Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Magkaroon ng Pagpipigil sa Sarili

Magkaroon ng Pagpipigil sa Sarili

“Ang . . . bunga ng espiritu ay . . . pagpipigil sa sarili.”—GAL. 5:22, 23.

AWIT: 83, 52

1, 2. (a) Saan maaaring mauwi ang kawalan ng pagpipigil sa sarili? (b) Bakit napapanahong pag-usapan ang pagpipigil sa sarili?

ANG pagpipigil sa sarili ay isang makadiyos na katangian. (Gal. 5:22, 23) Si Jehova ay may perpektong pagpipigil sa sarili. Pero ang mga tao ay di-sakdal at nahihirapang magpakita nito. Oo, ang ugat ng maraming problema sa ngayon ay kawalan ng kontrol sa sarili. Dahil dito, may mga nagpapaliban-liban at di-nagsisikap sa paaralan o sa trabaho. Ang kawalan ng pagpipigil sa sarili ay nauuwi sa pagsasalita ng masakit, paglalasing, karahasan, diborsiyo, di-kinakailangang pangungutang, adiksiyon, pagkakabilanggo, trauma, mga sakit na naililipat sa pagtatalik, di-inaasahang pagbubuntis, at iba pa.—Awit 34:11-14.

2 Maliwanag, ang mga taong walang kontrol sa sarili ay nagdudulot ng mga problema sa kanilang sarili at sa iba. At palala nang palala ang kawalan ng pagpipigil sa sarili. Noong dekada ’40, pinag-aralan ang disiplina sa sarili, pero ipinakikita ng mga pag-aaral kamakailan na lalong nawawalan ng disiplina sa sarili ang mga tao. Hindi ito kataka-taka sa mga nag-aaral ng Salita ng Diyos dahil inihula nito na ang mga taong “walang pagpipigil sa sarili” ay isang katibayan na nabubuhay na tayo sa “mga huling araw.”—2 Tim. 3:1-3.

3. Bakit dapat magkaroon ng pagpipigil sa sarili ang mga Kristiyano?

3 Bakit dapat kang magkaroon ng pagpipigil sa sarili? Tingnan ang dalawang mahalagang dahilan. Una, kapansin-pansin na ang mga taong may kontrol sa sarili ay walang gaanong mabibigat na problema. Mas matatag ang kanilang emosyon, mas madali sa kanila na magkaroon ng mabubuting ugnayan sa iba, at di-gaya ng mga taong padalos-dalos, hindi sila madaling magalit, mabalisa, at madepres. Ikalawa, ang kakayahang labanan ang tukso at kontrolin ang di-angkop na mga pagnanasa ay mahalaga para mapanatili ang pagsang-ayon ng Diyos. Makikita ito sa nangyari kina Adan at Eva. (Gen. 3:6) Isipin din ang masaklap na karanasan ng iba pang hindi nakapagpakita ng mahalagang katangiang ito.

4. Ano ang makapagpapatibay-loob sa mga nahihirapang magpakita ng pagpipigil sa sarili?

4 Imposible para sa di-sakdal na mga tao na makapagpakita ng perpektong pagpipigil sa sarili. Alam ni Jehova ang pagsisikap ng kaniyang mga lingkod, at gusto niya silang tulungan na mapaglabanan ang kanilang maling mga pagnanasa. (1 Hari 8:46-50) Bilang isang maibiging Kaibigan, pinatitibay-loob niya ang taimtim na mga indibiduwal na gustong maglingkod sa kaniya pero nahihirapang kontrolin ang kanilang sarili sa ilang sitwasyon. Sa artikulong ito, isasaalang-alang natin ang perpektong halimbawa ni Jehova. Pag-aaralan din natin ang mabubuti at masasamang halimbawa sa Bibliya. At susuriin natin ang praktikal na mga payo para magkaroon tayo ng higit pang pagpipigil sa sarili.

ANG HALIMBAWA NI JEHOVA

5, 6. Anong halimbawa ng pagpipigil sa sarili ang ipinakita ni Jehova?

5 Perpekto ang pagpipigil sa sarili ni Jehova dahil sakdal ang lahat ng kaniyang ginagawa. (Deut. 32:4) Pero tayo ay hindi sakdal. Kaya kailangan nating suriin ang halimbawa ni Jehova ng pagpipigil sa sarili para maunawaan ang katangiang ito at mas matularan siya. Paano niya ito ipinakita?

6 Pag-isipan kung paano nagpakita si Jehova ng pagpipigil sa sarili sa harap ng pangahas na pagrerebelde ni Satanas. Kailangang masagot ang hamon na iyon. Dahil sa ginawa ng Diyablo, tiyak na nagalit at namuhi ang tapat na mga nilalang sa langit. Malamang na ganiyan din ang nadarama mo kapag nakikita mo ang mga pagdurusang kagagawan ni Satanas. Pero hindi nagpadalos-dalos si Jehova. Balanse at angkop ang naging pagtugon niya. Mabagal siya sa pagkagalit at makatarungan sa pagharap sa paghihimagsik ni Satanas. (Ex. 34:6; Job 2:2-6) Bakit? Hinayaan muna ni Jehova na lumipas ang panahon dahil ayaw niyang mapuksa ang sinuman kundi “nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.”—2 Ped. 3:9.

7. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni Jehova?

7 Ang pagpipigil sa sarili ni Jehova ay nagtuturo sa atin na dapat din nating timbang-timbangin ang ating mga sinasabi at ginagawa; hindi tayo dapat magpadalos-dalos. Kapag napapaharap ka sa isang mahalagang pagpapasiya, maglaan ng panahon para makapag-isip-isip at makakilos nang may katalinuhan. Manalangin at humiling ng karunungan para masabi o magawa ang tamang bagay. (Awit 141:3) Kung hindi ka magtitimpi, napakadaling magpadala sa emosyon. Marami ang nagsisisi dahil sa kanilang walang-ingat na mga salita o pagkilos!—Kaw. 14:29; 15:28; 19:2.

ANG HALIMBAWA NG MGA LINGKOD NG DIYOS—MABUBUTI AT MASASAMA

8. (a) Saan tayo makakakita ng mga halimbawa ng may makadiyos na katangian? (b) Paano napaglabanan ni Jose ang pang-aakit ng asawa ni Potipar? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

8 Kaninong mga halimbawa sa Bibliya ang nagdiriin ng kahalagahan ng pagkontrol sa ating reaksiyon? Siguradong natatandaan mo ang ilang karakter sa Bibliya na nagpakita ng pagpipigil sa sarili sa harap ng pagsubok. Ang isa ay ang anak ni Jacob na si Jose, na naglingkod sa bahay ni Potipar, ang pinuno ng mga tagapagbantay ni Paraon. Nahumaling ang asawa ni Potipar kay Jose dahil “maganda ang tindig at maganda ang anyo” nito, kaya inakit niya si Jose. Paano napaglabanan ni Jose ang paulit-ulit na pang-aakit sa kaniya? Tiyak na inisip niya ang magiging resulta kung hindi siya magiging mapagbantay. At nang tumindi na ang sitwasyon, tumakas si Jose. Sinabi niya: “Paano ko magagawa ang malaking kasamaang ito at magkasala nga laban sa Diyos?”—Gen. 39:6, 9; basahin ang Kawikaan 1:10.

9. Paano ka makapaghahanda para labanan ang mga tukso?

9 Ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ni Jose? Baka kailangan nating literal na tumakas kapag natutukso tayong labagin ang utos ng Diyos. Bago naging Saksi, pinaglabanan ng ilan ang labis na pagkain at pag-inom, paninigarilyo, pag-abuso sa droga, seksuwal na imoralidad, at iba pa. At kahit nabautismuhan na sila, baka natutukso pa rin silang balikan ang dati nilang mga gawain. Kaya kung natutukso kang labagin ang utos ni Jehova, patibayin mo ang iyong determinasyon sa pamamagitan ng pag-iisip sa masasamang resulta ng hindi pagpipigil sa sarili. Patiunang alamin ang mga sitwasyon kung saan ka puwedeng mapaharap sa tukso at planuhin kung paano iiwasan ang mga iyon. (Awit 26:4, 5; Kaw. 22:3) At kung mapaharap ka man sa gayong pagsubok, humingi kay Jehova ng karunungan at pagpipigil sa sarili.

10, 11. (a) Anong sitwasyon ang kinakaharap ng maraming kabataan sa paaralan? (b) Ano ang makatutulong sa mga kabataang Kristiyano na labanan ang panggigipit na gumawa ng mali?

10 Maraming kabataang Kristiyano ang napapaharap sa sitwasyong kagaya ng kay Jose. Isa na rito si Kim. Karamihan sa mga kaklase niya ay nakikipagtalik na, at pagkatapos ng weekend, ipinagyayabang nila ang kanilang seksuwal na mga gawain. Walang maikuwentong ganoon si Kim. Dahil naiiba siya, inamin ni Kim na kung minsan, nakadarama siya ng kalungkutan at pag-iisa. Itinuturing din siyang kakatwa ng mga kaklase niya kasi hindi siya nakikipag-date. Pero alam ni Kim na talagang tukso sa maraming kabataan ngayon ang makipag-sex. (2 Tim. 2:22) Madalas siyang tanungin ng mga kaeskuwela niya kung virgin pa siya. Kaya nagkakaroon siya ng pagkakataong ipaliwanag ang kaniyang paninindigan. Ipinagmamalaki natin ang mga kabataang Kristiyano na determinadong umiwas sa seksuwal na imoralidad, at ipinagmamalaki rin sila ni Jehova!

11 Sa Bibliya, may mga babalang halimbawa ng mga hindi nagpakita ng pagpipigil sa sarili pagdating sa seksuwal na paggawi at ang masasamang resulta nito. Kung napapaharap ka sa sitwasyong kagaya ng kay Kim, makabubuting pag-isipan mo ang nangyari sa walang-karanasang kabataang lalaki na inilarawan sa Kawikaan kabanata 7. Isipin din ang ginawa ni Amnon at ang masaklap na resulta nito. (2 Sam. 13:1, 2, 10-15, 28-32) Matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng karunungan at pagpipigil sa sarili kung pag-uusapan nila ito sa kanilang pampamilyang pagsamba gamit ang nabanggit na mga teksto at ulat sa Bibliya.

12. (a) Paano kinontrol ni Jose ang kaniyang emosyon noong nakikitungo siya sa kaniyang mga kapatid? (b) Sa anong mga sitwasyon angkop na kontrolin ang ating emosyon?

12 May isa pang magandang halimbawa na ipinakita si Jose pagdating sa pagpipigil sa sarili. Para malaman kung ano ang nasa puso ng kaniyang mga kapatid, itinago ni Jose ang kaniyang katauhan nang pumunta ang mga ito sa Ehipto para bumili ng pagkain. At nang maging emosyonal siya, pumunta siya sa isang pribadong lugar para umiyak. (Gen. 43:30, 31; 45:1) Kapag isang kapuwa Kristiyano o mahal sa buhay ang nakagawa ng mali, maiiwasan mong kumilos nang pabigla-bigla kung kokontrolin mo ang iyong sarili, gaya ni Jose. (Kaw. 16:32; 17:27) Kung may mga kamag-anak kang tiwalag, baka kailangan mong kontrolin ang iyong damdamin para maiwasan ang di-kinakailangang pakikipag-ugnayan sa kanila. Hindi madaling magpigil ng sarili sa gayong mga sitwasyon, pero makatutulong kung iisipin nating tinutularan natin ang halimbawa ng Diyos at sinusunod ang kaniyang payo.

13. Anong mga aral ang matututuhan natin sa halimbawa ni Haring David?

13 Makikita sa Bibliya ang magandang halimbawa ni Haring David. Kahit may kakayahan siyang lumaban kay Saul at kay Simei, nagpigil siya ng galit at hindi siya gumanti. (1 Sam. 26:9-11; 2 Sam. 16:5-10) Pero hindi ibig sabihin na laging nakokontrol ni David ang sarili niya. Alam natin ang pagkakasala niya may kinalaman kay Bat-sheba, at ang naging reaksiyon niya sa maramot na si Nabal. (1 Sam. 25:10-13; 2 Sam. 11:2-4) Pero may mga aral tayong matututuhan kay David. Una, ang mga tagapangasiwa sa bayan ng Diyos ay lalong dapat na magpakita ng pagpipigil sa sarili para maiwasan ang pag-abuso sa kanilang awtoridad. Ikalawa, hindi tayo dapat maging kampante at isiping ligtas tayo sa tukso.—1 Cor. 10:12.

PRAKTIKAL NA MGA BAGAY NA PUWEDE MONG GAWIN

14. Ano ang naging karanasan ng isang brother? At bakit mahalaga ang ating reaksiyon sa katulad na mga sitwasyon?

14 Ano ang puwede mong gawin para mapasulong ang iyong pagpipigil sa sarili? Tingnan ang isang totoong pangyayari. Binangga ng isang sasakyan ang likuran ng kotse ni Luigi. Ininsulto siya ng drayber kahit ito ang may kasalanan, at gusto pa nitong makipag-away. Nanalangin si Luigi at hiniling kay Jehova na tulungan siyang maging mahinahon. Sinubukan din niyang pakalmahin ang drayber, pero ayaw nito. Kinuha na lang ni Luigi ang detalye ng insurance ng drayber at umalis siya habang nagsisisigaw pa ito. Pagkaraan ng isang linggo, sa isang pagdalaw-muli ni Luigi sa isang babae, nalaman niya na asawa pala nito ang drayber na iyon! Hiyang-hiya ang lalaki at humingi ng tawad sa pagwawala niya. Nag-alok siya na kausapin ang insurance company ni Luigi para mapabilis ang pagkumpuni sa sasakyan nito. Sumali ang lalaki sa pag-uusap nila tungkol sa Bibliya at natuwa sa mga narinig niya. Dahil dito, nakita ni Luigi na mahalaga pala na nanatili siyang kalmado sa kabila ng aksidente. Naisip din niya ang masasamang resulta kung hindi siya nakapagtimpi.—Basahin ang 2 Corinto 6:3, 4.

Makaaapekto sa ating ministeryo ang pagkakaroon o kawalan ng pagpipigil sa sarili (Tingnan ang parapo 14)

15, 16. Paano makatutulong ang pag-aaral ng Bibliya para malinang mo at ng iyong pamilya ang pagpipigil sa sarili?

15 Ang masikap na pag-aaral ng Bibliya ay tutulong sa mga Kristiyano na malinang ang pagpipigil sa sarili. Alalahanin ang sinabi ng Diyos kay Josue: “Ang aklat na ito ng kautusan ay huwag mahihiwalay sa iyong bibig, at babasahin mo ito nang pabulong araw at gabi, upang maingatan mong gawin ang ayon sa lahat ng nakasulat dito; sapagkat sa gayon ay gagawin mong matagumpay ang iyong lakad at sa gayon ay kikilos ka nang may karunungan.” (Jos. 1:8) Paano makatutulong ang pag-aaral ng Bibliya para malinang mo ang pagpipigil sa sarili?

16 Gaya ng natutuhan natin, malinaw na ipinakikita ng Bibliya ang mabubuti at masasamang resulta ng ating mga pagkilos. May dahilan si Jehova kung bakit niya ipinasulat ang mga ulat na ito. (Roma 15:4) Katalinuhan nga kung babasahin, bubulay-bulayin, at pag-aaralan natin ang mga ito! Unawain kung paano makatutulong ang mga ito sa iyo at sa iyong pamilya. Hingin ang tulong ni Jehova para masunod mo ang kaniyang Salita. Kung makita mong kulang ka ng pagpipigil sa sarili, aminin ito. Ipanalangin ito, at pagsikapang sumulong. (Sant. 1:5) Magsaliksik sa ating mga publikasyon para makakita ng angkop na materyal na makatutulong sa iyo.

17. Paano matutulungan ng mga magulang ang kanilang mga anak na magkaroon ng pagpipigil sa sarili?

17 Paano mo matutulungan ang iyong mga anak na magkaroon ng pagpipigil sa sarili? Alam ng mga magulang na hindi natural sa mga bata ang katangiang ito. Kaya dapat nila itong ituro sa pamamagitan ng kanilang mabuting halimbawa. (Efe. 6:4) Kung nakikita mong nahihirapan ang iyong mga anak na kontrolin ang kanilang sarili, pag-isipan ang ipinakikita mong halimbawa. Makapagpapakita ka ng mabuting halimbawa kung regular ka sa ministeryo, sa pagdalo sa pulong, at sa pagdaraos ng pampamilyang pagsamba. Huwag magdalawang-isip na tanggihan ang gusto ng iyong mga anak kung kinakailangan! Nagbigay si Jehova ng mga limitasyon kina Adan at Eva—mga limitasyong nakatulong sana sa kanila na matutong igalang ang awtoridad ng Diyos. Sa katulad na paraan, ang disiplina at halimbawa ng mga magulang ay magtuturo sa mga anak na magkaroon ng pagpipigil sa sarili. Ang pag-ibig sa awtoridad ng Diyos at paggalang sa kaniyang mga pamantayan ang ilan sa pinakamahahalagang katangian na puwede mong ituro sa iyong mga anak.—Basahin ang Kawikaan 1:5, 7, 8.

18. Bakit isang pagpapala ang mabubuting kasama?

18 Isa ka mang magulang o hindi, tandaan na mahalagang pumili ng mabubuting kaibigan. Makisama sa mga taong magpapasigla sa iyo na magkaroon ng makabuluhang mga tunguhin at umiwas sa kapahamakan. (Kaw. 13:20) Mabuting impluwensiya sa iyo ang mga kaibigang palaisip sa espirituwal na mga bagay dahil mapasisigla kang tularan ang kanilang pagpipigil sa sarili. Ang mabuting paggawi mo naman ay magpapasigla rin sa mga kaibigan mo. Kung mayroon kang pagpipigil sa sarili, makakamit mo ang pagsang-ayon ng Diyos, masisiyahan ka sa buhay, at magkakaroon ka ng magandang kaugnayan sa iyong mga minamahal.