Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 35

Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niyang Mapagpakumbaba

Mahalaga kay Jehova ang mga Lingkod Niyang Mapagpakumbaba

“Nagbibigay-pansin [si Jehova] sa mapagpakumbaba.”—AWIT 138:6.

AWIT 48 Lumakad Kasama ni Jehova Araw-araw

NILALAMAN *

1. Ano ang nadarama ni Jehova sa mga mapagpakumbaba? Ipaliwanag.

MAHAL ni Jehova ang mapagpakumbaba. Ang mga tunay na mapagpakumbaba lang ang puwedeng magkaroon ng malapít na kaugnayan sa kaniya. “Pero ang mapagmataas ay kilala lang niya sa malayo.” (Awit 138:6) Gusto nating lahat na mapasaya si Jehova at madama ang kaniyang mainit na pagmamahal, kaya mahalagang matutuhan natin na maging mapagpakumbaba.

2. Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?

2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang sagot sa tatlong tanong: (1) Ano ang kapakumbabaan? (2) Bakit dapat tayong maging mapagpakumbaba? (3) Kailan mahirap maging mapagpakumbaba? Gaya ng tatalakayin natin, kapag mapagpakumbaba tayo, napapasaya natin ang puso ni Jehova at nakikinabang tayo.—Kaw. 27:11; Isa. 48:17.

ANO ANG KAPAKUMBABAAN?

3. Ano ang kapakumbabaan?

3 Ang kapakumbabaan ay kababaan ng pag-iisip at kabaligtaran ng pagiging mapagmataas o arogante. Sinasabi ng Bibliya na kapag ang isang tao ay mapagpakumbaba, naiintindihan niyang si Jehova ang pinakadakila sa lahat, at aminado siyang sa paanuman, nakakataas sa kaniya ang iba.—Fil. 2:3, 4.

4-5. Bakit masasabing ang tunay na kapakumbabaan ay hindi nakikita sa panlabas?

4 May mga taong mukhang mapagpakumbaba. Baka mahiyain sila at tahimik. O baka magalang sila dahil sa kanilang kultura at kinalakhan. Pero ang totoo, napakayabang pala nila. Di-magtatagal, lalabas at lalabas din ang totoong kulay nila.—Luc. 6:45.

5 Sa kabilang banda naman, hindi dahil may kumpiyansa sa sarili ang isa o prangka siyang magsalita, mayabang na siya. (Juan 1:46, 47) Pero dapat pa rin siyang mag-ingat na huwag umasa sa sarili niyang kakayahan. Anuman ang personalidad natin, lahat tayo ay dapat magsikap na maging tunay na mapagpakumbaba.

Mapagpakumbaba si apostol Pablo at hindi niya inisip na importanteng tao siya (Tingnan ang parapo 6) *

6. Sa 1 Corinto 15:10, ano ang matututuhan natin sa halimbawa ni apostol Pablo?

6 Tingnan ang halimbawa ni apostol Pablo. Ginamit siya nang husto ni Jehova sa pagtatatag ng mga kongregasyon. Baka nga mas marami pa siyang nagawa sa ministeryo kaysa sa ibang apostol ni Jesu-Kristo. Pero hindi niya iniangat ang sarili niya. Sa halip, mapagpakumbaba niyang inamin: “Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos.” (1 Cor. 15:9) Pagkatapos, kinilala niya na ang kaniyang malapít na kaugnayan kay Jehova ay hindi dahil sa husay niya o sa dami ng kaniyang nagawa, kundi dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos. (Basahin ang 1 Corinto 15:10.) Magandang halimbawa si Pablo sa pagiging mapagpakumbaba. Nang isulat niya ang liham niya sa mga taga-Corinto, hindi niya ipinagmalaki ang mga nagawa niya kahit minamaliit siya ng ilang kapatid doon!—2 Cor. 10:10.

Si Karl F. Klein, isang mapagpakumbabang kapatid na naging miyembro ng Lupong Tagapamahala (Tingnan ang parapo 7)

7. Paano nagpakita ng kapakumbabaan ang isang kilaláng brother?

7 Marami sa bayan ni Jehova ang napatibay sa talambuhay ni Brother Karl F. Klein, na miyembro noon ng Lupong Tagapamahala. Sa kaniyang talambuhay, mapagpakumbaba niyang inamin na marami siyang kahinaan at problemang pinagdaanan sa buhay. Halimbawa, noong 1922, sinubukan niyang magbahay-bahay sa unang pagkakataon. Pero nahirapan siya, kaya hindi na niya ito inulit sa loob ng mga dalawang taon. Pagkatapos, noong nasa Bethel siya, matagal-tagal din siyang nagkimkim ng galit sa isang brother na nagpayo sa kaniya. Nagkaroon siya ng nervous breakdown, na nang maglaon ay gumaling naman. Pero nabigyan din siya ng mahahalagang atas. Isipin na lang ang kapakumbabaan ng kilaláng brother na ito para aminin ang mga kahinaan niya! Hindi malilimutan ng mga kapatid si Brother Klein at ang katapatan niya sa paglalahad ng kaniyang talambuhay. *

BAKIT DAPAT TAYONG MAGING MAPAGPAKUMBABA?

8. Paano ipinapakita sa 1 Pedro 5:6 na napapasaya natin si Jehova kapag mapagpakumbaba tayo?

8 Ang pinakamahalagang dahilan kung bakit dapat tayong maging mapagpakumbaba ay para mapasaya natin si Jehova. Nilinaw ito ni apostol Pedro. (Basahin ang 1 Pedro 5:6.) Tungkol sa sinabi ni Pedro, mababasa sa aklat na “Halika Maging Tagasunod Kita”: “Ang kapalaluan ay parang lason. Maaaring maging kapaha-pahamak ang mga epekto nito. Kahit ang pinakamatalinong tao ay maaaring mawalan ng silbi sa Diyos kung siya ay palalo. Sa kabilang panig naman, maaaring maging lubhang kapaki-pakinabang kay Jehova maging ang pinakamababang tao kung siya ay mapagpakumbaba. . . . Malulugod . . . ang ating Diyos na gantimpalaan ka sa iyong kapakumbabaan.” * Kaya may mas mahalaga pa ba kaysa sa mapasaya ang puso ni Jehova?—Kaw. 23:15.

9. Paano nakakatulong ang kapakumbabaan para magustuhan tayo ng iba?

9 Bukod sa mapapasaya natin si Jehova, makikinabang din tayo kung mapagpakumbaba tayo. Magugustuhan tayo ng mga tao. Bakit? Isipin kung anong uri ng mga tao ang gusto mong makasama. (Mat. 7:12) Bihira sa atin ang gustong makasama ang mga taong mapaggiit sa sarili at hindi tumatanggap ng mungkahi. Pero nag-e-enjoy tayo sa mga kapatid na madamayin, mapagmahal, mahabagin, magiliw, at mapagpakumbaba. (1 Ped. 3:8) Kung gusto natin ang gayong mga tao, malamang na magustuhan din nila tayo—kung mapagpakumbaba tayo.

10. Paano nababawasan ang stress natin kapag mapagpakumbaba tayo?

10 Nababawasan din ang stress natin kapag mapagpakumbaba tayo. Sa totoo lang, baka may napapansin tayong mga bagay na parang hindi tama o hindi patas. Sabi nga ng marunong na si Haring Solomon: “May nakikita akong mga lingkod na nakakabayo samantalang naglalakad lang ang mga prinsipe na parang mga lingkod.” (Ecles. 10:7) Ang mga taong may kakayahan ay hindi laging nakakatanggap ng papuri. Kung minsan, kung sino pa ang walang gaanong kakayahan, sila ang napupuri. Pero sinabi rin ni Solomon na makakabuti para sa atin na harapin ang realidad ng buhay sa halip na madismaya sa mga negatibong bagay. (Ecles. 6:9) Kung mapagpakumbaba tayo, mas madali nating matatanggap ang mga nangyayari sa ating buhay kahit hindi natin ito gusto.

KAILAN MAHIRAP MAGING MAPAGPAKUMBABA?

Bakit mahirap maging mapagpakumbaba sa mga sitwasyong gaya nito? (Tingnan ang parapo 11-12) *

11. Ano ang dapat nating gawin kapag pinayuhan tayo?

11 Araw-araw, marami tayong pagkakataong makapagpakita ng kapakumbabaan. Ito ang ilang halimbawa. Kapag pinayuhan tayo. Tandaan na kapag may naglakas-loob na payuhan tayo, malamang na mas malala ang nagawa nating pagkakamali kaysa sa iniisip natin. Sa gayong pagkakataon, baka tanggihan natin agad ang payo. Baka pintasan natin ang nagpayo o ang paraan niya ng pagpapayo. Pero kung mapagpakumbaba tayo, sisikapin nating magkaroon ng tamang saloobin.

12. Ayon sa Kawikaan 27:5, 6, bakit dapat nating pahalagahan ang nagpapayo sa atin? Ilarawan.

12 Ang taong mapagpakumbaba ay nagpapahalaga sa payo. Bilang ilustrasyon: Isipin mong nasa pulong ka. Matapos makipagkuwentuhan sa ilang kapatid, may bumulong sa iyo na mayroon kang tinga. Siyempre, mapapahiya ka. Pero siguradong magpapasalamat ka na sinabi niya ito sa iyo. Ang totoo, baka nga maisip mong sana may nagsabi agad nito sa iyo! Sa katulad na paraan, dapat din nating mapagpakumbabang pasalamatan ang kapatid na naglakas-loob na payuhan tayo. Ituring natin siyang kaibigan, hindi kaaway.—Basahin ang Kawikaan 27:5, 6; Gal. 4:16.

Bakit kailangan ang kapakumbabaan kapag nakakatanggap ng pribilehiyo ang iba? (Tingnan ang parapo 13-14) *

13. Paano tayo makakapagpakita ng kapakumbabaan kapag nakatanggap ng pribilehiyo ang iba?

13 Kapag nakatanggap ng pribilehiyo ang iba. “Kapag nakikita kong nakakatanggap ng pribilehiyo ang iba, kung minsan, nagtataka ako kung bakit hindi sa akin ibinigay ’yon,” inamin ng elder na si Jason. Ganoon ka rin ba? Hindi naman maling magsikap na magkaroon ng higit pang pribilehiyo. (1 Tim. 3:1) Pero dapat tayong mag-ingat. Baka kasi nagiging mayabang na tayo. Halimbawa, baka isipin ng isang brother na siya ang pinakakuwalipikado sa isang partikular na atas. O baka isipin ng isang sister, ‘Mas kuwalipikado naman ang asawa ko kaysa sa brother na ’yon!’ Pero kung talagang mapagpakumbaba tayo, hindi tayo mag-iisip ng ganiyan.

14. Ano ang matututuhan natin sa reaksiyon ni Moises nang makatanggap ng pribilehiyo ang iba?

14 May matututuhan tayo sa reaksiyon ni Moises nang makatanggap ng pribilehiyo ang iba. Pinahalagahan ni Moises ang atas niyang manguna sa bansang Israel. Ano ang naging reaksiyon ni Moises nang ibigay ni Jehova sa iba ang ilang pananagutan niya? Hindi sumamâ ang loob niya. (Bil. 11:24-29) Mapagpakumbaba rin siyang nagpatulong sa iba sa paghatol sa bayan. (Ex. 18:13-24) Dahil diyan, naging mas mabilis ang pagbibigay ng hatol sa mga kasong inilalapit ng mga Israelita. Ipinapakita lang nito na mas mahalaga kay Moises ang kapakanan ng iba kaysa sa mga pribilehiyo niya. Napakaganda ngang halimbawa! Tandaan na kung talagang gusto nating magpagamit kay Jehova, mas mahalaga ang kapakumbabaan natin kaysa sa ating kakayahan. “Kahit mataas si Jehova, nagbibigay-pansin siya sa mapagpakumbaba.”—Awit 138:6.

15. Paano nagbago ang kalagayan ng maraming kapatid?

15 Kapag nagbago ang kalagayan natin. Nitong nakaraang mga taon, maraming matatagal nang lingkod ni Jehova ang nakatanggap ng bagong atas. Halimbawa, noong 2014, ang mga tagapangasiwa ng distrito at ang kani-kanilang asawa ay nakatanggap ng ibang atas sa buong-panahong paglilingkod. Simula nang taon ding iyon, hindi na magpapatuloy ang mga tagapangasiwa ng sirkito sa kanilang atas kapag 70 anyos na sila. At ang mga elder naman na 80 anyos na o higit pa ay hindi na maglilingkod bilang koordineytor ng lupon ng matatanda. Bukod diyan, marami na ring Bethelite ang na-reassign. Ang iba naman ay kinailangang huminto sa pantanging buong-panahong paglilingkod dahil sa problema sa kalusugan, obligasyon sa pamilya, o iba pang personal na dahilan.

16. Paano nakapagpakita ng kapakumbabaan ang ating mga kapatid sa pag-a-adjust sa bago nilang kalagayan?

16 Nahirapan ang mga kapatid na ito sa ganiyang mga pagbabago. Siguradong napamahal na sa kanila ang dati nilang atas na naging bahagi na ng kanilang buhay sa loob ng maraming taon. Ang ilan ay nasasaktan at hinahanap-hanap ang dati nilang atas habang nag-a-adjust sa bago nilang sitwasyon. Pero nakapag-adjust din naman sila. Bakit? Unang-una, dahil mahal nila si Jehova. Alam nilang nakaalay sila sa Diyos—hindi sa trabaho, titulo, o atas. (Col. 3:23) Masaya sila na patuloy na maglingkod kay Jehova nang may kapakumbabaan anuman ang iatas sa kanila. “Inihahagis [nila] sa kaniya ang lahat ng [kanilang] álalahanín,” dahil alam nilang nagmamalasakit siya sa kanila.—1 Ped. 5:6, 7.

17. Bakit pinapahalagahan natin ang payo sa atin ng Bibliya na maging mapagpakumbaba?

17 Pinapahalagahan natin ang payo sa atin ng Bibliya na maging mapagpakumbaba. Kapag mapagpakumbaba tayo, nakikinabang tayo at ang iba. Mas nakakayanan natin ang mga problema sa buhay. Higit sa lahat, mas napapalapít tayo sa ating Ama sa langit. Masaya tayo dahil alam nating kahit siya ang “Mataas at Matayog na Diyos,” mahal niya at pinapahalagahan ang kaniyang mapagpakumbabang mga lingkod!—Isa. 57:15.

AWIT 45 “Ang Pagbubulay-bulay ng Aking Puso”

^ par. 5 Ang kapakumbabaan ay isang napakahalagang katangian. Ano ba ang kapakumbabaan? Bakit dapat tayong maging mapagpakumbaba? At bakit mahirap manatiling mapagpakumbaba kapag nagbago ang ating sitwasyon? Tatalakayin sa artikulong ito ang mahahalagang tanong na iyan.

^ par. 7 Tingnan ang artikulong “Ginanti Ako Nang Sagana ni Jehova” sa Abril 1, 1985, isyu ng Bantayan.

^ par. 53 LARAWAN: Habang nasa bahay ng isang kapatid, mapagpakumbabang nakikisalamuha si apostol Pablo sa iba, pati na sa mga bata.

^ par. 57 LARAWAN: Nakikinig ang brother sa salig-Bibliyang payo ng isang nakababatang brother.

^ par. 59 LARAWAN: Hindi naiinggit ang nakatatandang brother sa mas batang brother na may pribilehiyo sa kongregasyon.