Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 37

Mapagkakatiwalaan Mo ang mga Kapatid

Mapagkakatiwalaan Mo ang mga Kapatid

“Pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay, inaasahan ang lahat ng bagay.”​—1 COR. 13:4, 7.

AWIT 124 Ipakita ang Katapatan

NILALAMAN a

1. Bakit hindi nakakapagtaka na marami ang hindi nagtitiwala sa kapuwa nila?

 HINDI alam ng mga tao sa sanlibutan ni Satanas kung kanino magtitiwala. Lagi kasi silang nadidismaya sa ginagawa ng mga negosyante, politiko, at lider ng relihiyon. Marami rin ang nahihirapang magtiwala sa mga kaibigan nila, kapuwa, at kahit kapamilya pa nga. Hindi iyan nakakapagtaka. Inihula ng Bibliya: “Sa mga huling araw, . . .  ang mga tao ay magiging . . . di-tapat, . . . maninirang-puri, . . . taksil.” Ibig sabihin, ang mga tao ay magiging gaya ng diyos ng sistemang ito na hindi mapagkakatiwalaan.​—2 Tim. 3:1-4; 2 Cor. 4:4.

2. (a) Sino ang puwede nating lubos na pagkatiwalaan? (b) Ano ang iniisip ng ilan?

2 Bilang mga Kristiyano, alam natin na makakapagtiwala tayo nang lubos kay Jehova. (Jer. 17:7, 8) Sigurado tayo na mahal niya tayo at na “hindi [niya] kailanman iiwan” ang mga kaibigan niya. (Awit 9:10) Makakapagtiwala rin tayo kay Kristo Jesus dahil ibinigay niya ang buhay niya para sa atin. (1 Ped. 3:18) Personal din nating naranasan ang tulong ng mga payo ng Bibliya. (2 Tim. 3:16, 17) Talagang makakapagtiwala tayo kay Jehova, kay Jesus, at sa Bibliya. Pero iniisip ng ilan kung lagi ba nilang mapagkakatiwalaan ang mga kapatid sa kongregasyon. Kung puwede natin silang pagkatiwalaan, bakit?

KAILANGAN NATIN ANG MGA KAPATID NATIN

Sa buong mundo, maraming mapagkakatiwalaang kapatid ang nagmamahal din kay Jehova (Tingnan ang parapo 3)

3. Anong napakagandang pribilehiyo ang mayroon tayo? (Marcos 10:29, 30)

3 Pinili tayo ni Jehova na maging bahagi ng pambuong-daigdig na pamilya ng mga mananamba niya. Isang pribilehiyo at pagpapala iyan para sa atin! (Basahin ang Marcos 10:29, 30.) Sa buong mundo, may mga kapatid tayo na nagmamahal kay Jehova gaya natin at nagsisikap na mamuhay kaayon ng mga pamantayan niya. Iba man ang wika, kultura, at paraan ng pananamit natin sa kanila, mahal natin sila, kahit unang beses pa lang natin silang makita. Gustong-gusto natin silang makasama sa pagpuri at pagsamba sa ating mapagmahal na Ama sa langit.​—Awit 133:1.

4. Bakit kailangan natin ang mga kapatid?

4 Lalo nating kailangan ngayon na makisama sa mga kapatid natin. May mga panahong tinutulungan nila tayo na dalhin ang mga pasanin natin. (Roma 15:1; Gal. 6:2) Pinapatibay rin nila tayo na laging maglingkod kay Jehova at manatiling malakas sa espirituwal. (1 Tes. 5:11; Heb. 10:23-25) Isipin na lang kung ano ang mangyayari sa atin kung wala ang proteksiyon ng kongregasyon. Baka hindi natin makayang labanan ang mga kaaway natin—si Satanas na Diyablo at ang masamang sanlibutang ito. Malapit nang atakihin ni Satanas at ng mga nasa ilalim ng kontrol niya ang mga lingkod ng Diyos. Tiyak na magpapasalamat tayo na kasama natin ang mga kapatid sa panahong iyon!

5. Bakit nahihirapan ang ilan na magtiwala sa mga kapatid?

5 Pero baka nahihirapan ang ilan na magtiwala sa mga kapatid, posibleng dahil may kapatid na sumira ng tiwala nila o hindi tumupad sa pangako niya. O baka may kapatid sa kongregasyon na nakapagsalita o nakagawa ng isang bagay na talagang nakasakit sa kanila. Kapag nangyari ang mga iyan, baka mahirapan silang magtiwala sa iba. Kaya ano ang makakatulong sa atin na magtiwala sa mga kapananampalataya natin?

TINUTULUNGAN TAYO NG PAG-IBIG NA MAGTIWALA SA MGA KAPATID

6. Paano makakatulong ang pag-ibig para magtiwala tayo sa mga kapatid? (1 Corinto 13:4-8)

6 Ang pag-ibig ang pundasyon ng pagtitiwala. Inilalarawan ng 1 Corinto kabanata 13 ang maraming katangian ng pag-ibig na makakatulong sa atin na magtiwala o maibalik ang tiwala natin sa iba. (Basahin ang 1 Corinto 13:4-8.) Halimbawa, sinasabi sa talata 4 na ang “pag-ibig ay matiisin at mabait.” Pinagtitiisan o pinagpapasensiyahan tayo ni Jehova kahit nakakagawa tayo ng kasalanan sa kaniya. Kaya dapat tayong maging mapagpasensiya sa mga kapatid kahit makapagsalita o makagawa sila ng mga bagay na nakakainis o nakakasakit sa atin. Sinabi pa ng talata 5: “[Ang pag-ibig ay] hindi nagagalit. Hindi ito nagkikimkim ng sama ng loob.” Ayaw nating ‘magkimkim ng sama ng loob’ sa isang kapatid, na para bang inililista ang nagawa niya sa atin para maisumbat iyon sa kaniya sa hinaharap. Sinasabi rin ng Eclesiastes 7:9 na “huwag [tayong] maghinanakit agad.” Maganda ring sundin ang sinasabi ng Efeso 4:26: “Huwag hayaang lumubog ang araw na galit pa rin kayo”!

7. Paano makakatulong sa atin ang mga prinsipyo sa Mateo 7:1-5 para magtiwala sa mga kapatid?

7 Makakapagtiwala rin tayo sa ating mga kapatid kung titingnan natin sila ayon sa pananaw ni Jehova. Mahal sila ng Diyos at hindi niya inililista ang mga kasalanan nila. Ganiyan din ang dapat nating gawin. (Awit 130:3) Imbes na magpokus sa mga pagkakamali nila, dapat nating hanapin ang magagandang katangian nila at tingnan ang mga potensiyal nila. (Basahin ang Mateo 7:1-5.) Hindi natin sila pag-iisipan ng masama dahil “pinaniniwalaan [ng pag-ibig] ang lahat ng bagay.” (1 Cor. 13:7) Hindi naman ibig sabihin nito na gusto ni Jehova na magtiwala tayo sa mga kapatid nang walang dahilan, kundi inaasahan niya na magtitiwala tayo sa kanila dahil karapat-dapat silang pagkatiwalaan. b

8. Paano ka magkakaroon ng tiwala sa mga kapatid?

8 Ang pagtitiwala ay kagaya ng paggalang. Kailangan mong magsikap para makuha ito, at nangangailangan iyon ng panahon. Paano ka magkakaroon ng tiwala sa mga kapatid? Kilalanin silang mabuti. Makipagkuwentuhan sa kanila bago at pagkatapos ng pulong. Samahan sila sa ministeryo. Maging mapagpasensiya sa kanila. Bigyan sila ng pagkakataon na maipakitang mapagkakatiwalaan sila. Sa umpisa, baka piliin mo lang ang mga gusto mong sabihin tungkol sa iyo sa isa na hindi mo pa masyadong kilala. Pero habang mas nakikilala mo siya, mas nagiging palagay ka na sabihin sa kaniya ang mga niloloob mo. (Luc. 16:10) Pero paano kung masira ng isang kapatid ang tiwala mo sa kaniya? Huwag mo agad siyang ayawan. Bigyan mo siya ng panahon at pagkakataon. At huwag mong hayaang masira ang pagtitiwala mo sa mga kapatid dahil lang sa pagkakamali ng isang tao. Ngayon, talakayin naman natin ang ilang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova, na kahit nadismaya ng kapuwa nila, ay nagtiwala pa rin sa iba.

MATUTO MULA SA MGA PATULOY NA NAGTIWALA SA IBA

Kahit hindi maganda ang sinabi ni Eli kay Hana, patuloy pa rin siyang nagtiwala sa kaayusan ni Jehova (Tingnan ang parapo 9)

9. (a) Paano napanatili ni Hana ang pagtitiwala sa kaayusan ni Jehova kahit may mga pagkukulang ang ilan sa mga inatasan niya? (b) Ano ang matututuhan mo sa karanasan ni Hana tungkol sa pagtitiwala sa kaayusan ni Jehova? (Tingnan ang larawan.)

9 Nadismaya ka na ba sa paggawi ng isang brother na may pananagutan sa kongregasyon? Kung oo, makakatulong sa iyo ang halimbawa ni Hana. Noong panahong iyon, ang mataas na saserdote na si Eli ang nangunguna sa pagsamba kay Jehova sa Israel. Pero hindi naging magandang halimbawa ang mga kapamilya niya. Mga saserdote rin ang mga anak niya, pero lagi silang gumagawa ng kahiya-hiya at imoral na mga bagay. At walang masyadong ginawa ang tatay nila para ituwid sila. Hindi agad inalis ni Jehova si Eli sa atas niya. Kahit si Eli pa rin ang naglilingkod bilang mataas na saserdote, patuloy pa ring sinunod ni Hana ang kaayusan ng Diyos at hindi tumigil sa pagsamba sa tabernakulo. Nang makita ni Eli na nananalangin si Hana habang naghihirap ang kalooban nito, inakala niya na lasing si Hana. Hindi na niya inalam ang mga detalye. Basta na lang niya sinabihan ang napipighating babaeng ito. (1 Sam. 1:12-16) Kahit ganito ang nangyari, nanata pa rin si Hana na kung magkakaanak siya, ibibigay niya ito para maglingkod sa tabernakulo, at si Eli ang mangangalaga rito. (1 Sam. 1:11) Kailangan bang ituwid ang mga anak ni Eli? Oo. Di-nagtagal, pinarusahan sila ni Jehova. (1 Sam. 4:17) Nang maglaon, binigyan ng Diyos si Hana ng isang anak na lalaki, si Samuel.​—1 Sam. 1:17-20.

10. Paano napanatili ni Haring David ang tiwala niya sa iba kahit may mga nagtaksil sa kaniya?

10 Pinagtaksilan ka na ba ng isang malapít na kaibigan? Kung oo, may matututuhan ka sa karanasan ni Haring David. Kaibigan niya ang lalaking si Ahitopel. Pero nang tangkain ng anak ni David na si Absalom na agawin ang paghahari sa tatay niya, sumama sa kaniya si Ahitopel sa rebelyon. Malamang na nasaktan nang husto si David sa ginawa ng anak niya at ng kaibigan niya! Pero hindi iyon naging dahilan para maiwala ni David ang tiwala niya sa iba. Patuloy siyang nagtiwala sa tapat na kaibigan niyang si Husai, na hindi sumama sa rebelyon. May mga dahilan si David para magtiwala kay Husai. Mabuti siyang kaibigan, at isinapanganib pa nga niya ang buhay niya para tulungan si David.​—2 Sam. 17:1-16.

11. Paano ipinakita ng isa sa mga lingkod ni Nabal na may tiwala siya sa iba?

11 Tingnan din ang halimbawa ng isa sa mga lingkod ni Nabal. Pinrotektahan ni David at ng mga tauhan niya ang mga lingkod ng Israelitang si Nabal. Pagkatapos, humingi ng pagkain si David sa mayamang si Nabal para sa mga tauhan niya, anuman ang maibibigay nito. Pero tumangging magbigay si Nabal. Kaya nagalit si David at nagpasiyang patayin ang lahat ng lalaki sa sambahayan ni Nabal. Isang lingkod ang nagbalita nito kay Abigail na asawa ni Nabal. Bilang miyembro ng sambahayan, alam niyang kayang iligtas ni Abigail ang buhay niya. Imbes na tumakas, nagtiwala siyang makakagawa ng paraan si Abigail. Ganoon na lang ang tiwala niya kay Abigail kasi alam niyang matalino ito. At hindi siya nagkamali. Lakas-loob na kumilos si Abigail para hadlangan ang plano ni David. (1 Sam. 25:2-35) Nagtiwala si Abigail na magiging makatuwiran si David.

12. Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya sa mga alagad niya kahit may mga pagkukulang sila?

12 May tiwala si Jesus sa mga alagad niya kahit may mga pagkukulang sila. (Juan 15:15, 16) Nang hilingin nina Santiago at Juan kay Jesus ang isang magandang posisyon sa Kaharian, hindi kinuwestiyon ni Jesus ang motibo nila sa paglilingkod kay Jehova o inalis sila bilang mga apostol. (Mar. 10:35-40) Nang maglaon, iniwan si Jesus ng lahat ng alagad niya noong gabing arestuhin siya. (Mat. 26:56) Pero hindi nawala ang tiwala ni Jesus sa kanila. Alam na alam niya ang mga kahinaan nila, pero “inibig [pa rin niya sila] hanggang sa wakas.” (Juan 13:1) Inatasan pa nga ng binuhay-muling si Jesus ang 11 tapat na apostol niya ng mabigat na pananagutan—ang manguna sa paggawa ng mga alagad at ang pangangalaga sa minamahal niyang mga tupa. (Mat. 28:19, 20; Juan 21:15-17) May magagandang dahilan siya para magtiwala sa kanila kahit hindi sila perpekto. Lahat sila ay naglingkod nang tapat hanggang kamatayan. Talagang nagpakita ng magandang halimbawa sa pagtitiwala sa di-perpektong mga tao si Hana, si David, ang lingkod ni Nabal, si Abigail, at si Jesus.

IBALIK ANG TIWALA SA MGA KAPATID

13. Bakit mahirap magtiwala sa iba?

13 Nagtiwala ka ba sa isang brother at nagsabi sa kaniya ng isang kompidensiyal na bagay, pero bandang huli, sinira niya ang tiwala mo? Siguradong nasaktan ka. Isang sister ang nagsabi ng kompidensiyal na bagay sa isang elder. Nagtiwala siya na hindi niya ito sasabihin sa iba. Kinabukasan, tinawagan siya ng asawa ng elder para patibayin. Halatang naikuwento ng elder sa asawa niya ang mga sinabi ng sister. Siguradong nasira ang tiwala ng sister sa elder na iyon. Mabuti na lang, lumapit siya sa ibang elder para magpatulong. At tinulungan siya nito na maibalik ang tiwala niya sa mga elder.

14. Ano ang nakatulong sa isang brother para maibalik ang tiwala niya sa mga kapatid?

14 Matagal nang dismayado ang isang brother sa dalawang elder dahil pakiramdam niya, hindi sila mapagkakatiwalaan. Pero napaisip siya sa simple pero mapuwersang payo ng isang brother na iginagalang niya: “Si Satanas ang kaaway natin, hindi ang mga kapatid.” Nanalangin ang brother at pinag-isipang mabuti ang payong iyon. Di-nagtagal, naibalik niya ang magandang kaugnayan niya sa dalawang elder na ito.

15. Bakit kailangan ng panahon para maibalik ang tiwala sa mga kapatid? Magbigay ng halimbawa.

15 Natanggalan ka na ba ng pribilehiyo? Siguradong masakit iyon. Noong 1930’s, ipinagbabawal ang gawain natin sa Nazi Germany. Si Grete at ang nanay niya ay tapat na mga Saksi. Nagkaroon ng pribilehiyo si Grete na mag-type ng mga kopya ng Ang Bantayan para sa mga kapatid, at gustong-gusto niya iyon. Pero nang malaman ng mga brother na salansang ang tatay niya sa katotohanan, inalis nila sa kaniya ang pribilehiyong iyon. Natatakot kasi ang mga brother na baka sabihin ng tatay ni Grete sa mga sumasalansang ang tungkol sa kongregasyon. Hindi lang iyan ang naging pagsubok kay Grete. Sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, hindi sila binibigyan ng mga brother ng mga kopya ng magasin. At kapag nakikita nila sina Grete sa kalsada, hindi nila sila kinakausap. Siguradong masakit iyon! Sobrang nasaktan si Grete, at sinabi niya na sa loob ng mahabang panahon, nahihirapan siyang patawarin ang mga brother at hindi niya agad maibalik ang tiwala niya sa kanila. Pero nang maglaon, napag-isip-isip niya na napatawad na sila ni Jehova, kaya ganoon din ang dapat niyang gawin. c

“Si Satanas ang kaaway natin, hindi ang mga kapatid”

16. Bakit dapat nating sikapin na maibalik ang tiwala natin sa mga kapatid?

16 May ganiyan ka rin bang karanasan? Kung oo, sikaping maibalik ang tiwala mo sa mga kapatid. Baka kailangan mo ng panahon, pero siguradong sulit ang mga pagsisikap mo. Halimbawa, kung nalason na tayo dahil sa pagkain, baka magiging mas maingat na tayo sa kakainin natin. Pero hindi ibig sabihin nito na hindi na tayo kakain. Ganiyan din kapag nasira ng isang kapatid ang tiwala natin. Hindi iyon dapat makaapekto sa tiwala natin sa lahat ng kapatid na alam nating hindi perpekto. Kapag naibalik natin ang pagtitiwala natin sa mga kapatid, mas magiging masaya tayo. Makakatulong din tayo para tumibay ang pagtitiwala ng mga kapatid sa loob ng kongregasyon.

17. Bakit napakahalaga ng pagtitiwala, at ano ang tatalakayin natin sa susunod na artikulo?

17 Napakahirap makita ang pagtitiwala sa sanlibutan ni Satanas. Pero makakapagtiwala tayo sa mga kapatid natin dahil mahal natin sila at mahal nila tayo. Dahil sa pagtitiwalang ito, magiging mas masaya tayo at nagkakaisa ngayon at magiging proteksiyon ito sa atin sa mahihirap na sitwasyon sa hinaharap. Paano kung nasira ng iba ang tiwala mo at sobra kang nasaktan? Tingnan ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova, sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya, sikaping palalimin ang pag-ibig mo sa mga kapatid, at matuto mula sa mga halimbawa sa Bibliya. Makakaya natin ang anumang sakit ng damdamin at maibabalik natin ang tiwala sa iba. Kapag ginawa natin iyan, magkakaroon tayo ng maraming kaibigan na “mas malapít pa kaysa sa isang kapatid.” (Kaw. 18:24) Pero hindi sapat na magtiwala lang tayo sa iba. Dapat din nating makuha ang tiwala nila. Sa susunod na artikulo, tatalakayin natin kung paano natin mapapatunayang karapat-dapat tayo sa pagtitiwala ng mga kapatid.

AWIT 99 Ang Ating Buong Kapatiran

a Kailangan nating magtiwala sa mga kapatid. Hindi iyan laging madali dahil kung minsan, nakakagawa sila ng mga bagay na hindi natin nagugustuhan. Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano natin susundin ang ilang prinsipyo sa Bibliya at ang ilang halimbawa na puwede nating bulay-bulayin. Makakatulong iyan para tumibay ang pagtitiwala natin sa ating mga kapatid o maibalik ang tiwala natin sa kanila kung nasira man nila ito.

b Nagbababala ang Bibliya na may ilan sa kongregasyon na hindi dapat pagtiwalaan. (Judas 4) Kung minsan, may ilang nagkukunwaring kapatid na ‘pumipilipit sa katotohanan’ para dayain ang iba. (Gawa 20:30) Hindi tayo magtitiwala o makikinig sa gayong mga tao.

c Para sa higit pang impormasyon tungkol sa karanasan ni Grete, tingnan ang 1974 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, p. 129-131.