Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Ano ang ibig sabihin ni apostol Pablo nang tukuyin niya ang sarili niya na “ipinanganak na kulang sa buwan”? (1 Corinto 15:8)
Sa 1 Corinto 15:8, sinabi ni Pablo: “Panghuli, nagpakita rin siya sa akin, ako na parang ipinanganak na kulang sa buwan.” Dati, sinasabi natin na ang posibleng tinutukoy rito ni Pablo ay ang sarili niyang karanasan nang makita niya sa pangitain ang kaluwalhatian ni Jesus sa langit. Para bang naipanganak na siya o nabuhay-muli bilang espiritu nang wala pa sa oras dahil daan-daang taon pa ang lilipas bago mangyari ang ganitong pagkabuhay-muli. Pero dahil sa karagdagan pang pag-aaral sa tekstong ito, kinailangan nating baguhin ang unawa natin dito.
Totoo na ang tinutukoy ni Pablo rito ay ang nangyari noong makumberte siya. Pero ano ang ibig niyang sabihin nang banggitin niya na “ipinanganak [siya] na kulang sa buwan”? Ito ang ilang posibilidad.
Biglaan ang pagkakumberte niya at may di-magandang nangyari sa kaniya noon. Kapag sinabing ipinanganak na kulang sa buwan, madalas na hindi ito inaasahan. Habang naglalakbay si Saul (nakilala nang maglaon bilang Pablo) papuntang Damasco para pag-usigin ang mga Kristiyano roon, hindi niya inaasahang magpapakita sa kaniya ang binuhay-muling si Jesus sa isang pangitain. Ang pagkakumberte ni Pablo ay hindi niya inaasahan pati na ng mga Kristiyano na plano niyang pag-usigin sa lunsod na iyon. Hindi magandang karanasan iyon. Pansamantalang nawala ang paningin niya.—Gawa 9:1-9, 17-19.
“Wala sa panahon” ang pagkakumberte niya. Ang orihinal na salitang Griego na isinaling “ipinanganak na kulang sa buwan” ay puwede ring isaling “ipinanganak nang wala sa panahon.” Ganito ang pagkakasabi ng The Jerusalem Bible: “Para bang ipinanganak ako sa oras na hindi inaasahan ng iba.” Nang panahong makumberte si Pablo, umakyat na si Jesus sa langit. Hindi gaya ng mga tinukoy ni Pablo sa mga naunang talata, hindi niya nakita ang binuhay-muling si Jesus bago ito umakyat sa langit. (1 Cor. 15:4-8) Nang di-inaasahang magpakita si Jesus kay Pablo, nagkaroon siya ng pagkakataong makita ang binuhay-muling si Jesus kahit para bang “wala [ito] sa panahon.”
Nagsasalita lang siya nang may kapakumbabaan. Ayon sa ilang iskolar, nang sabihin ni Pablo ang mga salitang ito, parang minamaliit niya ang sarili niya. Kung iyan man ang nasa isip ni Pablo, kinikilala lang niya na hindi siya karapat-dapat sa pribilehiyong tinanggap niya. Ang totoo, sinabi niya: “Ako ang pinakamababa sa mga apostol, at hindi ako karapat-dapat tawaging apostol dahil inusig ko ang kongregasyon ng Diyos. Pero dahil sa walang-kapantay na kabaitan ng Diyos, ako ay naging kung ano ako ngayon.”—1 Cor. 15:9, 10.
Kaya lumilitaw na puwedeng ang tinutukoy rito ni Pablo ay ang di-inaasahan at biglaang pagpapakita ni Jesus sa kaniya, ang di-inaasahang pagkakumberte niya, o ang pagiging hindi niya karapat-dapat na tumanggap ng gayong kahanga-hangang pangitain. Alinman sa mga iyan ang dahilan, siguradong pinahalagahan ni Pablo ang karanasang iyon. Napatunayan niya na talagang binuhay-muli si Jesus. Kaya naman, madalas niyang banggitin ang di-inaasahang karanasang ito kapag itinuturo niya sa iba ang tungkol sa pagkabuhay-muli ni Jesus.—Gawa 22:6-11; 26:13-18.