Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 37

“Huwag Kang Magpahinga”

“Huwag Kang Magpahinga”

“Maghasik ka ng binhi sa umaga, at huwag kang magpahinga hanggang gabi.”​—ECLES. 11:6.

AWIT 68 Paghahasik ng Binhi ng Kaharian

NILALAMAN *

1-2. Ano ang kaugnayan ng Eclesiastes 11:6 sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian?

SA ILANG bansa, sabik na sabik ang mga taong marinig ang mabuting balita. Iyon talaga ang pinakahihintay nila! Sa ibang bansa naman, walang kainte-interes ang mga tao sa Diyos o sa Bibliya. Kumusta naman ang mga tao sa lugar ninyo? Anuman ang reaksiyon ng mga tao, inaasahan ni Jehova na patuloy tayong mangangaral hanggang sa sabihin niyang tapos na ito.

2 Sa itinakdang panahon ni Jehova, matatapos ang pangangaral at “darating ang wakas.” (Mat. 24:14, 36) Samantala, paano natin masusunod ang utos na “huwag kang magpahinga”? *Basahin ang Eclesiastes 11:6.

3. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito?

3 Tinalakay sa nakaraang artikulo ang apat na bagay na kailangan nating gawin para maging mahusay na “mangingisda ng tao.” (Mat. 4:19) Sa artikulong ito, tatalakayin naman ang tatlong paraan na magpapatibay sa ating determinasyon na mangaral, anumang sitwasyon ang mapaharap sa atin. Aalamin natin kung bakit mahalaga na (1) manatiling nakapokus, (2) maging matiisin, at (3) mapanatiling matibay ang pananampalataya.

MANATILING NAKAPOKUS

4. Bakit kailangang manatiling nakapokus sa gawaing ibinigay ni Jehova sa atin?

4 Inihula ni Jesus ang mga pangyayari at sitwasyon na magiging bahagi ng tanda ng mga huling araw at magiging dahilan para mawala ang pokus ng kaniyang mga tagasunod sa gawaing pangangaral. Sinabi niya sa kaniyang mga alagad na “patuloy [silang] magbantay.” (Mat. 24:42) Noong panahon ni Noe, maraming bagay na naging dahilan para hindi magbigay-pansin ang mga tao sa babala ni Noe. Ang mga bagay ding iyon ay puwedeng mag-alis ng ating pokus sa pangangaral. (Mat. 24:37-39; 2 Ped. 2:5) Kaya gusto nating manatiling nakapokus sa gawaing ibinigay ni Jehova sa atin.

5. Ayon sa Gawa 1:6-8, hanggang saan aabot ang gawaing pangangaral?

5 Sa ngayon, talagang kailangan tayong magpokus sa pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian. Inihula ni Jesus na lalawak ang gawaing ito at magpapatuloy kahit namatay na siya. (Juan 14:12) Nang mamatay si Jesus, bumalik sa pangingisda ang ilang alagad niya. Matapos buhaying muli, makahimalang tinulungan ni Jesus ang ilang alagad niya na makahuli ng napakaraming isda. Ginamit niya ang pagkakataong iyon para idiin na mas mahalaga ang pagiging mangingisda ng tao kaysa sa anumang gawain. (Juan 21:15-17) Bago umakyat sa langit, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad na ang gawaing pagpapatotoo na sinimulan niya ay lalampas pa sa mga hangganan ng Israel. (Basahin ang Gawa 1:6-8.) Makalipas ang mga taon, nagbigay si Jesus ng pangitain kay apostol Juan tungkol sa mangyayari “sa araw ng Panginoon.” * Ang isa sa mga nakita ni Juan ay ang kamangha-manghang pangyayaring ito: Isang anghel ang may “walang-hanggang mabuting balita para . . . sa bawat bansa at tribo at wika at bayan.” (Apoc. 1:10; 14:6) Maliwanag na kalooban ni Jehova na makibahagi tayo sa ngayon sa pagpapatotoo sa buong mundo hanggang sa matapos ito.

6. Paano tayo mananatiling nakapokus sa pangangaral?

6 Mananatili tayong nakapokus sa pangangaral kung pag-iisipan natin ang lahat ng ginagawa ni Jehova para sa atin. Halimbawa, binibigyan niya tayo ng napakaraming espirituwal na pagkain sa pamamagitan ng nakaimprenta at digital na mga publikasyon, audio at video recording, at Internet broadcast. Pag-isipan ito: Ang mga impormasyon sa ating opisyal na website ay available sa mahigit 1,000 wika! (Mat. 24:45-47) Sa isang daigdig na nababahagi dahil sa politika, relihiyon, at kalagayan sa buhay, mahigit walong milyong lingkod ng Diyos ang tunay na nagkakaisa bilang bahagi ng pandaigdig na kapatiran. Halimbawa, noong Biyernes, Abril 19, 2019, ang mga Saksi sa buong mundo ay nagkaisa sa pagtalakay sa teksto para sa araw na iyon. Nang gabing iyon, 20,919,041 ang nagtipon para ipagdiwang ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Natutulungan tayo na manatiling nakapokus sa pangangaral kapag iniisip natin ang ating pribilehiyong makita at maging bahagi ng kamangha-manghang gawaing ito sa panahon natin.

Walang nakapigil kay Jesus sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanan (Tingnan ang parapo 7)

7. Paano nakakatulong ang halimbawa ni Jesus para manatili tayong nakapokus?

7 Ang isa pang paraan para manatili tayong nakapokus sa pangangaral ay ang pagsunod sa halimbawa ni Jesus. Nanatili siyang nakapokus sa pagpapatotoo tungkol sa katotohanan. (Juan 18:37) Hindi siya natukso nang ialok ni Satanas sa kaniya “ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito.” At hindi rin siya natukso nang gusto siyang gawing hari ng mga tao. (Mat. 4:8, 9; Juan 6:15) Hindi siya naimpluwensiyahan ng mga taong gustong yumaman, at hindi rin siya napigilan ng mga umuusig sa kaniya. (Luc. 9:58; Juan 8:59) Kapag nasusubok ang ating pananampalataya, mananatili tayong nakapokus kung aalalahanin natin ang payo ni apostol Pablo. Sinabi niya sa mga Kristiyano na sundin ang halimbawa ni Jesus para “hindi [sila] mapagod at sumuko”!—Heb. 12:3.

MAGING MATIISIN

8. Ano ang pagtitiis, at bakit ito kailangang-kailangan ngayon?

8 Ang pagtitiis ay ang kakayahang maging kalmado habang naghihintay na mabago ang isang sitwasyon. Ang hinihintay man natin ay ang katapusan ng di-magandang sitwasyon o ang katuparan ng isang bagay na pinakahihintay, kailangan tayong magtiis. Hinihintay ni propeta Habakuk na matapos na ang karahasan sa Juda. (Hab. 1:2) Inasahan ng mga alagad ni Jesus na “agad nilang makikita” ang Kaharian at ililigtas sila nito mula sa kalupitan ng mga Romano. (Luc. 19:11) Hinihintay natin ang pagdating ng araw na aalisin ng Kaharian ng Diyos ang kasamaan at itatatag ang isang matuwid na bagong sanlibutan. (2 Ped. 3:13) Pero kailangan tayong magtiis habang hinihintay ang itinakdang panahon ni Jehova. Tingnan natin kung paano tayo tinuturuan ni Jehova na maging matiisin.

9. Anong mga halimbawa ang nagpapakitang matiisin si Jehova?

9 Si Jehova ay nagpakita ng perpektong halimbawa ng pagtitiis. Binigyan niya si Noe ng sapat na panahon para magawa ang arka at maging “mángangarál ng katuwiran.” (2 Ped. 2:5; 1 Ped. 3:20) Nakinig si Jehova habang paulit-ulit siyang tinatanong ni Abraham tungkol sa Kaniyang desisyon na lipulin ang masasamang taong nakatira sa Sodoma at Gomorra. (Gen. 18:20-33) Sa loob ng daan-daang taon, talagang naging matiisin si Jehova sa di-tapat na bansang Israel. (Neh. 9:30, 31) Sa ngayon, nakikita natin ang pagiging matiisin ni Jehova dahil binibigyan niya ng sapat na panahon na “magsisi” ang mga taong gusto niyang maging kaibigan. (2 Ped. 3:9; Juan 6:44; 1 Tim. 2:3, 4) Kaya dapat lang na maging matiisin din tayong gaya ni Jehova habang patuloy tayong nangangaral at nagtuturo. Tinuturuan din niya tayo na maging matiisin sa pamamagitan ng isang ilustrasyong mababasa sa kaniyang Salita.

Gaya ng masipag at matiising magsasaka, hinihintay natin ang resulta ng ating pagsisikap (Tingnan ang parapo 10-11)

10. Sa Santiago 5:7, 8, ano ang itinuturo sa atin ng halimbawa ng magsasaka?

10 Basahin ang Santiago 5:7, 8. Tinuturuan tayo ng halimbawa ng magsasaka na maging matiisin. Totoo, may mga pananim na mabilis tumubo. Pero mayroon din namang matagal tumubo at mamunga. Ang panahon ng pagtubo ng mga pananim sa Israel ay umaabot nang mga anim na buwan. Nagtatanim ang magsasaka sa kalagitnaan ng Oktubre kapag nagsisimula nang umulan at inaani ang mga bunga nito sa kalagitnaan ng Abril kapag papatapos na ang ulan. (Mar. 4:28) Matularan sana natin ang pagtitiis ng magsasaka. Pero hindi ito madali.

11. Paano makakatulong sa ating ministeryo ang pagtitiis?

11 Karaniwan nang gustong makita agad ng mga tao ang resulta ng pagsisikap nila. Pero kung gusto nating mamunga ang ating pananim, kailangan natin itong laging bigyan ng atensiyon—bungkalin, alisan ng panirang-damo, at diligan. Ganoon din sa paggawa ng alagad. Kailangan ng panahon para maalis sa puso ng mga Bible study natin ang pagtatangi, na parang panirang-damo. Kung matiisin tayo, hindi tayo madidismaya kapag may hindi nakikinig sa atin. At kung may mga gustong makinig at matuto, kailangan pa rin ang pagtitiis. Hindi natin puwedeng pilitin ang Bible study na magkaroon agad ng pananampalataya. May mga pagkakataong hindi rin agad naintindihan ng mga alagad ni Jesus ang itinuturo niya. (Juan 14:9) Tandaan natin na tayo nga ang nagtatanim at nagdidilig, pero ang Diyos ang nagpapalago nito.​—1 Cor. 3:6.

12. Paano natin maipapakita ang pagiging matiisin kapag nagpapatotoo sa ating mga kamag-anak na di-Saksi?

12 Baka mahirap para sa atin na maging matiisin kapag nagpapatotoo sa mga kamag-anak na di-Saksi. Makakatulong sa atin ang simulain sa Eclesiastes 3:1, 7. Sinasabi rito: “May takdang panahon . . . ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” Kahit hindi tayo nagsasalita, ang magandang paggawi ay puwedeng maging patotoo, pero dapat pa ring masabi ang tungkol sa katotohanan kapag nagkaroon tayo ng pagkakataon. (1 Ped. 3:1, 2) Maging matiisin tayo sa lahat ng tao—kasama na ang mga kapamilya natin—habang masigasig tayong nangangaral at nagtuturo sa kanila.

13-14. Anong mga halimbawa ng pagtitiis ang puwede nating tularan?

13 Matututo tayo ng pagtitiis mula sa tapat na mga lingkod ni Jehova noon at ngayon. Sabik na sabik si Habakuk na matapos na ang kasamaan, pero nasabi pa rin niya: “Mananatili akong nakatayo sa aking bantayan.” (Hab. 2:1) Gustong-gusto na ni apostol Pablo na “matapos” ang kaniyang ministeryo. Pero nagtiis pa rin siya at ‘lubusang nagpatotoo tungkol sa mabuting balita.’—Gawa 20:24.

14 Tingnan natin ang halimbawa ng mag-asawang nag-aral sa Gilead at naatasan sa isang bansa na iilan lang ang Saksi at karamihan ay di-Kristiyano. Kakaunti lang ang gustong mag-aral ng Bibliya. Samantalang ang mga kaklase nila ay naatasan sa mga bansang maraming nagpapa-Bible study at nagiging Saksi. Pero kahit mabagal ang pagsulong sa teritoryo nila, nagtiis pa rin ang mag-asawang ito sa kanilang ministeryo. Pagkalipas ng walong taon, tuwang-tuwa sila nang magpabautismo ang isa nilang Bible study. Ano ang matututuhan natin sa halimbawa ng tapat na mga lingkod na ito noon at ngayon? Hindi sila naging tamad o nagpahinga, at ginantimpalaan ni Jehova ang kanilang pagtitiis. Kaya ‘maging mga tagatulad sana tayo ng mga nagmamana ng mga pangako sa pamamagitan ng pananampalataya at pagtitiis.’—Heb. 6:10-12.

PANATILIHING MATIBAY ANG PANANAMPALATAYA

15. Paano napapatibay ng pananampalataya ang ating determinasyong mangaral?

15 Naniniwala tayo sa mensaheng ipinapangaral natin, kaya sabik na sabik tayong masabi ito sa maraming tao. Nagtitiwala tayo sa mga pangakong mababasa sa Salita ng Diyos. (Awit 119:42; Isa. 40:8) Nakikita nating natutupad sa ngayon ang mga hula sa Bibliya. Nakikita rin natin kung paano nagbabago ang buhay ng mga tao kapag sinusunod nila ang mga payo sa Bibliya. Dahil diyan, mas nagiging kumbinsido tayo na ang mabuting balita ng Kaharian ay dapat marinig ng lahat.

16. Kaayon ng Awit 46:1-3, paano napapatibay ng pananampalataya kay Jehova ang ating determinasyong mangaral? Paano rin nakakatulong sa atin ang pananampalataya kay Jesus?

16 May pananampalataya rin tayo kay Jehova, ang Pinagmumulan ng mensaheng ipinapangaral natin, at kay Jesus, ang isa na iniluklok niya bilang Hari ng Kaharian. (Juan 14:1) Anuman ang mangyari sa atin, si Jehova ang ating kanlungan at lakas. (Basahin ang Awit 46:1-3.) Bukod diyan, nagtitiwala tayong si Jesus ang nangangasiwa sa gawaing pangangaral gamit ang kapangyarihan at awtoridad na ibinigay sa kaniya ni Jehova.​—Mat. 28:18-20.

17. Magbigay ng halimbawa kung bakit dapat tayong patuloy na mangaral.

17 Dahil sa pananampalataya, lalo tayong nagtitiwalang pagpapalain ni Jehova ang ating pagsisikap, at kung minsan, sa paraang hindi natin inaasahan. (Ecles. 11:6) Halimbawa, araw-araw, libo-libong tao ang nakakakita ng mga literaturang nakadispley sa ating mga cart. Mabisa ba ang paraang ito ng pangangaral? Oo! Sa Nobyembre 2014 na isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian, binanggit ang isang estudyante sa unibersidad na gustong gumawa ng essay tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Wala siyang makitang Kingdom Hall, pero nakakita siya ng literaturang nakadispley sa campus nila, at nakita niya roon ang impormasyon na kailangan niya para sa essay. Nang maglaon, nabautismuhan siya at naging regular pioneer. Ipinapakita lang ng ganitong karanasan na dapat tayong patuloy na mangaral dahil may mga tao pang kailangang makarinig ng mensahe ng Kaharian.

MAGING DETERMINADONG HUWAG MAGPAHINGA

18. Bakit tayo nakakatiyak na ang pangangaral tungkol sa Kaharian ay matatapos sa takdang panahon ni Jehova?

18 Makakatiyak tayo na ang pangangaral tungkol sa Kaharian ay matatapos sa takdang panahon. Tingnan natin ang nangyari noong panahon ni Noe. Pinatunayan ni Jehova na siya ang pinakamahusay na Tagapag-ingat ng Panahon. Mga 120 taon bago ang Baha, itinakda na ni Jehova kung kailan ito mangyayari. Pagkalipas ng maraming taon, inatasan ni Jehova si Noe na gumawa ng arka. Mga 40 o 50 taon bago ang Baha, patuloy na naging abala si Noe. Kahit hindi siya pinapakinggan ng mga tao, patuloy pa rin siyang nagbababala hanggang sa sabihin ni Jehova na panahon na para ipasok ang mga hayop sa arka. Pagkatapos, sa itinakdang panahon, “isinara ni Jehova ang pinto.”​—Gen. 6:3; 7:1, 2, 16.

19. Ano ang aasahan natin kapag hindi tayo nagpahinga?

19 Malapit nang tapusin ni Jehova ang gawaing pangangaral tungkol sa Kaharian; ‘pagsasarhan na niya ng pinto’ ang sistema ni Satanas at itatatag Niya ang matuwid na bagong sanlibutan. Samantala, matularan sana natin si Noe, si Habakuk, at ang iba pa na hindi nagpahinga. Manatili sana tayong nakapokus at maging matiisin, at mapanatili sana nating matibay ang ating pananampalataya kay Jehova at sa kaniyang mga pangako.

AWIT 75 Isugo Mo Ako!

^ par. 5 Sa nakaraang artikulo, ang mga Bible study na gumagawa ng pagbabago sa kanilang buhay ay pinatibay na tanggapin ang paanyaya ni Jesus na maging mangingisda ng tao. Tatalakayin sa artikulong ito ang tatlong paraan kung paano mapapatibay ng lahat ng mamamahayag, baguhan man o makaranasan, ang kanilang determinasyon na patuloy na mangaral hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ito.

^ par. 2 KARAGDAGANG PALIWANAG: Sa artikulong ito, ang pananalitang “huwag kang magpahinga” ay nangangahulugang kailangang maging determinado tayong patuloy na mangaral ng mabuting balita hanggang sa sabihin ni Jehova na tapos na ang gawaing ito.

^ par. 5 Ang “araw ng Panginoon” ay nagsimula nang iluklok si Jesus bilang Hari noong 1914 at magpapatuloy hanggang sa katapusan ng Sanlibong-Taóng Paghahari niya.