Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig—Nagpapatibay Ito

Patuloy na Magpakita ng Pag-ibig—Nagpapatibay Ito

“Ang pag-ibig ay nagpapatibay.”—1 COR. 8:1.

AWIT: 109, 121

1. Anong mahalagang paksa ang tinalakay ni Jesus noong huling gabi niya kasama ang mga alagad?

NOONG huling gabi ni Jesus kasama ang mga alagad, halos 30 ulit niyang binanggit ang pag-ibig. Partikular niyang sinabi na dapat “ibigin [ng mga alagad] ang isa’t isa.” (Juan 15:12, 17) Ang pag-ibig na iyon ay dapat na bukod-tangi anupat malinaw na magpapakilalang sila ay mga tunay na tagasunod niya. (Juan 13:34, 35) Ang pag-ibig na ito ay hindi lang basta emosyon. Ang tinutukoy ni Jesus ay ang pinakamarangal na katangian—ang mapagsakripisyong pag-ibig. Sinabi niya: “Walang sinuman ang may pag-ibig na mas dakila kaysa rito, na ibigay ng isa ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa kaniyang mga kaibigan. Kayo ay mga kaibigan ko kung ginagawa ninyo ang iniuutos ko sa inyo.”—Juan 15:13, 14.

2. (a) Ano ang makikita natin sa mga lingkod ng Diyos? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?

2 Ang tunay at mapagsakripisyong pag-ibig at ang napakatibay na pagkakaisa ng mga lingkod ni Jehova sa ngayon ang nagpapakilalang sila ay bayan ng Diyos. (1 Juan 3:10, 11) Laking pasasalamat natin na nakikita sa mga lingkod ni Jehova ang tulad-Kristong pag-ibig anuman ang kanilang nasyonalidad, tribo, wika, o pinagmulan! Pero baka maitanong natin: ‘Bakit lalo nang mahalaga sa ngayon ang pag-ibig? Paano tayo pinatitibay ni Jehova at ni Jesus sa pag-ibig? Paano maipakikita ng bawat isa sa atin ang tulad-Kristong pag-ibig na “nagpapatibay”?’—1 Cor. 8:1.

KUNG BAKIT LALO NANG MAHALAGA SA NGAYON ANG PAG-IBIG

3. Ano ang epekto sa mga tao ng “panahong [ito na] mapanganib”?

3 Dahil ang buhay ay punong-puno ng “kabagabagan at nakasasakit na mga bagay” sa “panahong [ito na] mapanganib,” marami ang dumaranas ng iba’t ibang antas ng paghihirap ng kalooban. (Awit 90:10; 2 Tim. 3:1-5) Napakaraming tao ang gusto nang sumuko. Tinatayang mahigit 800,000 tao ang nagpapakamatay taon-taon—mga isa sa bawat 40 segundo. Nakalulungkot, may ilang Kristiyanong nagpadala rin sa gayong mga stress at nagpakamatay.

4. Sino-sinong karakter sa Bibliya ang nagsabing gusto na nilang mamatay?

4 Noong panahon ng Bibliya, may ilang tapat na lingkod ng Diyos na gusto nang mamatay dahil sa bigat ng problema nila. Halimbawa, dahil sa matinding kirot na nararamdaman ni Job, ayaw na niyang mabuhay pa, kaya nasabi niya: “Ang aking kaluluwa ay talagang naririmarim sa aking buhay.” (Job 10:1; 14:13) Dismayadong-dismayado si Jonas sa kinalabasan ng atas niya, kaya nasabi niya: “Ngayon, O Jehova, pakisuyo, kunin mo sa akin ang aking kaluluwa, sapagkat ang aking kamatayan ay mas mabuti kaysa sa aking pagiging buháy.” (Jon. 4:3) Sobra ding naapektuhan ang tapat na propetang si Elias dahil sa nangyari sa kaniya kung kaya gusto na niyang mamatay. Sinabi niya: “Sapat na! Ngayon, O Jehova, kunin mo ang aking kaluluwa.” (1 Hari 19:4) Pero napakahalaga kay Jehova ng tapat na mga lingkod na iyon at gusto niya silang patuloy na mabuhay. Sa halip na masamain ang nadama nila, tinulungan niya silang mapaglabanan ang kaisipang iyon at pinatibay niya sila sa pag-ibig para patuloy na makapaglingkod nang tapat sa kaniya.

5. Bakit kailangan ng mga kapatid ang pag-ibig natin lalo na ngayon?

5 Kahit hindi pa naman sumusuko ang mga kapatid, marami sa ngayon ang napapaharap sa nakaka-stress na sitwasyon at kailangang patibayin sa pag-ibig. Ang ilan ay inuusig at tinutuya. Ang iba ay biktima ng pamumuna o paninira nang talikuran sa kanilang pinagtatrabahuhan. O pagód na pagód sila dahil sa overtime o sunod-sunod na deadline. Ang iba naman ay pinahihirapan ng mga problema sa pamilya, gaya marahil ng labis na paninitá ng asawang di-Saksi. Dahil sa mga ito at iba pang panggigipit, marami sa kongregasyon ang nasasagad na sa pisikal at emosyonal na paraan. Sino kaya ang makatutulong sa kanila para huwag silang sumuko?

PINATITIBAY NG PAG-IBIG NI JEHOVA

6. Paano pinatitibay ni Jehova ang kaniyang mga lingkod sa pag-ibig?

6 Pinatitibay ni Jehova ang kaniyang mga mananamba sa pamamagitan ng pagtiyak sa kanila ng kaniyang di-nagmamaliw na pag-ibig. Tiyak na napatibay ang tapat na mga Israelita nang marinig nila ang sinabi ni Jehova: “Naging mahalaga ka sa aking paningin, itinuring kang marangal, at aking inibig ka. . . . Huwag kang matakot, sapagkat ako ay sumasaiyo”! (Isa. 43:4, 5) Bilang lingkod ni Jehova, makatitiyak kang mahal na mahal ka niya. * Nangangako ang Salita ng Diyos sa mga nagtataguyod ng dalisay na pagsamba: “Bilang Isa na makapangyarihan, siya ay magliligtas. Magbubunyi siya sa iyo nang may pagsasaya.”—Zef. 3:16, 17.

7. Bakit maihahalintulad sa isang nagpapasusong ina ang pag-ibig ni Jehova? (Tingnan ang larawan sa simula ng artikulo.)

7 Anumang pagsubok ang mapaharap sa kaniyang bayan, nangangako si Jehova na palalakasin at aaliwin niya sila. “Kayo ay tiyak na sususo. Sa tagiliran ay bubuhatin kayo, at sa ibabaw ng mga tuhod ay hahaplusin kayo. Tulad ng isang tao na patuloy na inaaliw ng kaniyang sariling ina, gayon ko kayo patuloy na aaliwin.” (Isa. 66:12, 13) Nakaaantig nga ng puso—isang mapagmahal na ina kalong ang kaniyang sanggol o nasa kaniyang mga tuhod at hinahaplos ito! Ganiyan kasidhi ang pag-ibig ni Jehova sa mga tunay na mananamba. Huwag na huwag kang mag-alinlangang napakahalaga mo kay Jehova at mahal na mahal ka niya.—Jer. 31:3.

8, 9. Paano tayo napatitibay ng pag-ibig ni Jesus?

8 May isa pang dahilan kung bakit naaakit ang mga tunay na Kristiyano sa pag-ibig ng Diyos: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Kay laki rin ng pag-ibig ni Jesus dahil ibinigay niya ang buhay niya para sa atin! Hindi ba’t isang mabisang pampatibay-loob ang pag-ibig na iyan? Nangangako ang Salita ng Diyos na kahit ang ‘kapighatian o ang kabagabagan’ ay hindi ‘makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Kristo.’—Roma 8:35, 38, 39.

9 Kapag nakikipagpunyagi tayo sa mga pagsubok na umuubos ng lakas sa pisikal, emosyonal, o espirituwal na paraan, ang malakas na puwersa ng pag-ibig ng Kristo ang tutulong sa atin na makapagbata. (Basahin ang 2 Corinto 5:14, 15.) Ang pag-ibig ni Jesus ang nagpapalakas at nag-uudyok sa atin na huwag sumuko, kahit sa harap ng mga pagsubok gaya ng sakuna, pag-uusig, pagkabigo, o pagkabalisa.

KAILANGAN NG MGA KAPATID ANG ATING PAG-IBIG

Mapakikilos ka ng pag-aaral sa halimbawa ni Jesus (Tingnan ang parapo 10, 11)

10, 11. Sino ang may pananagutang magpatibay sa mga kapatid na pinanghihinaan ng loob? Ipaliwanag.

10 Ang isang paraan ng pagpapatibay ni Jehova sa atin sa pag-ibig ay ang kongregasyong Kristiyano. Masusuklian ng bawat isa sa atin ang kaniyang pag-ibig kung iibigin at patitibayin natin ang mga kapatid hindi lang sa espirituwal kundi pati sa emosyonal na paraan. (1 Juan 4:19-21) Hinimok ni apostol Pablo ang mga Kristiyano: “Patuloy ninyong aliwin ang isa’t isa at patibayin ang isa’t isa, gaya nga ng ginagawa ninyo.” (1 Tes. 5:11) Oo, ang lahat sa kongregasyon—hindi lang mga elder—ay makatutulad kay Jehova at kay Jesus sa pag-aliw at pagpapatibay sa mga kapatid.—Basahin ang Roma 15:1, 2.

11 Baka kailangan ng ilang kapatid na may problema sa emosyon ang tulong ng doktor. (Luc. 5:31) Aminado ang mga elder at ang iba pa sa kongregasyon na hindi sila mga doktor. Pero may mahalagang papel pa rin silang dapat gampanan—ang “magsalita nang may pang-aliw sa mga kaluluwang nanlulumo, alalayan ang mahihina, magkaroon ng mahabang pagtitiis sa lahat.” (1 Tes. 5:14) Lahat ng Kristiyano ay kailangang magpakita ng maibiging empatiya at mahabang pagtitiis, na nagsasalita nang may pang-aliw para mapatibay ang mga pinanghihinaan ng loob. Pinagmumulan ka ba ng kaaliwan at pampatibay-loob? Mas magiging epektibo ang iyong pagsisikap na makatulong kapag alam mo kung paano ito gagawin.

12. Magbigay ng halimbawa ng isa na napatibay dahil sa pag-ibig ng kongregasyon.

12 Paano mapatitibay ng ating pag-ibig ang mga may mabibigat na pinagdaraanan? “Kung minsan, naiisip kong magpakamatay,” ang sabi ng isang sister sa Europe. “Pero may umaalalay sa akin. Iniligtas ng kongregasyon ang buhay ko. Laging nakapagpapatibay at maibigin ang mga kapatid. Kahit iilan lang ang nakakaalam na may depresyon ako, laging nakaalalay sa akin ang kongregasyon. Isang mag-asawa ang para ko nang mga magulang. Inaalagaan nila ako, at 24-oras silang nandiyan para sa akin.” Siyempre pa, hindi naman lahat ay nakatutulong nang ganoon. Pero malaki ang nagagawa ng ating taimtim na pagsuporta sa mga may mabibigat na pinagdaraanan. *

KUNG PAANO PATITIBAYIN ANG IBA SA PAG-IBIG

13. Ano ang kailangan para mapatibay ang iba?

13 Maging mabuting tagapakinig. (Sant. 1:19) Kapag nakikinig ka nang may empatiya, pagpapakita iyan ng pag-ibig. Sa mataktika at madamaying paraan, puwede kang magtanong para maunawaan mo ang nadarama ng isang nagdurusa. Tutulong ito para makapagpakita ka ng empatiya at mapatibay siya. Ipakita sa ekspresyon ng iyong mukha na talagang nagmamalasakit ka sa kaniya. Kung gusto niyang detalyehin ang mga bagay-bagay, matiyagang makinig at iwasang sumabad. Sa paggawa nito, mas malamang na maunawaan mo ang nadarama niya. Makatutulong iyan para magtiwala siya, at sa gayon ay makinig sa iyo habang pinatitibay mo siya. Kapag ipinakita mong talagang nagmamalasakit ka, magdudulot ito ng kaaliwan sa kaniya.

14. Bakit gusto nating iwasang maging mapamuna?

14 Iwasang maging mapamuna. Kapag mapamuna tayo sa mga nadedepres, lalo natin silang napabibigatan at mababale-wala ang pagsisikap nating mapatibay sila sa pag-ibig. “May isa na nagsasalita nang di-pinag-iisipan na gaya ng mga saksak ng tabak, ngunit ang dila ng marurunong ay kagalingan.” (Kaw. 12:18) Siyempre pa, wala tayong intensiyong ‘saksakin’ sila ng masasakit na salita. Pero kahit di-sinasadyang “nasaksak” ang isa, napakasakit pa rin nito. Para mapatibay ang iba sa pag-ibig, kailangan ang empatiya—ang paglalagay ng ating sarili sa kanilang kalagayan.—Mat. 7:12.

15. Anong napakahalagang pantulong ang magagamit natin para patibayin ang iba sa pag-ibig?

15 Aliwin ang iba gamit ang Salita ng Diyos. (Basahin ang Roma 15:4, 5.) Ang Banal na Kasulatan ay isang napakahalagang pinagmumulan ng kaaliwan. Ang Bibliya ay mula sa “Diyos na naglalaan ng pagbabata at kaaliwan.” Bukod sa nakaaaliw na mga teksto, napakarami rin nating pantulong sa pag-aaral ng Bibliya. Magagamit natin ang Watch Tower Publications Index at ang Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Sa tulong ng mga ito, mahahanap natin ang nakapagpapatibay na mga teksto para maharap ang lahat ng uri ng problema. Sa gayon, makapagbibigay tayo ng mga salitang punong-puno ng empatiya para lalong maging epektibo ang ating pagsisikap.

16. Anong mga katangian ang kailangan kapag pinatitibay ang isang nadedepres na Kristiyano?

16 Maging magiliw at mahinahon. Ang mga ito ay napakahalagang aspekto ng di-makasariling pag-ibig na ipinakikita natin kapag pinatitibay ang iba. Si Jehova mismo “ang Ama ng magiliw na kaawaan at ang Diyos ng buong kaaliwan,” at mayroon siyang “magiliw na pagkamahabagin” sa kaniyang mga lingkod. (Basahin ang 2 Corinto 1:3-6; Luc. 1:78; Roma 15:13) Nagpakita si Pablo ng magandang halimbawa sa bagay na ito. Isinulat niya: “Kami ay naging banayad sa gitna ninyo, gaya ng isang nagpapasusong ina na nag-aaruga ng kaniyang sariling mga anak. Kaya, taglay ang magiliw na pagmamahal sa inyo, lubos kaming nalugod na ibahagi sa inyo, hindi lamang ang mabuting balita ng Diyos, kundi gayundin ang aming sariling mga kaluluwa, sapagkat napamahal kayo sa amin.” (1 Tes. 2:7, 8) Kapag nagpakita tayo ng pagkamagiliw, puwede tayong maging sagot sa panalangin ng isang nanlulumo.

17. Anong balanseng pananaw sa mga kapatid ang tutulong sa atin na mapatibay sila sa pag-ibig?

17 Huwag umasa ng kasakdalan sa mga kapatid. Panatilihin ang balanseng pananaw sa mga kapatid. Kung aasahan mong hindi sila magkakamali, hindi iyon makatotohanan at mabibigo ka lang. (Ecles. 7:21, 22) Tandaan, si Jehova ay makatotohanan sa hinihiling niya sa kaniyang mga lingkod. Kung tutularan natin siya, mapagpapasensiyahan natin ang di-kasakdalan ng iba. (Efe. 4:2, 32) Sa halip na ipahiwatig na hindi sapat ang ginagawa nila, komendahan sila sa nagagawa nila. Magpapatibay iyan sa kanila. Ang taimtim na komendasyon ay nagpapatibay sa iba sa pag-ibig at nakatutulong sa kanila na makasumpong ng “dahilan na magbunyi” sa kanilang sagradong paglilingkod. Mas mabuti iyan sa halip na ikumpara sila sa iba na ikadidismaya lang nila.—Gal. 6:4.

18. Ano ang nagpapasigla sa atin na patibayin ang iba sa pag-ibig?

18 Ang bawat tupa ni Jehova ay napakahalaga sa kaniya at kay Jesus, na naglaan ng haing pantubos. (Gal. 2:20) Mahal na mahal natin ang mga kapatid. At gusto natin silang pangalagaan sa magiliw at maibiging paraan. Para pagmulan ng kaginhawahan, “itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (Roma 14:19) Sabik na sabik na tayong dumating ang Paraiso, kung saan wala nang dahilan para masiraan ng loob! Wala na roong sakit, digmaan, minanang kamatayan, pag-uusig, alitan sa loob ng pamilya, at pagkabigo. Pagkatapos ng Milenyo, sakdal na ang mga tao. Ang mga nakapasa sa huling pagsubok ay aampunin bilang makalupang mga anak ng Diyos na Jehova at magtatamo ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” (Roma 8:21) Lahat nawa tayo ay patuloy na magpakita ng pag-ibig na nagpapatibay at magtulungan sa isa’t isa para maabot ang kasiya-siyang tunguhing iyan.

^ par. 12 Para sa praktikal na mga mungkahi kung paano pakikitunguhan ang mga nag-iisip magpakamatay, tingnan sa Gumising! ang mga artikulong: “Bakit Pa Kailangang Mabuhay?—May Tatlong Dahilan” (Abril 2014); “Kapag Parang Ayaw Mo Nang Mabuhay” (Enero 2012); at “Sulit ang Mabuhay” (Oktubre 22, 2001).