Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

TALAMBUHAY

Ang Napakasayang Buhay Ko Habang Naglilingkod kay Jehova

Ang Napakasayang Buhay Ko Habang Naglilingkod kay Jehova

NOONG 1951, dumating ako sa Rouyn, isang maliit na bayan sa Quebec, na probinsiya sa Canada. Pinuntahan ko ang adres na ibinigay sa akin. Nang kumatok ako, lumabas si Marcel Filteau, a isang misyonero na nag-aral sa Gilead. Matangkad siya at 23 years old; mas maliit ako sa kaniya at 16 pa lang. Ipinakita ko sa kaniya ang liham ng atas ko bilang payunir. Nang mabasa niya ito, tumingin siya sa akin at sinabi niya, “Alam ba ng nanay mo na nandito ka?”

ANG PAMILYA NAMIN

Taga-Switzerland ang mga magulang ko. Pero nang ipanganak ako noong 1934, nakatira na sila sa Timmins, isang bayang may minahan sa Ontario, Canada. Mga 1939 nang unang makabasa ng Bantayan si Nanay. Nagsimula na rin siyang dumalo noon sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Isinasama niya kaming pitong magkakapatid. At di-nagtagal, naging Saksi ni Jehova na siya.

Hindi masaya si Tatay sa naging desisyon ni Nanay. Pero mahal ni Nanay ang katotohanan at nanatili siyang tapat kahit nang ipagbawal ang gawain ng mga Saksi sa Canada noong pasimula ng 1940’s. Masakit magsalita si Tatay kung minsan, pero mabait pa rin at magalang si Nanay. Nakatulong iyon sa akin at sa mga kapatid ko na tanggapin din ang katotohanan. Nakakatuwa, unti-unting nagbago si Tatay at mas bumait siya sa amin.

ANG PASIMULA NG BUONG-PANAHONG PAGLILINGKOD KO

Noong Agosto 1950, dumalo ako sa Theocracy’s Increase Assembly sa New York City. Nang makilala ko ang mga kapatid mula sa iba’t ibang bansa at marinig ang mga nakakapagpatibay na interbyu ng mga nagtapos sa Gilead, napakilos ako na mas maglingkod pa kay Jehova. Naging mas desidido ako na pumasok sa buong-panahong paglilingkod. Pagkauwing-pagkauwi ko, nag-apply agad ako para maging regular pioneer. Pero sumagot ang sangay sa Canada at sinabing kailangan muna akong magpabautismo. Kaya iyan ang ginawa ko noong Oktubre 1, 1950. Pagkalipas ng isang buwan, naging regular pioneer ako at naatasan sa Kapuskasing. Napakalayo ng lugar na iyon sa tinitirhan ko.

Habang nangangaral ako sa Quebec

Noong tagsibol ng 1951, tinanong ng tanggapang pansangay ang mga Saksi na marunong mag-French kung gusto nilang lumipat sa Quebec, isang probinsiya na French ang wika. Malaki ang pangangailangan doon. Dahil marunong akong mag-French at mag-English, nagboluntaryo ako at naatasan sa Rouyn. Wala akong kakilala doon. Adres lang ang mayroon ako, kagaya ng binanggit ko kanina. Pero naging ayos naman ang lahat. Naging magkaibigan kami ni Marcel. At masaya akong naglingkod sa Quebec nang apat na taon, kung saan naging special pioneer din ako.

GILEAD AT ISANG HANGARING HINDI AGAD NATUPAD

Noong nasa Quebec ako, tuwang-tuwa ako nang maimbitahan ako sa ika-26 na klase ng Gilead sa South Lansing, New York. Nagtapos kami noong Pebrero 12, 1956, at naatasan ako sa Ghana, b West Africa. Pero bago ako makapunta doon, kailangan kong bumalik sa Canada nang “ilang linggo” para maayos ang mga dokumento ko.

Umabot nang pitong buwan ang paghihintay ko sa Toronto para sa mga dokumento ko. Nakitira ako noon sa bahay ng pamilyang Cripps. Doon ko nakilala ang anak nilang si Sheila. Nagustuhan namin ang isa’t isa. Pero nang yayayain ko na siyang magpakasal, dumating na ang visa ko. Kaya nanalangin kami ni Sheila at napagdesisyunan naming tumuloy ako sa atas ko. Pero nagkasundo kami na patuloy na magsulatan para makita kung posible kaming magpakasal sa hinaharap. Hindi madaling desisyon iyon, pero nakita namin na iyon ang tama.

Naglakbay ako nang isang buwan sakay ng tren, barko, at eroplano, at sa wakas, nakarating ako sa Accra, Ghana. Naging tagapangasiwa ako ng distrito. Kasama sa atas ko ang pagbisita sa buong Ghana, pati na sa katabi nitong Ivory Coast (Côte d’Ivoire ngayon) at Togoland (Togo ngayon). Madalas, naglalakbay akong mag-isa gamit ang sasakyan ng sangay. Napakasaya ko sa atas na iyon!

Kapag Sabado’t Linggo, may mga bahagi naman ako sa mga pansirkitong asamblea. Wala kaming mga Assembly Hall. Kaya nagtatayo ang mga kapatid ng pansamantalang bubungan na gawa sa kawayan at pinapatungan iyon ng malalaking dahon. Iyan ang nagiging silungan namin sa napakainit na araw. Dahil walang refrigerator sa cafeteria, nagdadala ang mga kapatid ng buháy na hayop na puwedeng katayin para ipakain sa mga dumalo.

May nakakatuwa kaming karanasan sa mga asambleang iyon. Habang nagpapahayag si Herb Jennings, c na isa ring misyonero, may nakatakas na baka sa cafeteria. Nagtatakbo ito sa pagitan ng stage at ng mga tagapakinig. Napatigil si Herb sa pagsasalita, at parang nalito rin ang baka sa nangyari. Nahuli naman ito ng apat na malalakas na brother. Tuwang-tuwa ang mga tagapakinig habang bitbit-bitbit ito ng mga brother pabalik ng cafeteria.

Sa mga araw bago ang mga asamblea, ipinapapanood ko sa kalapit na mga bayan ang video na The New World Society in Action. Para magawa iyan, gumagamit ako ng projector at nagsasabit ako ng puting tela sa pagitan ng dalawang poste o dalawang puno. Gustong-gusto iyon ng mga tao! Para sa marami, ito ang pinakaunang pelikulang napanood nila. Kapag may mga eksenang binabautismuhan ang mga tao, ang lakas ng palakpakan nila. Nakatulong iyon sa kanila para malaman na nagkakaisa ang mga Saksi ni Jehova at na pambuong daigdig ang organisasyon natin.

Ikinasal kami sa Ghana noong 1959

Nang mga dalawang taon na ako sa Africa, dumalo ako sa isang internasyonal na kombensiyon sa New York City noong 1958. Talagang hinintay ko ang kombensiyong iyon. Doon kami nagkita ulit ni Sheila. Galing pa siya ng Quebec, kung saan siya naglilingkod bilang special pioneer. Nagsusulatan naman kami, pero ngayong nagkita na kami, niyaya ko siyang magpakasal at pumayag siya. Pagkatapos, sumulat ako kay Brother Knorr d at tinanong kung puwedeng makapag-Gilead si Sheila at makasama ko sa Africa. Pumayag naman siya. Di-nagtagal, nasa Ghana na rin si Sheila. Sa Accra kami ikinasal noong Oktubre 3, 1959. Naramdaman naming pinagpala kami ni Jehova dahil inuna namin siya.

MAGKASAMANG NAGLINGKOD SA CAMEROON

Habang nagtatrabaho ako sa sangay sa Cameroon

Noong 1961, inatasan kaming maglingkod sa Cameroon. Abalang-abala ako noon kasi tumutulong ako sa pagtatatag ng sangay doon. Bilang bagong lingkod ng sangay, marami akong dapat matutuhan. Pagkatapos, noong 1965, nalaman kong buntis si Sheila. Sa totoo lang, ang hirap isipin na magkakaroon kami ng anak. Pero unti-unti, na-excite na rin kami sa pagdating ng anak namin. Kaya lang, noong naghahanda na kaming bumalik sa Canada, may nakakalungkot na nangyari.

Nakunan si Sheila. Sinabi ng doktor na lalaki sana ang magiging anak namin. Mahigit 50 taon na ang nakalipas nang mangyari iyon, pero hindi pa rin namin iyon malimutan. Kahit lungkot na lungkot kami, nanatili pa rin kami sa Cameroon dahil mahal namin ang atas namin.

Kami ni Sheila sa Cameroon noong 1965

Madalas pag-usigin ang mga kapatid sa Cameroon dahil sa pagiging neutral nila sa politika. Mas lumalala pa ang sitwasyon kapag may eleksiyon sa pagkapresidente. At noong Mayo 13, 1970, nangyari ang ikinakatakot namin. Ipinagbawal na ng gobyerno ang gawain ng mga Saksi ni Jehova. Kinumpiska ng gobyerno ang pasilidad ng sangay na limang buwan pa lang naming nagagamit. Sa loob lang ng isang linggo, napalabas sa bansa ang lahat ng misyonero, kasama na kami ni Sheila. Mahirap sa amin na iwan ang mga kapatid kasi mahal na mahal namin sila at nag-aalala kami kung ano ang puwedeng mangyari sa kanila.

Anim na buwan kaming nanatili sa sangay sa France. Doon ko itinuloy ang atas ko na asikasuhin ang mga kapatid sa Cameroon. Noong Disyembre nang taon ding iyon, inatasan kami sa sangay sa Nigeria. Ito na kasi ang sangay na mangangasiwa sa gawain sa Cameroon. Damang-dama namin ang pagtanggap ng mga kapatid sa Nigeria, at masaya kaming naglingkod doon nang ilang taon.

ISANG NAPAKABIGAT NA DESISYON

Noong 1973, may ginawa kaming napakabigat na desisyon. Nagkaroon ng malalang sakit si Sheila. Habang nasa isang kombensiyon kami sa New York, napaiyak siya at sinabi: “Hindi ko na kaya! Pagod na pagod ako at laging nagkakasakit.” Mahigit 14 na taon ko na siyang kasamang naglilingkod sa West Africa. Proud na proud ako sa tapat na paglilingkod niya. Pero kailangan naming gumawa ng pagbabago. Kaya nag-usap kami at marubdob na nanalangin. Nagpasiya kaming bumalik sa Canada, kung saan mas maaalagaan si Sheila. Napakasakit sa amin na iwan ang pagiging misyonero at paglilingkod nang buong panahon. Ito ang pinakamabigat na desisyong ginawa namin.

Pagkarating namin sa Canada, nagtrabaho ako sa matagal ko nang kaibigan na may negosyo. Nagbebenta siya ng mga sasakyan sa isang bayan sa hilaga ng Toronto. Umupa rin kami ni Sheila ng apartment at bumili ng secondhand na mga gamit sa bahay. Kaya nakapagsimula kami nang hindi nagkakautang. Gusto namin ng simpleng buhay kasi umaasa kami na makakabalik kami sa buong-panahong paglilingkod. Hindi namin akalain na mangyayari pala agad iyon.

Nagsimula akong magboluntaryo kada Sabado sa pagtatayo ng bagong Assembly Hall sa Norval, Ontario. Di-nagtagal, inatasan ako bilang Assembly Hall overseer. Bumubuti na ang kalusugan ni Sheila. At sa tingin namin, kakayanin na niya ang bagong atas namin. Kaya lumipat kami sa bahay na nasa Assembly Hall noong Hunyo 1974. Masaya kami na makabalik sa buong-panahong paglilingkod!

Mas mabuti na ngayon ang kalusugan ni Sheila. Pagkalipas ng dalawang taon, tumanggap kami ng bagong atas. Inatasan ako bilang tagapangasiwa ng sirkito sa Manitoba, isang napakalamig na probinsiya sa Canada. Pero napakainit ng pagtanggap ng mga kapatid doon. Natutuhan namin na hindi mahalaga kung saan tayo naglilingkod—ang mahalaga ay ang patuloy na paglilingkod kay Jehova nasaan man tayo.

ISANG NAPAKAHALAGANG ARAL

Pagkatapos ng ilang taon sa gawaing pansirkito, inatasan naman kami na maglingkod sa Bethel sa Canada noong 1978. Hindi pa kami nagtatagal doon, may natutuhan na akong masakit pero mahalagang aral. Sa isang espesyal na pagtitipon sa Montreal, naatasan akong magpahayag sa wikang French; isa at kalahating oras iyon. Nakakalungkot, inantok sa pahayag ko ang mga nakikinig. Kaya pinayuhan ako ng isang brother sa Service Department. Sa totoo lang, sana nakita ko agad na hindi talaga ako ganoon kagaling magpahayag. Pero hindi ko tinanggap ang payo sa akin. Hindi naging maganda ang pag-uusap namin. Inis na inis ako, kasi pakiramdam ko, puro pangit lang ang nakita niya at hindi man lang siya nagbigay ng komendasyon. Masyado akong nagpokus sa taong nagpayo sa akin at sa paraan ng pagpapayo niya.

May natutuhan akong napakahalagang aral nang magpahayag ako ng French

Pagkalipas ng ilang araw, kinausap ako ng isang miyembro ng Komite ng Sangay tungkol sa nangyari. Humingi ako ng pasensiya, at inamin kong hindi maganda ang naging reaksiyon ko sa payo. Kinausap ko rin ang brother na nagpayo sa akin, at pinatawad naman niya ako. Dahil sa nangyari, natutuhan ko na napakahalagang maging mapagpakumbaba. (Kaw. 16:18) Hinding-hindi ko makakalimutan ang aral na iyon. Ilang beses kong ipinanalangin iyon kay Jehova, at nagsikap ako na huwag nang masamain ang anumang payo sa akin.

Mahigit 40 taon na akong naglilingkod sa Bethel sa Canada. At mula noong 1985, nagkaroon ako ng pribilehiyo na maging miyembro ng Komite ng Sangay. Noong Pebrero 2021, namatay ang mahal kong si Sheila. Miss na miss ko na siya, at maliban pa doon, nagkakasakit na rin ako. Pero dahil abala ako sa paglilingkod kay Jehova, masaya pa rin ako at ‘hindi ko napapansin ang paglipas ng mga araw.’ (Ecles. 5:20) Marami akong naranasang problema sa buhay, pero hindi niyan mapapantayan ang saya na naramdaman ko sa paglilingkod. Napakarami kong tinanggap na pagpapala dahil inuna ko si Jehova sa buhay ko. Napakasaya ng buong-panahong paglilingkod ko sa kaniya sa loob ng 70 taon. Ipinapanalangin ko na sana, unahin din ng mga kabataan sa buhay nila si Jehova, dahil sigurado ako na magiging masaya sila at pagpapalain ni Jehova kung paglilingkuran nila siya.

a Tingnan ang talambuhay ni Marcel Filteau na “Si Jehova ay Aking Kanlungan at Kalakasan” sa Bantayan, isyu ng Pebrero 1, 2000.

b Hanggang 1957, ang rehiyong ito sa Africa ay isang kolonya ng Britain, na tinatawag noon na Gold Coast.

c Tingnan ang talambuhay ni Herbert Jennings na “Hindi Ninyo Nalalaman Kung Ano ang Magiging Buhay Ninyo Bukas” sa Bantayan, isyu ng Disyembre 1, 2000.

d Si Nathan H. Knorr ang nangunguna sa gawain natin nang panahong iyon.