Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 40

Gaya ni Pedro, Huwag Sumuko

Gaya ni Pedro, Huwag Sumuko

“Panginoon, lumayo ka sa akin dahil makasalanan ako.”​—LUC. 5:8.

AWIT BLG. 38 Tutulungan Ka Niya

NILALAMAN a

1. Ano ang naramdaman ni Pedro nang makahimala siyang tulungan ni Jesus na makahuli ng maraming isda?

 MAGDAMAG na nangisda si Pedro pero wala siyang nahuli. Pero sinabi ni Jesus sa kaniya: “Pumunta ka sa malalim, at ibaba ninyo ang inyong mga lambat para makahuli.” (Luc. 5:4) Sa tingin ni Pedro, wala siyang mahuhuli. Pero sumunod pa rin siya kay Jesus. Sa sobrang dami ng isdang nahuli nila, nagsimulang mapunit ang lambat. “Manghang-mangha” si Pedro at ang mga kasama niya nang maunawaan nila na himala iyon ni Jesus. Sinabi ni Pedro: “Panginoon, lumayo ka sa akin dahil makasalanan ako.” (Luc. 5:​6-9) Malamang na naramdaman niyang hindi siya nararapat makasama ni Jesus.

2. Bakit makakatulong sa atin kung pag-aaralan natin ang halimbawa ni Pedro?

2 Tama si Pedro—“makasalanan” siya. Makikita sa Kasulatan na may mga nasabi at nagawa siya na pinagsisihan niya. Nangyayari din ba iyan sa iyo? May ugali ka ba na gusto mong baguhin o kahinaan na matagal mo nang pinaglalabanan? Kung mayroon, mapapatibay ka kung pag-aaralan mo ang halimbawa ni Pedro. Bakit? Pag-isipan ito: Puwede sanang hindi na lang iniulat sa Bibliya ang mga pagkakamali ni Pedro. Pero ipinasulat ang mga iyon para matuto tayo. (2 Tim. 3:​16, 17) Kapag nalaman natin ang mga pinagdaanan ni Pedro, tutulong iyon sa atin na maunawaan na hindi inaasahan ni Jehova na maging perpekto tayo. Gusto niya na huwag tayong sumuko—na patuloy tayong maglingkod—kahit may mga kahinaan tayo.

3. Bakit hindi tayo dapat sumuko?

3 Bakit hindi tayo dapat sumuko? Kasi kung lagi nating gagawin ang isang bagay, huhusay tayo doon. Halimbawa, baka maraming taon ang kailangan bago humusay ang isang musician sa paggamit ng instrumento. Baka maraming beses siyang magkamali. Pero kung patuloy siyang magpapraktis, huhusay siya. At kahit mahusay na siyang tumugtog, baka magkamali pa rin siya paminsan-minsan. Pero hindi siya sumusuko. Patuloy siyang magpapraktis para mas humusay pa siya. Parang ganiyan din tayo. Kahit nadaig na natin ang isang kahinaan, baka magawa ulit natin iyon. Pero patuloy pa rin tayong nagsisikap na sumulong. Nakakapagsalita tayo o nakakagawa ng mga bagay na pinagsisisihan natin. Pero kung hindi tayo susuko, tutulungan tayo ni Jehova na patuloy na sumulong. (1 Ped. 5:10) Tingnan natin ang halimbawa ni Pedro. Kahit marami siyang pagkakamali, nagpakita pa rin si Jesus ng malasakit sa kaniya. Tutulong iyan sa atin na huwag sumuko sa paglilingkod kay Jehova.

MGA PAGKAKAMALI AT PAGPAPALA NI PEDRO

Ano ang gagawin mo kung maranasan mo ang gaya ng nangyari kay Pedro? (Tingnan ang parapo 4)

4. Gaya ng mababasa sa Lucas 5:​5-10, ano ang sinabi ni Pedro tungkol sa sarili niya, pero paano siya pinatibay ni Jesus?

4 Hindi sinasabi sa Kasulatan kung bakit sinabi ni Pedro na “makasalanan” siya o kung anong mga kasalanan ang tinutukoy niya. (Basahin ang Lucas 5:​5-10.) Pero posibleng nakagawa siya ng malulubhang pagkakamali. Alam ni Jesus na natatakot si Pedro dahil baka iniisip niyang hindi siya karapat-dapat. Pero alam din ni Jesus na kayang manatiling tapat ni Pedro. Kaya mabait na sinabi ni Jesus sa kaniya na ‘huwag matakot.’ Dahil sa sinabing ito ni Jesus, nagbago ang buhay ni Pedro. Dumating ang panahon na iniwan niya at ng kapatid niyang si Andres ang negosyo nilang pangingisda para sumama kay Jesus sa ministeryo. Dahil diyan, talagang pinagpala sila ni Jehova.​—Mar. 1:​16-18.

5. Paano pinagpala si Pedro dahil sumunod siya kay Jesus at hindi siya nagpadala sa takot?

5 Maraming magagandang karanasan si Pedro bilang tagasunod ni Kristo. Nakita niya na nagpagaling si Jesus ng mga maysakit, nagpalayas ng demonyo, at bumuhay pa nga ng patay. b (Mat. 8:​14-17; Mar. 5:​37, 41, 42) Nakita rin ni Pedro sa pangitain ang magiging papel ni Jesus sa Kaharian ng Diyos sa hinaharap. Siguradong hindi niya iyon nakalimutan. (Mar. 9:​1-8; 2 Ped. 1:​16-18) Hindi niya makikita ang mga iyon kung hindi siya sumunod kay Jesus. Siguradong napakasaya ni Pedro na hindi siya nagpadala sa negatibong tingin niya sa sarili niya at na naranasan niya ang lahat ng pagpapalang ito!

6. Napagtagumpayan ba agad ni Pedro ang mga kahinaan niya? Ipaliwanag.

6 Sa kabila ng mga nakita at narinig ni Pedro, nandiyan pa rin ang mga kahinaan niya. Tingnan ang ilang halimbawa. Nang sabihin ni Jesus na kailangan siyang magdusa at mamatay para matupad ang hula sa Bibliya, sinaway siya ni Pedro. (Mar. 8:​31-33) Paulit-ulit ding nagtalo si Pedro at ang iba pang apostol kung sino ang pinakadakila sa kanila. (Mar. 9:​33, 34) At noong gabi bago mamatay si Jesus, bigla na lang tinagpas ni Pedro ang tainga ng isang lalaki. (Juan 18:10) Nang gabi ring iyon, nagpadala si Pedro sa takot nang tatlong beses niyang ikaila si Jesus. (Mar. 14:​66-72) Dahil diyan, humagulgol si Pedro.​—Mat. 26:75.

7. Nang buhaying muli si Jesus, anong pagkakataon ang ibinigay niya kay Pedro?

7 Hindi iniwan ni Jesus ang apostol na ito na pinanghihinaan ng loob. Nang buhaying muli si Jesus, binigyan niya si Pedro ng pagkakataon na patunayang mahal siya nito. Inatasan ni Jesus si Pedro na maglingkod bilang pastol sa mga tupa niya. (Juan 21:​15-17) Tinanggap ito ni Pedro. Nasa Jerusalem din siya noong araw ng Pentecostes at kasama sa mga unang pinahiran ng banal na espiritu.

8. Anong malaking pagkakamali ang nagawa ni Pedro sa Antioquia?

8 Kahit noong pinahirang Kristiyano na si Pedro, may mga kahinaan pa rin siyang pinaglalabanan. Noong 36 C.E., isinugo ng Diyos si Pedro kay Cornelio, na isang Gentil. Pinahiran ng banal na espiritu si Cornelio, na nagpapatunay na “hindi nagtatangi ang Diyos” at na puwede nang maging bahagi ng kongregasyong Kristiyano ang mga Gentil. (Gawa 10:​34, 44, 45) Pagkatapos nito, kumakain na si Pedro kasama ng mga Gentil, na hindi pa niya nagawa kahit kailan. (Gal. 2:12) Pero para sa ilang Judiong Kristiyano, hindi dapat magkasamang kumain ang mga Judio at Gentil. Nang dumating sa Antioquia ang ilan na may ganoong pananaw, itinigil ni Pedro ang pagkain kasama ng mga kapatid na Gentil. Malamang na natakot siyang magalit sa kaniya ang mga Judiong Kristiyano. Nakita ni apostol Pablo ang pagkukunwaring ito kaya sinaway niya si Pedro sa harap nilang lahat. (Gal. 2:​13, 14) Kahit nagkamali si Pedro, hindi siya sumuko. Ano ang nakatulong sa kaniya?

ANO ANG NAKATULONG KAY PEDRO NA HUWAG SUMUKO?

9. Paano ipinapakita ng Juan 6:​68, 69 na tapat si Pedro?

9 Tapat si Pedro; hindi niya hinayaan na may anumang makapigil sa kaniya sa pagsunod kay Jesus. Ipinakita niya ito nang minsang may sabihin si Jesus na hindi naintindihan ng mga alagad. (Basahin ang Juan 6:​68, 69.) Marami ang huminto sa pagsunod kay Jesus nang hindi man lang naghintay o humingi ng paliwanag. Pero iba si Pedro. Tapat siya at sinabi niyang si Jesus lang ang may “mga salitang nagbibigay ng buhay na walang hanggan.”

Bakit ka napatibay sa pagtitiwala ni Jesus kay Pedro? (Tingnan ang parapo 10)

10. Paano ipinakita ni Jesus na nagtitiwala siya kay Pedro? (Tingnan din ang larawan.)

10 Hindi iniwan ni Jesus si Pedro. Noong gabi bago mamatay si Jesus, alam niya na iiwan siya ni Pedro at ng iba pang apostol. Pero sinabi pa rin ni Jesus kay Pedro na nagtitiwala siyang babalik ito at mananatiling tapat. (Luc. 22:​31, 32) Naiintindihan ni Jesus na “gusto ng puso, pero mahina ang laman.” (Mar. 14:38) Kaya kahit na ikinaila siya ni Pedro, hindi sinukuan ni Jesus ang apostol niya. Nang buhaying muli si Jesus, nagpakita siya kay Pedro—malamang na mag-isa lang si Pedro noon. (Mar. 16:7; Luc. 24:34; 1 Cor. 15:5) Siguradong napatibay nito si Pedro, na pinanghihinaan ng loob dahil sa nagawa niya.

11. Paano tiniyak ni Jesus kay Pedro na ilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan nito?

11 Tiniyak ni Jesus kay Pedro na ilalaan ni Jehova ang mga pangangailangan nito. Nang buhaying muli si Jesus, gumawa siya ng himala nang tulungan niya si Pedro at ang iba pang apostol na makahuli ulit ng maraming isda. (Juan 21:​4-6) Tiniyak ng himalang ito kay Pedro na kayang-kayang ilaan ni Jehova ang materyal na mga pangangailangan niya. Malamang na naalala ng apostol na ito ang sinabi ni Jesus na ilalaan ni Jehova ang pangangailangan nila kung ‘patuloy nilang uunahin ang Kaharian.’ (Mat. 6:33) Nakatulong kay Pedro ang lahat ng ito na unahin ang pangangaral imbes na ang negosyo niyang pangingisda. Nangaral siya nang may lakas ng loob noong araw ng Pentecostes 33 C.E., at nakatulong iyon sa libo-libo na tanggapin ang mabuting balita. (Gawa 2:​14, 37-41) Tinulungan niya rin ang mga Samaritano at Gentil na matuto tungkol kay Kristo. (Gawa 8:​14-17; 10:​44-48) Talagang ginamit ni Jehova si Pedro para ilapit ang lahat ng uri ng tao sa kongregasyon.

ANO ANG MATUTUTUHAN NATIN?

12. Paano makakatulong sa atin ang halimbawa ni Pedro kung may kahinaan tayong matagal na nating pinaglalabanan?

12 Kaya tayong tulungan ni Jehova na huwag sumuko. Baka mahirapan tayong magpatuloy sa paglilingkod, lalo na kapag matagal na nating pinaglalabanan ang isang kahinaan. Baka nga mas matindi pa ang mga kahinaan natin kaysa sa mga kahinaan ni Pedro. Pero kaya tayong bigyan ni Jehova ng lakas na huwag sumuko. (Awit 94:​17-19) Halimbawa, maraming taóng namuhay nang homoseksuwal ang isang brother bago niya malaman ang katotohanan. Binago niya ang paraan niya ng pamumuhay at sumunod sa pamantayan ng Bibliya. Pero may mga panahong pinaglalabanan pa rin niya ang maling mga pagnanasa. Ano ang nakatulong sa kaniya na huwag sumuko? Sinabi niya: “Pinapalakas tayo ni Jehova.” Sinabi pa niya: “Dahil tinutulungan ako ng espiritu ni Jehova . . . , nakita ko na kaya pala nating [patuloy na] makapamuhay sa paraang gusto niya . . . Ginagamit ako ni Jehova, at kahit marami akong pagkakamali, patuloy niya akong pinapalakas.”

Nagpayunir si Horst Henschel noong Enero 1, 1950. Sa tingin mo, pinagsisihan kaya niya na ginamit niya ang buhay niya sa paglilingkod kay Jehova? (Tingnan ang parapo 13, 15)⁠ d

13. Paano natin matutularan ang halimbawa ni Pedro, na nakaulat sa Gawa 4:​13, 29, 31? (Tingnan din ang larawan.)

13 Gaya ng nakita natin, nakagawa si Pedro ng ilang malubhang pagkakamali dahil sa takot sa tao. Pero dahil nanalangin siya kay Jehova, nagkaroon siya ng lakas ng loob. (Basahin ang Gawa 4:​13, 29, 31.) Madadaig din natin ang takot natin. Tingnan ang nangyari kay Horst, isang kabataang brother sa Nazi Germany. Alam niyang maling magsabi ng “Heil Hitler!” Pero dahil sa takot sa mga guro at kaklase niya, may mga pagkakataong nasabi niya ito. Imbes na pagalitan siya ng mga magulang niya, nanalangin silang magkakasama. Hiniling nila kay Jehova na bigyan si Horst ng lakas ng loob. Sa tulong ng mga magulang niya at dahil umasa siya kay Jehova, nakapanindigan din si Horst. Kaya nasabi niya: “Hindi ako pinabayaan ni Jehova.” c

14. Paano matutulungan ng maibiging mga pastol ang mga pinanghihinaan ng loob?

14 Hindi tayo susukuan ni Jehova at ni Jesus. Pagkatapos ikaila ni Pedro si Jesus, kinailangan niyang gumawa ng mahalagang desisyon. Titigil na ba siya, o magpapatuloy sa pagsunod kay Jesus? Nagsumamo si Jesus kay Jehova na huwag sanang manghina ang pananampalataya ni Pedro. Sinabi ni Jesus kay Pedro ang panalangin niyang iyon at ipinakita niyang nagtitiwala siya na mapapalakas ni Pedro ang mga kapatid. (Luc. 22:​31, 32) Siguradong napapatibay si Pedro kapag naaalala niya ang mga sinabi ni Jesus! Kapag kailangan nating gumawa ng mahahalagang desisyon, puwedeng gamitin ni Jehova ang maibiging mga pastol para patibayin tayo na manatiling tapat. (Efe. 4:​8, 11) Ganiyan ang ginagawa ni Paul, na isang matagal nang elder. Sinasabi niya sa mga pinanghihinaan ng loob at gusto nang sumuko na alalahanin kung paano sila inilapit ni Jehova sa katotohanan. Pagkatapos, tinitiyak niya sa kanila na dahil sa tapat na pag-ibig ni Jehova, hindi Niya sila susukuan. Kaya sinabi ni Paul, “Napakarami ko nang nakitang nasiraan ng loob pero hindi sumuko dahil sa tulong ni Jehova.”

15. Paano pinapatunayan ng mga nangyari kina Pedro at Horst na totoo ang sinasabi sa Mateo 6:33?

15 Kung pinaglaanan ni Jehova ng materyal na pangangailangan si Pedro at ang iba pang apostol, ilalaan din Niya ang materyal na pangangailangan natin kung uunahin natin ang ministeryo sa buhay natin. (Mat. 6:33) Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, nagplanong magpayunir si Horst, na binanggit kanina. Mahirap lang siya kaya nagduda siya kung kaya niyang suportahan ang sarili niya sa pagpapayunir. Ano ang ginawa niya? Sinubok niya kung talaga bang paglalaanan siya ni Jehova. Buong linggo siyang sumuporta sa ministeryo noong dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito. Bago matapos ang linggo, nagulat siya nang may iabot na sobre sa kaniya ang tagapangasiwa ng sirkito. Pero hindi naman sinabi sa kaniya kung kanino ito galing. May laman itong pera na puwedeng makasuporta sa kaniya sa loob ng ilang buwan kapag nagpayunir siya. Naging kumbinsido si Horst na talagang paglalaanan siya ni Jehova. Kaya mula noon, lagi na niyang inuuna ang Kaharian sa buhay niya.​—Mal. 3:10.

16. Bakit magandang pag-aralan ang halimbawa ni Pedro at ang mga liham niya?

16 Siguradong napakasaya ni Pedro na hindi siya nilayuan ni Jesus, gaya ng pakiusap niya noong una. Patuloy na sinanay ni Kristo si Pedro na maging tapat na apostol at maging napakagandang halimbawa sa mga Kristiyano. Marami tayong matututuhan sa pagsasanay na iyon. Kasama sa dalawang liham ni Pedro para sa mga kongregasyon noong unang siglo ang ilan sa mga iyon. Tatalakayin sa susunod na artikulo ang ilan sa mga paalala na nasa mga liham ni Pedro at kung paano natin magagawa ang mga iyon.

AWIT BLG. 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay

a Ang artikulong ito ay para sa mga may pinaglalabanang kahinaan. Papatibayin sila nito na huwag sumuko at patuloy na maglingkod kay Jehova.

b Karamihan sa mga teksto sa artikulong ito ay galing sa Ebanghelyo ni Marcos. Lumilitaw na isinulat niya ang mga narinig niya kay Pedro, na aktuwal na nakakita sa mga pangyayari.

c Tingnan ang talambuhay ni Horst Henschel na “Pinakilos ng Katapatan ng Aking Pamilya sa Diyos” sa Gumising!, isyu ng Pebrero 22, 1998.

d LARAWAN: Gaya ng makikita sa pagsasadulang ito, nanalangin si Horst Henschel at ang mga magulang niya kaya naging determinado siya na maging matatag.