Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 6

AWIT BLG. 18 Salamat sa Pantubos

Pahalagahan ang Pagpapatawad ni Jehova

Pahalagahan ang Pagpapatawad ni Jehova

“Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak.”​—JUAN 3:16.

MATUTUTUHAN

Mas mapapahalagahan natin ang pagpapatawad ni Jehova kung alam natin ang mga bagay na ginawa niya para mapatawad ang mga kasalanan natin.

1-2. Ano ang pagkakatulad natin sa sitwasyon ng lalaki sa parapo 1?

 ISIPIN ang isang kabataang lalaking may mayamang magulang. Isang araw, naaksidente at namatay ang mga magulang niya. Napakasakit nito para sa kaniya. Pero mayroon pa siyang nalaman. Inubos pala ng mga magulang niya ang pera nila at baon sila sa utang. Imbes na kayamanan, utang ang minana niya. Ngayon, hinahabol na siya ng mga pinagkautangan nila, at imposible niyang mabayaran ang lahat ng iyon.

2 Masasabing ganiyan din ang sitwasyon natin. Perpekto at nakatira sa isang napakagandang paraiso ang mga magulang nating sina Adan at Eva. (Gen. 1:27; 2:​7-9) Puwede sana silang mabuhay nang masaya magpakailanman. Pero lahat ng ito ay nagbago nang magkasala sila. Naiwala nila ang Paraiso at ang pagkakataong mabuhay magpakailanman. Kaya ano ang maipapamana nila sa mga anak nila? Sinasabi ng Bibliya: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan], ang kasalanan ay pumasok sa sangkatauhan at dahil sa kasalanan ay pumasok ang kamatayan, kaya naman ang kamatayan ay lumaganap sa lahat ng tao, dahil silang lahat ay nagkasala.” (Roma 5:12) Namana natin kay Adan ang kasalanan kaya tayo namamatay. Gaya ito ng isang napakalaking utang na hindi natin kayang bayaran.​—Awit 49:8.

3. Bakit gaya ng “utang” ang mga kasalanan natin?

3 Itinulad ni Jesus ang mga kasalanan natin sa “utang.” (Mat. 6:​12, tlb.; Luc. 11:4) Kapag nagkakasala tayo, para bang nagkakautang tayo kay Jehova. May karapatan siyang singilin tayo sa mga kasalanan natin. At kung walang tutulong sa atin, makakalaya lang tayo sa utang kung mamamatay tayo.​—Roma 6:​7, 23.

4. (a) Kung walang tutulong sa makasalanang mga tao, ano ang mangyayari? (Awit 49:​7-9) (b) Saan tumutukoy ang salitang “kasalanan” kapag ginagamit ito sa Bibliya? (Tingnan ang kahong “ Kasalanan.”)

4 Posible pa ba nating maibalik ang lahat ng naiwala nina Adan at Eva? Kung tayo lang, hindi na. (Basahin ang Awit 49:​7-9.) Kung walang tutulong sa atin, wala na tayong pag-asang mabuhay nang walang hanggan at mamamatay na lang tayong gaya ng mga hayop na hindi na bubuhaying muli.​—Ecles. 3:19; 2 Ped. 2:12.

5. Ano ang ginawa ng ating mapagmahal na Ama para tulungan tayong mabayaran ang minana nating kasalanan? (Tingnan ang larawan.)

5 Balikan natin ang kabataang lalaki na binanggit kanina. Ano kaya ang mararamdaman niya kung may isang taong mayaman na handang bayaran ang mga utang niya? Siguradong ipagpapasalamat niya iyon at tatanggapin ang tulong na iyon. Ganiyan din ang ginawa ng mapagmahal nating Ama, si Jehova. Siya ang nagbigay ng pambayad sa kasalanang minana natin kay Adan. Ipinaliwanag ni Jesus ang ginawa ng Ama niya: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Dahil din sa regalong ito, puwede na ulit maging kaibigan ni Jehova ang mga tao.

Si Jesus na nangangaral tungkol sa mga ginawa ni Jehova para mapatawad ang mga kasalanan natin. (Juan 3:16) Ibinigay rin niya ang buhay niya para maging pantubos (Tingnan ang parapo 5)


6. Anong mga termino sa Bibliya ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit?

6 Ano ang kailangan nating gawin para makinabang tayo sa napakagandang regalong ito ni Jehova at mapatawad ang mga kasalanan, o “utang,” natin? Makakatulong sa atin kung aalamin natin ang ibig sabihin ng mga terminong ito sa Bibliya: pakikipagkasundo, pagbabayad-sala, pampalubag-loob, pantubos, pagpapalaya, at maipahayag na matuwid. Tatalakayin natin ang mga iyan sa artikulong ito. At habang mas naiintindihan natin ang mga ekspresyong iyan, mas mapapahalagahan natin ang mga ginawa ni Jehova para mapatawad tayo.

ANG GUSTONG MANGYARI NG DIYOS: MAIPAGKASUNDO SA KANIYA ANG MGA TAO

7. (a) Ano pa ang naiwala nina Adan at Eva? (b) Dahil nagmula tayo kina Adan at Eva, ano ang kailangang-kailangan natin? (Roma 5:​10, 11)

7 Hindi lang buhay na walang hanggan ang naiwala nina Adan at Eva. Naiwala rin nila ang napakagandang kaugnayan nila sa Ama nilang si Jehova. Noon, parte sila ng pamilya ng Diyos. (Luc. 3:38) Pero itinakwil sila ni Jehova nang suwayin nila siya. Nangyari ito bago pa sila magkaanak. (Gen. 3:​23, 24; 4:1) At dahil nagmula tayo sa kanila, kailangan nating maipagkasundo kay Jehova. (Basahin ang Roma 5:​10, 11.) Ibig sabihin, kailangan nating magkaroon ng magandang kaugnayan sa kaniya. Ayon sa isang reperensiya, ang salitang Griego para sa terminong “naipagkasundo” ay puwedeng mangahulugang “maging magkaibigan ang dating magkaaway.” Nakakapagpatibay malaman na si Jehova pa ang unang kumilos para maipagkasundo ang mga tao sa kaniya. Paano niya iyon ginawa?

ANG GINAWANG KAAYUSAN NG DIYOS: PAGBABAYAD-SALA

8. Ano ang (a) pagbabayad-sala? (b) pag-aalay ng pampalubag-loob?

8 Ang pagbabayad-sala ay ang kaayusang ginawa ng Diyos para maibalik ang mabuting kaugnayan sa kaniya ng makasalanang mga tao. Sa kaayusang ito, naglaan si Jehova ng eksaktong katumbas ni Adan para maibalik ang naiwala nito. Ginamit din sa Kristiyanong Griegong Kasulatan ang isa pang ekspresyon na kasingkahulugan ng “pagbabayad-sala,” ang pag-aalay ng pampalubag-loob. (Roma 3:25) Dahil sa pampalubag-loob na ito, posible tayong magkaroon ng mapayapa at magandang kaugnayan sa Diyos.

9. Anong pansamantalang kaayusan ang ginawa ni Jehova para mapatawad ang kasalanan ng mga Israelita?

9 Gumawa si Jehova ng pansamantalang kaayusan para mapatawad ang kasalanan ng mga Israelita at magkaroon sila ng magandang kaugnayan sa kaniya. Ito ang Araw ng Pagbabayad-Sala, na ipinagdiriwang ng mga Israelita taon-taon. Sa araw na iyon, maghahandog ang mataas na saserdote ng mga hayop para sa bayan. Siyempre, hindi lubusang mababayaran ng mga handog na ito ang mga kasalanan nila, kasi nakakahigit ang mga tao kaysa sa mga hayop. Pero hangga’t inihahandog ng mga nagsisising Israelita ang mga hinihiling ni Jehova, handa siyang patawarin sila. (Heb. 10:​1-4) Bukod diyan, naipapaalala ng kaayusang ito at ng regular na paghahandog ng mga Israelita na makasalanan sila at na kailangang-kailangan nila ng permanenteng solusyon.

10. Ano ang permanenteng kaayusang ginawa ni Jehova para mapatawad ang mga kasalanan natin?

10 Gumawa si Jehova ng permanenteng kaayusan para mapatawad ang mga kasalanan natin. Isinugo niya ang pinakamamahal niyang Anak, na ‘naghandog ng buhay nito nang minsanan para dalhin ang kasalanan ng marami.’ (Heb. 9:28) Ibinigay ni Jesus “ang buhay niya bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mat. 20:28) Ano ba ang pantubos?

ANG HALAGANG IBINAYAD NG DIYOS: ANG PANTUBOS

11. (a) Ano ang pantubos ayon sa Bibliya? (b) Anong klase ng tao ang kailangan para maging pantubos?

11 Ayon sa Bibliya, ang pantubos ang halagang kailangan para mabayaran ang kasalanan natin at maipagkasundo tayo sa Diyos. a Ito ang magiging basehan ni Jehova para ibalik ang naiwala. Ano nga bang klase ng pantubos ang kailangan? Para masagot iyan, tandaan ang naiwala nina Adan at Eva—ang pagiging perpekto at ang pagkakataong mabuhay nang walang hanggan. Kaya ang pantubos ay dapat na kasinghalaga ng buhay na naiwala nila. (1 Tim. 2:6) Para mabayaran ito, kailangan ng isang adultong lalaki na (1) perpekto, (2) may pagkakataong mabuhay nang walang hanggan sa lupa, at (3) handang ibigay ang buhay niya para sa atin. Ang buhay ng taong iyon ang ibabayad, o papalit, sa buhay na naiwala.

12. Bakit puwedeng maging pantubos si Jesus?

12 Tingnan ang tatlong dahilan kung bakit puwedeng maging pantubos si Jesus. (1) Perpekto siya—“hindi siya nagkasala.” (1 Ped. 2:22) (2) Dahil diyan, puwede siyang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. (3) Handa siyang mamatay at ibigay ang buhay niya para sa atin. (Heb. 10:​9, 10) Perpekto si Jesus, gaya ni Adan bago magkasala. (1 Cor. 15:45) Kaya noong mamatay si Jesus, naibigay niya ang pambayad-sala na kailangan para maibalik ang naiwala ni Adan. (Roma 5:19) Dahil diyan, tinawag si Jesus na “huling Adan.” Hindi na kailangan ang isa pang perpektong tao para bayaran ang naiwala ni Adan. Namatay si Jesus “nang minsanan.”​—Heb. 7:27; 10:12.

13. Ano ang pagkakaiba ng pagbabayad-sala at ng pantubos?

13 Ano ang pagkakaiba ng pagbabayad-sala at ng pantubos? Ang pagbabayad-sala ay ang kaayusang ginawa ng Diyos para maibalik ang magandang kaugnayan sa kaniya ng mga tao. Ang pantubos naman ay ang halagang pambayad para sa pagkakasala ng mga tao. Ito ang perpektong buhay na ibinigay ni Jesus para sa atin.​—Efe. 1:7; Heb. 9:14.

ANG RESULTA: MAPALAYA ANG TAO SA KASALANAN AT MAIPAHAYAG NA MATUWID

14. Ano ang tatalakayin natin ngayon, at bakit?

14 Paano tayo nakikinabang sa ginawa ni Jehova para sa atin? Para masagot iyan, talakayin natin ang dalawang ekspresyong ginamit sa Bibliya. Makikita dito kung paano tayo nakikinabang sa pagpapatawad ni Jehova.

15-16. (a) Sa Bibliya, saan tumutukoy ang salitang “pagpapalaya”? (b) Ano ang nararamdaman mo dahil binigyan ka ng pagkakataong makalaya?

15 Sa Bibliya, ang pagpapalaya ay tumutukoy sa pagpapawalang-sala dahil sa ibinayad na pantubos. Ganito ang sinabi ni apostol Pedro tungkol diyan: “Alam ninyo na pinalaya [lit., “tinubos”] kayo mula sa walang-saysay na pamumuhay na natutuhan ninyo sa mga ninuno ninyo, hindi sa pamamagitan ng mga bagay na nasisira, ng pilak o ginto, kundi sa pamamagitan ng mahalagang dugo, gaya ng sa isang walang-dungis at walang-batik na kordero, ang kay Kristo.”​—1 Ped. 1:​18, 19; tlb.

16 Dahil sa pantubos, puwede tayong mapalaya sa kasalanan at kamatayan na nagpapahirap sa atin. (Roma 5:21) Talagang napakalaki ng utang na loob natin kay Jehova dahil pinalaya niya tayo. Nagpapasalamat din tayo kay Jesus kasi namatay siya para sa atin.​—1 Cor. 15:22.

17-18. (a) Ano ang ibig sabihin ng ekspresyong “maipahayag na matuwid”? (b) Ano ang mga bagay na naging posible dahil ipinahayag tayong matuwid?

17 Sinasabi ng Bibliya na ipinahayag na matuwid ni Jehova ang mga lingkod niya. Ibig sabihin, hindi na niya tayo sisingilin sa mga kasalanan natin. Hindi naman ibig sabihin nito na nilalabag ni Jehova ang pamantayan niya ng katarungan. Hindi niya tayo ipinahayag na matuwid dahil sa mga nagawa natin o dahil kinukunsinti niya tayo. Pinatawad niya tayo at ipinahayag na matuwid dahil nanampalataya tayo sa ginawa niya at ng kaniyang Anak para matubos tayo.​—Roma 3:24; Gal. 2:16.

18 Ano ang mga naging posible dahil ipinahayag tayong matuwid? May mga napiling mamahalang kasama ni Jesus sa langit at naging mga anak ng Diyos. (Tito 3:7; 1 Juan 3:1) Pinatawad na ang mga kasalanan nila. Binura iyon ni Jehova na para bang hindi sila nagkasala, kaya puwede na silang maging bahagi ng Kaharian. (Roma 8:​1, 2, 30) Ang iba naman na ipinahayag na matuwid ay titira dito sa lupa magpakailanman. Pinatawad na ni Jehova ang mga kasalanan nila at naging mga kaibigan niya sila. (Sant. 2:​21-23) Kasama diyan ang malaking pulutong na makakaligtas sa Armagedon. Ang grupong ito ay may pagkakataong hindi na mamatay. (Juan 11:26) Ang mga namatay na “matuwid” at “di-matuwid” ay bubuhaying muli. (Gawa 24:15; Juan 5:​28, 29) Pagkatapos, lahat ng masunuring mga lingkod ni Jehova sa lupa ay magkakaroon ng “maluwalhating kalayaan bilang mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Gustong-gusto na nating dumating ang panahon na magiging perpekto na tayong mga anak ni Jehova!

19. Paano gumanda ang sitwasyon natin dahil sa ginawa ni Jehova at ni Jesus? (Tingnan din ang kahong “ Ang Pagpapatawad ni Jehova.”)

19 Kagaya tayo dati ng lalaking binanggit sa pasimula, na naiwala ang lahat at nagmana ng malaking utang na hindi niya kailanman mababayaran. Buti na lang, tinulungan tayo ni Jehova! Nagbago ang kalagayan natin dahil sa kaayusan ng pagbabayad-sala at sa pantubos. Dahil sa pananampalataya natin kay Jesu-Kristo, puwede tayong mapalaya sa kasalanan at kamatayan. Napapatawad din ni Jehova ang mga kasalanan natin at binubura iyon na para bang hindi iyon nangyari. Higit sa lahat, nagkaroon tayo ng pagkakataong maging malapít sa Ama natin sa langit, si Jehova.

20. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

20 Habang pinag-iisipan natin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin, talagang nag-uumapaw ang puso natin sa pasasalamat. (2 Cor. 5:15) Kung wala ang tulong nila, wala tayong pag-asa! Sa susunod na artikulo, tatalakayin naman natin ang mga ilustrasyon sa Bibliya na nagpapakita kung paano tayo personal na nakikinabang sa pantubos.

AWIT BLG. 10 Purihin si Jehova na Ating Diyos!

a Sa ilang wika, ang salitang “pantubos” ay literal na isinasaling “presyo (o, halaga) ng buhay” o “pambayad.”