Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 35

Pahalagahan ang mga Tapat na May-edad Na

Pahalagahan ang mga Tapat na May-edad Na

“Ang puting buhok ay korona ng kagandahan.”​—KAW. 16:31.

AWIT 138 Kagandahan ng Puting Buhok

NILALAMAN *

1-2. (a) Batay sa Kawikaan 16:31, paano natin dapat ituring ang mga tapat nating kapatid na may-edad na? (b) Anong mga tanong ang sasagutin sa artikulong ito?

ANG mga bumibisita sa isang park sa Arkansas, U.S.A., ay puwedeng makakita ng mga diamond sa lupa. Pero ang mga diamond na ito ay hindi pa natatabas o nakikinis. Kaya hindi alam ng marami na mga diamond na pala ang nakikita nila at nilalampasan ang mga iyon.

2 Ang mga tapat nating kapatid na may-edad na ay parang mga diamond; mahahalagang kayamanan sila. Sinasabi ng Bibliya na ang puting buhok nila ay isang korona. (Basahin ang Kawikaan 16:31; 20:29) Pero kung minsan, hindi napapansin ang mga kayamanang ito. Kapag naintindihan ng mga kabataan kung gaano kahalaga ang mga kapatid nating may-edad na, higit pa sa literal na kayamanan ang matatanggap nila. Sa artikulong ito, sasagutin natin ang tatlong tanong: Bakit itinuturing ni Jehova na kayamanan ang mga tapat nating kapatid na may-edad na? Ano ang papel nila sa organisasyon ni Jehova? Ano ang puwede nating gawin para matuto mula sa halimbawa nila?

KUNG BAKIT KAYAMANAN PARA KAY JEHOVA ANG MGA TAPAT NA MAY-EDAD NA

Mahalaga para kay Jehova at sa bayan niya ang mga tapat na may-edad na (Tingnan ang parapo 3)

3. Batay sa Awit 92:12-15, bakit mahalaga kay Jehova ang mga tapat nating kapatid na may-edad na?

3 Mahalaga kay Jehova ang mga tapat nating kapatid na may-edad na. Kilalang-kilala sila ni Jehova at pinapahalagahan niya ang magagandang katangian nila. Natutuwa siya kapag itinuturo ng mga may-edad na sa mga kabataan ang mga natutuhan nila sa mahabang panahon ng tapat na paglilingkod sa kaniya. (Job 12:12; Kaw. 1:1-4) Mahalaga rin kay Jehova ang mga pagtitiis nila. (Mal. 3:16) Nagkaroon din sila ng mga problema, pero hindi natinag ang pananampalataya nila kay Jehova. Lalong luminaw ang pag-asa nila kumpara noong una nilang malaman ang katotohanan. At mahal na mahal sila ni Jehova dahil patuloy nilang inihahayag ang pangalan niya “kahit sa pagtanda.”​—Basahin ang Awit 92:12-15.

4. Ano ang dapat tandaan ng mga kapatid natin na may-edad na?

4 Kung nagkakaedad ka na, tandaan na hindi lilimutin ni Jehova ang mga ginawa mo para sa kaniya. (Heb. 6:10) Masigasig kang nangaral at napasaya mo ang ating Ama sa langit. Tiniis mo kahit ang matitinding pagsubok, nanindigan ka sa mga pamantayan ng Bibliya, tinanggap ang mabibigat na responsibilidad, at sinanay ang iba. Ginawa mo ang buong makakaya mo para makasabay sa mabilis na pagsulong ng organisasyon ni Jehova. Sinuportahan mo at pinatibay ang mga nasa buong-panahong paglilingkod. Dahil tapat ka, mahal na mahal ka ng Diyos na Jehova. Nangangako siya na “hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya”! (Awit 37:28) Tinitiyak niya sa iyo: ‘Hanggang sa pumuti ang buhok mo, papasanin kita.’ (Isa. 46:4) Kaya huwag mong isipin na hindi ka na mahalaga dahil nagkakaedad ka na. May papel ka sa organisasyon ni Jehova!

MAY PAPEL SA ORGANISASYON NG DIYOS ANG MGA KAPATID NA MAY-EDAD NA

5. Ano ang dapat isaisip ng mga kapatid natin na may-edad na?

5 Marami pang magagawa ang mga kapatid natin na may-edad na. Hindi man sila kasinlakas ng dati, marami naman silang naging karanasan sa nakalipas na mga taon. Magagamit pa rin sila ni Jehova sa iba’t ibang paraan, gaya ng makikita natin sa mga halimbawa noon at ngayon.

6-7. Magbigay ng halimbawa sa Bibliya ng mga may-edad nang lingkod ng Diyos na pinagpala dahil sa katapatan nila.

6 May mga halimbawa sa Bibliya ng mga tapat na naglingkod kay Jehova kahit may-edad na sila. Si Moises ay mga 80 na nang magsimula siyang maglingkod bilang propeta at kinatawan ni Jehova sa bansang Israel. Patuloy pa ring ginamit ni Jehova si propeta Daniel bilang tagapagsalita Niya kahit malamang na mahigit 90 na siya. At malamang na mahigit 90 na rin ang apostol na si Juan nang ipasulat sa kaniya ang aklat ng Apocalipsis.

7 Maraming iba pang tapat ang hindi naman prominente o kilalá, kaya puwede sanang hindi sila napansin. Pero napansin sila ni Jehova at ginantimpalaan ang katapatan nila. Halimbawa, kahit kaunti lang ang binanggit ng Bibliya tungkol sa “matuwid at may takot sa Diyos” na si Simeon, kilala siya ni Jehova at binigyan siya ng pribilehiyo na makita ang sanggol na si Jesus at humula tungkol sa bata at sa ina nito. (Luc. 2:22, 25-35) Alalahanin din ang biyudang propetisa na si Ana. Kahit 84 na siya, “lagi siyang nasa templo.” Ginantimpalaan ang lagi niyang “pagdalo” nang makita rin niya noong minsan ang sanggol na si Jesus. Parehong mahalaga kay Jehova si Simeon at si Ana.​—Luc. 2:36-38.

Si Sister Didur na mahigit 80 na ngayon ay tapat pa ring naglilingkod (Tingnan ang parapo 8)

8-9. Paano patuloy na nagiging magandang halimbawa ang mga biyuda?

8 Sa ngayon, maraming tapat na kapatid na may-edad na ang magagandang halimbawa rin para sa mga kabataan. Tingnan ang karanasan ni Sister Lois Didur. Sa edad na 21, naglingkod na siya bilang special pioneer sa Canada. Pagkatapos, siya at ang asawa niyang si John ay naglingkod nang maraming taon sa gawaing paglalakbay. Nang maglaon, naglingkod sila sa Bethel sa Canada nang mahigit 20 taon. Nang 58 na si Lois, inimbitahan sila ni John para sa isang atas sa Ukraine. Ano ang gagawin nila? Iisipin ba nilang matatanda na sila para maglingkod sa ibang bansa? Tinanggap nila ang atas, at si John ay naging miyembro ng Komite ng Sangay doon. Nang mamatay si John makalipas ang pitong taon, nagdesisyon si Lois na manatili sa atas niya. Ngayon, 81 na si Lois. Naglilingkod pa rin siya kasama ng pamilyang Bethel sa Ukraine, at mahal na mahal nila siya.

9 Ang mga biyudang gaya ni Lois ay baka hindi na gaanong napapansin di-tulad noong buháy pa ang mga asawa nila. Pero hindi dahil biyuda na sila, nabawasan na ang halaga nila. Napakahalaga kay Jehova ng mga sister na sumuporta sa mga asawa nila sa loob ng maraming taon at nananatiling tapat hanggang ngayon. (1 Tim. 5:3) Talagang nakakapagpatibay rin sila sa mga kabataan!

10. Anong magandang halimbawa ang ipinakita ni Tony?

10 Maituturing ding kayamanan ang mga tapat na may-edad nang nasa nursing home o nasa bahay na lang. Isa na diyan ang brother na si Tony. Nabautismuhan siya sa Pennsylvania, U.S.A., noong Agosto 1942 sa edad na 20. Di-nagtagal, dahil tumanggi siyang magsundalo, nakulong siya nang dalawa at kalahating taon. Siya at ang asawa niyang si Hilda ay nagkaroon ng dalawang anak na pinalaki nila sa katotohanan. Sa loob ng maraming taon, nakapaglingkod si Tony sa tatlong kongregasyon bilang punong tagapangasiwa (tinatawag ngayon na koordineytor ng lupon ng matatanda). Naging tagapangasiwa rin siya ng pansirkitong asamblea. Nagdaraos siya noon ng mga pulong at pag-aaral sa Bibliya sa isang bilangguan. Kahit 98 na si Tony, hindi pa rin siya mapigilan sa paglilingkod kay Jehova. Ginagawa pa rin niya ang buong makakaya niya sa paglilingkod at pagtulong sa kongregasyon.

11. Paano natin maipapakita na pinapahalagahan natin ang mga may-edad nang nasa nursing home o nasa bahay na lang?

11 Paano natin mabibigyang-dangal ang mga may-edad nang nasa nursing home o nasa bahay na lang? Puwede silang isama ng mga elder sa mga gawain ng kongregasyon hangga’t posible. Tayo naman, puwede natin silang bisitahin o yayaing mag-video call. Lalo nating dapat bigyang-pansin ang mga may-edad nang nakatira malayo sa kongregasyon. Dahil kung hindi, baka makalimutan natin sila. Baka ang ilan sa kanila ay mahiyain o hindi makuwento. Pero marami tayong matututuhan kung magbibigay tayo ng panahon sa kanila, magtatanong, at makikinig sa magagandang karanasan nila sa paglilingkod kay Jehova.

12. Ano ang puwede nating matuklasan sa kongregasyon natin?

12 Baka magulat tayo kapag nalaman natin na may napakagagandang karanasan pala ang mga tapat na may-edad na sa kongregasyon natin. Si Sister Harriette ay tapat na naglingkod kay Jehova sa kongregasyon niya sa New Jersey, U.S.A., sa loob ng maraming taon. Pagkatapos, lumipat siya at tumira sa anak niyang babae. Binigyan siya ng panahon ng mga kapatid sa bago niyang kongregasyon para makilala siya, at isang kayamanan ang natuklasan nila. Napatibay niya sila ng mga kuwento niya sa paglilingkod sa larangan nang una niyang malaman ang katotohanan noong mga 1925. Lagi raw siyang nagdadala noon ng toothbrush kapag nangangaral—sakaling maaresto siya. Sa katunayan, dalawang beses siyang nakulong nang isang linggo noong 1933. Sa mga panahong iyon, ang di-Saksing mister niya, na sumusuporta sa paglilingkod niya, ang nag-alaga sa tatlong maliliit nilang anak. Talagang karapat-dapat ituring na kayamanan ang mga tapat na may-edad nang gaya ni Harriette!

13. Bakit mahalaga ang mga kapatid na may-edad na sa organisasyon ni Jehova?

13 Ang mga tapat nating kapatid na may-edad na ay may mahalagang papel sa organisasyon ni Jehova. Nakita nila kung paano pinagpala ni Jehova sa iba’t ibang paraan ang organisasyon niya, pati na rin sila. Marami silang natutuhang mahahalagang aral mula sa naging mga pagkakamali nila. Pahalagahan ang ‘karunungan mula sa kanila,’ at matuto mula sa mga karanasan nila. (Kaw. 18:4) Kung magbibigay ka ng panahon para makilala sila, mapapatibay ang pananampalataya mo at marami kang matututuhan.

MATUTO MULA SA HALIMBAWA NG MGA MAY-EDAD NA

Maraming natutuhan si Eliseo mula kay Elias. Marami ring matututuhan ang mga kapatid mula sa mga karanasan ng matatagal nang lingkod ni Jehova (Tingnan ang parapo 14-15)

14. Batay sa Deuteronomio 32:7, ano ang magandang gawin ng mga kabataan?

14 Maunang makipag-usap sa mga may-edad na. (Basahin ang Deuteronomio 32:7.) Totoo, baka malabo na ang paningin nila, mabagal na silang kumilos, at mahina na ang boses nila. Pero sa puso nila, nananatili silang bata at isang “magandang pangalan” ang nagawa nila sa harap ni Jehova. (Ecles. 7:1) Alalahanin kung bakit kayamanan sila para kay Jehova, at patuloy silang bigyang-dangal. Gayahin natin si Eliseo. Nanatili siyang malapit kay Elias hanggang noong huling araw na magkasama sila. Tatlong beses na sinabi ni Eliseo: “Hindi kita iiwan.”​—2 Hari 2:2, 4, 6.

15. Ano ang mga puwede nating itanong sa mga may-edad na?

15 Kilalanin ang mga may-edad na. (Kaw. 1:5; 20:5; 1 Tim. 5:1, 2) Puwede mong itanong sa kanila: “Noong bata pa po kayo, ano ang nakakumbinsi sa inyo na nakita n’yo na ang katotohanan?” “Paano po kayo naging mas malapít kay Jehova dahil sa mga naranasan ninyo?” “Ano po ang sekreto para manatiling masaya sa paglilingkod kay Jehova?” (1 Tim. 6:6-8) Pagkatapos, makinig habang nagkukuwento sila.

16. Paano parehong nakikinabang ang mga may-edad na at mga kabataan kapag nagkukuwentuhan sila?

16 Parehong nakikinabang ang mga may-edad na at mga kabataan kapag nagkukuwentuhan sila. (Roma 1:12) Mapapatibay ang mga kabataan dahil makikita nila kung paano pinapangalagaan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya. At mararamdaman naman ng mga may-edad nang mahalaga sila. Matutuwa silang balikan at ikuwento sa iyo kung paano sila pinagpala ni Jehova.

17. Bakit masasabi nating lalong gumaganda sa paglipas ng mga taon ang mga tapat nating kapatid na may-edad na?

17 Kumukupas ang kagandahan kapag nagkakaedad na, pero ang mga tapat kay Jehova ay lalong gumaganda sa paningin niya sa paglipas ng bawat taon. (1 Tes. 1:2, 3) Bakit? Dahil sa loob ng maraming taon, hinayaan nila ang espiritu ng Diyos na sanayin sila at tulungan silang magkaroon ng magagandang katangian. Habang mas nakikilala natin ang mahal nating mga kapatid na may-edad na, binibigyang-dangal sila, at natututo mula sa kanila, mas lalo natin silang ituturing na napakahalagang kayamanan.

18. Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?

18 Tumitibay ang kongregasyon kapag itinuturing ng mga kabataan na kayamanan ang mga may-edad na. Pero makakatulong din kung papahalagahan ng mga may-edad na ang mga kabataan. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano ito magagawa ng mga may-edad na.

AWIT 144 Masdan Mo ang Gantimpala!

^ par. 5 Maituturing natin na mahalagang kayamanan ang mga tapat nating kapatid na may-edad na. Papatibayin tayo ng artikulong ito na lalo pa silang pahalagahan. Tatalakayin din natin kung ano ang puwede nating gawin para matuto mula sa karunungan at karanasan ng mga may-edad na. Makakatulong ito sa kanila na makitang may mahalagang papel sila sa organisasyon ng Diyos.