Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

ARALING ARTIKULO 38

AWIT BLG. 25 Isang Espesyal na Pag-aari

Nakikinig Ka Ba sa Babala?

Nakikinig Ka Ba sa Babala?

“Ang isa ay isasama at ang isa naman ay iiwan.”​—MAT. 24:40.

MATUTUTUHAN

Tatalakayin natin ang tatlo sa mga ilustrasyon ni Jesus at kung ano ang kaugnayan ng mga ito sa panahon ng paghatol na mangyayari sa katapusan ng sistemang ito.

1. Ano ang malapit nang gawin ni Jesus?

 MARAMI tayong inaabangang pangyayari sa panahon natin! Malapit nang hatulan ni Jesus ang bawat tao sa lupa. Sinabi niya sa atin kung ano ang mga mangyayari bago siya humatol. Sinabi niya sa mga alagad niya ang magiging “tanda” ng presensiya niya at ng “katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 24:3) Nakaulat iyan sa Mateo kabanata 24 at 25, pati na sa Marcos kabanata 13 at Lucas kabanata 21.

2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit ito makakatulong sa atin?

2 Gumamit si Jesus ng tatlong ilustrasyon para magbigay ng babala: ang ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing, sa matatalino at mga mangmang na dalaga, at sa mga talento. Tutulong ito sa atin na makita na nakadepende sa ginagawa ng isang tao ang magiging hatol sa kaniya ni Jesus. Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang mga ilustrasyong ito at kung ano ang mga aral na matututuhan natin. Talakayin na natin ang ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing.

ANG MGA TUPA AT MGA KAMBING

3. Kailan hahatulan ni Jesus ang mga tao?

3 Sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing, sinabi ni Jesus na hahatulan niya ang mga tao base sa ginawa nila nang malaman nila ang mabuting balita at sa naging pagsuporta nila sa pinahirang mga kapatid niya. (Mat. 25:​31-46) Gagawin niya ang paghatol na ito sa panahon ng “malaking kapighatian,” bago magsimula ang Armagedon. (Mat. 24:21) Ibinubukod ng isang pastol ang mga tupa mula sa mga kambing. Ganiyan din ang gagawin ni Jesus kapag humatol na siya. Ibubukod din niya ang mga tapat na sumuporta sa pinahirang mga tagasunod niya mula sa mga hindi sumuporta sa mga ito.

4. Ayon sa Isaias 11:​3, 4, bakit tayo makakasigurado na patas ang magiging hatol ni Jesus? (Tingnan din ang larawan.)

4 Sinasabi sa Bibliya na magiging patas sa paghatol si Jesus, ang inatasang Hukom ni Jehova. (Basahin ang Isaias 11:​3, 4.) Inoobserbahan ni Jesus ang mga ginagawa, iniisip, at sinasabi ng mga tao—kasama na ang pakikitungo nila sa pinahirang mga kapatid niya. (Mat. 12:​36, 37; 25:40) Kaya masasabi niya kung talagang sinuportahan ng isa ang pinahirang mga kapatid niya at ang gawain nila. a Ang isa sa pinakamahalagang paraan para masuportahan ang mga kapatid ni Kristo ay ang pakikibahagi sa gawaing pangangaral. Ituturing na “matuwid” ang mga makikibahagi rito, at may pag-asa silang tumanggap ng “buhay na walang hanggan” sa lupa. (Mat. 25:46; Apoc. 7:​16, 17) Napakaganda ngang gantimpala niyan! Kaya kung mananatili silang tapat sa panahon ng malaking kapighatian at patuloy pa ring magiging tapat pagkatapos nito, mapapanatili nila ang pangalan nila sa “aklat ng buhay.”​—Apoc. 20:15.

Sa hinaharap, hahatulan ni Jesus ang mga tao bilang mga tupa o mga kambing (Tingnan ang parapo 4)


5. Ano ang aral sa ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing, at sino ang dapat magbigay-pansin dito?

5 Patunayan mong tapat ka. Ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga tupa at mga kambing ay pangunahin nang para sa mga may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa. Maipapakita nilang tapat sila kung susuportahan nila ang mga kapatid ni Kristo sa pangangaral at kung magiging masunurin sila sa tapat at matalinong alipin na pinili ni Jesus. (Mat. 24:45) Pero dapat ding bigyang-pansin ng mga may pag-asa sa langit ang aral sa ilustrasyong ito. Bakit? Dahil tinitingnan din ni Jesus ang mga ginagawa, iniisip, at sinasabi nila. Dapat din nilang patunayan na tapat sila. Ang totoo, may dalawa pang ilustrasyon na sinabi si Jesus na espesipikong para sa mga pinahiran. Mababasa rin natin ang mga ito sa Mateo kabanata 25. Talakayin natin ngayon ang ilustrasyon tungkol sa matatalino at mga mangmang na dalaga.

ANG MATATALINO AT MGA MANGMANG NA DALAGA

6. Paano ipinakita ng lima sa mga dalaga na matalino sila? (Mateo 25:​6-10)

6 Sa ilustrasyon tungkol sa 10 dalaga, sinabi ni Jesus na lumabas sila para salubungin ang lalaking ikakasal. (Mat. 25:​1-4) Gusto nila siyang samahan sa bahay na pagdarausan ng handaan. Sinabi ni Jesus na ang lima sa kanila ay “matalino” at ang lima pa ay “mangmang.” Handa at alerto ang matatalinong dalaga. Hihintayin nila ang lalaking ikakasal kahit gaano pa katagal—kahit gabing-gabi pa siya dumating. Kaya nagdala sila ng lampara at ng reserbang langis sakaling matagalan pa siya. Talagang handang-handa sila! (Basahin ang Mateo 25:​6-10.) Nang dumating ang lalaking ikakasal, sumama sa kaniya ang matatalinong dalaga nang pumasok siya sa bahay na pagdarausan ng handaan. Ganiyan din ang puwedeng maranasan ng pinahirang mga Kristiyano. Kung mananatili silang alerto at tapat hanggang sa dumating ang Kristo, makukuha nila ang gantimpala nila sa langit—makakasama nila sa Kaharian niya si Jesus, ang Lalaking Ikakasal. b (Apoc. 7:​1-3) Ano naman ang nangyari sa limang mangmang na dalaga?

7. Ano ang nangyari sa limang mangmang na dalaga, at bakit?

7 Di-gaya ng matatalinong dalaga, hindi handa ang limang mangmang na dalaga nang dumating ang lalaking ikakasal. Paubos na ang langis ng mga lampara nila, at wala silang dalang reserba. Nang malaman nila na parating na ang lalaking ikakasal, umalis sila para bumili ng langis. Kaya wala sila pagdating niya. Pero “ang mga dalagang nakahanda ay kasama [ng lalaking ikakasal na] pumasok sa bahay na pagdarausan ng handaan, at isinara na ang pinto.” (Mat. 25:10) Pagbalik ng mga mangmang na dalaga, gusto rin nilang pumasok. Pero sinabi sa kanila ng lalaking ikakasal: “Hindi ko kayo kilala.” (Mat. 25:​11, 12) Wala silang ginawa para maging handa sakaling kailangan nilang maghintay nang mas matagal. Anong aral ang matututuhan dito ng mga pinahiran?

8-9. Anong aral ang matututuhan ng mga pinahiran sa ilustrasyon tungkol sa mga dalaga? (Tingnan din ang larawan.)

8 Patunayan mong handa ka at alerto. Hindi sinasabi dito ni Jesus na magkakaroon ng dalawang klase ng pinahiran—isa na handang maghintay hanggang sa katapusan ng sistemang ito at isa na hindi. Sinasabi lang dito ni Jesus kung ano ang mangyayari sa mga pinahiran kung hindi sila handang magtiis at maging tapat hanggang wakas. Hindi nila tatanggapin ang gantimpala nila. (Juan 14:​3, 4) Napakaseryoso ng babalang iyan! Sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin, dapat nating pag-isipang mabuti ang aral sa ilustrasyon tungkol sa mga dalaga. Lahat tayo, dapat manatiling mapagbantay at handang magtiis hanggang wakas.​—Mat. 24:13.

9 Pagkatapos sabihin ni Jesus ang ilustrasyon tungkol sa mga dalaga para idiin na mahalagang maging handa at alerto, sinabi naman niya ang ilustrasyon tungkol sa mga talento. Idinidiin naman ng ilustrasyong ito na mahalagang maging masipag.

Napakahalagang seryosohin nating lahat ang babala sa ilustrasyon tungkol sa mga dalaga; maging handa tayo at alerto at magtiis hanggang wakas (Tingnan ang parapo 8-9)


ANG MGA TALENTO

10. Paano pinatunayan ng dalawang alipin na tapat sila? (Mateo 25:​19-23)

10 Sa ilustrasyon tungkol sa mga talento, sinabi ni Jesus na may dalawang alipin na naging tapat sa panginoon nila at may isa na hindi. (Mat. 25:​14-18) Pinatunayan ng dalawang alipin na tapat sila dahil nagsikap sila nang husto para palaguin ang perang ipinagkatiwala sa kanila. Bago umalis ang panginoon nila at maglakbay sa ibang bayan, pinagkatiwalaan niya sila ng mga talento—isang napakalaking halaga ng pera. Naging masipag ang dalawang tapat na alipin at ginamit sa tama ang pera. Ang resulta? Pagbalik ng panginoon nila, nadoble ang halaga ng perang ipinagkatiwala sa kanila. Pinuri niya sila, at ‘nakipagsaya sila sa panginoon nila.’ (Basahin ang Mateo 25:​19-23.) Kumusta naman ang ikatlong alipin? Ano ang ginawa niya sa perang ibinigay ng panginoon niya?

11. Ano ang nangyari sa “tamad” na alipin, at bakit?

11 Nakatanggap ang ikatlong alipin ng isang talento, pero “tamad” siya. Inaasahan ng panginoon na gagamitin niya ito sa tama. Pero ibinaon lang niya ito sa lupa. Pagbalik ng panginoon, walang nangyari sa isang talentong ibinigay sa kaniya. Masama ang ugali ng alipin. Imbes na humingi ng paumanhin sa panginoon, tinawag pa niya itong “mahigpit,” o mapaghanap. Kaya hindi ito natuwa sa kaniya. Binawi ng panginoon ang talento at pinalayas siya.​—Mat. 25:​24, 26-30.

12. Kanino tumutukoy ang dalawang tapat na alipin?

12 Tumutukoy sa tapat na mga pinahirang Kristiyano ang dalawang tapat na alipin. Inaanyayahan sila ng Panginoon, si Jesus, na ‘makipagsaya sa kaniya.’ Tatanggapin nila ang gantimpala nila sa langit, ang unang pagkabuhay-muli. (Mat. 25:​21, 23; Apoc. 20:5b) Babalang halimbawa naman para sa mga pinahiran ang tamad na alipin. Paano?

13-14. Anong aral ang matututuhan ng mga pinahiran sa ilustrasyon tungkol sa mga talento? (Tingnan din ang larawan.)

13 Patunayan mong masipag ka. Sa ilustrasyon tungkol sa mga talento, gaya rin ng ilustrasyon tungkol sa mga dalaga, hindi sinasabi ni Jesus na may mga pinahiran na magiging tamad. Sinasabi lang niya kung ano ang puwedeng mangyari kung hindi sila magiging masipag. Hindi nila ‘matitiyak na mananatili silang kasama sa mga tinawag at pinili,’ at hindi sila papayagang makapasok sa Kaharian sa langit.​—2 Ped. 1:10.

14 Malinaw sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga dalaga at mga talento na dapat na maging handa at alerto ang lahat ng pinahirang Kristiyano. Dapat din silang maging masipag. Pero may babala pang sinabi si Jesus para sa kanila. Tingnan natin iyan sa Mateo 24:​40, 41.

Gusto ni Jesus na patunayan ng mga pinahiran na masipag sila (Tingnan ang parapo 13-14) d


SINO ANG “ISASAMA”?

15-16. Paano ipinapakita ng Mateo 24:​40, 41 na kailangang maging mapagbantay ng mga pinahiran?

15 Bago sabihin ni Jesus ang tatlong ilustrasyon, inilarawan niya ang mangyayari sa huling paghatol sa mga pinahiran. Sinabi niya na may dalawang lalaki na nagtatrabaho sa bukid at may dalawang babae na naggigiling ng trigo. Kung titingnan, mukhang pareho naman ang ginagawa ng dalawang lalaki at pareho rin ang ginagawa ng dalawang babae. Pero sinabi ni Jesus na isasama ang isa sa mga lalaki at isa sa mga babae at maiiwan naman ang isang lalaki at isang babae. (Basahin ang Mateo 24:​40, 41.) Pagkatapos, sinabi niya sa mga tagasunod niya: “Kaya patuloy kayong magbantay, dahil hindi ninyo alam kung anong araw darating ang inyong Panginoon.” (Mat. 24:42) Halos ganiyan din ang sinabi ni Jesus pagkatapos niyang sabihin ang ilustrasyon tungkol sa mga dalaga. (Mat. 25:13) Lumilitaw na pareho ang gustong sabihin ni Jesus sa dalawang komentong iyon. Ang tapat na mga pinahiran lang ang “isasama” at tatanggapin ni Jesus sa Kaharian niya sa langit.​—Juan 14:3.

16 Patunayan mong mapagbantay ka. Kung hindi mananatiling mapagbantay ang isang pinahiran, hindi siya makakasama kapag tinipon ang “mga pinili.” (Mat. 24:31) Pero siyempre, dapat na patuloy na magbantay at manatiling tapat ang lahat ng lingkod ni Jehova, anuman ang pag-asa nila.

17. Bakit hindi tayo dapat mag-alala kung pumipili pa rin si Jehova ng magiging pinahiran sa panahon natin?

17 Kilala natin si Jehova, kaya nagtitiwala tayo sa mga ginagawa niya. Hindi tayo nag-aalala kung hanggang sa panahon natin, pumipili pa rin siya ng magiging pinahiran. c Tandaan ang ilustrasyon ni Jesus tungkol sa mga nagtrabaho sa ubasan noong mga ika-11 oras. (Mat. 20:​1-16) Pareho ang natanggap na suweldo ng mga nagtrabaho nang maaga at ng mga huling dumating. Kaya kahit sa panahon natin pinili ang isang pinahiran, tatanggap pa rin siya ng gantimpala sa langit kung mananatili siyang tapat.

MAKINIG SA MGA BABALA

18-19. Anong mga aral at babala ang natalakay natin?

18 Ano ang mga natutuhan natin? Para sa mga may pag-asang mabuhay nang walang hanggan sa lupa, itinuro ng ilustrasyon tungkol sa mga tupa at mga kambing na kailangan nilang manatiling tapat kay Jehova—ngayon at sa malaking kapighatian. Sa panahong iyon, ang mga tapat ay ituturing ni Jesus na karapat-dapat tumanggap ng “buhay na walang hanggan.”​—Mat. 25:46.

19 Tinalakay rin natin ang dalawang ilustrasyon na nagbigay ng babala sa mga pinahiran. Sa ilustrasyon ni Jesus tungkol sa matatalino at mga mangmang na dalaga, lima sa kanila ang napatunayang matalino kasi handa at alerto sila. Nakahanda silang maghintay kahit gaano pa katagal dumating ang lalaking ikakasal. Pero hindi iyon ginawa ng mga mangmang na dalaga. Kaya hindi sila pinapasok ng lalaking ikakasal sa bahay na pagdarausan ng handaan. Natutuhan natin diyan na kahit gaano pa katagal, dapat na handa nating hintayin si Jesus na wakasan ang sistemang ito. Sa ilustrasyon naman tungkol sa mga talento, tinalakay natin ang tungkol sa dalawang tapat at masipag na alipin. Nagtrabaho sila nang husto para sa panginoon nila kaya natuwa ito sa kanila. Pero hindi natuwa ang panginoon sa tamad na alipin. Ang aral? Dapat na maging masipag tayo sa paglilingkod kay Jehova hanggang wakas. Panghuli, tinalakay natin na dapat na maging mapagbantay ang mga pinahiran para ‘isama’ sila ni Jesus at makuha nila ang gantimpala nila sa langit. Sabik na silang dumating ang panahon na ‘titipunin na silang kasama ni Jesus’ sa langit. Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, sila ang mapapangasawa ng Kordero, si Jesus.​—2 Tes. 2:1; Apoc. 19:9.

20. Ano ang gantimpala ni Jehova para sa mga makikinig sa babala niya?

20 Malapit na ang araw ng paghatol, pero hindi tayo dapat matakot. Kung mananatili tayong tapat, bibigyan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa langit ng “lakas na higit sa karaniwan” para “makatayo [tayo] sa harap ng Anak ng tao.” (2 Cor. 4:7; Luc. 21:36) Sa langit man o dito sa lupa ang pag-asa natin, matutuwa sa atin ang Ama natin kung makikinig tayo sa mga babala sa mga ilustrasyon ni Jesus. At dahil sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova, mapapasulat ang mga pangalan natin sa aklat ng buhay.​—Dan. 12:1; Apoc. 3:5.

AWIT BLG. 26 Ito’y Ginawa Ninyo Para sa Akin

a Tingnan ang artikulong “Ang mga Hatol ni Jehova sa Hinaharap” sa Bantayan, isyu ng Mayo 2024.

b Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang artikulong “Patuloy Ka Bang Magbabantay?” sa Bantayan, isyu ng Marso 15, 2015.

d LARAWAN: Bina-Bible study ng isang pinahirang sister ang isang babaeng natagpuan niya sa ministeryo.