bang gustong matuto tungkol sa Bibliya?” Kung oo ang sagot nila, itatanong niya kung puwede niya itong makilala. Maganda ang naging resulta ng pagtatanong ni Mary. Bakit? Kasi kapag nagustuhan ng mga tao ang sinasabi ng Bibliya, madalas na gusto rin nila itong sabihin sa mga kapamilya at kaibigan nila. At iyan ang nangyari nang magtanong si Mary sa mga Bible study niya.
Nang tanungin ni Mary ang tinuturuan niyang si Jasmin, may ipinakilala itong apat na interesado. Isa na diyan si Kristine. Dahil nagustuhan ni Kristine ang pagba-Bible study sa kaniya, tinanong niya si Mary kung okey lang na mag-aral sila nang dalawang beses sa isang linggo. Tinanong din ni Mary si Kristine kung may kilala pa siyang gusto ring matuto tungkol sa Bibliya. Sinabi ni Kristine, “Meron. Sige, ipakilala kita sa kanila.” Sa sumunod na mga linggo, ipinakilala ni Kristine kay Mary ang apat niyang kaibigan na gustong matuto tungkol sa Bibliya. Di-nagtagal, may mga ipinakilala pa si Kristine kay Mary na interesadong mag-aral, at may ipinakilala rin ang mga ito kay Mary.
Gusto ring ipa-Bible study ni Kristine ang pamilya niya sa Pilipinas. Kaya kinausap niya ang anak niyang si Andrea. Noong una, inisip ni Andrea, ‘Kulto ang mga Saksi, at hindi sila naniniwala kay Jesus. ’Tapos, Lumang Tipan lang ang ginagamit nila.’ Pero nagbago ang tingin niya sa mga Saksi pagkatapos ng unang Bible study sa kaniya. Kapag may natututuhan siyang bago mula sa Bibliya, sasabihin niya, “Basta galing sa Bibliya, totoo iyan!”
Pagkatapos, ipinakilala ni Andrea kay Mary ang dalawa niyang kaibigan at isang katrabaho, at nagpa-Bible study rin ang mga ito. Habang nag-i-study sina Andrea at Mary, nakikinig pala ang bulag na tita ni Andrea na si Angela. Isang araw, sinabi niya kay Andrea na gusto niyang magpa-Bible study kay Mary. Nagustuhan ni Angela ang mga natututuhan niya. Sa loob lang ng isang buwan, marami na siyang nakabisadong teksto at gusto nang magpa-Bible study apat na beses bawat linggo! At sa tulong ni Andrea, nakakadalo na rin siya sa mga pulong gamit ang videoconference.
Napansin din ni Mary na nakikinig ang asawa ni Kristine, si Joshua, habang nagba-Bible study sila. Kaya tinanong niya kung gusto nitong sumama. Sinabi ni Joshua, “Makikinig lang ako, pero kung tatanungin mo na ako, aalis ako.” Mga limang minuto pa lang sa study, mas marami na siyang naitanong kaysa kay Kristine, at gusto na rin niyang magpa-Bible study.
Sa isang simpleng tanong, dumami ang tinuturuan ni Mary. At marami sa kanila, ipina-study niya sa ibang mga kapatid. Lahat-lahat, may 28 bagong Bible study si Mary mula sa apat na bansa.
Naalala ba ninyo si Jasmin na binanggit kanina? Nabautismuhan siya noong Abril 2021. Nabautismuhan naman si Kristine noong Mayo 2022 at bumalik na sa Pilipinas para makasama ang pamilya niya. Dalawa sa mga ipinakilala ni Kristine kay Mary, nabautismuhan na rin. Ilang buwan lang pagkatapos mabautismuhan ni Kristine, nabautismuhan na rin si Angela at isa nang regular pioneer ngayon. Patuloy pa rin na nagpapa-Bible study sina Joshua at Andrea, pati na ang iba pang tinuturuan ni Mary.
Noong panahon ni Jesus at ng mga apostol, sinabi ng marami ang mabuting balita sa mga kapamilya at kaibigan nila. (Juan 1:41, 42a; Gawa 10:24, 27, 48; 16:25-33) Subukan mo ring tanungin ang mga tinuturuan mo at mga interesadong kakilala mo, “May kilala ka pa bang gustong matuto tungkol sa Bibliya?” Malay mo, maraming magpa-Bible study sa iyo!
a Binago ang mga pangalan.