Ang Pakikipagbaka Ko Hanggang sa Wakas
Ang Pakikipagbaka Ko Hanggang sa Wakas
Nasumpungan ng angaw-angaw na mga tao ang kanilang mga sarili na kung minsan ay nakaharap sa mga problema, gaya ng talamak na mga suliranin sa kalusugan na walang pangako ng anumang madaling lunas, na nangangailangan ng tunay na pakikipagbaka hanggang sa wakas. Inaasahan kong ang aking karanasan ay magpapasigla sa mga may gayong problema na huwag silang mawalan ng pag-asa kundi patuloy na makipagbaka.—Inilahad ni Monika Siebert
AKO’Y pinalaki bilang isa sa mga Saksi ni Jehova sa hilagang Alemanya. Bukod pa sa bagay na ako’y pinalaki na walang ama—namatay siya nang ako’y musmos pa—ang aking pagkabata ay lubhang normal naman. Lumaki akong isang maligaya, masayahing bata na may mapulang buhok at maraming pekas. Dumating ang panahon at pinasok ko ang buong-panahong ministeryo bilang isang regular na mangangaral.
Isang araw ng Miyerkules sa buwan ng
Mayo, 16 na taon na ang nakalipas, si Walter, ang pitung-taong-gulang na anak ng isa sa mga Saksi, at ako ay naglalakad sa tabi ng Ilog Rhine, patungo sa isang maliit na nayon kung saan kami mangangaral, nang sawayin ako ng munting si Walter: “Monika, bakit ba lagi kang natatapilok? Mag-ingat ka, kung hindi’y baka ka matumba.” Natawa ako: “Huwag kang mag-alala, walang anuman ito.” Nguni’t may diperensiya, gaya nang natuklasan ko nang di malaunan.Pagkalipas ng mga ilang linggo nagkaroon ako ng suliranin sa aking paningin. Naging malabo ang lahat ng bagay at dumudoble ang aking nakikita. Subali’t kinalamay ko ang aking kalooban, na sinasabi: “Nasobrahan ko ang pagbabasa. Pagod lang ang aking mga mata. Marahil ay kailangan ko nang magsalamin.”
Kaya nagtungo ako sa isang optometrist at hiniling kong ako’y sukatan ng salamin. Nguni’t sa aking pagtataka, sabi niya: “Hindi, hindi makatutulong ang mga salamin. Ipadadala kita sa isang neurologo upang ikaw ay marikonosi.” Tila man din kakatwa ito gayumpaman ay ipinasiya kong gawin ang kaniyang iminungkahi. Gayunman, yamang kami ni Hannelore, ang partner ko, ay may mga bisitang dumadalaw sa amin nang panahong iyon, ipinagpaliban ko muna ito.
Dinapuan ng Isang Karamdaman
Mga ilang gabi ang lumipas, nang pauwi na kami ng bahay mula sa pagdalo sa isa sa aming mga pulong Kristiyano na kasama ng aming mga kaibigan, bigla na lamang sumakit ang ulo ko na para ba akong kinuryente. Para bang may bumabarena sa ulo ko. Halos hindi ko mabata ang mga pagyanig ng tumatakbong kotse. Pagdating na pagdating namin ng bahay, tumawag kami ng doktor at ako’y dinala sa ospital. Hindi ko malilimutan ang petsa: Hulyo 5, 1968.
Sa simula’y waring walang nakakaalam kung ano ang diperensiya. Subali’t sa paano man ang paggagamot ay mabisa sa pagpapahupa ng kirot. Malamang daw na ako’y may tumor sa utak. Upang makatiyak, kinakailangan ang mas masusing mga pagsubok, kaya ako ay inilipat sa University Clinic sa Bonn, kabisera ng Alemanya, sa Ilog Rhine.
Sa mahirap na sandaling ito ako’y lubhang napatibay ng naranasan kong pag-ibig ng isang pambuong-daigdig na kapatiran, isang kapatiran na doo’y nagkapribilehiyo akong maging isang bahagi. Dinalaw ako ng lokal na mga Saksi, na noon ko lamang nakilala, ang marami ay nagdala pa nga ng mga regalo. Walang karamdaman—gaano man ito kagrabe—ang maaaring mag-alis sa akin ng maibiging buklod na iyon!
Pagkaraan ng mga ilang araw ng kawalang-katiyakan, ibinalik ako sa lokal na klinika at sinabihan, nang malumanay, hinggil sa tunay na problema. Mayroon akong karamdaman na kailanma’y hindi ko pa narinig: multiple sclerosis. Sa simula ay hindi ko nasakyan ang buong implikasyon. Pagkatapos ay ang kasindak-sindak na katotohanan: Ito’y isang karamdaman na nakalulumpo na, sa ngayon, ay wala pa ring nasusumpungang lunas.
Panlulumo o Pagkilos—Alin?
Napag-alaman ko na ang multiple sclerosis ay isang karamdaman sa utak, sa gulugód at sa sistema nerbiyosa. Ang myelin,
o tulad-tabang sustansiya na nakapaligid sa mga nerbiyos, ay nasira, sa gayo’y hinaharangan ang paglakbay ng mga impulso ng nerbiyos mula sa utak tungo sa mga kalamnan na dapat pakilusin. Bahaging paralisis na may pagkawala ng pandamdam sa mga paa ang resulta. Isa itong karamdaman na napakahirap pakitunguhan, inaapektuhan ang bawa’t biktima sa iba’t ibang paraan. Lubha itong hindi maintindihan, kadalasa’y inililigaw ang pasyente na mag-isip na siya’y magaling na, upang sumumpong lamang na muli sa isang di-inaasahang sandali. Ang di-katiyakang ito ang siyang pumipinsala sa iyong mga damdamin.Mangyari pa ako ay nanlumo. Ang mga plano ko sa hinaharap ay nalambungan na ngayon ng di-katiyakan. Nangailangan ng panahon upang makibagay. Nguni’t disidido ako na hindi magkakaroon ng pagkahabag-sa-sarili, ni hahayaan ko man ang iba na mahabag sa akin. Maaari kong piliin ang basta tanggapin na lamang ang nakalulumpong mga epekto ng aking sakit o makipagbaka. Pinili ko ang makipagbaka.
Napakarami kong bagay na dapat ipagpasalamat. Buháy ako. Aktibo ang aking isipan. At nagagamit ko pa ang aking mga kamay. Bakit hindi gamitin ang mga ito sa pagsulat, na sinasabi sa mga tao ang tungkol sa kahanga-hangang pag-asa ng Kaharian ng Diyos? Ako’y pinahintulutang magpatuloy sa buong-panahong ministeryo, bagaman ang aking mga paraan sa pagsasagawa nito ay lubhang kakaiba na ngayon. Gayunman, nagbigay ito sa akin ng pag-asa, isang dahilan upang patuloy na makipagbaka.
Gayon ang turo sa akin ni Inay—magpatuloy. Naging isa siya sa mga Saksi ni Jehova nang ako’y musmos pa, kaya mula sa pagkabata ako’y masikap na sinanay niya sa mga daan ni Jehova. Nang ako’y pitong taon na, regular na akong sumasama sa kaniya sa gawaing pangangaral sa bahay-bahay. Mabuting pagsasanay ito at nagdulot ito sa akin ng tunay na kagalakan. Ang kaniyang kapuri-puring sigasig sa mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos ay lumikha sa akin, kahit na sa maagang gulang na iyon, ng pagnanasang paglingkuran si Jehova nang aking buong lakas. Sa gulang na 18, pagkatapos kong mag-aral at matuto ng isang trabaho, pinasok ko ang gawain ng buong-panahong pagmiministro.
Kung naiwala ko ang kahanga-hangang pribilehiyong ito ng paglilingkuran nang ako’y magkasakit, malamang na aakalain kong patung-patong na ang aking problema at tuloy ay mawalan na ng pag-asa. Bagaman ang aking lakas ay patuloy na humihina, gayunman ay maaari ko pa ring gamitin ang taglay kong lakas sa pagsamba kay Jehova, sa gayo’y pinaglilingkuran siya ng aking buong lakas. Ang kaisipang ito ay totoong nakakaaliw.
Ang aking mga pagsulat ay nagbunga. Halimbawa, nariyan ang 16-anyos na si Claudia na, dahilan sa pagsalansang ng mga magulang, ay hindi makapag-aral ng Bibliya sa tahanan. Kaya’t nag-aral kami sa pamamagitan ng sulat. Sumulong siya nang mainam, naging isa sa mga Saksi ni Jehova at ngayon ay naglilingkod din nang buong-panahon sa ministeryo.
Samantala, ginagawa ng mga doktor ang pinakamabuti nilang magagawa upang tulungan ako. Mga paligo, masahe, iba’t ibang uri ng paggagamot, maging ang mga paggamot sa pamamagitan ng koryente ay sinubok. Subali’t wala ring nagdulot ng tunay na pagsulong.
Bagong Paggamot—Mga Pananakot
Ang mga doktor ay diterminadong pabagalin ang nakapagpapahinang mga epekto ng aking karamdaman. Isang araw, nagtipun-tipon ang ilang mga doktor sa aking kama, sabi ng punong manggagamot: “Napagpasiyahan naming bigyan ka ng maramihang pagsasalin ng dugo. Marami ang natulungan sa ganitong paraan.”
Hindi ko inaasahan ang mungkahing ito anupa’t ang nasabi ko lamang ay “HINDI!” Saka ko ipinaliwanag ang aking relihiyosong mga dahilan sa pagtanggi. (Gawa 15:28, 29) Tinanggap ng punong manggagamot ang aking pasiya, subali’t hindi ito tinanggap ng katulong na medical director. Hindi kukulangin sa dalawang beses sa isang araw ay sinisikap niyang magbago ako ng pasiya, ikinakatuwiran na ang pagtanggi ko ay maaaring mangahulugan ng aking maikling buhay. Subali’t hindi na magbabago ang pasiya ko.
Isa sa mga narses ay napilitang gumamit ng mas tusong paraan. Ako’y nasa isahang silid, subali’t ang aking kama ay itinulak sa may bintana upang malagyan pa ng isang pasyente. Ang silid ko raw ang may tanging labasan o outlet ng oksiheno. (Nang dakong huli ay nalaman kong hindi pala ito totoo.) Ang mamamatay na mga pasyente ay inilalagay sa silid at binibigyan ng oksiheno habang sapilitan kong namamasdan ang kanilang paghihingalo! Nang ang dalawa sa kanila ay mamatay, maliwanag na ipinakikita ng nars kung ano ang maaaring mangyari sa akin kung patuloy kong tatanggihan ang kanilang paraan ng paggamot. Nagpatuloy ito ng mga ilang araw hanggang sa isang mabait na babae na nagtatrabaho sa ospital ang namagitan.
Nang panahong iyon isang nakatatandang doktor ang palihim na nag-abot sa akin ng isang medikal na babasahin at isang aklat na naglalaman ng mga artikulo hinggil sa paggamot sa pamamagitan ng pagsasalin ng dugo na masigasig na inirerekomenda ng mga doktor. Subali’t hindi ito inilalarawan ng mga artikulo bilang isang lunas; ipinaliwanag nito na ito ay sa layunin lamang ng pagsasaliksik. Ang pagkaalam ko nito ay lalo lamang nagpatatag sa aking paninindigan.
Sa wakas, ang bagay na ito ay kinalimutan na, at di kaginsa-ginsa ay ako ang naging paksa ng usapan. Kumalat ang balita sa mga pasilyo tungkol sa “malakas na pananampalataya ng batang iyon na nasa silid 327.” Gayon na lamang ang pasasalamat ko na ang panalangin at pag-aaral sa Bibliya ay nagpangyari sa akin na magkaroon ng napakatibay na kaugnayan kay Jehova anupa’t naipakita ko ang aking pag-ibig sa kaniya hindi lamang “sa salita” sa pamamagitan ng aking mga liham kundi rin naman “sa gawa.”—1 Juan 3:18.
Diterminadong Muling Lumakad
Sinikap kong tumayo—paulit-ulit—nguni’t bumabagsak akong paulit-ulit. Sa bahay ako ay gumagapang sa aking mga kamay at tuhod, at, mangyari pa, sinisikap kong lumakad, nguni’t lagi nang bigo. Pagkatapos isang araw talagang ako’y nakatayo! Halos hindi ko mahintay ang susunod na pagdalaw ng aking doktor. Nang dumating siya ay dahan-dahan akong bumangon sa kama, tumayo sa aking mga paa—at agad akong bumagsak sa sahig.
Malakas ang aking pagnanais na makatayo, subali’t mas malakas ang aking karamdaman. May kabuluhan pa kaya ang patuloy na makipagbaka?Pumasok ako sa isa pang klinika na kung saan ang pag-eehersisyo ang idiniriin. Malakas pa ang aking mga bisig o braso, kaya ako ay sinanay na itukod ko ang aking sarili sa dingding at saka ko hihilahin ang aking sarili patayo. Nang malaunan ako ay tinuruang lumakad sa kahabaan ng mga crossbar, na inaalalayan ng aking mga bisig. Para bang napakadali, nguni’t sa simula ay dalawa o tatlong hakbang lamang ang aking nagagawa, pagkatapos ay apat, lima, dahan-dahan.
Punung-puno ako ng pag-asa, bagaman sinabi ng aking mga doktor na kahit na ako’y natututong lumakad na muli, kakailanganin ko ang silyang may gulong. Sa aking katuwaan, nagkamali sila. Nilisan ko ang klinik noong Hunyo 1970 at mula noon ay hindi ako gumamit ng silyang may gulong! Yamang ang bawa’t kaso ay naiiba, hindi lahat ay kasimpalad ko.
Kumusta Naman ang Tungkol sa Hinaharap?
Labimpitung taon na ang nakalipas simula ng unang mga pagkatapilok na iyon sa tabi ng Rhine. Ngayon, sa 1985, naglalakad pa rin ako nang walang saklay. At bagaman sinasabi ng aking mga kaibigan na napanatili ko ang aking kasiglahan at na ako’y masayahin pa rin gaya ng dati, bahagi ito ng aking pagsisikap na alisin ang awa. Batid ng aking matalik na mga kaibigan na ako’y malimit ding lumuluha. Ang aking karamdaman ay wala pa ring lunas at maaaring manatiling gayon hanggang sa gawing bago ang lahat ng bagay sa bagong sistema ng mga bagay ng Diyos.
Nguni’t hindi lahat ay pawang kalungkutan. May mga kabiguan, totoo, nguni’t ang mga ito ay nadadaig ng maraming maligayang mga karanasan. Nakilala ko ang maraming tapat at maibiging mga kapatid na ang pagpapatibay-loob ay labis kong pinahahalagahan. Natutuhan kong pangalagaan ang aking lakas, binabago ang aking paraan ng pamumuhay upang umangkop sa bagong kalagayan. Natutuhan kong maging matiisin at magalak sa pinakamaliit na palatandaan ng pagsulong. Ang aking personal na kaugnayan kay Jehova ay napatibay sa pagkakita ko kung gaano kawalang-kaya ang tao sa kaniyang pakikipagbaka laban sa sakit. Tanging si Jehova lamang ang makapagdadala ng ganap na kagalingan. Ipinangako niyang gagawin ang gayon.—Tingnan ang Isaias 33:24; Apocalipsis 21:4.
Patuloy akong pinalalakas ng buong-panahong ministeryo, gaya rin ng mga salita ng Isaias 41:10, 13: “‘Huwag kang matakot, sapagka’t ako’y sumasaiyo. Huwag kang manlupaypay, sapagka’t ako’y iyong Diyos. Aking palalakasin ka. Akin ngang tutulungan ka. Akin ngang aalalayan ka ng aking kanang kamay ng katuwiran.’ Sapagka’t ako, si Jehovang iyong Diyos, ay hahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’”
Ang bawa’t Kristiyano ay dapat na “makipagbaka ng mabuting pakikipagbaka ng pananampalataya,” ayon sa kani-kaniyang kalagayan sa buhay. (1 Timoteo 6:12) Subali’t ang pakikipagbaka ay iisa. At isang araw ang ating pakikipagbaka ay ipaglalaban hanggang sa wakas! Madalas kong isipin kung ano ang personal na magiging kahulugan niyaon sa akin kapag binabasa ko ang pangako ng Diyos sa Isaias 35:5, 6: “Kung Magkagayo’y madidilat ang mga mata ng bulag, at ang mga pakinig ng bingi ay mabubuksan. Kung magkagayo’y lulukso ang pilay na parang usa, at ang dila ng pipi ay aawit sa kagalakan.”—The New English Bible; amin ang italiko.
Tiyak ito. Kung ako’y pagpalain ni Jehova ng buhay na walang hanggan sa kaniyang bagong sistema ng katuwiran, kakailanganin ang isang malakas lumuksong usa upang daigin ako!
[Blurb sa pahina 19]
“Maaari kong piliin ang basta tanggapin na lamang ang nakalulumpong mga epekto ng aking sakit o makipagbaka. Pinili ko ang makipagbaka”
[Blurb sa pahina 20]
“Batid ng aking matalik na mga kaibigan na ako’y malimit ding lumuluha”
[Blurb sa pahina 21]
‘Ang aking personal na kaugnayan kay Jehova at napatibay sa pagkakita ko kung gaano kawalang-kaya ang tao sa kaniyang pakikipagbaka laban sa sakit. Tanging si Jehova lamang ang makapagdadala ng ganap na kagalingan’