ARALING ARTIKULO 36
AWIT BLG. 89 Makinig at Sumunod Upang Pagpalain Ka
“Maging Tagatupad Kayo ng Salita”
“Maging tagatupad kayo ng salita at hindi tagapakinig lang.”—SANT. 1:22.
MATUTUTUHAN
Makakatulong sa atin ang artikulong ito para maging mas determinado tayo na basahin ang Bibliya araw-araw, pag-isipan ito, at maisabuhay ang mga natututuhan natin.
1-2. Bakit masaya ang mga lingkod ng Diyos? (Santiago 1:22-25)
GUSTO ni Jehova at ni Jesus na maging masaya tayo. Ganito ang sinabi ng manunulat ng Awit 119:2: “Maligaya ang mga tumutupad sa kaniyang mga paalaala at buong pusong humahanap sa kaniya.” Sinabi rin ni Jesus: “Maligaya ang mga nakikinig sa salita ng Diyos at tumutupad nito!”—Luc. 11:28.
2 Bakit nga ba masaya ang mga naglilingkod kay Jehova? Napakarami nating maiisip na dahilan. Pero huwag nating kalimutan na ang isang mahalagang dahilan ay dahil regular nating binabasa ang Salita ng Diyos at sinisikap nating isabuhay ang mga natututuhan natin.—Basahin ang Santiago 1:22-25.
3. Paano tayo nakikinabang kapag isinasabuhay natin ang mga nababasa natin sa Salita ng Diyos?
3 Maraming pakinabang kapag ‘nagiging tagatupad tayo ng salita.’ Halimbawa, kapag isinasabuhay natin ang mga nababasa natin, napapasaya natin si Jehova. Kaya nagiging masaya rin tayo. (Ecles. 12:13) May magandang epekto rin ito sa kaugnayan natin sa pamilya natin at sa mga kapatid sa kongregasyon. Malamang na totoo iyan sa iyo. Bukod diyan, naiiwasan natin ang mga problemang epekto ng hindi pagsunod sa mga utos ni Jehova. Kaya sang-ayon tayo sa sinabi ni Haring David. Matapos niyang banggitin sa isang awit ang tungkol sa kautusan, batas, at kahatulan ni Jehova, sinabi niya: “Sa pagsunod sa mga iyon ay may malaking gantimpala.”—Awit 19:7-11.
4. Bakit hindi laging madali na maging tagatupad ng Salita ng Diyos?
4 Sa totoo lang, hindi laging madali na maging tagatupad ng Salita ng Diyos. Napakarami nating ginagawa. Pero kailangan pa rin nating maglaan ng panahon sa pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya para malaman natin kung ano ang gusto ni Jehova na gawin natin. Tingnan natin ngayon ang ilang puwede nating gawin para regular na magawa ito. Tatalakayin din natin kung ano ang makakatulong sa atin na mapag-isipan at maisabuhay ang mga nababasa natin.
MAGLAAN NG PANAHON PARA BASAHIN ANG BIBLIYA
5. Ano ang ilan sa mga responsibilidad ng mga lingkod ni Jehova?
5 Napakaabala ng karamihan sa mga lingkod ni Jehova. Napakaraming panahon ang ginagamit natin para sa mga sinasabi ng Bibliya na responsibilidad natin. Halimbawa, marami sa atin ang nagtatrabaho para mapaglaanan ang sarili natin at ang pamilya natin. (1 Tim. 5:8) May mga kapatid din na nag-aalaga sa may-sakit o may-edad nilang kamag-anak. At lahat tayo, kailangan ng panahon para alagaan ang sarili natin. May mahahalagang gawain din tayo sa kongregasyon. Isa na diyan ang pangangaral, at gusto nating ibigay ang buong makakaya natin dito. Sa dami ng obligasyon natin bilang Kristiyano, ano ang puwede nating gawin para regular na mabasa at mabulay-bulay ang Bibliya at maisabuhay ang mga natututuhan natin dito?
6. Paano mo masisigurado na mababasa mo ang Bibliya? (Tingnan din ang larawan.)
6 Ang pagbabasa ng Bibliya ay kasama sa “mas mahahalagang bagay” na dapat gawin ng mga Kristiyano. Kaya dapat nating siguraduhin na magagawa natin ito. (Fil. 1:10) Ganito ang sinabi ng pinakaunang awit tungkol sa isang maligayang tao: “Nalulugod siya sa kautusan ni Jehova, at ang kautusan Niya ay binabasa niya nang pabulong araw at gabi.” (Awit 1:1, 2) Maliwanag na ipinapakita niyan na dapat maglaan ng panahon para sa pagbabasa ng Bibliya. Kailan pinakamagandang gawin iyan? Baka magkakaiba ang sagot natin diyan. Kung magagawa mong regular ang pagbabasa ng Bibliya sa iskedyul na mapipili mo, masasabing iyon ang pinakamagandang panahon para sa iyo. Sinabi ng brother na si Victor: “Mas gusto kong magbasa ng Bibliya sa umaga. Hindi talaga ako sanay gumising nang maaga. Pero sa ganoong mga oras, nakita ko na mas gising ang isip ko at walang masyadong nakakaistorbo sa akin. Kaya mas nakakapagpokus ako.” Baka totoo rin iyan sa iyo. Kaya tanungin ang sarili, ‘Para sa akin, ano ang pinakamagandang panahon para basahin ang Bibliya?’
PAG-ISIPAN ANG MGA BINABASA MO
7-8. Ano ang posibleng dahilan kung bakit hindi tayo masyadong nakikinabang sa binabasa natin? Magbigay ng ilustrasyon.
7 Totoo rin ba ito sa iyo? Marami kang nababasa sa Bibliya at regular mong ginagawa iyon, pero wala kang natututuhan. Baka nga wala ka pang natandaan sa nabasa mo. Nangyayari iyan sa ating lahat. Baka nag-set tayo ng goal na makabasa ng ilang kabanata sa Bibliya araw-araw. Maganda iyan! Dapat talaga tayong magkaroon ng mga goal at sikaping maabot iyon. (1 Cor. 9:26) Pero hindi sapat na basta makabasa lang tayo ng Bibliya. May kailangan pa tayong gawin kung gusto talaga nating makinabang dito.
8 Pag-isipan ang ilustrasyong ito: Kailangan ng halaman ang ulan para mabuhay ito. Pero kung sobra-sobrang tubig-ulan ang makukuha ng lupa sa loob ng maikling panahon, hindi magkakaroon ng panahon ang lupa na ma-absorb ang tubig. Kaya hindi rin makikinabang ang halaman. Ganiyan din sa pagbabasa ng Bibliya. Kung bibilisan natin ito para lang makarami, hindi natin maa-absorb, o maiintindihan, ang binabasa natin. Wala rin tayong matatandaan na magagamit natin sa buhay natin.—Sant. 1:24.
9. Ano ang dapat nating gawin kung nakasanayan na natin na basahin ang Bibliya nang mabilisan?
9 Nangyayari ba sa iyo na mabilisan lang ang pagbabasa mo ng Bibliya? Ano ang puwede mong gawin? Basahin ito sa bilis na makakapagbulay-bulay ka habang nagbabasa o pagkatapos mong magbasa. Pero baka maisip mo na hindi ka magaling magbulay-bulay. Hindi naman mahirap gawin iyan; para mo lang iniisip ulit ang mga nabasa mo. Para magawa iyan, baka puwede mong mas habaan ang pag-aaral mo. O kung limitado ang panahon mo, puwede ring ilang talata lang ang basahin mo at gamitin ang natitirang panahon sa pagbubulay-bulay. “Kapag nagbabasa ako, maiikli lang; mga isang kabanata,” ang sabi ni Victor, na binanggit kanina. “Dahil sa umaga ako nagbabasa, napag-iisipan ko sa buong araw ang mga nabasa ko.” Nasa sa iyo kung gaano karami ang babasahin mo. Ang mahalaga, may panahon ka para mapag-isipan iyon.—Awit 119:97; tingnan ang kahong “ Mga Tanong na Puwedeng Pag-isipan.”
10. Magbigay ng halimbawa kung paano mo isasabuhay ang mga natututuhan mo. (1 Tesalonica 5:17, 18)
10 Habang nagbabasa ka ng Bibliya, isipin din kung paano mo isasabuhay ang mga natututuhan mo. Tanungin ang sarili, ‘Paano ko magagamit ang impormasyong ito sa buhay ko ngayon o sa hinaharap?’ Halimbawa, isipin na kasama sa binasa mo ngayon ang 1 Tesalonica 5:17, 18. (Basahin.) Pagkatapos mong mabasa ito, puwede kang huminto sandali at pag-isipan kung gaano ka kadalas manalangin at kung gaano ito kalalim. Puwede mo ring isipin ang mga ipinagpapasalamat mo kay Jehova. Baka may maisip ka na tatlong bagay. Ilang minuto lang ang ginamit mo para pag-isipan ang mga nabasa mo. Pero tutulong na iyan sa iyo na maging tagapakinig at tagatupad ng Salita ng Diyos. Isipin na lang kung gagawin mo ito araw-araw; siguradong magiging mas mahusay kang lingkod ni Jehova! Pero paano kung sobrang dami ng kailangan mong baguhin sa sarili mo?
MAGING MAKATOTOHANAN SA MGA GOAL MO
11. Bakit puwede kang masiraan ng loob kung minsan? Magbigay ng halimbawa.
11 Kapag nagbabasa ka ng Bibliya, baka masiraan ka ng loob kung minsan, kasi nakita mo na ang dami mong kailangang pasulungin. Halimbawa, sa araw na ito, nabasa mo sa Bibliya na hindi dapat magpakita ng paboritismo. (Sant. 2:1-8) Naisip mo na may magagawa ka pa para mas mapakitunguhan nang tama ang iba. At ginawa mong goal iyon. Mahusay iyon! Kinabukasan naman, nabasa mo na kailangan mong maging maingat sa mga sinasabi mo. (Sant. 3:1-12) Alam mo sa sarili mo na may nasasabi kang hindi maganda kung minsan. Kaya ginawa mong goal na maging nakakapagpatibay ang mga sinasabi mo. Sa sumunod na araw, nabasa mo ang babala tungkol sa pakikipagkaibigan sa sanlibutan. (Sant. 4:4-12) Naisip mo na kailangan mong maging mas maingat sa pinipili mong libangan. Pero pagdating ng ikaapat na araw, baka nasiraan ka na ng loob kasi nakita mo na ang dami mo palang kailangang baguhin.
12. Bakit hindi ka dapat masiraan ng loob kung makita mong may mga kailangan kang baguhin? (Tingnan din ang talababa.)
12 Kung makita mo na marami kang kailangang baguhin sa sarili mo, huwag masiraan ng loob. Patunay iyan na mapagpakumbaba ka at tama ang motibo mo. Kung mapagpakumbaba tayo at tapat sa sarili natin, talagang may makikita tayo na kailangang pasulungin kapag nagbasa tayo ng Bibliya. a Tandaan din na patuluyang proseso ang pagsusuot ng “bagong personalidad.” (Col. 3:10; ihambing ang study note na “nagiging bago.”) Kaya ano ang tutulong sa iyo para patuloy na maging tagatupad ng Salita ng Diyos?
13. Paano ka magiging makatotohanan sa mga goal mo? (Tingnan din ang larawan.)
13 Imbes na sikaping sabay-sabay na gawin ang lahat ng goal mo, pumili lang muna ng ilan. (Kaw. 11:2) Subukan ito: Ilista ang mga kailangan mong baguhin. Mula sa mga ito, pumili ng isa o dalawa na gusto mong unahin. Pagkatapos, isunod naman ang iba. Pero ano ang uunahin mo?
14. Anong goal ang puwede mong unahin?
14 Puwede mong unahin ang goal na pinakamadali para sa iyo; o kaya naman, ang sa tingin mong pinakakailangan mong pasulungin. Kapag nakapili ka na, mag-research sa mga publikasyon natin. Puwede mong gamitin ang Watch Tower Publications Index o Tulong sa Pag-aaral ng mga Saksi ni Jehova. Ipanalangin din ito kay Jehova. Hilingin sa kaniya na bigyan ka ng “pagnanais at lakas para kumilos.” (Fil. 2:13) Pagkatapos, sikaping gawin ang natutuhan mo. Kapag nakagawa ka na ng isang pagbabago o napasulong mo ang isang katangiang Kristiyano, malamang na mas ganahan ka nang abutin ang iba pang goal mo. Ang totoo, baka nga maging mas madali na lang iyon para sa iyo.
‘MAGPAIMPLUWENSIYA’ SA SALITA NG DIYOS
15. Bakit naiiba ang mga lingkod ni Jehova sa ibang nagbabasa ng Bibliya? (1 Tesalonica 2:13)
15 May mga taong nagsasabi na maraming beses na nilang nabasa ang Bibliya. Pero talaga bang naniniwala sila dito? Isinasabuhay ba nila ang mga binabasa nila? Nakakalungkot, madalas na hindi. Pero hindi ganiyan ang mga lingkod ni Jehova. Gaya ng mga Kristiyano noon, tinatanggap natin ang Bibliya “gaya ng kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos.” Hinahayaan din nating maimpluwensiyahan nito ang buhay natin.—Basahin ang 1 Tesalonica 2:13.
16. Ano ang makakatulong sa atin na maging tagatupad ng Salita?
16 Hindi laging madali na basahin at isabuhay ang Salita ng Diyos. Baka nahihirapan tayong maghanap ng oras sa pagbabasa, o baka nakasanayan na nating gawin ito nang mabilisan kaya wala tayong masyadong natututuhan. Baka nasisiraan din tayo ng loob sa dami ng kailangan nating pasulungin. Anuman ang sitwasyon mo ngayon, kakayanin mo iyan sa tulong ni Jehova. Maging determinado sana tayo na tanggapin ang tulong niya para maging tagatupad tayo ng Salita ng Diyos at hindi mga tagapakinig lang. Kung patuloy nating babasahin ang Bibliya at isasabuhay ang mga natututuhan natin, siguradong magiging mas masaya tayo.—Sant. 1:25.
AWIT BLG. 94 Salamat sa Salita ng Diyos
a Tingnan ang video na Ang Sinasabi ng Ibang Kabataan—Pagbabasa ng Bibliya na nasa jw.org.