Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 37

Magpasakop kay Jehova—Bakit at Paano?

Magpasakop kay Jehova—Bakit at Paano?

“Hindi ba dapat na lalo tayong magpasakop sa Ama?”—HEB. 12:9.

AWIT 9 Si Jehova ang Ating Hari!

NILALAMAN *

1. Bakit dapat tayong magpasakop kay Jehova?

DAPAT tayong magpasakop * kay Jehova dahil siya ang ating Maylalang. Dahil diyan, siya ang may karapatang magtakda ng mga pamantayan para sa mga nilalang niya. (Apoc. 4:11) Pero may isa pang magandang dahilan kung bakit dapat tayong sumunod sa kaniya—ang paraan ng pamamahala niya ang pinakamabuti. Marami nang taong naging tagapamahala. Pero kumpara sa kanila, si Jehova ang pinakamatalino, pinakamaibigin, pinakamaawain, at pinakamapagmalasakit na Tagapamahala sa lahat.—Ex. 34:6; Roma 16:27; 1 Juan 4:8.

2. Ayon sa Hebreo 12:9-11, ano ang mga dahilan kung bakit dapat tayong magpasakop kay Jehova?

2 Gusto ni Jehova na sundin natin siya, hindi lang dahil sa takót tayo sa kaniya, kundi dahil mahal natin siya at itinuturing natin siyang mapagmahal na Ama. Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo, ipinaliwanag niyang “dapat na lalo tayong magpasakop sa Ama” dahil sinasanay niya tayo “para sa kabutihan natin.”—Basahin ang Hebreo 12:9-11.

3. (a) Paano natin maipapakitang nagpapasakop tayo kay Jehova? (b) Anong mga tanong ang sasagutin natin?

3 Nagpapasakop tayo kay Jehova kapag sinisikap nating sundin siya sa lahat ng bagay at nilalabanan ang tendensiyang umasa sa sarili nating unawa. (Kaw. 3:5) Nagiging mas madali sa atin na magpasakop kay Jehova habang nalalaman natin ang magaganda niyang katangian. Bakit? Dahil nakikita natin ang mga katangiang ito sa lahat ng ginagawa niya. (Awit 145:9) Habang nakikilala natin siya, lalo natin siyang mamahalin. At kapag mahal natin siya, hindi na natin kailangan ng mahabang listahan ng mga dapat at di-dapat gawin. Sisikapin nating iayon ang ating iniisip at nadarama sa gusto ni Jehova at iiwasan natin ang masama sa paningin niya. (Awit 97:10) Pero kung minsan, baka mahirapan tayong sumunod kay Jehova. Bakit kaya? At ano ang matututuhan ng mga elder, ama, at ina sa halimbawa nina Gobernador Nehemias; Haring David; at Maria, na ina ni Jesus? Sasagutin ng artikulong ito ang mga tanong na iyan.

BAKIT MAHIRAP MAGPASAKOP KAY JEHOVA KUNG MINSAN?

4-5. Ayon sa Roma 7:21-23, bakit mahirap magpasakop kay Jehova kung minsan?

4 Ang isang dahilan kung bakit mahirap magpasakop kay Jehova kung minsan ay dahil nagmana tayo ng kasalanan at hindi tayo sakdal. Kaya may tendensiya tayong magrebelde. Nang magrebelde sa Diyos sina Adan at Eva at kumain ng ipinagbabawal na bunga, para na ring gumawa sila ng sarili nilang pamantayan. (Gen. 3:22) Sa ngayon, binabale-wala rin ng karamihan si Jehova, at sila ang nagpapasiya kung ano ang tama at mali.

5 Kahit ang mga nakakakilala at umiibig kay Jehova ay baka nahihirapan ding magpasakop nang lubusan sa kaniya. Naranasan iyan ni apostol Pablo. (Basahin ang Roma 7:21-23.) Gaya ni Pablo, gusto rin nating gawin ang tama sa paningin ni Jehova. Pero kailangan nating patuloy na labanan ang tendensiyang gumawa ng mali.

6-7. Ano ang isa pang dahilan kung bakit mahirap magpasakop kay Jehova kung minsan? Magbigay ng halimbawa.

6 Ang isa pang dahilan kung bakit mahirap magpasakop kay Jehova kung minsan ay dahil sa kulturang kinalakhan natin. Maraming ideya ang tao na salungat sa gusto ni Jehova, kaya kailangan nating patuloy na magsikap para hindi tayo maimpluwensiyahan ng kaisipan nila. Tingnan ang isang halimbawa.

7 Karaniwan na sa ilang lugar na i-pressure ang mga kabataan na magsumikap para kumita ng malaking pera. Naranasan iyan ng sister na si Mary. * Bago niya nakilala si Jehova, nag-aral siya sa isang kilaláng paaralan sa bansa nila. Pine-pressure siya ng pamilya niya na kumuha ng magandang trabaho na malaki ang suweldo. Iyon din ang gusto niya noon. Pero nang makilala niya at matutuhang mahalin si Jehova, nagbago ang mga tunguhin niya. Gayunman, sinabi niya: “Kung minsan, may dumarating na magagandang oportunidad na puwede kong pagkakitaan ng malaking pera pero makakahadlang naman sa paglilingkod ko kay Jehova. Dahil sa pagpapalaki sa akin, nahihirapan pa rin akong palampasin ’yon. Kailangan kong makiusap kay Jehova na tulungan akong malabanan ang tuksong tumanggap ng trabaho na makakahadlang sa paglilingkod ko sa kaniya.”—Mat. 6:24.

8. Ano ang tatalakayin natin ngayon?

8 Napapabuti tayo kapag nagpapasakop tayo kay Jehova. Pero ang mga may awtoridad, gaya ng mga elder, ama, at ina, ay may karagdagang dahilan para sumunod sa Diyos; may pagkakataon silang makatulong sa iba. Tingnan ang ilang halimbawa sa Bibliya na nagpapakita kung paano natin gagamitin ang ating awtoridad sa paraang makapagpapasaya kay Jehova.

ANO ANG MATUTUTUHAN NG MGA ELDER KAY NEHEMIAS?

Tumutulong ang mga elder sa pag-aayos ng Kingdom Hall, gaya ni Nehemias na tumulong sa muling pagtatayo ng Jerusalem (Tingnan ang parapo 9-11) *

9. Anong mga hamon ang kinaharap ni Nehemias?

9 Ipinagkatiwala ni Jehova sa mga elder ang mahalagang pananagutang pangalagaan ang bayan niya. (1 Ped. 5:2) Maraming matututuhan ang mga elder sa pakikitungo ni Nehemias sa bayan ni Jehova. Bilang gobernador noon ng Juda, malaki ang kaniyang awtoridad. (Neh. 1:11; 2:7, 8; 5:14) Isipin ang ilang hamong kinaharap niya. Nalaman niyang nilalapastangan ng mga Judio ang templo at hindi nila sinusunod ang kautusan na suportahan sa pinansiyal ang mga Levita. Nilalabag nila ang kautusan ng Sabbath, at ang ilan sa mga lalaki ay nag-aasawa ng mga babaeng banyaga. Kailangan itong asikasuhin ni Gobernador Nehemias.—Neh. 13:4-30.

10. Paano hinarap ni Nehemias ang mga hamon?

10 Hindi inabuso ni Nehemias ang kaniyang awtoridad. Hindi siya gumawa ng sariling pamantayang ipapasunod sa bayan ng Diyos. Sa halip, taimtim siyang nanalangin para sa patnubay ni Jehova, at itinuro niya sa bayan ang Kautusan ng Diyos. (Neh. 1:4-10; 13:1-3) Mapagpakumbaba rin siyang nakipagtulungan sa kanila; tumulong pa nga siya sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem.—Neh. 4:15.

11. Ayon sa 1 Tesalonica 2:7, 8, paano dapat pakitunguhan ng mga elder ang mga nasa kongregasyon?

11 Baka hindi naman nararanasan ng mga elder ang mga naging problema ni Nehemias, pero natutularan nila siya sa maraming paraan. Halimbawa, nagsisikap sila para sa kapakanan ng mga kapatid. Hindi nila iniisip na nakatataas sila sa iba dahil sa kanilang awtoridad. Sa halip, mabait silang makitungo sa mga kapatid. (Basahin ang 1 Tesalonica 2:7, 8.) Makikita sa pakikipag-usap nila sa iba ang kanilang pag-ibig at kapakumbabaan. Sinabi ng isang makaranasang elder na si Andrew: “Napansin kong kapag mabait at palakaibigan ang mga elder, nakikinig sa kanila ang mga kapatid. Dahil sa mga katangiang ito, napapakilos ang kongregasyon na makipagtulungan sa mga elder.” Sinabi naman ng isa pang matagal nang elder na si Tony: “Sinisikap kong sundin ang payo sa Filipos 2:3 at ituring ang iba na nakatataas sa akin. Nakakatulong ’yon para hindi ako mag-astang diktador.”

12. Bakit mahalagang maging mapagpakumbaba ang mga elder?

12 Dapat na maging mapagpakumbaba ang mga elder, gaya ni Jehova. Kahit si Jehova ang Kataas-taasan sa uniberso, “yumuyuko siya” para ibangon “ang hamak mula sa alabok.” (Awit 18:35; 113:6, 7) Sa katunayan, nasusuklam si Jehova sa mga mapagmataas at arogante.—Kaw. 16:5.

13. Bakit kailangan ng mga elder na ‘magkontrol ng dila’?

13 Ang elder na nagpapasakop kay Jehova ay kailangang ‘magkontrol ng dila.’ Kung hindi, baka makapagsalita siya ng di-maganda sa isa na walang paggalang sa kaniya. (Sant. 1:26; Gal. 5:14, 15) Sinabi ni Andrew, na binanggit kanina: “Kung minsan, gustong-gusto kong barahin y’ong kapatid na pakiramdam ko, walang paggalang sa akin. Pero naiisip ko ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ng Diyos sa Bibliya, at nakakatulong ’yon para makita ko kung gaano kahalagang maging mapagpakumbaba at maamo.” Naipapakita ng mga elder na nagpapasakop sila kay Jehova kapag mabait silang makipag-usap sa mga kapatid, pati na sa kapuwa nila elder.—Col. 4:6.

ANO ANG MATUTUTUHAN NG MGA AMA KAY HARING DAVID?

14. Anong papel ang ibinigay ni Jehova sa mga ama, at ano ang inaasahan niya sa kanila?

14 Inatasan ni Jehova ang mga ama bilang ulo ng pamilya, at inaasahan ng Diyos na sasanayin nila at didisiplinahin ang kanilang mga anak. (1 Cor. 11:3; Efe. 6:4) Pero may limitasyon ang awtoridad ng ama—mananagot siya kay Jehova, ang pinagmulan ng bawat pamilya. (Efe. 3:14, 15) Nagpapasakop ang mga ama kay Jehova kapag ginagamit nila ang awtoridad nila sa paraang gusto ng Diyos. Marami silang matututuhan kay Haring David.

Dapat makita sa pananalangin ng isang Kristiyanong ama ang kapakumbabaan (Tingnan ang parapo 15-16) *

15. Bakit magandang halimbawa si Haring David para sa mga ama?

15 Inatasan ni Jehova si David hindi lang bilang ulo ng kaniyang pamilya kundi ng buong bansang Israel. Bilang hari, makapangyarihan si David. May mga pagkakataong ginamit niya sa maling paraan ang kapangyarihan niya at nagkasala siya nang malubha. (2 Sam. 11:14, 15) Pero ipinakita niyang nagpapasakop siya kay Jehova nang tanggapin niya ang disiplina sa kaniya. Nanalangin siya at sinabi niya kay Jehova ang kaniyang niloloob. At sinikap niyang sundin ang mga payo ni Jehova. (Awit 51:1-4) Gayundin, mapagpakumbaba siyang tumanggap ng magandang mungkahi, hindi lang mula sa mga lalaki, kundi pati sa mga babae. (1 Sam. 19:11, 12; 25:32, 33) Natuto si David sa kaniyang mga pagkakamali at inuna niya sa kaniyang buhay ang paglilingkod kay Jehova.

16. Anong mga aral ang matututuhan ng mga ama kay David?

16 Ito ang ilang aral na matututuhan ng mga ama kay Haring David: Huwag abusuhin ang awtoridad na ibinigay sa iyo ni Jehova. Aminin ang mga pagkakamali mo, at tanggapin ang payo ng iba mula sa Bibliya. Kung gagawin mo iyan, igagalang ka ng pamilya mo dahil sa iyong kapakumbabaan. Kapag nananalanging kasama nila, sabihin mo kay Jehova ang niloloob mo—hayaang marinig nila na talagang sa Diyos ka umaasa. At higit sa lahat, unahin sa iyong buhay ang paglilingkod kay Jehova. (Deut. 6:6-9) Ang iyong magandang halimbawa ang isa sa pinakamagandang regalong maibibigay mo sa iyong pamilya.

ANO ANG MATUTUTUHAN NG MGA INA KAY MARIA?

17. Anong papel ang ibinigay ni Jehova sa mga ina?

17 Binigyan ni Jehova ang mga ina ng marangal na papel sa pamilya, at binigyan niya sila ng awtoridad sa mga anak. (Kaw. 6:20) Sa katunayan, malaki ang impluwensiya ng isang ina sa buhay ng mga anak niya. (Kaw. 22:6) Tingnan kung ano ang matututuhan nila kay Maria, na ina ni Jesus.

18-19. Ano ang matututuhan ng mga ina sa halimbawa ni Maria?

18 Alam na alam ni Maria ang sinasabi ng Kasulatan. Mayroon siyang matinding paggalang at matibay na kaugnayan kay Jehova. Handa siyang magpasakop kay Jehova, kahit mangahulugan ito ng malaking pagbabago sa buhay niya.—Luc. 1:35-38, 46-55.

Kapag ang isang ina ay pagód, baka kailangan niyang mas pagsikapang makapagpakita ng pag-ibig sa kaniyang mga kapamilya (Tingnan ang parapo 19) *

19 Mga ina, matutularan ninyo si Maria sa ilang paraan. Paano? Una, panatilihing matibay ang kaugnayan mo kay Jehova sa tulong ng personal na pag-aaral ng Bibliya at pananalangin. Ikalawa, maging handa na gumawa ng pagbabago sa iyong buhay para mapasaya si Jehova. Halimbawa, baka lumaki ka sa mga magulang na magagalitin at masakit magsalita sa mga anak. Dahil iyon ang nakagisnan mo, baka iniisip mong normal lang iyon. At kahit alam mo na ang mga pamantayan ni Jehova, baka mahirapan ka pa ring manatiling kalmado at mawala ang pasensiya mo sa iyong mga anak, lalo na kung pagód ka at ayaw ka nilang sundin. (Efe. 4:31) Sa ganiyang mga pagkakataon, lalo mong kailangang hingin ang tulong ni Jehova. Sinabi ni Lydia, na isang ina: “Kung minsan, kailangan kong manalangin nang marubdob para hindi ako makapagsalita nang pagalit kapag sinusuway ako ng anak ko. Humihinto pa nga ako sa kalagitnaan ng sinasabi ko at tahimik na nananalangin kay Jehova. Nakakatulong ang panalangin para manatili akong kalmado.”—Awit 37:5.

20. Nahihirapan ang ilang ina na gawin ang ano, at paano nila ito mapagtatagumpayan?

20 Mayroon namang mga ina na nahihirapang magpakita ng pagmamahal sa mga anak nila. (Tito 2:3, 4) Baka lumaki sila sa pamilyang hindi malapít ang mga magulang sa kanilang mga anak. Kung ganoon ang pagpapalaki sa iyo, hindi mo kailangang ulitin ang pagkakamali ng iyong mga magulang. Baka kailangan ng isang inang nagpapasakop kay Jehova na pagsikapang matutuhan kung paano magpapakita ng pagmamahal sa kaniyang mga anak. Baka mahirapan siyang baguhin ang kaniyang pag-iisip at pagkilos. Pero kaya niyang gawin iyon, at kapag nagbago siya, mapapabuti siya at ang pamilya niya.

PATULOY NA MAGPASAKOP KAY JEHOVA

21-22. Ayon sa Isaias 65:13, 14, ano ang mga kapakinabangan ng pagpapasakop kay Jehova?

21 Alam ni Haring David ang mga kapakinabangan ng pagpapasakop kay Jehova. Sinabi niya: “Ang mga utos ni Jehova ay matuwid, nagpapasaya ng puso; ang batas ni Jehova ay malinis, nagbibigay ng liwanag sa mga mata. Nagbibigay ang mga iyon ng babala sa lingkod mo; sa pagsunod sa mga iyon ay may malaking gantimpala.” (Awit 19:8, 11) Sa ngayon, makikita natin ang pagkakaiba ng nagpapasakop kay Jehova at ng hindi sumusunod sa kaniyang maibiging payo. Ang mga nagpapasakop sa kaniya ay ‘humihiyaw sa kagalakan dahil sa mabuting kalagayan ng puso.’—Basahin ang Isaias 65:13, 14.

22 Kapag ang mga elder, ama, at ina ay nagpapasakop kay Jehova, napapabuti sila, nagiging mas masaya ang pamilya nila, at lalong nagkakaisa ang buong kongregasyon. Higit sa lahat, napapasaya nila ang puso ni Jehova. (Kaw. 27:11) May hihigit pa ba sa gantimpalang iyan?

AWIT 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

^ par. 5 Tatalakayin sa artikulong ito kung bakit dapat tayong magpasakop kay Jehova. Tatalakayin din dito kung ano ang matututuhan ng mga elder, ama, at ina—mga taong may awtoridad—sa halimbawa nina Gobernador Nehemias; Haring David; at Maria, na ina ni Jesus.

^ par. 1 KARAGDAGANG PALIWANAG: Ang mga salitang magpasakop at pagpapasakop ay may negatibong kahulugan para sa mga pinipilit sumunod sa iba. Pero pinili ng bayan ng Diyos na sumunod sa Kaniya, kaya hindi negatibo ang tingin nila sa pagpapasakop.

^ par. 7 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.

^ par. 62 LARAWAN: Tinutulungan ng elder ang kaniyang anak sa pag-aayos ng Kingdom Hall, gaya ni Nehemias na tumulong sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem.

^ par. 64 LARAWAN: Pinangungunahan ng ama ang pamilya niya sa pananalangin kay Jehova.

^ par. 66 LARAWAN: Matagal na naglaro ng video game ang batang lalaki pero hindi pa niya natatapos ang mga assignment niya. Kahit pagód na ang nanay niya galing sa trabaho, mahinahon pa rin siyang dinidisiplina nito at hindi ito gumagamit ng masasakit na salita.