Ang Palarong Olympic—Talaga Bang “Para sa Kaluwalhatian ng Palakasan”?
Ang Palarong Olympic—Talaga Bang “Para sa Kaluwalhatian ng Palakasan”?
ISANG relihiyosong kapistahan na ginanap sa Olympia, timugang Gresya, mahigit na 2,760 taon nang nakalipas ang sinundan ng mga pangyayari sa Los Angeles, California, na malamang ay bumihag ng inyong interes. Ang kapistahan ay sa karangalan ng diyos na si Zeus, na ipinalalagay na nagpupuno sa Bundok Olympus. Dito nagsimula ang Palarong Olympic, unang pinagdiwang noong 776 B.C.E. Ipinadala ng iba’t ibang lunsod-estado ng sinaunang Gresya ang kanilang pinakamagaling na mga manlalaro upang makipagpaligsahan doon tuwing ikaapat na taon.
Ang tradisyon ay nagpatuloy hanggang 393 C.E., nang ang sinaunang palaro ay ginanap sa huling pagkakataon. Ipinagbawal ito ng sumunod na taon ng “Kristiyanong” Emperador Theodosius na nagbawal sa lahat ng paganong (di-Kristiyanong) mga kaugalian sa Imperyong Romano. Kaya’t ano’t umiiral ito sa ngayon?
Noong dakong huli ng ika-19 na siglo, si Pierre de Coubertin, isang nakababatang edukador na Pranses, ay lubhang nahikayat sa paggamit ng palakasan sa mga paaralang bayan ng mga Ingles. Kumbinsido siya na ang isang timbang na edukasyon ay dapat na maglakip ng palakasan. Nang malaunan, gaya ng pagkakasulat ng isang manunulat ng talambuhay, “lubha siyang nabighani sa [pagpapanauli] ng Palarong Olympic.” Matagumpay na nagkampaniya si Coubertin, at noong 1896 ang Palarong Olympic ay pinanumbalik, nang wasto sa Atenas, Gresya.
Kabilang sa ibang mga bagay, inaakala ni Coubertin na ang Palaro, na ginaganap tuwing ikaapat na taon, ay magsisilbi upang itaguyod ang pandaigdig na kapayapaan. Diyan siya nagkamali. Sapol noong 1896 makalawa itong nahinto dahilan
sa dalawang digmaang pandaigdig at madalas ligaligin ng pulitika. Noong 1974 si Lord Killanin, noo’y presidente ng International Olympic Committee, ay napilitang magsabi: “Nananawagan ako sa bawa’t manlalarong lalaki at babae na huwag magtungo sa Palarong Olympic kung nais nilang gamitin ang palakasan para sa pulitikal na mga layunin.”Noong 1976 at 1980 ang kaniyang payo ay nagkaroon ng kabaligtarang epekto. Sadyang binoykuteo ng maraming mga bansa ang Palaro upang itampok ang kanilang pulitikal na mga hinanakit. Saka sa pagtatapos ng Palarong Olympic sa Moscow noong 1980, si Lord Killanin ay muling nanawagan: “Nagsusumamo ako sa mga manlalaro ng daigdig na magkaisa sa kapayapaan bago dumating ang isang maapoy na pagkalipol . . . Ang Palarong Olympic ay hindi dapat gamitin sa pulitikal na mga layunin.” Ang bagay mismo na ang mga pagsamong ito ay kinakailangan ay nagpapahiwatig sa panganib na kinakatawan ng pulitika sa mga mithiin ng Olympic. Ang hindi paglahok ng maraming bansang komunista sa Palarong Olympic sa Los Angeles ay nagpapatotoo pa sa bagay na ito.
“Para sa Kaluwalhatian ng Palakasan”?
Ang sinaunang Palarong Olympic ba ay talagang nasasalig sa kagalingan sa paglalaro at walang dayang paglalaro? Sa kaniyang panunuri sa aklat na The Olympic Games: The First Thousand Years, ang Britanong manunulat-iskolar na si Enoch Powell ay nagkomento: “Ang mga ito ay totoong hindi maginoo. Hindi mahalaga ang laro: ang mahalaga ay ang tagumpay. Walang mga ‘runner-up;’ nguni’t ang isang tagumpay, kahit na ito ay natamo sa maruming laro o paul . . . ay isang tagumpay sa kasing-husay ng iba. Ito’y mapanganib at brutal.” Sa katunayan, sabi ng aklat: “Ang mga kalahok ay nanalangin ‘alin sa korona [ng tagumpay] o sa kamatayan.’ ”
Tila man din ang makabagong Olympic ay may mas dalisay na pangganyak. Gaya ng binabanggit ng Kredo ng Olympic: “Ang pinakamahalagang bagay sa Palarong Olympic ay hindi upang magwagi kundi upang makibahagi, kung papaanong ang pinakamahalagang bagay sa buhay ay hindi ang tagumpay kundi ang pakikipagpunyagi. Ang mahalagang bagay ay hindi ang pagkapanagumpay kundi ang mahusay na pakipaglaban.” Inuulit ng isang manlalaro ang Panunumpa ng Olympic, sa pangalan ng lahat ng naroroon sa pagbubukas ng Palaro. Ito’y binalangkas ni Coubertin na nagsasabi: “Sa pangalan ng lahat na kalahok ay nangangako ako na kami’y makikibahagi sa mga Palarong Olympic, igagalang at susundin ang mga tuntunin nito, sa tunay na diwa ng pagkaisport, para sa kaluwalhatian ng palakasan at sa karangalan ng aming mga koponan.”
Totoong napakadakilang pakinggan ang lahat ng ito, nguni’t may himig ito ng kakaibang panahon. Ano ba ang katunayan sa ngayon? Talaga bang nababanaag ang mga mithiing ito sa Los Angeles, California, kung saan libu-libong mga manlalaro ay magpapaligsahan sa ilang daang mga medalyang ginto? Sila ba’y nakikipagpaligsahan ayon sa orihinal na mga mithiin ni Coubertin? Ano ba ang tunay na gumaganyak na puwersa sa likuran ng Palarong Olympic? Ito ba’y ang kagalingan sa paglalaro at walang dayang paglalaro? Ang Palaro ba ay nagtataguyod ng internasyonal na kapayapaan at pakikipagkaibigan sa mahalagang paraan? O ito ba’y isa lamang sabungan kung saan ang pulitikal na mga labanan ay ipinaglalaban?
[Larawan sa pahina 5]
Ang sinaunang Palarong Olympic ay “totoong hindi isport . . . Ito’y mapanganib at brutal”