Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Magpakalakas-loob Ka . . . at Kumilos”

“Magpakalakas-loob Ka . . . at Kumilos”

“Magpakalakas-loob ka at magpakatibay ka at kumilos. Huwag kang matakot ni masindak man, sapagkat ang Diyos na Jehova, . . . ay sumasaiyo.”—1 CRO. 28:20.

AWIT: 60, 29

1, 2. (a) Anong mahalagang atas ang ibinigay kay Solomon? (b) Bakit nabahala si David para kay Solomon?

INATASAN si Solomon na itayo ang isa sa pinakamahahalagang proyekto sa kasaysayan—ang templo sa Jerusalem. Ang gusaling ito ay “magiging lubhang maringal na may natatanging kagandahan sa lahat ng lupain.” Pero ang pinakamahalaga, ito ang magiging “bahay ni Jehova na tunay na Diyos.” Inatasan ni Jehova si Solomon na maging tagapangasiwa ng proyektong ito.—1 Cro. 22:1, 5, 9-11.

2 May tiwala si Haring David sa suporta ng Diyos, pero si Solomon ay “bata pa” at walang karanasan. Sapat ba ang lakas ng loob ni Solomon para itayo ang templo? Magiging sagabal ba ang pagiging kabataan niya at kawalan ng karanasan? Para magtagumpay, kailangang magpakalakas-loob si Solomon at kumilos.

3. Ano ang matututuhan ni Solomon sa kaniyang ama pagdating sa lakas ng loob?

3 Maraming matututuhan si Solomon sa kaniyang ama pagdating sa lakas ng loob. Noong kabataan pa si David, nakikipaglaban siya sa mababangis na hayop na tumatangay sa tupa ng kaniyang ama. (1 Sam. 17:34, 35) Nagpakita rin si David ng matinding lakas ng loob nang labanan niya ang bihasang mandirigma na si Goliat. Oo, sa tulong ng Diyos at ng isang makinis na bato, natalo niya ang higanteng iyon.—1 Sam. 17:45, 49, 50.

4. Bakit kailangang magpakalakas-loob si Solomon?

4 Tamang-tama nga na si David ang magpasigla kay Solomon na magpakalakas-loob at itayo ang templo! (Basahin ang 1 Cronica 28:20.) Kung hindi magpapakalakas-loob si Solomon, madaraig siya ng takot, at hindi niya masisimulan ang pagtatayo. Mas masahol pa iyon kaysa sa mabigo sa kaniyang atas.

5. Bakit kailangan nating magpakalakas-loob?

5 Gaya ni Solomon, kailangan natin ang tulong ni Jehova para magkaroon ng lakas ng loob at matapos ang gawain. Kaya naman, balikan natin ang ilang halimbawa ng mga nagpakita ng lakas ng loob. Pag-isipan din natin kung paano tayo makapagpapakita ng lakas ng loob para magampanan ang ating gawain.

MGA HALIMBAWA NG LAKAS NG LOOB

6. Ano ang hinahangaan mo sa lakas ng loob ni Jose?

6 Alalahanin ang lakas ng loob na ipinakita ni Jose nang akitin siya ng asawa ni Potipar na magkasala ng seksuwal na imoralidad. Malamang na alam niyang manganganib ang kaniyang buhay kapag hindi siya pumayag. Pero nagpakita siya ng lakas ng loob at agad na tinanggihan ang babaeng iyon.—Gen. 39:10, 12.

7. Ilahad kung paano nagpakita ng lakas ng loob si Rahab. (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

7 Si Rahab ay isa pang halimbawa ng nagpakita ng lakas ng loob. Dalawang espiyang Israelita ang pumunta sa kaniyang bahay sa Jerico. Dahil may tiwala siya kay Jehova, lakas-loob niya silang itinago at tinulungang makatakas. (Jos. 2:4, 5, 9, 12-16) Kinilala ni Rahab na si Jehova ang tunay na Diyos, at alam niyang ibibigay Niya ang lupain sa mga Israelita. Hindi siya nagpadaig sa takot sa tao, kahit pa sa hari ng Jerico at sa mga tauhan nito. Sa halip, nagpakalakas-loob siya kung kaya nailigtas niya ang kaniyang sarili at ang kaniyang pamilya.—Jos. 6:22, 23.

8. Paano nakaapekto sa mga apostol ang lakas ng loob ni Jesus?

8 Mabuting halimbawa rin ang tapat na mga apostol sa pagpapakita ng lakas ng loob. Nasaksihan nila ang lakas ng loob na ipinakita ni Jesus. (Mat. 8:28-32; Juan 2:13-17; 18:3-5) Nakatulong sa kanila ang halimbawa niya. Kaya naman, kahit sinalansang sila ng mga Saduceo, ang mga apostol ay hindi huminto sa pagtuturo salig sa pangalan ni Jesus.—Gawa 5:17, 18, 27-29.

9. Paano ipinakikita ng 2 Timoteo 1:7 kung saan nagmumula ang lakas ng loob?

9 Dahil sa kanilang lakas ng loob, sina Jose, Rahab, Jesus, at ang mga apostol ay napakilos na gawin ang tama. Ang kanilang lakas ng loob ay hindi resulta ng tiwala sa sarili, kundi nagmula kay Jehova. Kung minsan, napapaharap din tayo sa mga sitwasyon na nangangailangan ng lakas ng loob. Sa halip na umasa sa sarili, kay Jehova tayo dapat manalig. (Basahin ang 2 Timoteo 1:7.) Tingnan natin kung paano tayo makapagpapakita ng lakas ng loob sa pamilya at sa kongregasyon.

MGA SITWASYONG NANGANGAILANGAN NG LAKAS NG LOOB

10. Bakit kailangan ng mga kabataang Kristiyano ang lakas ng loob?

10 Sa paglilingkod kay Jehova, maraming sitwasyon ang sumusubok sa lakas ng loob ng mga kabataang Kristiyano. Matututo sila sa halimbawa ni Solomon, na nagpakita ng lakas ng loob sa paggawa ng matatalinong desisyon para matapos ang pagtatayo ng templo. Kahit pinapayuhan sila ng kanilang mga magulang, ang mga kabataang Kristiyano pa rin ang kailangang gumawa ng ilang mahahalagang desisyon. (Kaw. 27:11) Kailangan nila ng lakas ng loob para makagawa ng matatalinong pasiya pagdating sa pakikipagkaibigan, paglilibang, kalinisan sa moral, at pagpapabautismo. Mahalaga ito dahil sinasalungat nila ang kagustuhan ni Satanas, ang isa na tumutuya sa Diyos.

11, 12. (a) Paano nagpakita si Moises ng mahusay na halimbawa ng lakas ng loob? (b) Paano matutularan ng mga kabataan si Moises?

11 Ang isang mahalagang pagpapasiya na kailangang gawin ng mga kabataan ay tungkol sa kanilang mga tunguhin. Sa ilang lupain, ang mga kabataan ay ginigipit na kumuha ng mataas na edukasyon at magkaroon ng trabahong may malaking suweldo. Sa ibang bansa naman, dahil sa hirap ng buhay, iniisip ng ilang kabataan na dapat silang magpokus sa paghahanapbuhay para makatulong sa kanilang pamilya. Alinman diyan ang sitwasyon mo, makabubuting pag-isipan ang halimbawa ni Moises. Dahil pinalaki siya ng anak na babae ni Paraon, puwede sanang gawing tunguhin ni Moises ang maging tanyag o mayaman. Tiyak na ginipit siya ng kaniyang Ehipsiyong mga kapamilya, guro, at tagapayo na gawin iyon! Pero lakas-loob na nanindigan si Moises para sa dalisay na pagsamba. Matapos talikuran ang mga kayamanan ng Ehipto, nagtiwala si Moises kay Jehova. (Heb. 11:24-26) Kaya naman pinagpala siya ni Jehova, at tiyak na pagpapalain pa sa hinaharap.

12 Sa katulad na paraan, pagpapalain din ni Jehova ang mga kabataan na nagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin at inuuna ang Kaharian sa kanilang buhay. Tutulungan niya silang ilaan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Noong unang siglo, ginamit ng kabataang si Timoteo ang kaniyang buhay para paglingkuran ang Diyos, at magagawa mo rin iyan. *Basahin ang Filipos 2:19-22.

Determinado ka bang magpakita ng lakas ng loob sa lahat ng bahagi ng iyong buhay? (Tingnan ang parapo 13-17)

13. Paano nakatulong ang lakas ng loob para maabot ng isang kabataang sister ang kaniyang mga tunguhin?

13 Isang sister sa Alabama, U.S.A., ang nangailangan ng lakas ng loob para makapagtakda ng espirituwal na mga tunguhin. Isinulat niya: “Bata pa lang ako, mahiyain na talaga ako. Hindi ko magawang kausapin ang mga kapatid sa Kingdom Hall, lalo na ang kumatok sa pintuan ng mga taong hindi ko kilala.” Pero sa tulong ng kaniyang mga magulang at ng kongregasyon, naabot ng kabataang ito ang tunguhin niya na maging regular pioneer. Sinabi niya: “Mataas na edukasyon, katanyagan, pera, at pagkakaroon ng maraming materyal na bagay ang mga tunguhing itinataguyod ng sanlibutan ni Satanas. Kadalasan, imposibleng maabot ang mga iyon, at nagdudulot lang ng stress at sama ng loob. Pero dahil sa paglilingkod kay Jehova, naging napakasaya ko at nadarama kong may nagagawa akong makabuluhan.”

14. Sa anong mga sitwasyon kailangan ng mga magulang na Kristiyano ang lakas ng loob?

14 Kailangan din ng mga magulang na Kristiyano ang lakas ng loob. Halimbawa, baka gusto ng employer mo na lagi kang mag-overtime sa gabi at dulo ng sanlinggo—mga panahong nakalaan para sa pampamilyang pagsamba, ministeryo, at pagpupulong. Kailangan ang lakas ng loob para tanggihan ang employer mo at makapagpakita ng mabuting halimbawa sa iyong mga anak. O baka pinapayagan ng ilang magulang sa kongregasyon ang kanilang mga anak na gumawa ng mga bagay na ayaw mong gawin ng anak mo. Baka tanungin ka nila kung bakit hindi mo pinapayagang sumali sa gayong mga gawain ang anak mo. Lalakasan mo ba ang iyong loob at mataktikang ipaliliwanag ang iyong desisyon?

15. Paano makatutulong sa mga magulang ang Awit 37:25 at Hebreo 13:5?

15 Nagpapakita rin tayo ng lakas ng loob kapag tinutulungan natin ang ating mga anak na magtakda at umabot ng espirituwal na mga tunguhin. Halimbawa, nag-aalangan ang ilang magulang na pasiglahin ang kanilang anak na magpayunir, maglingkod sa Bethel o kung saan mas malaki ang pangangailangan, o magboluntaryo sa pagtatayo ng mga Kingdom Hall at Assembly Hall. Baka natatakot sila na hindi sila maalagaan ng kanilang mga anak sa kanilang pagtanda. Pero ang matatalinong magulang ay nagpapakita ng lakas ng loob at pananampalataya sa mga pangako ni Jehova. (Basahin ang Awit 37:25; Hebreo 13:5.) Magagawa rin nila iyan kung tutulungan nila ang kanilang anak na magtiwala kay Jehova.—1 Sam. 1:27, 28; 2 Tim. 3:14, 15.

16. Paano tinulungan ng ilang magulang ang kanilang mga anak na magtakda ng espirituwal na mga tunguhin? At paano nakinabang ang kanilang mga anak?

16 Tinulungan ng isang mag-asawa sa United States ang kanilang mga anak na magtakda ng espirituwal na mga tunguhin. Sinabi ng ama: “Bago pa matutong maglakad at magsalita ang mga anak namin, ikinukuwento na namin sa kanila na masayang magpayunir at maglingkod sa kongregasyon. Ngayon, ito na ang tunguhin nila. Dahil mayroon silang espirituwal na mga tunguhing inaabot, natutulungan silang labanan ang panggigipit ng sistema ni Satanas at magpokus sa talagang totoo—kay Jehova.” Isinulat naman ng isang brother na may dalawang anak: “Maraming magulang ang nagpapakahirap at gumagastos nang malaki para tulungan ang kanilang mga anak na maabot ang kanilang mga tunguhin sa larangan ng sports, paglilibang, at edukasyon. Pero mas makabuluhang magsikap at gumastos para tulungan ang ating mga anak na maabot ang mga tunguhing tutulong sa kanila na magkaroon ng mabuting katayuan kay Jehova. Napakasaya namin, hindi lang dahil nakita naming naabot ng aming mga anak ang kanilang espirituwal na mga tunguhin, kundi dahil kasama nila kami sa pag-abot sa mga iyon.” Tiyak na pagpapalain ng Diyos ang mga magulang na tumutulong sa kanilang mga anak na magtakda at umabot ng espirituwal na mga tunguhin!

SA KONGREGASYON

17. Paano maipakikita ang lakas ng loob sa kongregasyong Kristiyano?

17 Kailangan ding magpakita ng lakas ng loob sa kongregasyon. Halimbawa, kailangan ito ng mga elder kapag nag-aasikaso ng mga hudisyal na bagay o tumutulong sa mga nanganganib ang buhay dahil sa medical emergency. May mga elder na dumadalaw sa mga bilangguan para asikasuhin ang espirituwal na pangangailangan ng mga preso. Kumusta naman ang mga sister na single? Mas marami na silang pagkakataon ngayon para magpalawak ng ministeryo. Puwede silang magpayunir, lumipat kung saan mas malaki ang pangangailangan, magboluntaryo sa programa ng Local Design/Construction, at mag-aplay sa School for Kingdom Evangelizers. Nakapag-aral pa nga ang ilan sa Paaralang Gilead.

18. Paano makapagpapakita ng lakas ng loob ang nakatatandang mga sister?

18 Pagpapala sa kongregasyon ang mga sister na may-edad, at mahal na mahal natin sila! Baka hindi na gaya ng dati ang nagagawa nila sa paglilingkod sa Diyos, pero maaari pa rin silang magpakita ng lakas ng loob at kumilos. (Basahin ang Tito 2:3-5.) Halimbawa, kailangan ng isang nakatatandang sister ng lakas ng loob kapag hinilingan siya ng mga elder na kausapin ang isang nakababatang sister tungkol sa mahinhing pananamit. Hindi naman niya ito pagagalitan, pero puwede niya itong tulungan na pag-isipan ang epekto sa iba ng kaniyang istilo ng pananamit. (1 Tim. 2:9, 10) Ang ganitong maibiging pagmamalasakit ay nakapagpapatibay sa kongregasyon.

19. (a) Paano makapagpapakita ng lakas ng loob ang mga bautisadong brother? (b) Paano makatutulong sa mga brother ang Filipos 2:13 at 4:13 para magkaroon sila ng lakas ng loob?

19 Puwede ring magpakalakas-loob at kumilos ang mga bautisadong brother. Pagpapala sa kongregasyon ang mga lalaking may lakas ng loob at handang bumalikat ng dagdag na pananagutan. (1 Tim. 3:1) Pero may ilan na nag-aatubiling umabot ng pribilehiyo. Baka ang isang brother ay nakagawa ng mga pagkakamali noon, at iniisip niyang hindi siya karapat-dapat na maglingkod bilang ministeryal na lingkod o elder. O baka nadarama naman ng isang brother na kulang siya sa kakayahan para magampanan ang isang atas. Kung ganiyan ang nadarama mo, matutulungan ka ni Jehova na magkaroon ng lakas ng loob. (Basahin ang Filipos 2:13; 4:13.) Tandaan na kahit si Moises ay nakadama na hindi siya kuwalipikado para sa isang atas. (Ex. 3:11) Pero tinulungan siya ni Jehova, at nang maglaon, nagkaroon siya ng lakas ng loob para magampanan ang gawain. Magkakaroon din ng lakas ng loob ang isang bautisadong brother kung hihingin niya ang tulong ng Diyos sa pamamagitan ng pananalangin at araw-araw na pagbabasa ng Bibliya. Makatutulong din ang pagbubulay-bulay sa mga halimbawa sa Bibliya ng mga nagpakita ng lakas ng loob. Maaari niyang hilingin sa mga elder na sanayin siya, at mag-alok ng tulong sa kongregasyon sa anumang paraang kailangan. Mga bautisadong brother, magpakalakas-loob kayo at maglingkod sa kongregasyon!

“ANG DIYOS NA JEHOVA . . . AY SUMASAIYO”

20, 21. (a) Ano ang tiniyak ni David kay Solomon? (b) Sa ano tayo makapagtitiwala?

20 Ipinaalaala ni Haring David kay Solomon na sasakaniya si Jehova hanggang sa matapos ang pagtatayo ng templo. (1 Cro. 28:20) Tiyak na isinapuso ni Solomon ang sinabi ng kaniyang ama, at hindi niya hinayaang maging sagabal ang kaniyang pagiging kabataan at kawalan ng karanasan. Nagpakalakas-loob siya, kumilos, at sa tulong ni Jehova, natapos niya ang maringal na templo sa loob ng pito at kalahating taon.

21 Tinulungan ni Jehova si Solomon, at matutulungan din niya tayong magpakalakas-loob at kumilos para magampanan ang ating gawain sa pamilya at sa kongregasyon. (Isa. 41:10, 13) Kapag nagpapakita tayo ng lakas ng loob sa pagsamba kay Jehova, makapagtitiwala tayo na pagpapalain niya tayo ngayon at sa hinaharap. Kung gayon, lahat nawa tayo ay “magpakalakas-loob . . . at kumilos.”

^ par. 12 Tungkol sa pagtatakda ng espirituwal na mga tunguhin, tingnan ang praktikal na mga hakbang sa artikulong “Gamitin ang Espirituwal na mga Tunguhin Upang Luwalhatiin ang Iyong Maylalang,” sa Ang Bantayan, Hulyo 15, 2004.