Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ang Salita ng Diyos ay . . . May Lakas”

“Ang Salita ng Diyos ay . . . May Lakas”

“Ang salita ng Diyos ay buháy at may lakas.”—HEB. 4:12.

AWIT: 114, 113

1. Bakit ka kumbinsido na may lakas ang Salita ng Diyos? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

BILANG bayan ni Jehova, alam natin na ang salita ng Diyos, ang kaniyang mensahe para sa mga tao, ay “buháy at may lakas.” (Heb. 4:12) Marami sa atin ay katibayan na ang Bibliya ay may kapangyarihang baguhin ang buhay ng mga tao. Ang ilan ay dating mga magnanakaw, addict sa droga, o imoral. Ang iba ay matagumpay naman sa sistemang ito pero parang may kulang pa rin sa buhay nila. (Ecles. 2:3-11) Maraming indibiduwal na parang wala nang kapag-a-pag-asa ang nagkaroon ng direksiyon sa buhay dahil sa Bibliya. Malamang na nabasa mo na ang ilan sa mga karanasang ito sa seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” sa Ang Bantayan. Nakita mo rin na kahit Kristiyano na ang isa, kailangan niyang patuloy na sumulong sa espirituwal sa tulong ng Kasulatan.

2. Paano nakita ang lakas ng Salita ng Diyos noong unang siglo?

2 Hindi na natin dapat ipagtaka na marami ang nakagawa ng malalaking pagbabago dahil sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Naranasan din ito ng mga kapatid natin noong unang siglo, na may makalangit na pag-asa. (Basahin ang 1 Corinto 6:9-11.) Matapos banggitin ni apostol Pablo kung anong uri ng mga tao ang hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos, sinabi niya: “Ganiyan ang ilan sa inyo noon.” Pero nagbago na sila sa tulong ng Kasulatan at ng banal na espiritu ng Diyos. At kahit mga Kristiyano na sila, kailangan pa ring pagtagumpayan ng ilan ang malulubhang problema sa espirituwal. Halimbawa, may isang pinahirang Kristiyano noong unang siglo na itiniwalag pero nakabalik nang maglaon. (1 Cor. 5:1-5; 2 Cor. 2:5-8) Nakapagpapatibay ngang malaman na napagtagumpayan ng ating mga kapatid noon ang iba’t ibang problema sa tulong ng Salita ng Diyos!

3. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

3 Tiyak na gusto nating magamit nang husto ang kapangyarihan ng Salita ng Diyos. (2 Tim. 2:15) Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano pa natin magagamit ang lakas ng Salita ng Diyos (1) sa ating personal na buhay, (2) sa ating ministeryo, at (3) kapag nagtuturo sa entablado. Ang mga paalaalang ito ay tutulong sa atin na maipakita ang ating pag-ibig at pasasalamat sa ating maibiging Ama sa langit, na nagtuturo sa atin para makinabang tayo.—Isa. 48:17.

SA ATING PERSONAL NA BUHAY

4. (a) Ano ang kailangan para makaimpluwensiya sa ating buhay ang Salita ng Diyos? (b) Paano ka naglalaan ng oras para sa pagbabasa ng Bibliya?

4 Para makaimpluwensiya sa buhay natin ang Salita ng Diyos, dapat natin itong basahin nang regular—araw-araw hangga’t maaari. (Jos. 1:8) Totoo, marami sa atin ang abalang-abala. Pero hindi natin dapat hayaan ang anuman—kahit ang mga obligasyon natin—na makahadlang sa regular na pagbabasa ng Bibliya. (Basahin ang Efeso 5:15, 16.) Maraming kapatid ang naglalaan ng panahon para mabasa ang Bibliya araw-araw—ang ilan ay pagkagising, bago matulog, o sa iba pang oras. Katulad sila ng salmista, na sumulat: “Gayon na lamang ang pag-ibig ko sa iyong kautusan! Buong araw ko itong pinag-iisipan.”—Awit 119:97.

5, 6. (a) Bakit mahalaga ang pagbubulay-bulay? (b) Paano tayo makapagbubulay-bulay nang tama? (c) Paano ka personal na nakinabang sa pagbabasa at pagbubulay-bulay sa Salita ng Diyos?

5 Mahalaga ring bulay-bulayin ang nababasa natin sa Bibliya. (Awit 1:1-3) Kailangan ito para maikapit natin ang di-kumukupas na karunungan ng Salita ng Diyos. Nakalimbag man o electronic format ang ginagamit natin sa pagbabasa, ang tunguhin natin ay maisapuso ang ating binabasa para mapakilos tayong sundin ito.

6 Paano tayo makapagbubulay-bulay nang tama? Kapag nagbabasa ng Bibliya, puwede tayong huminto sandali at tanungin ang sarili: ‘Ano ang sinasabi nito sa akin tungkol kay Jehova? Sa anong mga paraan ko naikakapit sa aking buhay ang simulaing makikita rito? Ano pa ang puwede kong pasulungin?’ Kapag binubulay-bulay natin ang Salita ng Diyos na may kasamang pananalangin, mas mauudyukan tayong sundin ang payo nito. Oo, mas magagamit natin ang lakas nito sa ating buhay.—2 Cor. 10:4, 5.

SA MINISTERYO

7. Paano natin magagamit nang mahusay ang Salita ng Diyos sa ating ministeryo?

7 Paano natin mahusay na magagamit ang Salita ng Diyos sa ating ministeryo? Gamitin ito nang madalas sa pangangaral at pagtuturo. Ganito ang sabi ng isang brother, “Kung kasama mong nangangaral si Jehova, sosolohin mo ba ang pagsasalita o hahayaan mong siya ang magsalita?” Ang punto? Kapag tuwiran tayong bumabasa mula sa Salita ng Diyos, hinahayaan nating kausapin ni Jehova ang may-bahay. Mas epektibo ang isang angkop na teksto kaysa sa anumang sasabihin natin. (1 Tes. 2:13) Tanungin ang sarili, ‘Naghahanap ba ako ng pagkakataon na basahin ang Salita ng Diyos sa mga nakakausap ko?’

8. Kapag nangangaral, bakit hindi sapat ang basta magbasa lang ng teksto?

8 Pero hindi sapat na magbasa lang ng teksto sa mga nakakausap natin. Bakit? Dahil marami ang wala o halos walang alam sa Bibliya. Ganiyan din ang sitwasyon noong unang siglo. (Roma 10:2) Kaya huwag nating isipin na maiintindihan ng kausap natin ang isang teksto dahil lang sa binasa natin ito. Kailangan nating ulitin ang mga susing salita at ipaliwanag ang kahulugan ng mga ito. Sa ganitong paraan, tatagos ang mensahe ng Salita ng Diyos sa puso at isip ng kausap natin.—Basahin ang Lucas 24:32.

9. Bago magbasa ng teksto, ano ang puwede nating sabihin para magkaroon ng paggalang sa Bibliya ang kausap natin?

9 Bago magbasa ng isang teksto, matutulungan natin ang kausap natin na magkaroon ng paggalang sa Bibliya. Halimbawa, puwede nating sabihin, “Tingnan natin kung ano ang pananaw ng Diyos sa bagay na ito.” Kung di-Kristiyano ang relihiyon ng kausap natin, puwede nating sabihin, “Tingnan natin kung ano ang sinasabi sa Banal na Aklat.” Kung hindi naman siya relihiyoso, puwede nating itanong, “Narinig mo na ba ang matandang kasabihang ito?” Makabubuting ibagay ang ating pamamaraan sa bawat indibiduwal na kausap natin.—1 Cor. 9:22, 23.

10. (a) Ilahad ang karanasan ng isang brother. (b) Paano mo nakita ang lakas ng Salita ng Diyos sa iyong ministeryo?

10 Napatunayan ng marami na malaki ang epekto ng paggamit ng Salita ng Diyos sa ministeryo. Halimbawa, dinalaw-muli ng isang brother ang isang may-edad na lalaki na maraming taon nang nagbabasa ng ating mga magasin. Sa halip na bigyan lang ito ng bagong isyu ng Bantayan, ipinasiya ng brother na basahin sa kaniya ang isang teksto mula sa magasing iyon. Binasa niya ang 2 Corinto 1:3, 4: “Ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan [ay] umaaliw sa amin sa lahat ng aming kapighatian.” Naantig ang lalaki sa mga salitang iyan kaya hiniling niya sa brother na basahin uli ang teksto. Sinabi niya na kailangang-kailangan nilang mag-asawa ng kaaliwan, at naging interesado siya sa mensahe ng Bibliya. Napakalakas nga ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa ating ministeryo!—Gawa 19:20.

KAPAG NAGTUTURO SA ENTABLADO

11. Ano ang pananagutan ng mga brother na nagtuturo sa entablado?

11 Gustong-gusto nating dumalo sa mga pulong, asamblea, at kombensiyon. Ang pangunahing dahilan ay para sambahin si Jehova. Nakikinabang din tayo sa espirituwal na pagtuturo doon. Kaya naman, ang mga brother na nagtuturo sa entablado ay may mahalagang pribilehiyo. Pero mayroon din silang mabigat na pananagutan. (Sant. 3:1) Dapat nilang tiyakin na laging nakasalig sa Salita ng Diyos ang itinuturo nila. Kung naatasan kang magturo sa entablado, paano mo magagamit ang lakas ng Bibliya?

12. Paano matitiyak ng tagapagsalita na ang Kasulatan ang pinakasaligan ng kaniyang pahayag?

12 Tiyakin mo na ang Kasulatan ang magiging pinakasaligan ng iyong pahayag. (Juan 7:16) Paano mo ito magagawa? Una, iwasang matabunan ng anumang sasabihin mo—mga karanasan, ilustrasyon, o kahit ng paraan mo ng pagpapahayag—ang mga talata sa Bibliya na babasahin mo. Tandaan din na hindi sapat ang basta pagbabasa ng mga teksto para masabing nagtuturo ka mula sa Bibliya. Sa katunayan, kung masyadong maraming teksto ang babasahin mo, baka walang matandaan ang mga tagapakinig. Kaya maingat na pumili ng mga susing teksto. Pagkatapos, basahin, ipaliwanag, ilarawan, at ikapit ang mga iyon. (Neh. 8:8) Kung nagmula sa organisasyon ang outline na gagamitin mo, pag-aralan itong mabuti at ang mga tekstong naroon. Unawain ang kaugnayan ng mga sinasabi sa outline at ng mga teksto. Pagkatapos, pumili ng mga teksto para maituro ang mga punto mula sa outline. (May praktikal na mga mungkahi sa aralin 21 hanggang 23 ng aklat na Makinabang sa Edukasyon Mula sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo.) Higit sa lahat, manalangin at hingin ang tulong ni Jehova para maihatid mo ang mahahalagang impormasyon mula sa kaniyang Salita.—Basahin ang Ezra 7:10; Kawikaan 3:13, 14.

13. (a) Paano naantig ang isang sister sa tekstong binasa sa pulong? (b) Paano ka nakinabang sa makakasulatang pagtuturo sa ating mga pulong?

13 Isang sister sa Australia ang talagang naantig sa tekstong binasa sa isang pulong. Kahit masaklap ang buhay niya noong bata siya, tinanggap niya ang mensahe ng Bibliya at inialay ang kaniyang buhay kay Jehova. Pero sa loob ng maraming taon, nahihirapan siyang maniwala na mahal siya ni Jehova. Ano ang nakatulong sa kaniya? Nabago ang isip niya nang bulay-bulayin niya ang isang teksto na binasa sa pulong at nang iugnay niya ito sa iba pang teksto sa Bibliya. * Naranasan mo na rin bang maantig sa mga tekstong binasa sa ating mga pulong, asamblea, o kombensiyon?—Neh. 8:12.

14. Paano natin maipakikita ang ating pagpapahalaga sa Salita ni Jehova?

14 Talagang nagpapasalamat tayo kay Jehova sa kaniyang nasusulat na Salita, ang Bibliya! Maibigin niya itong inilaan para sa mga tao at tinupad niya ang kaniyang pangako na mananatili ito. (1 Ped. 1:24, 25) Kaya basahin natin nang regular ang Salita ng Diyos, ikapit ito sa ating buhay, at gamitin ito para tulungan ang iba. Sa gayon, maipakikita natin ang ating pag-ibig at pagpapahalaga sa kayamanang ito, at higit sa lahat, sa Awtor nito, ang Diyos na Jehova.

^ par. 13 Tingnan ang kahong “ Nabago ang Isip Ko.”