ARALING ARTIKULO 40
‘Pag-akay sa Marami Tungo sa Katuwiran’
“Ang mga umaakay sa marami tungo sa katuwiran ay magniningning na gaya ng mga bituin magpakailanman.”—DAN. 12:3.
AWIT 151 Tatawag Siya
NILALAMAN a
1. Anong kapana-panabik na mga pangyayari ang magaganap sa Sanlibong-Taóng Paghahari?
ISA ngang kapana-panabik na panahon kapag nagsimula na ang pagkabuhay-muli sa lupa sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo! Gustong-gusto nating makitang bubuhaying muli ang mga mahal natin sa buhay. At ganiyan din ang nararamdaman ni Jehova. (Job 14:15) Siguradong masayang-masaya ang lahat sa panahong iyon. Gaya ng natutuhan natin sa naunang artikulo, tatanggap ng “pagkabuhay-muli sa buhay” ang mga “matuwid,” na ang mga pangalan ay nakasulat sa aklat ng buhay. (Juan 5:29; Gawa 24:15) Malamang na marami sa mga mahal natin sa buhay ang agad na bubuhaying muli dito sa lupa pagkatapos ng Armagedon. b Tatanggap naman ng pagkabuhay-muli “sa paghatol” ang mga “di-matuwid,” gaya ng mga hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova o makapaglingkod sa kaniya bago sila namatay.
2-3. (a) Gaya ng ipinapakita sa Isaias 11:9, 10, ano ang magiging pinakamalawak na programa ng pagtuturo sa buong kasaysayan? (b) Ano ang tatalakayin natin sa artikulong ito?
2 Kailangang maturuan ang lahat ng bubuhaying muli. (Isa. 26:9; 61:11) Kaya kailangang isagawa ang pinakamalawak na programa ng pagtuturo sa buong kasaysayan. (Basahin ang Isaias 11:9, 10.) Bakit? Dahil ang mga di-matuwid na bubuhaying muli ay kailangang matuto tungkol kay Jesu-Kristo, sa Kaharian ng Diyos, pantubos, kahalagahan ng pangalan ni Jehova, at kung bakit siya lang ang may karapatang mamahala. Kahit nga ang mga matuwid ay kailangang maturuan tungkol sa mga unti-unting isiniwalat ni Jehova sa bayan niya may kinalaman sa layunin niya para sa lupa. Ang ilan sa mga tapat na ito ay matagal nang namatay bago pa makumpleto ang Bibliya. Marami pang dapat matutuhan ang mga matuwid at di-matuwid.
3 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang sumusunod na mga tanong: Paano isasagawa ang malaking programang ito ng pagtuturo? Bakit mahalaga ang magiging tugon ng mga tao sa pagtuturong ito para mapasulat nang permanente ang pangalan nila sa aklat ng buhay? Mahalaga para sa atin ngayon na masagot ang mga tanong na iyan. Gaya ng matututuhan natin, makakatulong ang ilang kahanga-hangang ulat sa mga aklat ng Daniel at Apocalipsis para linawin ang pagkaunawa natin sa mga mangyayari kapag binuhay-muli ang mga patay. Una, talakayin muna natin ang kapana-panabik na mga pangyayari na inihula sa Daniel 12:1, 2.
ANG “MGA NATUTULOG SA ALABOK [AY] MAGIGISING”
4-5. Ano ang sinasabi ng Daniel 12:1 tungkol sa panahon ng wakas?
4 Basahin ang Daniel 12:1. Ipinapakita sa aklat ng Daniel ang pagkakasunod-sunod ng kapana-panabik na mga pangyayari na magaganap sa panahon ng wakas. Halimbawa, sinasabi ng Daniel 12:1 na si Miguel, o si Jesu-Kristo, ay ‘nakatayo alang-alang sa bayan’ ng Diyos. Natupad ang bahaging iyan ng hula noong 1914 nang atasan si Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos sa langit.
5 Pero sinabi rin kay Daniel na “tatayo” si Jesus sa “isang panahon ng kapighatian na hindi pa nangyayari mula nang magkaroon ng bansa hanggang sa panahong iyon.” Ang ‘panahong ito ng kapighatian’ ay ang “malaking kapighatian” na binanggit sa Mateo 24:21. Tatayo si Jesus, o kikilos para ipagtanggol ang bayan ng Diyos, sa pagtatapos ng panahong ito ng kapighatian, ang Armagedon. Tinukoy sila ng aklat ng Apocalipsis bilang “malaking pulutong” na “lumabas mula sa malaking kapighatian.”—Apoc. 7:9, 14.
6. Ano ang mangyayari pagkatapos makaligtas ang malaking pulutong sa malaking kapighatian? Ipaliwanag. (Tingnan din ang tungkol sa pagkabuhay-muli sa lupa sa “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa” na nasa isyung ito.)
6 Basahin ang Daniel 12:2. Ano ang mangyayari pagkatapos na makaligtas ang malaking pulutong sa panahong ito ng kapighatian? Ang hulang ito ay hindi tumutukoy sa isang makasagisag o espirituwal na pagkabuhay-muli ng mga lingkod ng Diyos na mangyayari sa mga huling araw, gaya ng pagkaunawa natin dati. c Sa halip, ang tinutukoy rito ay ang pagkabuhay-muli ng mga patay na mangyayari sa bagong sanlibutan. Bakit natin nasabi iyan? Ang salitang “alabok” ay ginamit din sa Job 17:16 bilang katumbas ng salitang “Libingan.” Ipinapakita nito na ang tinutukoy sa Daniel 12:2 ay literal na pagkabuhay-muli na mangyayari pagkatapos ng mga huling araw at ng digmaan ng Armagedon.
7. (a) Ano ang ibig sabihin na ang ilan ay bubuhaying muli “tungo sa buhay na walang hanggan”? (b) Bakit ito “mas mabuting pagkabuhay-muli”?
7 Sinabi ng Daniel 12:2 na ang ilan ay bubuhaying muli “tungo sa buhay na walang hanggan.” Ano ang ibig sabihin nito? Nangangahulugan ito na ang mga bubuhaying muli at kikilala, o patuloy na kikilala, at susunod kay Jehova at kay Jesus sa loob ng 1,000 taon ay siguradong tatanggap ng buhay na walang hanggan. (Juan 17:3) “Mas mabuting pagkabuhay-muli” ito kaysa sa mga binuhay-muli noon. (Heb. 11:35) Bakit? Dahil namatay rin ang di-perpektong mga taong iyon na binuhay-muli.
8. Ano ang ibig sabihin na ang ilan ay bubuhaying muli “tungo sa kahihiyan at walang-hanggang kadustaan”?
8 Pero may mga bubuhaying muli na hindi tutugon sa pagtuturo ni Jehova. Inihula ni Daniel na ang ilan ay bubuhaying muli “tungo sa kahihiyan at walang-hanggang kadustaan.” Dahil magrerebelde sila, hindi mapapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay at hindi sila tatanggap ng buhay na walang hanggan. Sa halip, tatanggap sila ng “walang-hanggang kadustaan,” o pagkapuksa. Kaya ang tinutukoy sa Daniel 12:2 na kahihinatnan ng lahat ng bubuhaying muli ay base sa gagawin nila pagkatapos nilang buhaying muli. d (Apoc. 20:12) Tatanggap ang ilan ng buhay na walang hanggan; ang iba naman ay hindi.
‘PAG-AKAY SA MARAMI TUNGO SA KATUWIRAN’
9-10. Ano pa ang mangyayari pagkatapos ng malaking kapighatian, at sino ang “magliliwanag na gaya ng langit”?
9 Basahin ang Daniel 12:3. Ano pa ang mangyayari pagkatapos ng “panahon ng kapighatian”? Bukod sa sinasabi sa Daniel 12:2, may sinasabi pa ang talata 3 tungkol sa mangyayari pagkatapos ng malaking kapighatian.
10 Sino ang “magliliwanag na gaya ng langit”? Makakatulong sa atin ang sinabi ni Jesus sa Mateo 13:43: “Sa panahong iyon, ang mga matuwid ay sisikat nang maliwanag na gaya ng araw sa Kaharian ng kanilang Ama.” Sa konteksto nito, may sinabi si Jesus tungkol sa “mga anak ng Kaharian,” o ang mga pinahirang kapatid niya, na kasama niyang maglilingkod sa Kaharian sa langit. (Mat. 13:38) Kaya ang tinutukoy sa Daniel 12:3 ay ang mga pinahiran at ang gagawin nila sa loob ng Sanlibong-Taóng Paghahari.
11-12. Ano ang gagawin ng 144,000 sa loob ng 1,000 taon?
11 Paano aakayin ng mga pinahiran ang “marami tungo sa katuwiran”? Makikipagtulungan ang mga pinahiran kay Jesu-Kristo para pangunahan ang programa ng pagtuturo na gagawin sa lupa sa loob ng 1,000 taon. Hindi lang magiging hari ang 144,000, maglilingkod din sila bilang mga saserdote. (Apoc. 1:6; 5:10; 20:6) Kaya tutulong sila sa “pagpapagaling ng mga bansa” at tutulungan nila ang mga tao na unti-unting maging perpekto. (Apoc. 22:1, 2; Ezek. 47:12) Siguradong napakasaya ng mga pinahiran!
12 Sino ang kasama sa “marami” na aakayin tungo sa katuwiran? Kasama sa kanila ang mga bubuhaying muli at ang mga makakaligtas sa Armagedon pati na ang magiging anak ng mga ito sa bagong sanlibutan. Sa katapusan ng 1,000 taon, magiging perpekto ang lahat ng nabubuhay sa lupa. Kaya kailan mapapasulat nang permanente ang pangalan nila sa aklat ng buhay?
ANG HULING PAGSUBOK
13-14. Ano ang kailangang patunayan ng lahat ng perpektong tao sa lupa bago sila tumanggap ng buhay na walang hanggan?
13 Tandaan na ang pagiging perpekto ay hindi nangangahulugang siguradong tatanggap na ang isa ng buhay na walang hanggan. Halimbawa, perpekto sina Adan at Eva. Pero kailangan nilang maging masunurin sa Diyos na Jehova bago sila tumanggap ng buhay na walang hanggan. Nakakalungkot, sumuway sila sa kaniya.—Roma 5:12.
14 Ano ang mangyayari sa mga nasa lupa sa katapusan ng 1,000 taon? Magiging perpekto na silang lahat. Lubos bang susuporta ang lahat ng perpektong taong iyon sa pamamahala ni Jehova magpakailanman? O tutulad sila kina Adan at Eva na hindi naging tapat kahit perpekto sila? Kailangang masagot ang mga tanong na ito, pero paano?
15-16. (a) Kailan magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng tao na ipakitang tapat sila kay Jehova? (b) Ano ang magiging resulta ng pagsubok na ito?
15 Ibibilanggo si Satanas sa loob ng 1,000 taon. Sa panahong iyon, hindi niya maililigaw ang sinuman. Pero pagkatapos ng 1,000 taon, pakakawalan si Satanas mula sa bilangguan. Pagkatapos, sisikapin niyang iligaw ang perpektong mga tao. Sa panahong iyon ng pagsubok, magkakaroon ng pagkakataon ang lahat ng perpektong tao sa lupa na ipakita kung paparangalan nila ang pangalan ng Diyos at susuportahan ang pamamahala niya. (Apoc. 20:7-10) Nakadepende sa gagawin ng bawat isa sa panahong iyon kung mapapasulat nang permanente ang pangalan nila sa aklat ng buhay.
16 Sinasabi ng Bibliya na may mga hindi magiging tapat gaya nina Adan at Eva, at tatanggi sa pamamahala ni Jehova. Ano ang mangyayari sa kanila? Sinasabi ng Apocalipsis 20:15: “Ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.” Oo, ang mga magrerebelde ay lubusang pupuksain. Pero makakapasa sa huling pagsubok ang karamihan sa perpektong mga tao. Kaya permanente nang mapapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay.
“SA PANAHON NG WAKAS”
17. Ano ang sinabi ng anghel kay Daniel na mangyayari sa panahon natin? (Daniel 12:4, 8-10)
17 Talaga ngang kapana-panabik ang mga pangyayaring ito sa hinaharap! Pero may sinabi rin ang isang anghel kay Daniel na ilang mahalagang bagay tungkol sa panahon natin, ang “panahon ng wakas.” (Basahin ang Daniel 12:4, 8-10; 2 Tim. 3:1-5) Sinabi ng anghel kay Daniel: “Sasagana ang tunay na kaalaman.” Oo, ang hulang iyan sa aklat niya ay mas maiintindihan ng bayan ng Diyos. Sinabi pa ng anghel na sa panahong iyon, “ang masasama ay gagawa ng masama, at walang isa man sa kanila ang makauunawa.”
18. Ano ang malapit nang mangyari sa masasama?
18 Sa ngayon, parang hindi napaparusahan ang masasama. (Mal. 3:14, 15) Pero malapit nang hatulan ni Jesus ang mga tulad-kambing, at ibubukod niya ang mga tulad-tupa mula sa kanila. (Mat. 25:31-33) Hindi makakaligtas sa malaking kapighatian ang masasamang taong ito, at hindi rin sila bubuhaying muli sa bagong sanlibutan. Ang mga pangalan nila ay hindi mapapasulat sa “aklat ng alaala” na binanggit sa Malakias 3:16.
19. Ano ang dapat nating gawin ngayon, at bakit? (Malakias 3:16-18)
19 Ngayon na ang panahon para patunayan na hindi tayo kabilang sa masasama. (Basahin ang Malakias 3:16-18.) Tinitipon na ni Jehova ang mga itinuturing niya bilang “espesyal na pag-aari,” o ang mga minamahal niya. Siguradong gusto nating mapasama sa kanila.
20. Ano ang ipinangako kay Daniel, at bakit ka nasasabik sa katuparan ng pangakong iyan?
20 Talagang kapana-panabik ang panahong kinabubuhayan natin. Pero marami pang kahanga-hangang bagay ang malapit nang mangyari. Malapit na nating makita ang pagpuksa sa lahat ng masama. Pagkatapos, makikita natin ang katuparan ng pangako ni Jehova kay Daniel: “Sa wakas ng mga araw, babangon ka para tanggapin ang iyong bahagi.” (Dan. 12:13) Nasasabik ka na bang makita ang araw na “babangon” si Daniel at ang mga mahal mo sa buhay? Kung oo, gawin mo ang lahat ng magagawa mo ngayon para maging tapat, at makakatiyak ka na mananatiling nakasulat ang pangalan mo sa aklat ng buhay ni Jehova.
AWIT 80 Tikman at Tingnan ang Kabutihan ni Jehova
a Makikita sa artikulong ito ang pagbabago sa unawa natin tungkol sa malawak na programa ng pagtuturo na inilarawan sa Daniel 12:2, 3. Aalamin natin kung kailan ito mangyayari at kung sino ang makikibahagi sa gawaing ito. Makikita rin natin kung paano ihahanda ng programang ito ng pagtuturo ang mga nasa lupa para sa huling pagsubok pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo.
b Posibleng maunang buhaying muli ang mga tapat na namatay sa panahon ng mga huling araw. Pagkatapos, bubuhayin namang muli ang henerasyong nauna sa kanila. Kung ganiyan nga ang mangyayari, may pagkakataon ang bawat henerasyon na salubungin ang mga kakilala nila. Anuman ang mangyayari sa hinaharap, masasabi natin na ang pagkabuhay-muli sa lupa ay mangyayari nang may kaayusan dahil sinasabi ng Bibliya na ang pagkabuhay-muli tungo sa langit ay magaganap “ayon sa tamang pagkakasunod-sunod.”—1 Cor. 14:33; 15:23.
c Ang paliwanag na ito ay pagbabago sa pagkaunawa natin sa kabanata 17 ng aklat na Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel! at sa Bantayan, Hulyo 1, 1987, p. 21-25.
d Sa kabaligtaran, ang mga salitang “matuwid” at “di-matuwid” sa Gawa 24:15 at ang mga salitang “mga gumawa ng mabubuting bagay” at “mga gumawa ng masasamang bagay” sa Juan 5:29 ay nakapokus sa paggawi ng mga bubuhaying muli bago sila namatay.