ARALING ARTIKULO 37
AWIT BLG. 118 Palakasin Mo ang Aming Pananampalataya
Liham na Makakatulong sa Atin na Makapagtiis Hanggang Wakas
“Hanggang sa wakas ay hahawakan nating mahigpit ang pagtitiwalang taglay natin mula pa sa simula.”—HEB. 3:14.
MATUTUTUHAN
Mga aral sa liham para sa mga Hebreo na tutulong sa atin na makapagtiis at maging tapat hanggang sa wakas ng sistemang ito.
1-2. (a) Ano ang sitwasyon sa Judea nang isulat ni apostol Pablo ang liham para sa mga Hebreo? (b) Bakit kailangang-kailangan nila ang liham na ito?
PAGKAMATAY ni Jesus, napakahirap ng mga pinagdaanan ng mga Hebreong Kristiyano na nakatira sa Jerusalem at Judea. Pagkabuo ng kongregasyong Kristiyano, nakaranas sila ng matinding pag-uusig. (Gawa 8:1) Pagkalipas ng mga 20 taon, nagdusa sila dahil sa nangyaring taggutom at kahirapan. (Gawa 11:27-30) Pero noong mga 61 C.E., nagkaroon ng pansamantalang kapayapaan. Sa panahong ito nila natanggap ang liham ni apostol Pablo—talagang napapanahon ito.
2 Kailangang-kailangan ng mga Kristiyano ang liham ni Pablo dahil hindi magtatagal ang kapayapaang nararanasan nila. Nagbigay siya doon ng mga payo na makakatulong sa kanila na makapagtiis. Malapit na kasi ang kapighatiang inihula ni Jesus—ang pagkawasak ng Jerusalem. (Luc. 21:20) Siyempre, hindi alam ni Pablo o kahit ng mga Kristiyano sa Judea kung kailan eksaktong mangyayari ito. Pero puwedeng magamit ng mga Kristiyanong iyon ang panahong mayroon sila para mapaghandaan ito. Puwede nilang patibayin ang pananampalataya nila at sanayin ang sarili nilang magtiis.—Heb. 10:25; 12:1, 2.
3. Bakit dapat maging interesado ang mga Kristiyano ngayon sa liham para sa mga Hebreo?
3 Malapit na nating maranasan ang kapighatiang mas mahirap pa sa naranasan ng mga Hebreong Kristiyano. (Mat. 24:21; Apoc. 16:14, 16) Kaya talakayin natin ngayon ang ilang payo na ibinigay ni Jehova sa mga Kristiyano noon na makakatulong din sa atin sa ngayon.
“SUMULONG TAYO SA PAGIGING MAYGULANG”
4. Saan nahirapan ang mga Judio na naging Kristiyano? (Tingnan din ang larawan.)
4 Maraming kailangang baguhin ang mga Judio na naging Kristiyano, at hindi ito madali. Dati, ang mga Judio ang piniling bayan ni Jehova. Napakaespesyal din ng Jerusalem noon, kasi nandito ang kinatawang hari ng Diyos at ang templo dito ang sentro ng tunay na pagsamba. Sinusunod ng lahat ng tapat na Judio ang Kautusang Mosaiko at mga batas na itinuturo ng mga lider ng relihiyon nila. May mga batas tungkol sa pagkain, pagtutuli, at kung paano nila papakitunguhan ang mga di-Judio. Pero pagkamatay ni Jesus, hindi na tinatanggap ni Jehova ang mga haing inihahandog sa templo. Nahirapan ang mga Judiong Kristiyano na tanggapin iyan. (Heb. 10:1, 4, 10) Kahit ang may-gulang na mga Kristiyanong gaya ni apostol Pedro, nahirapang tanggapin ang ilan sa mga pagbabago. (Gawa 10:9-14; Gal. 2:11-14) Dahil sa mga bagong paniniwala ng mga Kristiyanong ito, pinag-usig sila ng mga Judiong lider ng relihiyon.
5. Bakit dapat mag-ingat ang mga Kristiyano?
5 May dalawang grupong nagpapahirap sa mga Hebreong Kristiyano. Una, ang mga Judiong lider ng relihiyon na itinuturing silang mga apostata. Nandiyan din ang ilang Kristiyano na ipinipilit na dapat pa ring sundin ang Kautusang Mosaiko, posibleng para hindi sila pag-usigin. (Gal. 6:12) Ano ang makakatulong sa tapat na mga Kristiyano na manindigan sa katotohanan?
6. Ano ang ipinayo ni Pablo na kailangang gawin ng mga Kristiyano? (Hebreo 5:14–6:1)
6 Sa liham ni Pablo sa mga Hebreo, pinayuhan niya sila na pag-aralan at bulay-bulayin ang Salita ng Diyos. (Basahin ang Hebreo 5:14–6:1.) Ginamit ni Pablo ang Hebreong Kasulatan para ipakita sa kanila na nakakahigit ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano kaysa sa mga Judio. a Alam ni Pablo na kapag napalalim nila ang kaalaman nila at mas naintindihan nila ang katotohanan, tutulong ito sa kanila na tanggihan ang maling mga pangangatuwiran.
7. Anong hamon ang napapaharap sa atin sa ngayon?
7 Sa ngayon, nakakarinig din tayo ng mga impormasyon at pangangatuwiran na kontra sa sinasabi ni Jehova. May mga nagsasabi na mali ang mga Saksi ni Jehova dahil sinusunod nila ang utos ng Bibliya tungkol sa sex. Talagang palayo na nang palayo ang pananaw ng mundo sa perpektong pananaw ng Diyos. (Kaw. 17:15) Kaya napakahalagang alam natin kung ano ang maling kaisipan at tanggihan iyon. Hindi natin dapat hayaan na mapahina ng iba ang loob natin at mapahinto tayo sa paglilingkod kay Jehova.—Heb. 13:9.
8. Paano tayo susulong sa pagiging maygulang?
8 Gaya ng sinabi ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano, kailangan nating sumulong sa pagiging maygulang. Magagawa natin iyan kung papalalimin natin ang kaalaman natin sa katotohanan at kung tutularan natin ang kaisipan ni Jehova. Kailangan nating patuloy na gawin ito kahit nakapag-alay na tayo at nabautismuhan. Gaano man tayo katagal na sa katotohanan, dapat pa rin nating regular na basahin at pag-aralan ang Salita ng Diyos. (Awit 1:2) Tutulong ito sa atin na mapatibay ang pananampalataya natin—isang katangiang idiniin ni Pablo sa liham niya sa mga Hebreo.—Heb. 11:1, 6.
MAGKAROON NG “PANANAMPALATAYA NA MAKAPAGLILIGTAS NG ATING BUHAY”
9. Bakit mahalagang magkaroon ng matibay na pananampalataya ang mga Hebreong Kristiyano?
9 Kailangan ng mga Hebreong Kristiyano ang matibay na pananampalataya para makaligtas sa papalapit na kapighatian sa Judea. (Heb. 10:37-39) Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya na kapag napapalibutan na ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo, kailangan na nilang tumakas papunta sa mga bundok. Dapat itong sundin ng lahat ng Kristiyano, nakatira man sila sa loob ng lunsod o sa kalapit na mga lugar. (Luc. 21:20-24) Kapag may umaatakeng hukbo noon, karaniwan nang pumapasok sa loob ng napapaderang lunsod ang mga nakatira sa kalapit na mga lugar para maging ligtas sila. Sa ganitong sitwasyon, parang hindi praktikal ang sinabi ni Jesus. Kaya talagang kailangan ang matibay na pananampalataya para tumakas papunta sa mga bundok.
10. Ano pa ang isang dahilan kung bakit kailangan ng mga Kristiyano ang matibay na pananampalataya? (Hebreo 13:17)
10 Kailangan ding magtiwala ng mga Hebreong Kristiyano sa mga ginagamit ni Jesus para magbigay ng tagubilin sa kongregasyon. Posibleng nagbigay ang mga nangunguna noon ng espesipikong mga tagubilin kung kailan tatakas at kung paano gagawin iyon. (Basahin ang Hebreo 13:17.) Ang salitang Griego na ginamit sa Hebreo 13:17 para sa “maging masunurin” ay nagpapahiwatig na nakumbinsing sumunod ang isa dahil nagtitiwala siya sa taong nagbigay ng tagubilin. Hindi lang ito pagsunod dahil kailangan. Ipinapakita nito na bago dumating ang kapighatian, dapat patibayin ng mga Hebreong Kristiyano ang pagtitiwala nila sa mga nangunguna. Kung sanay na silang sumunod sa mga nangunguna sa kanila habang payapa pa ang kalagayan, magiging mas madali na sa kanilang sumunod kapag mahirap na ang sitwasyon.
11. Bakit mahalaga ang matibay na pananampalataya para sa mga Kristiyano ngayon?
11 Gaya ng mga Kristiyano noon, kailangan din natin ng pananampalataya. Hindi naniniwala ang marami sa ngayon na malapit na ang wakas ng sistemang ito. Pinagtatawanan pa nga nila ang mga naniniwala dito. (2 Ped. 3:3, 4) At totoo, maraming detalye na binabanggit ang Bibliya tungkol sa malaking kapighatian, pero marami pa tayong hindi alam. Kaya kailangan natin ng matibay na pananampalataya na talagang darating ang wakas ng sistemang ito sa panahong itinakda ni Jehova. Dapat din tayong maging kumbinsido na tutulungan niya tayo sa panahong iyon.—Hab. 2:3.
12. Ano ang makakatulong para makaligtas tayo sa malaking kapighatian?
12 Dapat din nating patibayin ang pananampalataya natin na ginagamit ni Jehova ang “tapat at matalinong alipin” para gabayan tayo sa ngayon. (Mat. 24:45) Posibleng nakatanggap ng tagubilin ang mga Hebreong Kristiyano noon nang mapalibutan na ng hukbong Romano ang Jerusalem. Posible rin na makatanggap tayo ng espesipikong mga tagubilin na magliligtas ng buhay natin kapag nagsimula na ang malaking kapighatian. Kaya ngayon na ang panahon para patibayin ang pagtitiwala natin sa mga nangunguna sa organisasyon ni Jehova. Kasi kung ngayon pa lang, nahihirapan na tayong sundin ang mga tagubilin nila, malamang na mas mahirapan tayong gawin iyan sa malaking kapighatian.
13. Bakit tamang-tama ang payo sa Hebreo 13:5?
13 Habang hinihintay ng mga Hebreong Kristiyano ang tagubiling tumakas, kailangan din nilang panatilihing simple ang buhay nila at huwag magkaroon ng “pag-ibig sa pera.” (Basahin ang Hebreo 13:5.) May ilan sa kanila na nagtiis ng taggutom at kahirapan at nagsakripisyo para sa mabuting balita. (Heb. 10:32-34) Pero nang maging payapa na ang kalagayan, baka nagpokus na sila sa pagkakaroon ng maraming pera para hindi na nila ulit maranasan ang kahirapan. Kaya lang, hindi sila maililigtas ng pera kapag winasak na ang Jerusalem. (Sant. 5:3) Ang totoo, kapag minahal ng isa ang materyal na mga pag-aari niya, baka mas mahirapan na siyang tumakas at iwan ang mga ito.
14. Paano makakatulong ang matibay na pananampalataya kapag nagdedesisyon tayo tungkol sa materyal na mga bagay?
14 Kung matibay ang pananampalataya natin at totoong-totoo sa atin na malapit nang wakasan ni Jehova ang masamang mundong ito, hindi natin uunahin ang materyal na mga bagay. Sa panahon ng malaking kapighatian, mawawalan ng halaga ang pera. Sinasabi ng Bibliya na “itatapon [ng mga tao] sa lansangan ang kanilang pilak,” dahil maiisip nila na “hindi sila maililigtas ng kanilang pilak o ginto sa araw ng galit ni Jehova.” (Ezek. 7:19) Imbes na ubusin ang panahon natin sa pag-iipon ng maraming pera, dapat tayong gumawa ng mga desisyon na tutulong sa atin na magkaroon ng simple at balanseng buhay. Ibig sabihin, napaglalaanan natin ang sarili at pamilya natin habang naglilingkod kay Jehova. Hindi rin tayo umuutang nang hindi kinakailangan o kumukuha ng maraming pag-aari na uubos ng panahon natin. Dapat din tayong mag-ingat para hindi tayo magkaroon ng sobrang pagpapahalaga sa mga pag-aaring mayroon tayo. (Mat. 6:19, 24) Habang papalapit nang papalapit ang wakas, posibleng masubok ang pananampalataya natin dahil sa materyal na mga bagay o iba pang mga dahilan.
“KAILANGAN NINYO NG PAGTITIIS”
15. Bakit kailangang-kailangan ng mga Hebreong Kristiyano ang kakayahang magtiis?
15 Kailangan ng mga Hebreong Kristiyano ang kakayahang magtiis habang naglilingkod kay Jehova dahil palala na nang palala ang kalagayan sa Judea. (Heb. 10:36) Totoo, may ilan sa kanila na nakaranas na ng matinding pag-uusig, pero marami ang hindi pa. Kaya ipinaalala sa kanila ni Pablo na dapat silang maging handa sa mas matitindi pang pag-uusig at maging determinadong manatiling tapat hanggang kamatayan, gaya ni Jesus. (Heb. 12:4) Dahil patuloy na dumarami ang mga Kristiyano, mas tumitindi ang galit ng mga Judio, pati na ang pang-uusig nila. Mga ilang taon bago isulat ni Pablo ang liham sa mga Hebreo, noong nangangaral siya sa Jerusalem, inatake siya ng maraming galit na Judio. Mahigit 40 ang “sumumpa na hindi sila kakain o iinom hangga’t hindi nila napapatay si Pablo.” (Gawa 22:22; 23:12-14) Kahit ganiyan ang kalagayan noon, kailangan pa rin ng mga Kristiyano na magsama-sama para sumamba, ipangaral ang mabuting balita, at patibayin ang pananampalataya nila.
16. Paano makakatulong sa atin ang liham sa mga Hebreo para magkaroon tayo ng tamang pananaw sa pag-uusig? (Hebreo 12:7 at talababa)
16 Ano ang makakatulong sa mga Hebreong Kristiyano na matiis ang pag-uusig? Alam ni Pablo na kailangan nilang magkaroon ng tamang pananaw dito. Ipinaliwanag niya na kapag nakakaranas ng pagdurusa ang isang Kristiyano, posibleng gamitin iyon ng Diyos bilang pagsasanay sa kaniya. (Basahin ang Hebreo 12:7 at talababa.) Dahil sa ganiyang pagsasanay, magkakaroon at mapapasulong ng isa ang mga katangiang gusto ni Jehova. Kung magpopokus ang mga Hebreong Kristiyano sa magagandang resulta ng pag-uusig, magiging mas madali sa kanila na magtiis.—Heb. 12:11.
17. Ano ang natutuhan ni Pablo sa mga dinanas niyang pag-uusig?
17 Pinatibay ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na lakasan ang loob nila at huwag sumuko kapag may pag-uusig. Alam na alam ni Pablo ang sinasabi niya. Pinag-usig niya dati ang mga Kristiyano, kaya alam niya kung paano sila tinatrato ng mga mang-uusig. Siya rin mismo, nakaranas ng iba’t ibang uri ng pag-uusig mula noong naging Kristiyano siya. (2 Cor. 11:23-25) Kaya alam niya kung ano talaga ang kailangan para makapagtiis. Ipinaalala niya sa mga Kristiyanong iyon na kapag nasa ganitong sitwasyon sila, hindi sila dapat umasa sa sarili nila kundi kay Jehova. Ito ang nagbigay kay Pablo ng lakas ng loob kaya nasabi niya: “Si Jehova ang tumutulong sa akin; hindi ako matatakot.”—Heb. 13:6.
18. Ano ang mararanasan nating lahat sa hinaharap, at paano tayo makakapaghanda para dito?
18 May mga kapatid tayo sa ngayon na pinag-uusig. Maipapakita nating mahal natin sila kung ipapanalangin natin sila. Bukod diyan, baka puwede rin nating maibigay kung ano ang pangangailangan nila. (Heb. 10:33) Pero sinasabi ng Bibliya na “pag-uusigin din ang lahat ng gustong mamuhay nang may makadiyos na debosyon bilang mga alagad ni Kristo Jesus.” (2 Tim. 3:12) Kaya lahat tayo, dapat maging handa sa mga mangyayari sa hinaharap. Ibigay sana natin ang buong tiwala natin kay Jehova. Siguradong tutulungan niya tayong matiis ang anumang pagsubok. Darating ang panahon, hindi na ito mararanasan ng lahat ng tapat na lingkod niya.—2 Tes. 1:7, 8.
19. Ano ang mga puwede nating gawin para maging handa sa malaking kapighatian? (Tingnan din ang larawan.)
19 Siguradong nakatulong ang liham ni Pablo sa mga Hebreong Kristiyano para maging handa sila sa kapighatiang mararanasan nila. Pinatibay niya silang palalimin ang kaalaman nila sa Kasulatan at pag-isipan itong mabuti para mas maintindihan ito. Tutulong iyan sa kanila na tanggihan ang mga turo na magpapahina sa pananampalataya nila. Sinabi rin niya sa kanila na patibayin ang pananampalataya nila para madali nilang masunod ang mga tagubilin ni Jesus at ng mga nangunguna sa kongregasyon. Tinulungan niya rin sila na matiis ang pag-uusig. Ipinaliwanag niya kung ano ang dapat na maging pananaw nila dito—dapat nila itong ituring na pagsasanay sa kanila ni Jehova. Masunod din sana natin ang mga payong iyan ng Bibliya. Kung gagawin natin iyan, makakapagtiis tayo at makakapanatiling tapat hanggang wakas.—Heb. 3:14.
AWIT BLG. 126 Manatiling Gisíng at Magpakatibay
a Sa unang kabanata pa lang, pitong beses nang sumipi si Pablo mula sa Hebreong Kasulatan para patunayan na nakakahigit ang paraan ng pagsamba ng mga Kristiyano kaysa sa mga Judio.—Heb. 1:5-13.