ARALING ARTIKULO 41
Mga Aral sa Dalawang Liham ni Pedro
“Gusto kong laging ipaalaala sa inyo ang mga bagay na ito.”—2 PED. 1:12.
AWIT BLG. 127 Ang Uri ng Pagkatao na Dapat Kong Taglayin
NILALAMAN a
1. Noong malapit nang mamatay si apostol Pedro, ano ang ipinagawa sa kaniya ni Jehova?
MARAMING taon na naglingkod nang tapat si apostol Pedro kay Jehova. Sumama siya kay Jesus sa pangangaral, pinasimulan niya ang pangangaral sa mga di-Judio, at naging miyembro siya ng lupong tagapamahala. At kahit malapit na siyang mamatay, may mga ipinagawa pa rin sa kaniya si Jehova. Noong mga 62-64 C.E., ginamit siya ni Jehova para isulat ang dalawang liham—ang aklat ng 1 at 2 Pedro. Umasa si Pedro na makakatulong ang mga liham na ito sa mga Kristiyano pagkamatay niya.—2 Ped. 1:12-15.
2. Bakit malaking tulong noon ang mga liham ni Pedro?
2 Nang isulat ni Pedro ang mga liham niya, dumaranas noon ng “iba’t ibang pagsubok” ang mga kapatid. (1 Ped. 1:6) May nagpapasok ng huwad na mga turo at maruming paggawi sa kongregasyon. (2 Ped. 2:1, 2, 14) Malapit nang maranasan ng mga Kristiyano sa Jerusalem “ang wakas ng lahat ng bagay”—ang pagwasak ng hukbo ng Roma sa lunsod na iyon at sa Judiong sistema. (1 Ped. 4:7) Siguradong nakatulong ang mga liham ni Pedro sa mga Kristiyano na makapanatiling tapat kahit mahirap ang sitwasyon. Naihanda rin sila nito sa mga mangyayari sa hinaharap. b
3. Bakit dapat nating pag-aralan ang mga liham ni Pedro?
3 Kahit para sa mga Kristiyano noong unang siglo ang mga liham ni Pedro, isinama ito ni Jehova sa Salita Niya. Kaya matututo rin tayo sa mga liham na ito. (Roma 15:4) Laganap na rin ngayon ang maruming paggawi, kaya hindi ganoon kadali na maglingkod kay Jehova. Isa pa, malapit na ang isang malaking kapighatian na mas mahirap kaysa sa naranasan nila noon. May makikita tayong mahahalagang paalala sa dalawang liham ni Pedro. Tutulong ito para patuloy nating hintayin ang araw ni Jehova, huwag matakot sa tao, at magkaroon ng masidhing pag-ibig sa isa’t isa. Tutulong din sa mga elder ang mga paalalang gaya nito para mapangalagaan nila ang kawan.
PATULOY NA MAGHINTAY
4. Gaya ng sinasabi sa 2 Pedro 3:3, 4, ano ang puwedeng magpahina sa pananampalataya natin?
4 Marami sa ngayon ang hindi naniniwala sa mga hula sa Bibliya. Baka pagtawanan tayo ng iba dahil maraming taon na nating hinihintay ang pagdating ng wakas. May mga nagsasabi pa nga na hindi talaga ito darating. (Basahin ang 2 Pedro 3:3, 4.) Kapag narinig natin iyan sa kausap natin sa ministeryo o sa katrabaho o kapamilya natin, baka manghina ang pananampalataya natin. Sinabi ni Pedro kung ano ang makakatulong sa atin.
5. Ano ang tutulong sa atin na patuloy na hintayin ang pagdating ng wakas? (2 Pedro 3:8, 9)
5 Baka iniisip ng ilan na mabagal si Jehova kasi hindi pa niya winawakasan ang masamang sistemang ito. Ipinapaalala sa atin ng mga sinabi ni Pedro na ibang-iba ang pananaw ni Jehova sa panahon. (Basahin ang 2 Pedro 3:8, 9.) Ang isang libong taon sa mga tao ay gaya lang ng isang araw kay Jehova. Matiisin si Jehova, at ayaw niyang mapuksa ang sinuman. Pero kapag dumating ang araw niya, siguradong magwawakas ang sistemang ito. Kaya pribilehiyo nating gamitin ang natitirang panahon para mangaral sa mga tao sa buong mundo.
6. Paano natin ‘isasaisip’ ang araw ni Jehova? (2 Pedro 3:11, 12)
6 Sinabi ni Pedro na ‘isaisip’ natin ang araw ni Jehova. (Basahin ang 2 Pedro 3:11, 12.) Paano? Araw-araw, puwede nating pag-isipan ang magiging buhay natin sa bagong sanlibutan. Isipin na lumalanghap ka ng malinis na hangin, kumakain ng masustansiyang pagkain, sinasalubong ang mga mahal mo sa buhay na binuhay-muli, at itinuturo sa mga taong nabuhay daan-daang taon na ang nakakalipas kung paano natupad ang mga hula sa Bibliya. Tutulong iyan sa atin na patuloy na maghintay at maging kumbinsido na malapit na ang wakas. ‘Dahil alam na natin ang mga ito, hindi tayo maililigaw’ ng huwad na mga guro.—2 Ped. 3:17.
HUWAG MATAKOT SA TAO
7. Ano ang puwedeng maging epekto sa atin ng pagkatakot sa tao?
7 Dahil alam nating malapit nang dumating ang araw ni Jehova, gusto nating gawin ang lahat para maipangaral sa iba ang mabuting balita. Pero minsan, baka mawalan tayo ng lakas ng loob na gawin iyon. Bakit? Baka kasi madala tayo ng takot sa tao. Nangyari iyan kay Pedro. Noong gabing nilitis si Jesus, natakot si Pedro na umaming alagad siya ni Jesus at ilang beses niyang itinanggi na kilala niya si Jesus. (Mat. 26:69-75) Pero nadaig ni Pedro ang takot na iyon, at sinabi niya nang bandang huli: “Huwag kayong matakot sa kinatatakutan nila at huwag kayong maligalig.” (1 Ped. 3:14) Tinitiyak sa atin ng sinabing iyan ni Pedro na puwede nating madaig ang pagkatakot sa tao.
8. Ano ang tutulong sa atin na huwag matakot sa tao? (1 Pedro 3:15)
8 Ano ang tutulong sa atin na huwag matakot sa tao? Sinabi ni Pedro: “Pabanalin ninyo ang Kristo bilang Panginoon sa mga puso ninyo.” (Basahin ang 1 Pedro 3:15.) Lagi nating isipin ang awtoridad at kapangyarihan ng Panginoon at Hari natin, si Kristo Jesus. Kapag kinakabahan tayo o natatakot na ipangaral ang mabuting balita sa tuwing may pagkakataon tayo na gawin ito, alalahanin ang Hari natin. Isipin na namamahala siya sa langit at napapalibutan ng milyon-milyong anghel. Tandaan na nasa kaniya na ang “lahat ng awtoridad . . . sa langit at sa lupa” at na “makakasama [natin siya] sa lahat ng araw hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:18-20) Sinabi ni Pedro na dapat na lagi nating “handang ipagtanggol” ang pananampalataya natin. Gusto mo bang mangaral sa trabaho, sa school, o sa iba pang lugar? Patiunang pag-isipan kung sa anong mga pagkakataon ka puwedeng mangaral, at ihanda ang sasabihin mo. Humingi kay Jehova ng lakas ng loob, at magtiwala na tutulungan ka niyang huwag matakot sa tao.—Gawa 4:29.
MAGKAROON NG “MASIDHING PAG-IBIG”
9. Sa anong pagkakataon hindi nakapagpakita ng pag-ibig si Pedro? (Tingnan din ang larawan.)
9 Natutuhan ni Pedro kung paano magpakita ng pag-ibig. Narinig niya nang sabihin ni Jesus: “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; ibigin ninyo ang isa’t isa kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 13:34) Pero hindi iyan nagawa ni Pedro nang iwasan niyang kumain kasama ng mga kapatid na Gentil. Sinabi ni apostol Pablo na “pagkukunwari” ang ginawa ni Pedro. (Gal. 2:11-14) Tinanggap ni Pedro ang pagtutuwid sa kaniya, at natuto siya mula dito. Sa dalawang liham niya, idiniin niya na hindi lang natin dapat maramdaman ang pag-ibig sa mga kapatid, kundi dapat din natin itong ipakita.
10. Ano ang tutulong sa atin na magpakita ng “di-mapagkunwaring pagmamahal sa [mga] kapatid”? (1 Pedro 1:22)
10 Sinabi ni Pedro na dapat tayong magkaroon ng “di-mapagkunwaring pagmamahal sa [mga] kapatid.” (Basahin ang 1 Pedro 1:22.) Magagawa natin iyan kung ‘susunod tayo sa katotohanan.’ Kasama diyan ang turo na “hindi nagtatangi ang Diyos.” (Gawa 10:34, 35) Hindi natin masusunod ang utos ni Jesus tungkol sa pag-ibig kung sa ilang kapatid lang tayo nagpapakita ng pag-ibig. Gaya ni Jesus, posible na maging mas malapít tayo sa ilan. (Juan 13:23; 20:2) Pero ipinapaalala sa atin ni Pedro na dapat nating mahalin ang lahat ng kapatid, dahil kapamilya natin sila.—1 Ped. 2:17.
11. Ano ang ibig sabihin ng ‘masidhing ibigin ang iba mula sa puso’?
11 Sinabi ni Pedro na “masidhi [nating] ibigin ang isa’t isa mula sa puso.” Ang ibig sabihin dito ng ‘masidhing ibigin’ ay dapat nating mahalin ang isa kahit mahirap itong gawin. Halimbawa, baka nasaktan tayo ng isang kapatid. Imbes na magpakita ng pag-ibig sa kaniya, baka gusto nating gumanti. Pero natutuhan ni Pedro kay Jesus na ayaw ito ng Diyos. (Juan 18:10, 11) Isinulat ni Pedro: “Huwag kayong gumanti ng pinsala sa pinsala o ng pang-iinsulto sa pang-iinsulto. Sa halip, gumanti kayo ng pagpapala.” (1 Ped. 3:9) Kung mayroon kang masidhing pag-ibig, magiging mabait at makonsiderasyon ka kahit sa mga nakasakit sa iyo.
12. (a) Paano pa makakatulong sa atin ang masidhing pag-ibig? (b) Gaya ng ipinapakita sa video na Kumilos Para Mapanatili ang Kapayapaan at Pagkakaisa, ano ang gusto mong gawin?
12 Sa unang liham ni Pedro, sinabi niya na tutulong ang “masidhing pag-ibig” para mapatawad natin ang “maraming kasalanan.” (1 Ped. 4:8) Baka naalala ni Pedro ang aral tungkol sa pagpapatawad na itinuro sa kaniya ni Jesus mga ilang taon bago nito. Baka iniisip ni Pedro noon na mabait na siya kasi handa siyang magpatawad nang “hanggang sa pitong ulit.” Pero itinuro sa kaniya ni Jesus—pati na sa atin—na magpatawad nang “hanggang sa 77 ulit,” ibig sabihin, kahit ilang beses. (Mat. 18:21, 22) Kung nahihirapan kang sundin ito, huwag masiraan ng loob. Lahat ng di-perpektong lingkod ni Jehova, nahihirapang magpatawad kung minsan. Ang mahalaga ngayon, gawin mo ang magagawa mo para mapatawad ang kapatid at makipagpayapaan ka sa kaniya. c
MGA ELDER, PASTULAN NINYO ANG KAWAN
13. Bakit puwedeng maging mahirap para sa mga elder na pastulan ang mga kapatid?
13 Siguradong hindi nakalimutan ni Pedro ang sinabi ni Jesus nang buhayin siyang muli: “Pastulan mo ang aking maliliit na tupa.” (Juan 21:16) Kung isa kang elder, alam mong dapat mo ring gawin iyan. Pero baka mahirapan ang isang elder na maglaan ng panahon para sa mahalagang atas na ito. Bakit? Dapat muna kasing tiyakin ng mga elder na napapangalagaan nila ang pisikal, emosyonal, at espirituwal na pangangailangan ng pamilya nila. Dapat na magandang halimbawa rin sila sa pangangaral, pati na sa paghahanda at pagganap ng mga bahagi sa pulong, asamblea, at kombensiyon. May mga elder na miyembro din ng Hospital Liaison Committee o tumutulong sa Local Design/Construction Department. Talagang napaka-busy ng mga elder!
14. Ano ang magpapakilos sa mga elder na pastulan ang kawan? (1 Pedro 5:1-4)
14 Sinabi ni Pedro sa mga kapuwa niya elder: “Pastulan ninyo ang kawan ng Diyos.” (Basahin ang 1 Pedro 5:1-4.) Kung isa kang elder, alam naming mahal mo ang mga kapatid at gusto mo silang pastulan. Pero baka minsan, napaka-busy mo o pagod na pagod ka na kaya pakiramdam mo, hindi mo na kayang gampanan ang atas na ito. Ano ang puwede mong gawin? Sabihin mo kay Jehova ang nararamdaman mo. Isinulat ni Pedro: “Kung ang sinuman ay naglilingkod, maglingkod siya na umaasa sa lakas na ibinibigay ng Diyos.” (1 Ped. 4:11) Baka may problema ang mga kapatid natin na hindi na talaga masosolusyunan sa sistemang ito. Pero tandaan na kayang-kaya silang tulungan ng “punong pastol,” si Jesu-Kristo. Gagawin niya iyan ngayon at sa bagong sanlibutan. Ang gusto lang ni Jehova na gawin ngayon ng mga elder ay mahalin ang mga kapatid, pastulan sila, at maging “halimbawa sa kawan.”
15. Paano pinastulan ng isang elder ang kawan? (Tingnan din ang larawan.)
15 Alam ni William, isang matagal nang elder, kung gaano kahalaga ang pagpapastol. Nang magsimula ang COVID-19 pandemic, ginawang priyoridad ng mga elder sa kongregasyon nila na kumustahin linggo-linggo ang bawat kapatid sa grupo nila. Sinabi niya kung bakit, “Marami sa mga kapatid ang mag-isa lang sa bahay, kaya mabilis silang makapag-isip ng negatibo.” Kapag may mga problema ang isang kapatid, nakikinig nang mabuti si William para malaman kung ano ang kailangan nito. Pagkatapos, naghahanap siya ng mga publikasyon o video sa website natin na makakatulong sa kapatid. Sinabi ni William: “Napakahalaga ngayon ng pagse-shepherding. Nagsisikap tayo para matulungan ang mga tao na makilala si Jehova. Kaya dapat, magsikap din tayong mapastulan ang mga tupa ni Jehova at matulungan silang manatili sa katotohanan.”
HAYAAN SI JEHOVA NA TAPUSIN ANG PAGSASANAY MO
16. Ano ang mga puwede nating gawin para masunod ang mga aral sa dalawang liham ni Pedro?
16 Natalakay natin ang ilan sa mga aral sa dalawang liham ni Pedro. Baka may nakita kang gusto mo pang mapasulong. Halimbawa, gusto mo ba na mas madalas pang pag-isipan ang mga pagpapala sa bagong sanlibutan? Ginawa mo na bang goal na mangaral sa trabaho, sa school, o sa iba pang lugar? May nakita ka bang mga paraan kung paano mo pa maipapakita ang masidhing pag-ibig sa mga kapatid? Mga elder, determinado ba kayong pastulan ang mga tupa ni Jehova nang maluwag sa loob at may pananabik? Kung may napansin ka na kailangan mo pang pasulungin, huwag kang masiraan ng loob. ‘Mabait ang Panginoon,’ kaya tutulungan ka niya na sumulong. (1 Ped. 2:3) Tinitiyak sa atin ni Pedro: “Ang Diyos . . . ang mismong tatapos sa inyong pagsasanay. Patatatagin niya kayo, palalakasin niya kayo, gagawin niya kayong matibay.”—1 Ped. 5:10.
17. Ano ang magiging resulta kung hindi tayo susuko at hahayaan nating sanayin tayo ni Jehova?
17 Pakiramdam ni Pedro noong una, hindi siya karapat-dapat na makasama ng Anak ng Diyos. (Luc. 5:8) Pero sa tulong ni Jehova at ni Jesus, hindi sumuko si Pedro at patuloy na naging tagasunod ni Kristo. Dahil diyan, ipinagkaloob kay Pedro na “makapasok sa walang-hanggang Kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:11) Napakagandang pagpapala niyan! Kung hindi ka susuko gaya ni Pedro at hahayaan mong sanayin ka ni Jehova, pagpapalain ka rin ng buhay na walang hanggan. Maaabot mo “ang tunguhin ng [iyong] pananampalataya, ang kaligtasan [mo].”—1 Ped. 1:9.
AWIT BLG. 109 Umibig Nang Masidhi Mula sa Puso
a Sa artikulong ito, tatalakayin natin kung paano makakatulong sa atin ang mga aral sa dalawang liham ni Pedro para makayanan natin ang mahihirap na sitwasyon. Tutulungan din nito ang mga elder na makita kung paano nila magagampanan ang pananagutan nila bilang mga pastol.
b Malamang na natanggap ng mga Kristiyano sa Palestina ang dalawang liham ni Pedro bago ang unang pagsalakay ng Roma sa Jerusalem noong 66 C.E.
c Tingnan ang video na Kumilos Para Mapanatili ang Kapayapaan at Pagkakaisa na nasa jw.org.