ARALING ARTIKULO 8
AWIT BLG. 130 Maging Mapagpatawad
Tularan ang Pagpapatawad ni Jehova
“Kung paanong lubusan kayong pinatawad ni Jehova, dapat na ganoon din ang gawin ninyo.”—COL. 3:13.
MATUTUTUHAN
Kung ano ang mga puwede nating gawin para mapatawad ang nakasakit sa atin.
1-2. (a) Sa anong pagkakataon mas mahirap magpatawad? (b) Paano naging mapagpatawad si Denise?
NAHIHIRAPAN ka bang magpatawad? Marami sa atin ang nahihirapang gawin iyan, lalo na kapag may nasabi o nagawa ang iba na sobrang nakasakit sa atin. Pero may magagawa tayo para malabanan ang nararamdaman natin at maging mapagpatawad. Halimbawa, tingnan ang karanasan ng sister na si Denise. a Nagawa niyang magpatawad kahit napakasakit ng nangyari sa kaniya. Noong 2017, bumisita si Denise at ang pamilya niya sa kakabukas lang na punong-tanggapan ng mga Saksi ni Jehova. Noong pauwi na sila, may lalaki na nawalan ng kontrol sa sasakyan niya at bumangga sa sinasakyan nila. Nawalan ng malay si Denise dahil sa aksidente. Nang magkamalay siya, nalaman niyang sugatan ang mga anak niya at namatay ang asawa niyang si Brian. Kapag naiisip ni Denise ang mga nangyari, sobra siyang nasasaktan at gulong-gulo siya. Pagkatapos, nalaman niya na normal naman ang lalaking nakabangga sa kanila—hindi ito nakainom, naka-drugs, at walang ibang dahilan para hindi ito makapagpokus sa pagmamaneho. Kaya nanalangin siya kay Jehova na tulungan siyang maging panatag para makontrol niya ang nararamdaman niya.
2 Kinasuhan ng pagpatay ang lalaking nakabangga sa kanila. Kapag nahatulan siyang nagkasala, puwede siyang makulong. Pero sinabi ng korte kay Denise na nakadepende sa testimonya niya kung ano ang magiging hatol sa lalaki. Sinabi ni Denise, “Pakiramdam ko, parang binuksan ulit ang mga sugat ko at binuhusan ng napakaraming asin—kailangan ko kasing ikuwento ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko.” Pagkalipas lang ng ilang linggo, pumunta si Denise sa korte para magbigay ng testimonya sa harap ng lalaki na naging dahilan ng lahat ng iyon. Ano ang sinabi ni Denise? Nakiusap siya sa judge na magpakita ng awa sa lalaki. b Pagkatapos niyang magsalita, umiyak ang judge at sinabi: “Twenty-five years na akong judge, pero ngayon lang ako nakakita ng ganito sa korte. Ngayon lang ako nakarinig na nakiusap ang pamilya ng biktima na kaawaan ang akusado. Hindi ko akalain na may taong kayang magpatawad nang ganiyan.”
3. Ano ang nakatulong kay Denise na maging mapagpatawad?
3 Ano ang nakatulong kay Denise na mapatawad ang lalaki? Pinag-isipan niya ang pagpapatawad ni Jehova. (Mik. 7:18) Kapag iniisip natin kung paano tayo pinatawad ni Jehova, tutulong ito sa atin na patawarin din ang iba.
4. Ano ang gusto ni Jehova na gawin natin? (Efeso 4:32)
4 Gusto ni Jehova na lubusan nating patawarin ang iba kung paano niya tayo pinapatawad. (Basahin ang Efeso 4:32.) Inaasahan niya na magiging mapagpatawad tayo kapag may nakasakit sa atin. (Awit 86:5; Luc. 17:4) Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang tatlong bagay na tutulong sa atin na maging mas mapagpatawad.
HUWAG BALE-WALAIN ANG NARARAMDAMAN MO
5. Sa Kawikaan 12:18, paano inilarawan ang puwedeng maramdaman ng isa kapag may nakasakit sa kaniya?
5 Baka may magawa o masabi ang iba na sobrang makasakit sa atin. At mas masakit pa ito kung malapít sa atin o kapamilya natin ang nakagawa nito. (Awit 55:12-14) Kung minsan, sa sobrang sakit, para tayong sinaksak. (Basahin ang Kawikaan 12:18.) Baka maisip natin na bale-walain na lang ang nararamdaman natin. Pero kung gagawin natin iyan, para tayong sinaksak at pagkatapos ay hinayaan na lang ang kutsilyo na nakabaon sa atin. Kaya hindi gagaling ang nasaktan nating damdamin kung babale-walain natin ito.
6. Ano ang posible nating maging reaksiyon kapag may ginawa sa atin na hindi maganda?
6 Kapag may ginawang hindi maganda sa atin, baka magalit tayo. Sinasabi sa Bibliya na posible talagang maramdaman natin iyan. Pero sinasabi rin dito na hindi tayo dapat magpakontrol sa galit. (Awit 4:4; Efe. 4:26) Bakit? Kasi puwedeng makaapekto sa ginagawa natin ang nararamdaman natin. At kadalasan nang hindi maganda ang resulta kapag nagpapadala tayo sa galit. (Sant. 1:20) Totoo, baka hindi mo mapigilang magalit, pero nasa sa iyo na kung mananatili kang galit.
Baka hindi mo mapigilang magalit, pero nasa sa iyo na kung mananatili kang galit
7. Ano pa ang posible nating maramdaman kapag may ginawang hindi maganda sa atin?
7 Kapag ginawan tayo ng masama, ano pa ang puwedeng maging epekto nito sa atin? Halimbawa, sinabi ng sister na si Ann: “Noong bata pa ako, iniwan ni Papa si Mama at pinakasalan ang yaya ko. Pakiramdam ko, pinabayaan ako. Nang magkaanak sila, parang wala na silang pakialam sa akin. Kaya noong lumalaki ako, iniisip kong walang nagmamahal sa akin.” Ganito naman ang naramdaman ni Georgette nang pagtaksilan siya ng mister niya: “Durog na durog ang puso ko. Bata pa lang kasi kami, magkaibigan na kami. Magkasama pa nga kaming nagpayunir.” Sinabi naman ni Naomi: “Kahit kailan, hindi ko naisip na kaya akong saktan ng mister ko. Kaya nang aminin niyang nanonood siya ng pornograpya nang patago, pakiramdam ko, niloko niya ako at pinagtaksilan.”
8. (a) Ano ang ilang dahilan kung bakit dapat nating patawarin ang iba? (b) Ano ang mga pakinabang kapag nagpapatawad tayo? (Tingnan ang kahong “ Kapag Na-trauma Tayo sa Ginawa ng Isang Tao.”)
8 Hindi natin makokontrol ang sasabihin o gagawin ng iba sa atin. Pero makokontrol natin ang sarili natin. Kapag may nakasakit sa atin, madalas na ang pinakamagandang gawin ay magpatawad. Bakit? Kasi mahal natin si Jehova at gusto niya na maging mapagpatawad tayo. Kapag nagpadala tayo sa galit at hindi nagpatawad, malamang na makagawa tayo ng mga bagay na pagsisisihan natin. Baka makaapekto pa nga ito sa kalusugan natin. (Kaw. 14:17, 29, 30) Ganito ang sinabi ng sister na si Christine: “Kapag nangingibabaw sa akin ang galit, ang hirap ngumiti. Madalas, hindi masustansiya ang kinakain ko. Hindi rin ako masyadong makatulog at mas mahirap sa akin na kontrolin ang emosyon ko. Dahil dito, apektado na ang pakikitungo ko sa asawa ko at sa iba.”
9. Bakit dapat nating alisin ang galit sa puso natin?
9 Kahit hindi humingi ng tawad ang nakasakit sa atin, may puwede tayong gawin para hindi tayo masyadong maapektuhan ng ginawa niya. Sinabi ni Georgette, na binanggit kanina: “Medyo matagal-tagal din, pero naalis ko rin ang sama ng loob at galit ko sa dati kong asawa. Dahil dito, talagang naging payapa ako.” Kapag inalis natin ang galit sa puso natin, hindi na ito makakaapekto sa pakikitungo natin sa iba. Natutulungan din natin ang sarili natin—nakaka-move on tayo at nagiging masaya ulit sa buhay. (Kaw. 11:17) Pero ano ang dapat mong gawin kung hindi mo pa rin magawang magpatawad?
KONTROLIN ANG NARARAMDAMAN MO
10. Bakit kailangan ng panahon para maalis ang galit? (Tingnan din ang mga larawan.)
10 Paano natin maaalis ang galit? Kung minsan, baka kailangan lang ng panahon. Isipin ang isang taong nagkaroon ng matinding injury. Kailangan niya ng panahon para maka-recover. Ganiyan din kapag sobra tayong nasaktan. Baka kailangan din natin ng panahon para maalis ang galit at magpatawad.—Ecles. 3:3; 1 Ped. 1:22.
11. Paano makakatulong ang panalangin para maging mapagpatawad ka?
11 Ipanalangin kay Jehova na tulungan kang magpatawad. c Nakatulong kay Ann, na binanggit kanina, ang pananalangin. Sinabi niya: “Ipinanalangin ko kay Jehova na patawarin ang bawat isa sa pamilya namin para sa mga nasabi o nagawa naming mali. Sumulat din ako kay Papa at sa asawa niya ngayon at sinabi kong pinatawad ko na sila.” Inamin ni Ann na hindi madali iyon. Pero sinabi niya, “Umaasa ako na dahil sinisikap kong tularan ang pagpapatawad ni Jehova, maiisip ni Papa at ng asawa niya na kilalanin si Jehova.”
12. Bakit dapat tayong magtiwala kay Jehova imbes na sa nararamdaman natin? (Kawikaan 3:5, 6)
12 Magtiwala kay Jehova, hindi sa nararamdaman mo. (Basahin ang Kawikaan 3:5, 6.) Laging alam ni Jehova kung ano ang pinakamabuti para sa atin. (Isa. 55:8, 9) Hinding-hindi niya ipapagawa ang isang bagay na makakasama sa atin. Kaya nang sabihin niyang maging mapagpatawad tayo, alam niyang tayo rin ang makikinabang kapag ginawa natin ito. (Awit 40:4; Isa. 48:17, 18) Pero kung iisipin natin na tama lang ang nararamdaman natin, baka hindi natin magawang magpatawad. (Kaw. 14:12; Jer. 17:9) Sinabi ni Naomi, na binanggit kanina: “Noong una, iniisip kong tama lang na hindi ko patawarin ang asawa ko sa panonood niya ng pornograpya. Natatakot kasi ako na baka masaktan niya ako ulit o baka makalimutan niya ang naging epekto nito sa akin. At alam kong naiintindihan naman ako ni Jehova. Pero naisip ko na hindi porke naiintindihan ni Jehova ang nararamdaman ko, sang-ayon na siya dito. Alam niya ang pinagdadaanan ko at na kailangan ko ng panahon para maalis ang galit ko. Pero gusto rin niyang maging mapagpatawad ako.” d
BAGUHIN ANG NARARAMDAMAN MO
13. Ayon sa Roma 12:18-21, ano ang kailangan nating gawin?
13 Kung gusto nating patawarin ang isa na sobrang nakasakit sa atin, sapat na bang huwag na lang nating pag-usapan ang nangyari? Hindi. May kailangan pa tayong gawin. Kung kapatid ang nakasakit sa atin, kailangan nating makipagkasundo sa kaniya. (Mat. 5:23, 24) Imbes na magalit, gusto nating magpakita ng awa at magpatawad. (Basahin ang Roma 12:18-21; 1 Ped. 3:9) Ano ang makakatulong sa atin na magawa iyan?
14. Ano ang dapat na sikapin nating gawin, at bakit?
14 Nagpopokus si Jehova sa magagandang katangian ng mga tao. Dapat natin siyang tularan at tingnan din ang magagandang katangian ng taong nakasakit sa atin. (2 Cro. 16:9; Awit 130:3) Kadalasan na, makikita natin sa isang tao kung ano ang gusto nating makita sa kaniya—mabuti man iyon o masama. Kaya kung hahanapin natin ang magagandang katangian ng iba, makikita natin iyon at tutulong iyon sa atin na patawarin sila. Tingnan ang sinabi ng brother na si Jarrod, “Mas madali sa akin na patawarin ang isang kapatid kapag iniisip ko ang magagandang bagay na gusto ko sa kaniya imbes na ang nagawa niya sa akin.”
15. Bakit makakatulong kung sasabihin natin na napatawad na natin ang nakasakit sa atin?
15 Maganda rin kung sasabihin natin sa taong nakasakit sa atin na pinatawad na natin siya. Bakit? Tingnan ang sinabi ni Naomi, na binanggit kanina: “Nang tanungin ako ng asawa ko kung napatawad ko na siya, hindi ako makasagot. Kaya na-realize ko na hindi ko pa talaga siya napapatawad. Bandang huli, nagawa ko ring sabihin na pinatawad ko na siya. Mangiyak-ngiyak siya nang marinig niya iyon. Hindi ko akalain na ganoon kalaki ang magiging epekto nito sa aming dalawa. Pagkatapos n’on, bumalik ang tiwala ko sa kaniya at naging malapít na ulit kami sa isa’t isa.”
16. Ano ang natutuhan mo tungkol sa pagpapatawad?
16 Gusto ni Jehova na maging mapagpatawad tayo. (Col. 3:13) Totoo, baka mahirap gawin iyan. Pero magagawa natin iyan kung hindi natin babale-walain ang nararamdaman natin at sisikaping kontrolin ito. Kapag nagawa na natin iyan, magiging mas madali na sa atin na baguhin ang nararamdaman natin.—Tingnan ang kahong “ Tatlong Hakbang sa Pagpapatawad.”
PAG-ISIPAN ANG MGA PAKINABANG KAPAG NAGPAPATAWAD TAYO
17. Paano tayo nakikinabang kapag nagpapatawad tayo?
17 Maraming dahilan kung bakit dapat tayong magpatawad. Tingnan natin ang ilan sa mga iyon. Una, natutularan natin at napapasaya ang ating maawaing Ama, si Jehova. (Luc. 6:36) Ikalawa, naipapakita natin ang pasasalamat natin sa pagpapatawad ni Jehova sa atin. (Mat. 6:12) At ikatlo, nakakabuti ito sa kalusugan natin at napapaganda nito ang kaugnayan natin sa iba.
18-19. Ano ang puwedeng maging resulta kung magiging mapagpatawad tayo?
18 Kapag nagpatawad tayo, baka may magagandang bagay na mangyari na hindi natin inaasahan. Halimbawa, tingnan ang resulta ng pagpapatawad ni Denise, na binanggit kanina. Hindi niya alam na plano ng lalaking nakaaksidente sa kanila na magpakamatay pagkatapos ng paglilitis. Pero dahil sa pagpapatawad niya, napakilos ang lalaki na mag-aral ng Bibliya kasama ang mga Saksi ni Jehova.
19 Baka pakiramdam natin, pagpapatawad ang isa sa pinakamahirap na kailangan nating gawin. Pero baka isa rin iyon sa pinakamakakapagpasaya sa atin. (Mat. 5:7) Kaya gawin sana natin ang buong makakaya natin na tularan ang pagpapatawad ni Jehova!
AWIT BLG. 125 “Maligaya ang mga Maawain”
a Binago ang ilang pangalan.
b Sa ganitong sitwasyon, personal na desisyon ng bawat Kristiyano kung ano ang gagawin niya.
c Tingnan ang video ng mga original song na “Magpatawaran Tayo,” “Magpatawad Mula sa Puso,” at “Ibalik ang Pagkakaibigan” na nasa jw.org.
d Kasalanan ang panonood ng pornograpya at nakakasakit ito sa asawa ng isa, pero hindi ito makakasulatang dahilan para sa diborsiyo.