Mga Magulang, Tulungan ang mga Anak na Magkaroon ng Pananampalataya
“Mga binata at kayo ring mga dalaga . . . Purihin nila ang pangalan ni Jehova.”—AWIT 148:12, 13.
1, 2. (a) Anong hamon ang napapaharap sa mga magulang, at paano nila iyon mapagtatagumpayan? (b) Anong apat na bagay ang tatalakayin natin?
“NANINIWALA kami kay Jehova, pero hindi ibig sabihing maniniwala na rin ang mga anak namin,” ang sabi ng isang mag-asawa sa France. Sinabi pa nila: “Hindi namamana ang pananampalataya. Kailangang unti-unti itong linangin ng mga anak namin.” Isinulat naman ng isang brother sa Australia: “Pinakamahirap na hamon na yata ang pagtulong sa iyong mga anak na magkaroon ng pananampalataya. Kailangan mong samantalahin ang lahat ng tulong na makukuha mo. Akala mo nasagot mo na ang tanong ng anak mo. Pero itatanong na naman niya iyon! Ang mga sagot mo ngayon ay baka hindi na sapat sa kaniya bukas. Kailangan ninyong paulit-ulit na pag-usapan ang ilang paksa.”
2 Kung isa kang magulang, naiisip mo ba kung kakayanin mong turuan at sanayin ang iyong mga anak para lumaki silang may pananampalataya? Ang totoo, hindi natin iyon kakayanin sa sarili lang natin! (Jer. 10:23) Pero puwede tayong magtagumpay kung aasa tayo sa patnubay ng Diyos. Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng pananampalataya? (1) Kilalanin silang mabuti. (2) Ituro kung ano ang nasa iyong puso. (3) Gumamit ng magagandang ilustrasyon. (4) Maging mapagpasensiya at laging manalangin.
KILALANING MABUTI ANG IYONG MGA ANAK
3. Paano matutularan ng mga magulang ang halimbawa ni Jesus sa pagtuturo?
3 Tinatanong ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod kung ano ang paniniwala nila. (Mat. 16:13-15) Tularan mo siya. Habang nagkukuwentuhan kayo o gumagawang magkakasama, tanungin ang iyong mga anak kung ano ang iniisip nila at nadarama. May mga alinlangan ba sila? Isinulat ng isang 15-taóng-gulang na brother sa Australia: “Madalas akong kausapin ni Daddy tungkol sa pananampalataya ko, at tinutulungan niya akong mangatuwiran. Tinatanong niya ako: ‘Ano’ng sinasabi ng Bibliya?’ ‘Pinaniniwalaan mo ba iyon?’ ‘Bakit ka naniniwala?’ Gusto niyang sumagot ako sa sariling pananalita at huwag lang basta ulitin ang sinabi niya o ni Mommy. Habang lumalaki ako, kailangan kong palawakin ang mga sagot ko.”
4. Bakit mahalagang seryosohin ang mga tanong ng iyong anak? Magbigay ng halimbawa.
4 Huwag magalit o makipagtalo kapag nag-aalinlangan ang iyong anak sa isang turo. Matiyaga siyang tulungang mangatuwiran sa bagay na iyon. “Seryosohin ang mga tanong ng anak mo,” ang sabi ng isang ama. “Huwag mong bale-walain ang mga iyon, at huwag iwasan ang isang paksa dahil lang sa hindi ka komportableng pag-usapan iyon.” Makabubuting ituring ang mga tanong ng iyong anak bilang indikasyon na gusto niyang maunawaan ang bagay na iyon. Kahit 12 taóng gulang lang si Jesus, nagbangon siya ng seryosong mga tanong. (Basahin ang Lucas 2:46.) “Nang sabihin ko sa mga magulang ko na iniisip ko kung tayo nga ba ang tunay na relihiyon,” ang naalaala ng isang 15-taóng-gulang na kabataan sa Denmark, “kalmado lang sila—kahit maaaring nag-aalala sila sa akin. Sinagot nila ang lahat ng tanong ko gamit ang Bibliya.”
5. Paano maipakikita ng mga magulang na mahalaga sa kanila ang pananampalataya ng kanilang mga anak?
5 Kilalaning mabuti ang iyong mga anak—alamin ang kanilang iniisip, nadarama, at ikinababahala. Huwag ipagpalagay na may pananampalataya sila dahil lang sa dumadalo sila sa mga pagpupulong at nakikibahagi sa ministeryo kasama mo. Araw-araw na pag-usapan ang espirituwal na mga bagay. Manalangin kasama ng iyong mga anak at ipanalangin din sila. Alamin ang anumang pagsubok sa kanilang pananampalataya, at tulungan silang harapin ang mga iyon.
ITURO KUNG ANO ANG NASA IYONG PUSO
6. Kapag ikinintal ng mga magulang sa sarili nilang puso ang katotohanan sa Bibliya, paano ito makatutulong sa kanilang pagtuturo?
6 Bilang guro, naabot ni Jesus ang puso ng mga tao dahil mahal niya si Jehova, ang Salita ng Diyos, at ang mga tao. (Luc. 24:32; Juan 7:46) Maaabot din ng mga magulang ang puso ng kanilang mga anak kung mayroon sila ng ganitong pag-ibig. (Basahin ang Deuteronomio 6:5-8; Lucas 6:45.) Kaya mga magulang, maging masigasig na estudyante ng Bibliya at ng ating mga publikasyon. Maging interesado sa paglalang at sa mga artikulong tumatalakay sa paksang ito. (Mat. 6:26, 28) Sa paggawa nito, lalalim ang kaalaman at pagpapahalaga ninyo para kay Jehova at mas matuturuan ninyo ang inyong mga anak.—Luc. 6:40.
7, 8. Ano ang magiging resulta kapag nasa puso ng mga magulang ang katotohanan sa Bibliya? Magbigay ng halimbawa.
7 Kapag nasa iyong puso ang katotohanan sa Bibliya, gugustuhin mo itong ipakipag-usap sa iyong pamilya. Gawin ito palagi, hindi lang kapag naghahanda kayo para sa pagpupulong o sa panahon ng pampamilyang pagsamba. Dapat na maging natural ang gayong pag-uusap, hindi pilít kundi bahagi ng araw-araw na pagkukuwentuhan ninyo. Kapag nasisiyahan ang isang mag-asawa sa United States sa isang magandang bagay sa kalikasan o sa isang pagkain, binabanggit nila si Jehova sa kanilang mga anak. “Ipinaaalaala namin sa mga anak namin na mahal tayo ni Jehova at talagang pinag-isipan niya ang lahat ng bagay na inilaan niya sa atin,”
ang sabi nila. Kapag magkakasama silang gumagawa sa hardin, ipinakikipag-usap ng isang mag-asawang taga-South Africa sa kanilang dalawang anak na babae ang tungkol sa paglalang at kung paano nagiging halaman ang mga buto. “Tinutulungan namin ang aming mga anak na igalang ang buhay at ang kahanga-hangang pagkamasalimuot nito,” ang sabi ng mga magulang.8 Noong mga 10 taóng gulang pa lang ang kaniyang anak na lalaki, sinamantala ng isang ama sa Australia ang pagpunta nila sa isang museo para patibayin ang pananampalataya ng kaniyang anak sa Diyos at sa paglalang. “Nakakita kami ng isang displey tungkol sa sinaunang mga nilikha sa dagat na tinatawag na mga ammonoid at trilobite,” ang sabi ng ama. “Humanga kami dahil ang mga hayop na ito, na extinct na, ay magaganda, masalimuot, at kumpleto—gaya rin ng mga hayop na nakikita natin sa ngayon. Kung totoong nag-evolve ang buhay mula sa simple tungo sa masalimuot na mga anyo, bakit napakasalimuot na ng sinaunang mga nilikhang ito? Iyan ay isang aral na tumatak sa akin at ibinahagi ko sa aking anak.”
GUMAMIT NG MABIBISANG ILUSTRASYON
9. Bakit mabisa ang mga ilustrasyon? Anong ilustrasyon ang ginamit ng isang ina?
9 Madalas gumamit si Jesus ng mga ilustrasyon para tulungan ang kaniyang mga tagapakinig na mag-isip, maabot ang kanilang puso, at matandaan ang kaniyang itinuro. (Mat. 13:34, 35) Mahusay ang imahinasyon ng mga bata. Kaya mga magulang, laging gumamit ng ilustrasyon kapag nagtuturo. Ganiyan ang ginawa ng isang ina sa Japan. Nang ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay 8 at 10 taóng gulang, itinuro niya sa kanila ang tungkol sa atmospera ng lupa at kung paano ito maingat na inihanda ni Jehova. Para ipaghalimbawa iyan, binigyan niya ang dalawang bata ng gatas, asukal, at kape. Pagkatapos, hinilingan niya ang bawat isa sa kanila na ipagtimpla siya ng kape. “Ingat na ingat sila,” ang paliwanag niya. “Nang tanungin ko sila kung bakit, sinabi nila na gusto nilang makuha ang timpla na gusto ko. Ipinaliwanag ko sa kanila na maingat ding tinimpla ng Diyos ang mga gas sa ating atmospera—na tamang-tama para sa atin.” Bagay na bagay ang ilustrasyong iyon sa edad ng mga bata, at nakuha nito ang kanilang atensiyon at natuwa sila. Tiyak na hindi nila malilimutan ang aral na iyon!
10, 11. (a) Anong ilustrasyon ang magagamit mo para tulungan ang iyong anak na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.) (b) Anong mga ilustrasyon ang nakita mong mabisa?
10 Puwede ka pa ngang gumamit ng isang resipi para tulungan ang iyong anak na magkaroon ng pananampalataya sa Diyos. Paano? Kapag nag-bake ka ng cake o cookies, ipaliwanag ang kahalagahan ng resipi. Pagkatapos, bigyan ang anak mo ng isang prutas, marahil isang mansanas, at tanungin siya: “Alam mo bang ang mansanas na ito ay nagsimula sa isang ‘resipi’?” Saka hiwain ang mansanas, at bigyan siya ng isang buto. Puwede mong sabihin na ang resipi ay “nakasulat” sa buto ng mansanas pero sa isang wika na mas komplikado kaysa sa mga salitang nasa isang aklat ng resipi. Tanungin siya: The Origin of Life—Five Questions Worth Asking.
“Kung may nagsulat ng resipi para sa cake, sino kaya ang nagsulat ng mas komplikadong resipi para sa mansanas?” Kung medyo malaki na ang bata, puwede mong ipaliwanag na ang resipi para sa mansanas—at para sa puno ng mansanas—ay bahagi ng code na nasa DNA. Puwede pa nga ninyong tingnan ang ilang larawan na nasa pahina 10 hanggang 20 ng brosyur na11 Ipinakikipag-usap ng maraming magulang sa kanilang mga anak ang mga artikulo sa Gumising! sa seryeng “May Nagdisenyo Ba Nito?” Kung napakabata pa ng kanilang mga anak, ginagamit nila ito para ipaliwanag sa kanila ang simpleng mga ideya. Halimbawa, inihalintulad ng isang mag-asawa sa Denmark ang mga eroplano sa mga ibon. “Ang mga eroplano ay kamukha ng mga ibon,” ang sabi nila. “Pero puwede bang mangitlog ang mga eroplano at magkaanak ng maliliit na eroplano? Kailangan ba ng mga ibon ng espesyal na lugar kung saan sila puwedeng mag-landing? Kumusta naman ang tunog ng eroplano kung ihahambing sa huni ng ibon? Kaya sino ang mas matalino—ang gumawa ng mga eroplano o ang Maylikha ng mga ibon?” Ang gayong mga paliwanag, kasama ng mahuhusay na tanong, ay tutulong sa isang bata na magkaroon ng “kakayahang mag-isip” at pananampalataya sa Diyos.—Kaw. 2:10-12.
12. Paano makatutulong sa mga bata ang mga ilustrasyon para magkaroon sila ng pananampalataya sa Bibliya?
12 Ang mabibisang ilustrasyon ay maaari ding magpatibay ng pananampalataya ng isang bata sa pagiging tumpak ng Bibliya. Halimbawa, pag-isipan ang Job 26:7. (Basahin.) Paano mo maipakikitang kinasihan ang tekstong ito? Puwede ka namang bumanggit lang ng impormasyon. Pero bakit hindi mo subukang paganahin ang imahinasyon ng iyong anak? Sabihin sa kaniya na nabuhay si Job matagal na panahon bago pa nagkaroon ng mga teleskopyo at spaceship. Hilingin sa iyong anak na ipakita kung bakit para sa ilan, mahirap paniwalaan na puwedeng lumutang ang isang napakalaking bagay, gaya ng planetang Lupa. Puwede siyang gumamit ng isang bola o bato para ipakita na ang mga bagay na mabigat ay kailangang nakapatong sa isang bagay. Makikita ng bata na ipinasulat na ni Jehova sa Bibliya ang katotohanan bago pa man ito mapatunayan ng mga tao.—Neh. 9:6.
IPAKITA ANG KAHALAGAHAN NG MGA SIMULAIN SA BIBLIYA
13, 14. Paano maidiriin ng mga magulang sa kanilang mga anak ang kahalagahan ng mga simulain sa Bibliya?
13 Mahalaga ring ituro sa iyong mga anak ang kahalagahan ng mga simulain sa Bibliya. (Basahin ang Awit 1:1-3.) Magagawa mo ito sa iba’t ibang paraan. Halimbawa, sabihin sa iyong mga anak na kunwari titira sila sa isang malayong isla at pipili sila ng mga taong makakasama nila roon. Tanungin sila, “Anong mga katangian ang dapat taglayin ng bawat isa para mamuhay nang payapa at magkasundo ang buong grupo?” Puwede mong ipakipag-usap sa kanila ang matalinong tagubilin na nasa Galacia 5:19-23.
14 Dalawang aral ang matututuhan nila. Una, ang pamantayan ng Diyos ay nagtataguyod ng kapayapaan at pagkakaisa. Ikalawa, tinuturuan tayo ngayon ni Jehova kung paano mamumuhay sa bagong sanlibutan. (Isa. 54:13; Juan 17:3) Maidiriin mo ang mga puntong ito sa pamamagitan ng isang karanasan mula sa ating mga publikasyon. Puwede kang kumuha sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay,” na nasa Bantayan. O kung may kakongregasyon kayo na gumawa ng malalaking pagbabago para mapalugdan si Jehova, puwede mo siyang anyayahan at ipakuwento ang kaniyang karanasan. Sa gayon, makakakita ang iyong mga anak ng buháy na halimbawa ng pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya!—Heb. 4:12.
15. Ano ang pangunahing tunguhin mo kapag nagtuturo sa iyong mga anak?
15 Ang punto ay: Kapag nagtuturo, huwag
maging nakababagot. Gamitin ang iyong imahinasyon. Pasiglahing mag-isip ang iyong mga anak, at ibagay ang iyong pagtuturo sa kanilang edad. Gawing kapana-panabik ang pag-aaral, at nakapagpapatibay ng pananampalataya. “Huwag magsawang mag-eksperimento ng bagong paraan para ituro ang mga lumang paksa,” ang sabi ng isang ama.MAGKAROON NG PANANAMPALATAYA, MAGING MAPAGPASENSIYA, AT LAGING MANALANGIN
16. Bakit mahalaga ang pagpapasensiya sa pagtuturo sa mga anak? Magbigay ng halimbawa.
16 Kailangan ang espiritu ng Diyos para magkaroon ng matibay na pananampalataya. (Gal. 5:22, 23) Tulad ng isang literal na prutas, kailangan ang panahon para lumago ang pananampalataya. Kaya naman kailangan mong maging mapagpasensiya at matiyaga sa pagtuturo sa iyong mga anak. “Tinutukan naming mabuti ang aming mga anak,” ang sabi ng isang ama sa Japan na may dalawang anak. “Mula noong maliliit pa sila, inii-study ko sila nang 15 minuto araw-araw, maliban na lang kapag may pulong. Tamang-tama lang ang 15 minuto para sa kanila at sa amin.” Isinulat ng isang tagapangasiwa ng sirkito: “Noong tin-edyer ako, ang dami-dami kong tanong o alinlangan na hindi ko masabi. Sa paglipas ng panahon, marami sa mga ito ang nasagot sa mga pagpupulong o sa pampamilya at personal na pag-aaral. Mahalaga talaga na tuloy-tuloy ang pagtuturo ng mga magulang.”
17. Bakit mahalaga ang mabuting halimbawa ng mga magulang? Paano naging halimbawa sa kanilang mga anak ang isang mag-asawa?
17 Siyempre pa, napakahalaga ng iyong halimbawa ng pananampalataya. Nakikita ng iyong mga anak ang ginagawa mo, at may mabuting epekto ito sa kanila. Kaya bilang mga magulang, patuloy na patibayin ang inyong pananampalataya. Hayaang makita ng inyong mga anak na totoo si Jehova sa inyo. Sinabi ng isang mag-asawa sa Bermuda na kapag nababalisa sila tungkol sa isang bagay, nananalangin sila kasama ng kanilang mga anak na sana’y gabayan sila ni Jehova. Pinasisigla rin nila ang kanilang mga anak na manalangin nang personal. “Sinasabi rin namin sa aming nakatatandang anak, ‘Magtiwala ka nang lubos kay Jehova, maging abala sa paglilingkod sa Kaharian, at huwag masyadong mag-alala.’ Kapag nakikita niya ang resulta nito, alam niyang tinutulungan kami ni Jehova. Nakatulong ito sa kaniyang pananampalataya sa Diyos at sa Bibliya.”
18. Ano ang dapat tandaan ng mga magulang?
18 Pero tandaan na kailangang linangin ng mga anak ang sarili nilang pananampalataya. Bilang mga magulang, kayo ang nagtatanim at nagdidilig. Pero ang Diyos lang ang makapagpapalago nito. (1 Cor. 3:6) Kaya manalangin at hingin ang kaniyang espiritu, at magsikap na turuan ang iyong minamahal na mga anak para pagpalain ka ni Jehova.—Efe. 6:4.