TALAMBUHAY
Pinagpala na Maging Kamanggagawa ng mga Taong Espirituwal
NOONG kalagitnaan ng dekada ’30, ang nanay at tatay ko—sina James at Jessie Sinclair—ay lumipat sa Bronx, sa New York City. Nakilala nila roon si Willie Sneddon, na galing din sa Scotland. Kahit noon lang sila nagkakilala, napag-usapan na nila ang kani-kanilang pamilya. Nangyari iyan mga ilang taon bago ako ipinanganak.
Naikuwento ni Nanay kay Willie na bago ang Malaking Digmaan, nalunod ang tatay at kuya niya nang tumama ang bangkang pangisda nila sa isang bomba sa North Sea. Sinabi ni Willie, na isang Saksi ni Jehova, “Nasa impiyerno ang tatay mo!” Nagulat ang nanay ko rito, pero sa ganitong paraan niya nalaman ang katotohanan sa Bibliya.
Nainis si Nanay sa sinabi ni Willie dahil alam niyang mabuting tao ang tatay niya. Pero idinagdag ni Willie, “Alam mo bang nagpunta si Jesus sa impiyerno?” Naalaala ni Nanay ang kredo ng simbahan, na sa orihinal nitong pagkakasulat ay nagsasabing bumaba si Jesus sa impiyerno at ibinangon noong ikatlong araw. Kaya napaisip siya, ‘Kung ang impiyerno ay isang maapoy na lugar kung saan pinarurusahan ang masasama, bakit nagpunta si Jesus doon?’ Dito nagkainteres si Nanay sa katotohanan. Nagsimula siyang dumalo sa mga pulong ng Bronx Congregation at nabautismuhan noong 1940.
Nang panahong iyon, hindi pa masyadong pinasisigla ang mga magulang na Kristiyano na turuan ng Bibliya ang kanilang mga anak. Noong maliit pa ako, si Tatay ang nag-aalaga sa akin kapag dumadalo si Nanay sa pulong at nangangaral sa dulo ng sanlinggo. Pagkaraan ng ilang taon, dumadalo na rin kami ni Tatay sa pulong kasama ni Nanay. Napakaaktibo ni Nanay sa pangangaral ng mabuting balita at marami siyang Bible study. May panahon pa nga na grupo-grupo ang tinuturuan niya dahil magkakalapit lang ang bahay ng mga inaaralan niya. Sumasama ako sa kaniya sa pangangaral kapag bakasyon. Dahil dito, marami akong natutuhan tungkol sa Bibliya at kung paano ito ituturo sa iba.
Nalulungkot akong sabihin na hindi pa ako gaanong seryoso sa katotohanan noon. Pero noong mga 12 anyos ako, naging mamamahayag
ako ng Kaharian at mula noon, regular na akong nangangaral. Sa edad na 16, inialay ko kay Jehova ang aking buhay, at nabautismuhan ako noong Hulyo 24, 1954, sa isang kombensiyon sa Toronto, Canada.PAGLILINGKOD SA BETHEL
May mga brother sa kongregasyon namin na miyembro o dating miyembro ng pamilyang Bethel. Malaki ang impluwensiya nila sa akin. Hanga ako sa kanilang paraan ng pagpapahayag at pagpapaliwanag ng mga katotohanan sa Bibliya. Kaya kahit gusto ng mga guro ko na mag-aral ako sa unibersidad, naging tunguhin ko ang maglingkod sa Bethel. Kaya sa kombensiyong iyon sa Toronto, nagpasa ako ng aplikasyon para sa Bethel. Nagpasa ulit ako noong 1955 sa isang kombensiyong ginanap sa Yankee Stadium, New York City. Di-nagtagal, noong 17 anyos ako, inanyayahan akong magsimulang maglingkod sa Brooklyn Bethel noong Setyembre 19, 1955. Noong ikalawang araw ko, nagsimula akong magtrabaho sa Bindery sa 117 Adams Street. Di-nagtagal, nag-operate ako ng isang gathering machine. Pinagsasama-sama nito ang tig-32-pahinang mga seksiyon ng aklat bago tahiin ng isang makina.
Matapos ang isang buwan sa Bindery, inilipat naman ako sa Magazine Department dahil marunong akong mag-type. Dati, nagta-type ang mga kapatid ng mga address stencil (maliliit na plate na metal) para sa mga bagong subscriber ng Ang Bantayan at Gumising! Pagkalipas ng ilang buwan, nagtrabaho naman ako sa Shipping Department. Tinanong ako ni Klaus Jensen, ang tagapangasiwa ng departamento, kung puwede kong samahan ang drayber ng truck na naghahatid ng mga karton ng literatura sa mga daungan para ipadala ang mga iyon sa buong daigdig. Mayroon ding mga sako ng magasin na kailangang dalhin sa post office para ipadala sa mga kongregasyon sa buong Estados Unidos. Naisip ni Brother Jensen na makabubuti sa akin ang
pisikal na trabahong iyon. Napakapayat ko at mga 57 kilo lang ang timbang ko. Dahil sa pagpunta-punta namin sa mga daungan at sa post office, lumakas ang pangangatawan ko. Talagang alam ni Brother Jensen kung ano ang makabubuti sa akin!Magazine Department din ang nag-aasikaso ng mga request ng kongregasyon para sa mga magasin. Kaya nalaman ko kung anong mga wika ang inililimbag sa Brooklyn at ipinadadala sa ibang mga bansa. Noon ko lang nalaman ang karamihan sa mga wikang iyon, pero masaya ako dahil alam ko na libo-libong magasin ang ipinadadala sa malalayong lugar. Wala akong kaide-ideya na darating ang panahon na magkakapribilehiyo akong dalawin ang marami sa mga lugar na iyon.
Noong 1961, inatasan naman akong magtrabaho sa Treasurer’s Office sa ilalim ng pangangasiwa ni Brother Grant Suiter. Pagkalipas ng ilang taon doon, ipinatawag ako sa opisina ni Nathan Knorr, na nangunguna noon sa pambuong-daigdig na gawain. Ipinaliwanag niya na isa sa mga brother na nagtatrabaho sa departamento niya ang mag-aaral sa Kingdom Ministry School nang isang buwan, at pagkatapos ay magtatrabaho na sa Service Department. Naatasan akong humalili sa brother na iyon at magtrabaho kasama ni Don Adams. Siyanga pala, si Don ang tumanggap ng aplikasyong ipinasa ko sa kombensiyon noong 1955. May dalawa pang brother na nagtatrabaho sa departamentong iyon, sina Robert Wallen at Charles Molohan. Kaming apat ay magkakasama sa trabaho nang mahigit 50 taon. Kagalakan kong maglingkod kasama ng tapat na mga taong espirituwal na ito!—Awit 133:1.
Noong 1970, inatasan akong maglakbay sa loob ng ilang linggo taon-taon para dalawin ang mga tanggapang pansangay ng Watch Tower
Society. Tinatawag itong mga zone visit. Kasama rito ang pagdalaw sa mga pamilyang Bethel at mga misyonero sa buong mundo, pagbibigay ng espirituwal na pampatibay-loob, at pagsusuri sa mga rekord ng tanggapang pansangay. Nakatutuwang makilala ang ilang nagtapos sa naunang mga klase ng Paaralang Gilead na naglilingkod pa rin sa kanilang mga atas! Pribilehiyo at kagalakan kong makadalaw sa mahigit 90 bansa bilang zone overseer.NAKATAGPO AKO NG TAPAT NA KASAMA
Lahat ng miyembro ng pamilyang Bethel sa Brooklyn ay inatasang umugnay sa mga kongregasyon sa New York City. Naatasan ako sa isang kongregasyon na nasa Bronx. Lumaki na kasi at nahati ang unang kongregasyon doon. Ang unang kongregasyon na iyon ay nakilala bilang Upper Bronx Congregation, at doon ako dumadalo.
Noong kalagitnaan ng dekada ’60, isang pamilyang Latvian na naging Saksi sa south Bronx ang lumipat sa teritoryo ng kongregasyon namin. Si Livija, ang panganay na babae, ay nag-regular pioneer pagkatapos niya ng high school. Pagkalipas ng ilang buwan, lumipat siya sa Massachusetts para maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mamamahayag ng Kaharian. Nagsimula akong sumulat sa kaniya para balitaan siya tungkol sa kongregasyon, at sumusulat naman siya tungkol sa matagumpay na ministeryo niya sa Boston.
Pagkatapos ng ilang taon, si Livija ay inatasang maging special pioneer. Gusto niyang maglingkod pa nang higit kay Jehova, kaya nag-aplay siya sa Bethel at naanyayahan noong 1971. Parang may ipinahihiwatig si Jehova! Kaya noong Oktubre 27, 1973, nagpakasal kami at si Brother Knorr ang nagpahayag sa aming kasal. Sinasabi sa Kawikaan 18:22: “Nakasumpong ba ang isa ng mabuting asawang babae? Siya ay nakasumpong ng mabuting bagay, at nagtatamo siya ng kabutihang-loob mula kay Jehova.” Sa loob ng mahigit 40 taon ng magkasamang paglilingkod sa Bethel, talagang natamo namin ni Livija ang kabutihang-loob ni Jehova. Sumusuporta pa rin kami sa isang kongregasyon sa may Bronx.
PAGLILINGKOD NANG BALIKATAN KASAMA NG MGA KAPATID NI KRISTO
Napakasayang maglingkod kasama ni Brother Knorr. Napakasipag niya alang-alang sa katotohanan at pinahahalagahan niya ang mga misyonero sa buong mundo. Marami sa mga ito ang kauna-unahang mga Saksi sa bansang pinaglilingkuran nila. Talagang nalungkot ako na makitang nagdusa si Brother Knorr dahil sa cancer noong 1976. Minsan, nang nakaratay na siya, pinakisuyuan niya akong basahan siya ng mga materyal na inihahanda para ilimbag. Ipinatawag niya sa akin si Frederick Franz para makapakinig din ito sa aking pagbabasa. Nang maglaon, nalaman ko na malaking panahon ang ginugugol ni Brother Knorr sa pagbabasa ng gayong materyal kay Brother Franz dahil malabo na ang mata nito.
Namatay si Brother Knorr noong 1977, pero napatibay ang mga nakakakilala at nagmamahal Apoc. 2:10) Pagkatapos, si Brother Franz na ang nanguna sa gawain.
sa kaniya dahil natapos niya nang may katapatan ang kaniyang buhay dito sa lupa. (Nang panahong iyon, naglilingkod ako bilang kalihim ni Milton Henschel, na ilang dekadang nakatrabaho ni Brother Knorr. Sinabi ni Brother Henschel na mula noon, ang magiging pangunahing responsibilidad ko sa Bethel ay ang tulungan si Brother Franz sa anumang paraan. Regular ko siyang binabasahan ng mga materyal bago ilimbag ang mga ito. Napakatalas ng memorya ni Brother Franz, at napakahusay niyang magpokus sa binabasa ko. Kagalakan kong tulungan siya hanggang sa natapos ang kaniyang buhay sa lupa noong Disyembre 1992!
Mabilis na lumipas ang 61 taon ng paglilingkod ko sa Bethel. Ang mga magulang ko ay namatay nang tapat kay Jehova, at sabik na akong salubungin sila sa isang mas mabuting daigdig. (Juan 5:28, 29) Walang maiaalok ang lumang sistemang ito ng mga bagay na makapapantay sa pribilehiyong maging kamanggagawa ng tapat na mga lalaki at babae sa buong mundo. Masasabi namin ni Livija na sa maraming taon ng buong-panahong paglilingkod namin, “ang kagalakan kay Jehova ang [naging] moog” namin.—Neh. 8:10.
Tiyak na magpapatuloy ang pangangaral ng mensahe ng Kaharian, at hindi ito nakadepende sa sinumang tao sa organisasyon ni Jehova. Kagalakan at pribilehiyo ko na maglingkod kasama ng maraming tapat na brother at sister sa nagdaang mga taon. Karamihan sa mga pinahiran na nakatrabaho ko ay wala na rito sa lupa. Pero nagpapasalamat ako na nakasama ko sa paglilingkod kay Jehova ang gayong tapat na mga taong espirituwal.