Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sino ang mga bubuhaying muli sa lupa, at anong klase ng pagkabuhay-muli ang tatanggapin nila?
Tingnan ang sagot ng Bibliya sa mga tanong na ito.
Sinasabi sa Gawa 24:15 na “bubuhaying muli ng Diyos ang mga matuwid at di-matuwid.” Ang mga matuwid ay tumutukoy sa mga taong naging masunurin sa Diyos bago sila namatay, kaya ang pangalan nila ay nakasulat sa aklat ng buhay. (Mal. 3:16) Kasama naman sa mga di-matuwid ang mga namatay pero hindi nagkaroon ng pagkakataong makilala si Jehova, kaya hindi napasulat sa aklat ng buhay ang pangalan nila.
Ang dalawang grupo ring iyon na binabanggit sa Gawa 24:15 ang tinutukoy sa Juan 5:28, 29. Sinabi ni Jesus na mabubuhay ang “mga gumawa ng mabubuting bagay, tungo sa pagkabuhay-muli sa buhay, pero ang mga gumawa ng masasamang bagay, tungo sa paghatol.” Ang mga matuwid ay gumawa ng mabubuting bagay bago sila namatay. Tatanggap sila ng pagkabuhay-muli sa buhay dahil nakasulat pa rin ang pangalan nila sa aklat ng buhay. Pero ang mga di-matuwid ay gumawa ng masasamang bagay bago sila namatay. Kaya tatanggap sila ng pagkabuhay-muli sa paghatol. Panahon ito ng paghatol o pagsubok dahil hindi pa nakasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay. Sa panahong iyon, magkakaroon sila ng pagkakataong makilala si Jehova at mapasulat ang pangalan nila sa aklat ng buhay.
Sinasabi sa Apocalipsis 20:12, 13 na kailangang sundin ng lahat ng bubuhaying muli ang “mga nakasulat sa mga balumbon.” Ibig sabihin, magbibigay ang Diyos ng bagong mga batas sa bagong sanlibutan. Pupuksain ang mga hindi susunod sa mga iyon.—Isa. 65:20.
Inihula ng Daniel 12:2 na ang ilan sa mga namatay ay gigisingin “tungo sa buhay na walang hanggan at ang iba tungo sa kahihiyan at walang-hanggang kadustaan.” Ipinapakita ng tekstong ito ang kahihinatnan ng mga bubuhaying muli—“buhay na walang hanggan” o “walang-hanggang kadustaan.” Kaya pagkatapos ng 1,000 taon, tatanggap ang ilan ng buhay na walang hanggan pero mapupuksa naman ang iba magpakailanman.—Apoc. 20:15; 21:3, 4.
Tingnan ang isang ilustrasyon. Ang kalagayan ng dalawang grupo na bubuhaying muli ay maikukumpara sa mga tao na gustong tumira sa ibang bansa. Ang mga matuwid ay gaya ng mga tao na binigyan ng work visa o resident visa. Mas malaya sila at makakapanatili nang mas mahabang panahon sa isang bansa. Ang mga di-matuwid naman ay kagaya ng mga taong binigyan ng tourist visa. Puwede silang manatili sa isang bansa sa loob ng mas maikling panahon. Kung gusto nilang manatili nang permanente sa bansang iyon, kailangan nilang patunayan na karapat-dapat silang tumira doon. Ganiyan din ang mga di-matuwid na bubuhaying muli. Kailangan nilang sundin ang mga batas ni Jehova at patunayang matuwid sila para permanente silang makatira sa Paraiso. Pero anumang visa mayroon ang isang dayuhan pagpasok niya ng isang bansa, may ilang nagiging mamamayan ng bansang iyon at may iba namang pinapauwi. Nakadepende iyon sa paggawi nila sa bansang iyon. Kaya ang kahihinatnan ng mga bubuhaying muli ay nakadepende sa katapatan nila at magiging paggawi sa bagong sanlibutan.
Hindi lang maawain si Jehova, makatarungan at patas din siya. (Deut. 32:4; Awit 33:5) Mahal niya ang mga tao kaya bubuhayin niyang muli ang mga matuwid at di-matuwid. Pero inaasahan niya na susundin nila ang mga pamantayan niya ng tama at mali. Ang mga nagmamahal lang sa kaniya at namumuhay ayon sa mga pamantayan niya ang papayagang manatili sa bagong sanlibutan.