Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Tunay na Kaibigan

Maging Tunay na Kaibigan

NARANASAN mo na bang magkaproblema at wala kang mahingan ng tulong? Puwede nating maramdaman na mag-isa lang tayo ngayong ‘mapanganib at mahirap ang mga kalagayan.’ (2 Tim. 3:1) Pero hindi natin kailangang harapin ang mga problema nang mag-isa lang. Sinasabi ng Bibliya na kapag “may problema” tayo, matutulungan tayo ng mga tunay na kaibigan natin.​—Kaw. 17:17.

ANG NAGAGAWA NG MGA TUNAY NA KAIBIGAN

Kahit inutusan si Pablo na huwag lumabas ng bahay, nagawa pa rin niya ang ministeryo niya sa tulong ng mga kaibigan niya

May mga nakasamang kaibigan si apostol Pablo noong misyonero siya, at marami silang naitulong sa kaniya. (Col. 4:​7-11) Noong nakabilanggo na si Pablo sa Roma, ginawa ng mga kaibigan niya ang mga atas na hindi niya magawa. Halimbawa, nang gustong magbigay ng mga taga-Filipos kay Pablo ng mga bagay na kailangan niya, dinala ni Epafrodito ang mga iyon sa kaniya. (Fil. 4:18) Si Tiquico naman ang nagdala ng mga liham ni Pablo sa iba’t ibang kongregasyon. (Col. 4:7; tingnan ang study note.) Kahit inutusan si Pablo na huwag umalis ng bahay o noong nakabilanggo na siya, nagawa pa rin niya ang ministeryo niya sa tulong ng mga kaibigan niya. Matutularan mo ba ang mga kaibigan ni Pablo? Puwede ka rin bang maging tunay na kaibigan?

Maraming halimbawa ngayon ng mga tunay na kaibigan. Tingnan ang karanasan ni Elisabet, isang regular pioneer sa Spain. Noong ma-diagnose na may cancer ang nanay niya, may sister na nag-message ng mga pampatibay sa kaniya gamit ang mga teksto mula sa Bibliya. Nasabi ni Elisabet, “Dahil sa mga message na ’yon, hindi ko naramdamang mag-isa ako kahit may mga problema ako.”​—Kaw. 18:24.

Mas magiging malapít tayo sa mga kapatid kung tutulungan natin sila sa mga gawain sa kongregasyon. Halimbawa, puwede nating isama sa sasakyan ang mga may-edad nang kapatid kapag dadalo tayo sa mga pulong o mangangaral. Kapag ginawa natin iyan, mapapatibay pa natin ang isa’t isa. (Roma 1:12) Kaso, may ilang kapatid na wala sa kalagayang lumabas ng bahay nila. Ano kaya ang puwede nating gawin para tulungan sila?

MAGING TUNAY NA KAIBIGAN SA MGA WALA SA KALAGAYANG LUMABAS NG BAHAY

May mga kapatid na hindi makadalo nang in-person dahil sa problema sa kalusugan o iba pang kalagayan. Isa na diyan si David na na-diagnose na may lymphoma. Mahigit anim na buwan na dumalo si David at ang asawa niyang si Lidia gamit ang videoconference dahil kini-chemotherapy siya.

Ano ang ginawa ng mga kapatid sa kongregasyon? Pagkatapos ng bawat pulong, may ilang hindi agad umaalis ng Kingdom Hall para makausap sina David at Lidia gamit ang videoconference. At kapag nagkomento sina David at Lidia, tinetext sila ng mga kapatid pagkatapos ng pulong para pasalamatan sila. Dahil diyan, naramdaman nilang mahal sila ng mga kapatid.

Samahan sa ministeryo ang mga kapatid na wala sa kalagayang lumabas ng bahay

Puwede nating isama sa ministeryo ang mga kapatid na wala sa kalagayang lumabas ng bahay. Kung ia-adjust natin ang schedule natin para sa kanila, maipapadama nating hindi natin sila kinakalimutan. (Kaw. 3:27) Puwede natin silang samahan sa letter writing o telephone witnessing. Puwede ring isaayos ng mga elder na gumamit ng videoconference para makasama sila sa mga pagtitipon bago lumabas sa larangan. Ginawa iyan ng kongregasyon nina David at Lidia, at nagpapasalamat sila dahil doon. Sabi ni David, “Marinig lang namin ang mga kagrupo namin sa meeting for field service, napapatibay na kami.” At kung papayag ang kapatid na wala sa kalagayang lumabas ng bahay, puwede mong isama paminsan-minsan sa bahay niya ang inaaralan mo sa Bibliya para makapag-Bible study kayo.

Kapag nakakasama natin ang mga kapatid na wala sa kalagayang lumabas ng bahay, nakikita natin ang magagandang katangian nila at mas napapalapít tayo sa kanila. Halimbawa, humahanga tayo sa kanila kapag naririnig natin kung paano nila ginagamit ang Bibliya para tulungan ang iba na mapalapít sa Diyos. Kapag sinasamahan mo sila sa pangangaral at mga pulong, magkakaroon ka rin ng mga bagong kaibigan.​—2 Cor. 6:13.

Noong nasa mahihirap na kalagayan si Pablo, pinuntahan siya ng kaibigan niyang si Tito. Kaya gumaan ang loob ni Pablo. (2 Cor. 7:​5-7) Itinuturo sa atin ng halimbawa ni Tito na mapapatibay natin ang iba sa sinasabi natin. Mapapatibay rin natin sila kapag sinasamahan at tinutulungan natin sila.​—1 Juan 3:18.

MAGING TUNAY NA KAIBIGAN SA MGA INUUSIG

Napakagandang halimbawa ng pagiging tunay na kaibigan ang mga kapatid natin sa Russia. Tingnan ang halimbawa ni Sergey at ng asawa niyang si Tatyana. Pagkatapos i-raid ng mga pulis ang bahay nila, dinala sila sa presinto. Unang pinalaya si Tatyana. Sinabi ni Sergey: “Pagdating na pagdating [ni Tatyana] ng bahay, isang sister ang dumating. Marami pang kapatid ang sumunod para tulungan kami sa paglilinis ng bahay.”

Sinabi pa ni Sergey: “Paborito ko ang Kawikaan 17:17: ‘Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon at isang kapatid na maaasahan kapag may problema.’ Napakahalaga nito sa akin sa panahong ito ng pag-uusig lalo na kapag nahihirapan na ako. Binigyan ako ni Jehova ng mga kaibigang malalakas ang loob.” a

Pahirap nang pahirap ang mga kalagayan ngayon, kaya kailangan natin ng mga kaibigang malalapitan. At mas kakailanganin natin ang tulong nila kapag malaking kapighatian na. Kaya ngayon pa lang, sikapin nating maging tunay na kaibigan sa iba!—1 Ped. 4:​7, 8.