Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang “salita ng Diyos” na tinutukoy ng Hebreo 4:12 na “buháy at may lakas”?
Ipinakikita ng konteksto na ang tinutukoy ni apostol Pablo ay ang mensahe, o kapahayagan ng layunin ng Diyos, gaya ng makikita natin sa Bibliya.
Ang Hebreo 4:12 ay madalas gamitin sa ating mga publikasyon para ipakita na may kapangyarihan ang Bibliya na baguhin ang buhay ng mga tao, at tama naman ang pagkakapit na iyon. Pero makatutulong kung uunawain natin ang Hebreo 4:12 batay sa malawak na konteksto nito. Hinihimok noon ni Pablo ang mga Kristiyanong Hebreo na makipagtulungan sa mga layunin ng Diyos. Marami sa mga layuning iyon ang isinulat sa banal na mga kasulatan. Ginamit na halimbawa ni Pablo ang mga Israelita na iniligtas mula sa Ehipto. May pag-asa silang makapasok sa ipinangakong lupain na “inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan,” kung saan magkakaroon sila ng tunay na kapahingahan.—Ex. 3:8; Deut. 12:9, 10.
Iyan ang ipinahayag na layunin ng Diyos noon. Pero pinatigas ng mga Israelita ang kanilang puso at hindi sila nanampalataya, kaya karamihan sa kanila ay hindi nakapasok sa kapahingahang iyon. (Bil. 14:30; Jos. 14:6-10) Gayunman, idinagdag ni Pablo na mayroon pang ‘pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Diyos.’ (Heb. 3:16-19; 4:1) Ang “pangako” na iyon ay maliwanag na bahagi ng ipinahayag na layunin ng Diyos. Gaya ng mga Kristiyanong Hebreo, mababasa natin ang layuning iyon at maaari tayong makipagtulungan doon. Para ipakitang batay sa Kasulatan ang pangakong ito, sinipi ni Pablo ang ilang bahagi ng Genesis 2:2 at Awit 95:11.
Dapat na makaimpluwensiya sa atin ang pagkaalam na ‘may naiwan pang pangako ng pagpasok sa kapahingahan ng Diyos.’ Nagtitiwala tayo na talagang posible ang sinabi ng Bibliya na pag-asang makapasok sa kapahingahan ng Diyos, at may ginawa na tayong mga hakbang para makapasok doon. Ginawa natin iyon hindi sa pamamagitan ng pagsunod sa Kautusang Mosaiko o ng iba pang mga gawa para matamo ang pagsang-ayon ni Jehova. Sa halip, sa pamamagitan ng pananampalataya, nakipagtulungan tayo at patuloy na nakikipagtulungan sa isiniwalat na layunin ng Diyos. Bukod diyan, gaya ng nabanggit na, libo-libo sa buong daigdig ang nag-aral ng Bibliya at nakaalam ng mga kapahayagan ng layunin ng Diyos. Binago ng marami sa kanila ang kanilang paraan ng pamumuhay, nanampalataya, at naging bautisadong Kristiyano. Katibayan ito na “ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.” Nakaimpluwensiya na nang malaki sa buhay natin ang ipinahayag na layunin ng Diyos, na nasa Bibliya, at patuloy itong magkakaroon ng lakas o impluwensiya sa ating buhay.