Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 39

Hindi Kahinaan ang Pagiging Mahinahon!

Hindi Kahinaan ang Pagiging Mahinahon!

“Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging mabait sa lahat.”​—2 TIM. 2:24.

AWIT BLG. 120 Tularan ang Kahinahunan ni Kristo

NILALAMAN a

1. Ano ang puwedeng mapaharap sa atin sa trabaho o sa school?

 KUNG magtanong ang katrabaho o kaeskuwela mo tungkol sa paniniwala mo, kakabahan ka ba? Ganiyan ang reaksiyon ng marami sa atin. Pero makikita sa tanong niya kung ano ang nasa isip o pinapaniwalaan niya, kaya magiging mas madali sa atin na makapagpatotoo. Pero may mga nagtatanong din kasi kontra sila sa atin o gusto lang nilang makipagtalo. Hindi na tayo dapat magulat diyan, kasi may mga taong mali ang nakuhang impormasyon tungkol sa atin. (Gawa 28:22) Isa pa, nasa “mga huling araw” na tayo, kaya marami ang “ayaw makipagkasundo” at “mabangis” pa nga.​—2 Tim. 3:​1, 3.

2. Bakit magandang katangian ang kahinahunan?

2 Baka maisip mo, ‘Paano ako magiging mabait sa pagsagot kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala ko na base sa Bibliya?’ Tutulong sa iyo ang kahinahunan. Ang taong mahinahon ay hindi madaling magalit, at nananatili siyang kalmado kahit may nang-iinis sa kaniya o hindi niya alam ang isasagot. (Kaw. 16:32) Siyempre, madaling sabihin iyan, pero mahirap gawin. Kaya paano ka magiging mas mahinahon? Paano ka sasagot nang mahinahon kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala mo? At kung isa kang magulang, paano mo tuturuan ang mga anak mo na maging mahinahon kapag ipinagtatanggol nila ang pananampalataya nila? Alamin natin.

KUNG PAANO MAGIGING MAS MAHINAHON

3. Bakit hindi kahinaan ang pagiging mahinahon? (2 Timoteo 2:​24, 25 at talababa)

3 Hindi kahinaan ang pagiging mahinahon. Kailangan ng tibay ng loob para manatiling kalmado sa mahirap na sitwasyon. Ang kahinahunan ay isang “katangian na bunga ng espiritu.” (Gal. 5:​22, 23) Ang salitang Griego na isinaling “kahinahunan” ay ginagamit din kung minsan para ilarawan ang isang mailap na kabayo na napaamo. Maamo ito, pero malakas pa rin. Kaya paano tayo magiging mahinahon, pero malakas? Hindi sapat na gusto lang nating maging mahinahon. Dapat din nating hilingin sa panalangin ang espiritu ng Diyos para magkaroon tayo ng katangiang ito. Pinapatunayan ng mga karanasan na kaya nating maging mahinahon. Maraming kapatid ang sumasagot nang mahinahon kahit may kumokompronta sa kanila. Dahil dito, nagiging maganda ang impresyon ng iba sa mga Saksi. (Basahin ang 2 Timoteo 2:​24, 25 at talababa.) Kaya paano ka magiging mas mahinahon?

4. Ano ang matututuhan natin sa kahinahunan ni Isaac?

4 Makikita sa maraming ulat sa Bibliya kung bakit mahalaga ang kahinahunan. Halimbawa, noong tumira si Isaac sa Gerar na teritoryo ng mga Filisteo, nainggit sila sa kaniya kaya tinabunan nila ang mga balon na hinukay ng mga lingkod ng kaniyang ama. Imbes na ipaglaban ni Isaac ang karapatan niya, lumipat na lang sila ng pamilya niya sa ibang lugar at doon naghukay ng balon. (Gen. 26:​12-18) Pero inangkin din ng mga Filisteo ang tubig sa lugar na iyon. Kahit ganoon, naging mapagpayapa pa rin si Isaac. (Gen. 26:​19-25) Bakit nakapanatili siyang mahinahon kahit na sinasadya siyang galitin? Siguradong natuto siya sa kahinahunan ni Abraham at sa “tahimik at mahinahong espiritu” ni Sara.​—1 Ped. 3:​4-6; Gen. 21:​22-34.

5. Magbigay ng halimbawa na nagpapakita na kayang turuan ng mga magulang ang mga anak nila na maging mahinahon.

5 Mga magulang, maituturo din ninyo sa mga anak ninyo ang kahalagahan ng kahinahunan. Tingnan ang karanasan ni Maxence, na 17 taóng gulang. May nakakasalamuha siyang mga galít na tao sa school at sa ministeryo. Matiyaga siyang tinuruan ng mga magulang niya na maging mahinahon. Sinabi nila, “Naiintindihan na ngayon ni Maxence na kahit madaling magalit o gumanti sa ganoong mga sitwasyon, mapapatunayan niyang matatag siya kung mananatili siyang kalmado.” Natutuhan ni Maxence na maging mahinahon.

6. Paano makakatulong ang panalangin para maging mas mahinahon tayo?

6 Ano ang puwede nating gawin kapag tensiyonado ang sitwasyon, halimbawa, may nagsalita ng masama tungkol sa pangalan ng Diyos o sa Bibliya? Dapat nating hilingin kay Jehova ang espiritu at karunungan niya para makasagot tayo nang mahinahon. Pero paano kung hindi natin iyon nagawa? Puwede rin nating ipanalangin ang reaksiyon natin at pag-isipan kung paano tayo magiging mas mahinahon sa susunod. Siguradong bibigyan tayo ni Jehova ng banal na espiritu niya para makapagtimpi tayo at maging mahinahon.

7. Paano makakatulong sa atin ang pagsasaulo ng mga teksto para makontrol ang sasabihin at reaksiyon natin? (Kawikaan 15:​1, 18)

7 May mga teksto sa Bibliya na tutulong sa atin na maging mahinahon kahit tensiyonado ang sitwasyon. Puwedeng ipaalala sa atin ng espiritu ng Diyos ang mga tekstong iyon. (Juan 14:26) Halimbawa, may mga prinsipyo sa aklat ng Mga Kawikaan tungkol dito. (Basahin ang Kawikaan 15:​1, 18.) Makikita rin sa aklat na ito ang magagandang resulta kapag nagpigil tayo sa sarili sa mahihirap na sitwasyon.​—Kaw. 10:19; 17:27; 21:23; 25:15.

KUNG MAY KAUNAWAAN TAYO, MAGIGING MAHINAHON TAYO

8. Bakit dapat nating pag-isipan ang dahilan kung bakit kinukuwestiyon ng isang tao ang paniniwala natin?

8 Makakatulong din sa atin ang kaunawaan. (Kaw. 19:11) Kung may kaunawaan tayo, magpipigil tayo sa sarili kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala natin. Ang ilang tanong ng mga tao ay parang iceberg, kasi nakatago sa tubig ang malaking bahagi nito. Kung minsan, nakatago rin ang dahilan o motibo ng kausap natin. Kaya bago sumagot, tandaan na posibleng hindi natin alam kung bakit siya nagtanong.​—Kaw. 16:23.

9. Paano nagpakita ng kaunawaan at kahinahunan si Gideon sa mga lalaki ng Efraim?

9 Tingnan kung paano sumagot si Gideon sa mga lalaki ng Efraim. Galít sila sa kaniya kasi hindi raw niya sila agad tinawag nang makipaglaban ang Israel sa mga kaaway. Pakiramdam ba nila, natapakan ang pride nila? Anuman ang dahilan nila, nirespeto ni Gideon ang nararamdaman nila at sumagot siya sa mabait na paraan. Ang resulta? “Huminahon sila.”​—Huk. 8:​1-3.

10. Paano tayo dapat sumagot sa mga nagtatanong tungkol sa paniniwala natin, at bakit? (1 Pedro 3:15)

10 Paano kung magtanong ang isang katrabaho o kaeskuwela natin kung bakit natin sinusunod ang mga pamantayan ng Bibliya? Siyempre, ipagtatanggol natin ang paniniwala natin, pero irerespeto rin natin ang pananaw ng kausap natin. (Basahin ang 1 Pedro 3:15.) Huwag isipin na atake sa paniniwala natin ang tanong niya. Ituring ito na paraan para malaman kung ano ang mahalaga sa kaniya. Anuman ang motibo niya sa pagtatanong, dapat tayong sumagot sa mabait na paraan. Baka makapag-isip-isip siya dahil dito. At kahit magaspang siyang makitungo o sarkastiko, dapat pa rin tayong sumagot nang mahinahon.​—Roma 12:17.

Kapag pinag-isipan natin kung bakit tayo inimbitahan sa isang birthday party, maipapaliwanag natin nang maayos ang paniniwala natin (Tingnan ang parapo 11-12)

11-12. (a) Ano ang puwede nating pag-isipan bago sagutin ang isang mahirap na tanong? (Tingnan din ang larawan.) (b) Kapag may nagtanong sa atin, ano ang puwede nating gawin para mapunta iyon sa isang magandang pag-uusap?

11 Halimbawa, kung magtanong ang isang katrabaho mo kung bakit hindi tayo nagse-celebrate ng birthday, pag-isipan: Akala ba niya, bawal tayong mag-enjoy? O iniisip ba niya na makakasira ang paniniwala natin sa samahan ninyong magkakatrabaho? Puwedeng mapanatag ang loob niya kung sasabihin mo na pinapahalagahan mo ang malasakit niya sa mga katrabaho ninyo at na gusto mo ring maging maayos ang pakikipagsamahan mo sa kanila. Puwedeng magbukas iyon ng magandang pagkakataon para maipaliwanag mo sa kaniya ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa birthday.

12 Ganiyan din ang puwede nating gawin kapag may nagtanong sa atin tungkol sa kontrobersiyal na mga isyu. Baka sabihin ng isang kaeskuwela na dapat baguhin ng mga Saksi ni Jehova ang tingin nila sa homoseksuwalidad. Posible kayang hindi niya alam ang totoong paniniwala ng mga Saksi ni Jehova tungkol diyan? May kaibigan ba siya o kamag-anak na homoseksuwal? Iniisip kaya niya na galít tayo sa may mga ganoong lifestyle? Baka mapanatag siya kung sasabihin natin na mahal natin ang lahat ng tao at na iginagalang natin ang karapatan ng bawat isa na magdesisyon para sa sarili niya. b (1 Ped. 2:17) Pagkatapos, baka puwede na nating ipaliwanag sa kaniya na nakakabuti sa atin ang mga pamantayang moral ng Bibliya.

13. Paano mo matutulungan ang taong ayaw maniwala sa Diyos?

13 Kapag iginigiit ng kausap natin ang opinyon niya, huwag agad isipin na alam na natin ang pinapaniwalaan niya. (Tito 3:2) Halimbawa, paano kung sabihin ng kaeskuwela mo na walang basehan na maniwalang may Diyos? Iisipin mo ba agad na naniniwala siya sa ebolusyon at na marami siyang alam tungkol dito? Ang totoo, baka sinasabi lang niya ang narinig niya sa iba. Imbes na makipagdebate tungkol sa science, puwede mo siyang bigyan ng impormasyon na mapag-iisipan niya. Halimbawa, puwede mong ipakita sa kaniya ang mga artikulo at video tungkol sa paglalang na nasa jw.org. Baka maging interesado siyang pag-usapan ang mga iyon sa susunod. Kung sasagutin natin siya nang may paggalang, baka makapag-isip-isip siya.

14. Paano ginamit ni Niall ang website natin para patunayan sa kaklase niya na mali ang sinasabi ng iba tungkol sa mga Saksi ni Jehova?

14 Ginamit ng teenager na si Niall ang website natin para patunayang mali ang sinasabi ng iba tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Sinabi niya, “Laging sinasabi ng isang kaklase ko na hindi ako naniniwala sa science kasi mas naniniwala ako sa isang ‘gawa-gawang’ aklat.” Nang ayaw pakinggan ng kaklase ni Niall ang paliwanag niya, ipinakita niya rito ang seksiyong “Ang Siyensiya at ang Bibliya” sa jw.org. Napansin ni Niall na mukhang nabasa iyon ng kaklase niya at mas gusto na nitong pag-usapan ang pinagmulan ng buhay. Puwede mong subukan ang ginawa ni Niall, at baka ganoon din ang maging resulta.

MAGHANDA BILANG PAMILYA

15. Paano matutulungan ng mga magulang ang mga anak nila na sumagot nang mahinahon kapag kinuwestiyon ng mga kaeskuwela nila ang paniniwala nila?

15 Puwedeng turuan ng mga magulang ang mga anak nila kung paano sasagot nang mahinahon kapag may kumuwestiyon sa paniniwala nila. (Sant. 3:13) May mga practice session ang ilan sa family worship nila. Pinag-uusapan nila ang mga paksa na puwedeng itanong sa school, at pinapraktis nila kung paano sasagot nang mahinahon.​—Tingnan ang kahong “ Makakatulong sa Pamilya Ninyo ang mga Practice Session.”

16-17. Paano puwedeng makatulong sa mga kabataan ang mga practice session?

16 Makakatulong sa mga kabataan ang mga practice session para maging kumbinsido sila sa paniniwala nila at maipaliwanag nila ito sa iba. Sa serye na “Tanong ng mga Kabataan” na nasa jw.org, mayroon ding mga worksheet para sa mga tin-edyer. Tutulong iyon sa mga kabataan na maging kumbinsido sa mga paniniwala nila at makapagpaliwanag sa sarili nilang salita. Kung pag-aaralan natin ang seryeng ito bilang pamilya, matututuhan nating lahat kung paano ipagtatanggol ang pananampalataya natin sa mahinahong paraan.   

17 Sinabi ng kabataang si Matthew kung paano nakatulong sa kaniya ang mga practice session. Sa family worship nila, madalas na nire-research ni Matthew at ng mga magulang niya ang mga paksa na posibleng itanong sa klase. Sinabi niya: “Pinag-iisipan namin kung ano ang mga puwedeng itanong sa akin, at pinapraktis namin kung paano iyon sasagutin base sa mga na-research namin. Nang maging malinaw sa akin ang paniniwala ko, nagkaroon ako ng kumpiyansa at naging mas madali sa akin na maging mahinahon kapag nagpapaliwanag sa iba.”

18. Ano ang matututuhan natin sa Colosas 4:6?

18 Siyempre, kahit gaano kalinaw at kahusay ang paliwanag natin, hindi pa rin ito tatanggapin ng lahat. Pero makakatulong ang pagiging mabait at mahinahon. (Basahin ang Colosas 4:6.) Ang pagsasabi natin sa iba ng paniniwala natin ay parang paghahagis ng bola. Puwede natin itong ihagis nang hindi masyadong malakas o puwede rin natin itong ibato nang napakalakas. Kapag tama lang ang lakas ng paghahagis natin, malamang na masalo ito ng kalaro natin at magpapatuloy ang laro. Ganiyan din kapag mabait tayo at mahinahon. Mas malamang na makinig ang kausap natin at magpatuloy ang pag-uusap. Pero kung gusto lang ng isa na makipagtalo o pagtawanan ang paniniwala natin, hindi na natin kailangang ipagpatuloy ang pag-uusap. (Kaw. 26:4) Pero hindi naman ganiyan ang lahat. Ang totoo, baka nga marami ang makinig.

19. Ano ang puwede nating isipin para maging mahinahon tayo kapag ipinagtatanggol ang paniniwala natin?

19 Talagang malaki ang maitutulong sa atin ng pagiging mahinahon. Ipanalangin kay Jehova na tulungan kang maging matatag para makapanatili kang mahinahon kapag sumasagot sa kontrobersiyal na mga tanong o kapag may kumukuwestiyon sa paniniwala mo. Kung mahinahon ka, maiiwasan ang pagtatalo kapag magkaiba kayo ng opinyon ng kausap mo. At dahil dito, baka magbago ang pananaw ng iba tungkol sa atin at tanggapin nila ang mga katotohanan sa Bibliya. Kaya maging “laging handang ipagtanggol” ang paniniwala mo, “pero ginagawa iyon nang mahinahon at may matinding paggalang.” (1 Ped. 3:15) Tandaan, hindi kahinaan ang pagiging mahinahon!

AWIT BLG. 88 Ipaalam Mo sa Akin ang Iyong mga Daan

a May mga mungkahi sa artikulong ito kung paano tayo magiging mahinahon kapag ipinagtatanggol natin ang paniniwala natin sa mga kumukuwestiyon dito.

b Para sa mga mungkahi, tingnan ang artikulong “Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Homoseksuwalidad?” sa Gumising! Blg. 4 2016.

c May mga mungkahi na makakatulong sa inyo sa mga serye ng artikulo na “Tanong ng mga Kabataan” at “Karaniwang mga Tanong Tungkol sa mga Saksi ni Jehova” na nasa jw.org.