Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 38

Patunayan Mong Mapagkakatiwalaan Ka

Patunayan Mong Mapagkakatiwalaan Ka

“Ang mapagkakatiwalaan ay marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay.”​—KAW. 11:13.

AWIT 101 Naglilingkod Nang May Pagkakaisa

NILALAMAN a

1. Paano natin malalaman kung mapagkakatiwalaan ang isang tao?

 SINISIKAP ng isang taong mapagkakatiwalaan na tuparin ang mga pangako niya at magsabi ng totoo. (Awit 15:4) Alam ng mga tao na maaasahan siya. Gusto nating ganiyan ang maramdaman ng mga kapatid sa atin. Ano ang puwede nating gawin para pagtiwalaan nila tayo?

2. Paano natin patutunayang mapagkakatiwalaan tayo?

2 Hindi natin puwedeng pilitin ang iba na magtiwala sa atin. Kailangan tayong magsikap para makuha ang tiwala ng iba. Sinasabi na ang pagtitiwala ay gaya ng pera. Mahirap itong makuha, pero madaling mawala. Tiyak na nakuha ni Jehova ang tiwala natin. Nagtitiwala tayo sa kaniya kasi “ang lahat ng ginagawa niya ay maaasahan.” (Awit 33:4) At inaasahan niya na tutularan natin siya. (Efe. 5:1) Talakayin natin ngayon ang ilang halimbawa ng lingkod ni Jehova na tumulad sa kanilang Ama sa langit at pinatunayang mapagkakatiwalaan sila. Aalamin din natin ang limang katangian na tutulong sa atin para pagkatiwalaan tayo ng iba.

MATUTO SA MAPAGKAKATIWALAANG MGA LINGKOD NI JEHOVA

3-4. Paano pinatunayan ni Daniel na mapagkakatiwalaan siya, at ano ang mga dapat nating itanong sa ating sarili?

3 Napakagandang halimbawa ni propeta Daniel pagdating sa pagiging mapagkakatiwalaan. Kahit dinala siyang bihag ng mga taga-Babilonya, nakilala siya bilang isa na mapagkakatiwalaan. Lalo siyang pinagkatiwalaan ng mga tao nang sa tulong ni Jehova, binigyan niya ng kahulugan ang mga panaginip ng hari ng Babilonya na si Nabucodonosor. Sa isang pagkakataon, kinailangang sabihin ni Daniel sa hari na hindi nalulugod dito si Jehova—isang mensahe na hindi gustong marinig ng hari. Kailangan ni Daniel ng lakas ng loob para masabi iyan, kasi kilalá si Nabucodonosor sa pagiging malupit! (Dan. 2:12; 4:20-22, 25) Paglipas ng maraming taon, pinatunayan ulit ni Daniel na mapagkakatiwalaan siya nang bigyan niya ng tamang kahulugan ang mensahe na lumitaw sa pader ng palasyo ng Babilonya. (Dan. 5:5, 25-29) Nang maglaon, napansin din ni Dario na Medo at ng mga opisyal niya ang “di-pangkaraniwang talino” ni Daniel. Inamin nila na “tapat [si Daniel], hindi pabaya, at hindi tiwali.” (Dan. 6:3, 4) Oo, kinilala kahit ng mga paganong tagapamahala na mapagkakatiwalaan ang mananambang ito ni Jehova!

4 Habang pinag-iisipan ang halimbawa ni Daniel, tanungin ang sarili: ‘Ano ang pagkakilala sa akin ng mga hindi Saksi ni Jehova? Kilalá ba akong responsable at mapagkakatiwalaan?’ Bakit mahalagang itanong ang mga ito? Dahil kung mapagkakatiwalaan tayo, mapapapurihan si Jehova.

Pumili si Nehemias ng mapagkakatiwalaang mga lalaki para sa mahahalagang atas (Tingnan ang parapo 5)

5. Bakit kilalá si Hananias bilang mapagkakatiwalaan?

5 Noong 455 B.C.E., matapos maitayong muli ni Gobernador Nehemias ang mga pader ng Jerusalem, humanap siya ng mga maaasahang lalaki na mangangalaga sa lunsod. Isa sa mga napili ni Nehemias ang pinuno ng Tanggulan na si Hananias. Inilarawan ng Bibliya si Hananias bilang “talagang mapagkakatiwalaan . . . at kumpara sa maraming iba pa, mas may takot siya sa tunay na Diyos.” (Neh. 7:2) Dahil mahal niya at ayaw niyang mapalungkot si Jehova, nagsikap nang husto si Hananias na gawin ang anumang atas niya. Ang mga katangiang iyon ay tutulong din sa atin na maging maaasahan sa paglilingkod sa Diyos.

6. Paano pinatunayan ni Tiquico na mapagkakatiwalaan siyang kaibigan ni apostol Pablo?

6 Pansinin ang halimbawa ni Tiquico, isang mapagkakatiwalaang kasama ni apostol Pablo. Nang nakabilanggo sa sariling bahay si Pablo, umasa siya kay Tiquico, at inilarawan niya ito bilang “tapat na lingkod.” (Efe. 6:21, 22) Ipinagkatiwala ni Pablo sa kaniya ang pagdadala ng mga liham sa mga kapatid sa Efeso at Colosas pati na ang pagpapatibay sa kanila. Ipinapaalala sa atin ni Tiquico ang mga tapat at maaasahang lalaki na nangangalaga sa espirituwal na pangangailangan natin ngayon.​—Col. 4:7-9.

7. Ano ang matututuhan mo sa pagiging mapagkakatiwalaan ng mga elder at ministeryal na lingkod sa inyong kongregasyon?

7 Talagang pinapahalagahan din natin ngayon ang mapagkakatiwalaang mga elder at ministeryal na lingkod. Gaya nina Daniel, Hananias, at Tiquico, ginagawa nila nang seryoso ang mga responsibilidad nila. Halimbawa, tuwing pulong sa midweek, alam natin na may mga inatasang gaganap sa lahat ng bahagi ng programa. At talagang pinapahalagahan ng mga elder kapag inihahanda at ginagampanan ng mga may bahagi ang atas nila sa pulong. Hindi rin tayo magdadalawang-isip na imbitahan ang mga Bible study na dumalo sa pulong kapag weekend, kasi nakakatiyak tayo na may magbibigay ng pahayag pangmadla. At nagtitiwala tayo na may magagamit tayong mga literatura sa ministeryo. Talagang pinangangalagaan tayo ng tapat na mga brother na ito, at ipinagpapasalamat natin ito kay Jehova! Pero paano naman natin patutunayan na mapagkakatiwalaan tayo?

MAGING MAPAGKAKATIWALAAN PAGDATING SA KOMPIDENSIYAL NA MGA BAGAY

8. Paano tayo magiging balanse sa pagpapakita ng interes sa iba? (Kawikaan 11:13)

8 Mahal natin ang mga kapatid at interesado tayo sa kapakanan nila. Pero dapat tayong maging balanse at igalang ang personal na buhay nila. May ilan sa kongregasyong Kristiyano noong unang siglo na ‘mga tsismosa, mapanghimasok sa buhay ng iba, at nagsasalita ng mga bagay na hindi nila dapat sabihin.’ (1 Tim. 5:13) Tiyak na ayaw nating maging katulad nila. Pero paano kung may magsabi sa atin ng personal na mga bagay at sabihan tayong huwag itong sabihin sa iba? Halimbawa, baka sinabi sa atin ng isang sister ang tungkol sa kalusugan niya o ang mga pinagdadaanan niya, at sinabing huwag natin itong sabihin sa iba. Dapat nating igalang ang kahilingan niya. b (Basahin ang Kawikaan 11:13.) Talakayin naman natin ngayon ang ilang sitwasyon kung saan mahalagang ingatan ang kompidensiyal na mga bagay.

9. Paano maipapakita ng mga miyembro ng pamilya na mapagkakatiwalaan sila?

9 Sa pamilya. Pananagutan ng bawat miyembro ng pamilya na panatilihing pribado ang ilang bagay tungkol sa pamilya. Halimbawa, baka may nakasanayan ang isang asawang babae na nakakatawa para sa asawa niya. Ikukuwento ba ito ng asawang lalaki sa iba na posibleng ikapahiya ng asawa niya? Siyempre, hindi! Mahal niya ang asawa niya, at hindi niya ito gustong saktan. (Efe. 5:33) Gusto rin ng mga tin-edyer na igalang sila. Mahalagang tandaan ito ng mga magulang. Hindi nila ikukuwento ang pagkakamali ng mga anak nila na ikapapahiya ng mga ito. (Col. 3:21) Kailangan ding maging maingat ng mga anak, at hindi nila sasabihin sa iba ang mga bagay na ikapapahiya ng ibang miyembro ng pamilya. (Deut. 5:16) Kapag ginagawa ng bawat miyembro ng pamilya ang bahagi nila para mapanatiling pribado ang personal na mga bagay ng pamilya, titibay ang samahan nila.

10. Paano tayo magiging tunay na kaibigan? (Kawikaan 17:17)

10 Sa mga kaibigan natin. May mga pagkakataon na kailangan nating sabihin sa isang malapít na kaibigan ang nararamdaman natin. Kung minsan, mahirap gawin iyon. Baka hindi madali para sa atin na sabihin sa iba ang niloloob natin. At baka masaktan tayo nang husto kapag nalaman natin na ikinuwento ng kaibigan natin sa iba ang sinabi natin sa kaniya. Pero nagpapasalamat tayo sa isang kaibigan na mapagkakatiwalaan ng kompidensiyal na mga bagay! Isa siyang “tunay na kaibigan.”​—Basahin ang Kawikaan 17:17.

Hindi ikinukuwento ng mga elder ang kompidensiyal na mga bagay ng kongregasyon sa pamilya nila (Tingnan ang parapo 11) c

11. (a) Paano ipinapakita ng mga elder at ng mga asawa nila na maaasahan sila? (b) Anong aral ang matututuhan natin sa isang elder na hindi nagkukuwento ng kompidensiyal na mga bagay ng kongregasyon sa pamilya niya? (Tingnan ang larawan.)

11 Sa kongregasyon. Ang mga elder na marunong mag-ingat ng kompidensiyal na mga bagay ay gaya ng “taguan mula sa ihip ng hangin, isang kublihan” para sa mga kapatid. (Isa. 32:2) Alam natin na puwede nating ipakipag-usap sa kanila ang anumang bagay, at nagtitiwala tayo na hindi nila sasabihin sa iba ang sinabi natin sa kanila. Hindi rin natin sila pipilitin na sabihin sa atin ang mga bagay na pribado. Pinapahalagahan din natin ang asawa ng mga elder dahil hindi nila kinukulit ang mga asawa nila para sabihin ang mga bagay na kompidensiyal. Ang totoo, ipinagpapasalamat ng asawa ng mga elder na hindi sinasabi sa kanila ang impormasyon tungkol sa mga kapatid. Sinabi ng asawa ng isang elder: “Nagpapasalamat ako na hindi sinasabi sa akin ng asawa ko ang kompidensiyal na mga bagay sa mga sine-shepherding niya o sa mga nangangailangan ng tulong sa espirituwal, kahit ang mga pangalan nila. Nakatulong sa akin iyon para hindi ako mapabigatan ng mga isyu na wala naman akong magagawa. Kaya mas palagay akong makipag-usap sa lahat ng kapatid sa kongregasyon. At nagtitiwala ako na kapag sinabi ko sa asawa ko ang mga nararamdaman ko o problema, hindi rin niya ito sasabihin sa iba.” Siyempre pa, gusto nating lahat na makilala bilang mapagkakatiwalaan. Anong mga katangian ang tutulong sa atin para pagkatiwalaan tayo ng iba? Tingnan natin ang lima sa mga ito.

MGA KATANGIAN NA TUTULONG SA IYO NA MAGING MAPAGKAKATIWALAAN

12. Bakit natin masasabi na pag-ibig ang pundasyon ng pagtitiwala? Magbigay ng halimbawa.

12 Pag-ibig ang pundasyon ng pagtitiwala. Sinabi ni Jesus na ang dalawang pinakamahalagang utos ay ang mahalin si Jehova at ang ating kapuwa. (Mat. 22:37-39) Dahil mahal natin si Jehova, mapapakilos tayo na tularan ang pagiging mapagkakatiwalaan niya. Halimbawa, mahal natin ang mga kapatid kaya hindi tayo manghihimasok sa personal na buhay nila. Hindi tayo magsasabi ng anumang bagay na makakasira, makakasakit, o ikapapahiya nila.​—Juan 15:12.

13. Paano makakatulong ang kapakumbabaan para pagkatiwalaan tayo?

13 Makakatulong ang kapakumbabaan para pagkatiwalaan tayo. Kung mapagpakumbaba ang isang Kristiyano, hindi niya gugustuhing mauna sa pagsasabi ng isang bagay para lang pahangain ang iba. (Fil. 2:3) Hindi niya papalabasin na may alam siyang impormasyon na hindi niya puwedeng sabihin para lang ipakitang mahalaga siya. Kung mapagpakumbaba rin tayo, hindi tayo magkakalat ng sariling opinyon tungkol sa mga bagay na hindi naman tinalakay sa Bibliya o sa mga publikasyong salig sa Bibliya.

14. Paano makakatulong ang pagkakaroon ng kaunawaan para pagkatiwalaan tayo?

14 Kapag may kaunawaan ang isang Kristiyano, alam niya kung kailan ‘tatahimik’ at ‘magsasalita.’ (Ecles. 3:7) Sa ilang kultura, may kasabihan na “kung ang pagsasalita ay pilak, ginto naman ang pagtahimik.” Ibig sabihin, may panahon na mas mabuting manahimik kaysa sa magsalita. At iyan ang sinasabi sa Kawikaan 11:12: “Ang taong may malawak na kaunawaan ay nananatiling tahimik.” Tingnan ang isang halimbawa. Isang makaranasang elder ang madalas na hinihilingang tumulong sa paghawak sa mga problema ng ibang kongregasyon. Ganito ang sinabi ng isang elder tungkol sa kaniya: “Wala kang maririnig sa kaniya tungkol sa kompidensiyal na mga bagay ng ibang kongregasyon.” Dahil may kaunawaan ang elder na ito, iginagalang siya ng ibang elder sa kanilang kongregasyon. Sigurado silang hindi niya sasabihin sa iba ang kanilang kompidensiyal na mga bagay.

15. Magbigay ng halimbawa na nagpapakitang makakatulong ang pagiging tapat para pagtiwalaan ka ng iba.

15 Makakatulong din ang pagiging tapat para pagtiwalaan tayo. Nagtitiwala tayo sa isang taong tapat kasi alam natin na lagi siyang nagsasabi ng totoo. (Efe. 4:25; Heb. 13:18) Halimbawa, gusto mong mapasulong ang kakayahan mong magturo. Kaya hinilingan mo ang isang kapatid na pakinggan ang pahayag mo at magbigay ng mungkahi kung paano ka pa susulong. Kaninong payo ang pagtitiwalaan mo? Sa isa ba na magsasabi sa iyo ng gusto mong marinig o sa isa na mataktikang magsasabi sa iyo ng totoo? Alam natin ang sagot. Sinasabi ng Bibliya: “Mas mabuti ang hayagang pagsaway kaysa sa pag-ibig na hindi ipinapakita. Ang mga sugat na dulot ng isang kaibigan ay tanda ng katapatan.” (Kaw. 27:5, 6) Sa una, baka hindi madaling tanggapin kapag sinabi sa iyo ng kaibigan mo ang totoo, pero alam mo na iyon talaga ang makakatulong sa iyo.

16. Paano ipinapakita ng Kawikaan 10:19 na kailangan natin ang pagpipigil sa sarili?

16 Napakahalaga rin ng pagpipigil sa sarili kung gusto nating pagtiwalaan tayo ng iba. Tutulong sa atin ang katangiang iyan na manatiling tahimik kapag natutukso tayong sabihin sa iba ang kompidensiyal na mga bagay. (Basahin ang Kawikaan 10:19.) Baka masubok ang ating pagpipigil sa sarili kapag gumagamit tayo ng social media. Kung hindi tayo maingat, baka hindi sinasadyang makapag-post tayo ng kompidensiyal na mga bagay na makikita ng maraming tao. At kapag kumalat na iyon sa social media, hindi na natin kontrolado kung paano ito gagamitin ng iba o kung gaano kalaki ang magiging pinsala nito. Tutulong din ang pagpipigil sa sarili na manatiling tahimik kapag sinusubukan tayo ng mga mananalansang na sabihin sa kanila ang ilang bagay na magsasapanganib sa mga kapatid. Puwede itong mangyari kapag pinagtatatanong tayo ng mga pulis sa isang bansa na ipinagbabawal ang gawain natin. Sa ganito at sa iba pang sitwasyon, puwede nating sundin ang prinsipyo na ‘lagyan ng busal ang bibig natin.’ (Awit 39:1) Kailangan nating ipakita na mapagkakatiwalaan tayo ng pamilya natin, mga kaibigan, mga kapatid, o ng ibang tao. Para magawa iyan, kailangan natin ang pagpipigil sa sarili.

17. Paano tayo makakatulong para magkaroon ng tiwala sa isa’t isa ang mga kapatid sa loob ng kongregasyon?

17 Talagang nagpapasalamat tayo na inilapit tayo ni Jehova sa isang espirituwal na pamilya na mapagmahal at mapagkakatiwalaan! Pananagutan nating lahat na makuha ang tiwala ng mga kapatid. Habang sinisikap ng bawat isa sa atin na ipakita ang pag-ibig, kapakumbabaan, kaunawaan, pagiging tapat, at pagpipigil sa sarili, nakakatulong tayo para magkaroon ng tiwala sa isa’t isa ang mga kapatid sa loob ng kongregasyon. Kailangan nating magsikap para magtiwala ang iba sa atin. Matularan sana natin ang Diyos na Jehova at patuloy na patunayang mapagkakatiwalaan tayo.

AWIT 123 Magpasakop sa Teokratikong Kaayusan

a Kung gusto nating pagtiwalaan tayo ng iba, kailangang patunayan natin na mapagkakatiwalaan tayo. Sa artikulong ito, rerepasuhin natin kung bakit napakahalaga ng pagtitiwala at kung anong mga katangian ang tutulong sa atin para pagkatiwalaan tayo ng iba.

b Kung malaman natin na may isa tayong kakongregasyon na nakagawa ng malubhang kasalanan, dapat natin siyang pasiglahing humingi ng tulong sa mga elder. Kapag hindi niya iyon ginawa, dapat nating sabihin iyon sa mga elder kasi gusto nating maging tapat kay Jehova at sa kongregasyon.

c LARAWAN: Hindi sinasabi ng isang elder sa pamilya niya ang kompidensiyal na mga bagay ng kongregasyon.