Ang mga Mithiin ng Olympic ay Nanganganib
Ang mga Mithiin ng Olympic ay Nanganganib
ISA sa mga tuntunin ng Palarong Olympic ay na tanging mga amatyur na atleta o manlalaro lamang ang pahihintulutang lumahok. Hanggang nitong kamakailan, ang sinumang manlalaro na tumanggap ng pinansyal na pakinabang na mahigit na $50 (U.S.) mula sa kaniyang atletikong kakayahan ay inaalisan ng karapatang lumahok.
Kung ang tuntuning iyan ay ikakapit sa kasalukuyang mga manlalaro, kakailanganing kanselahin ang Palaro! Ang lipas na sa panahong katuturang iyon ng isang amatyur ay isang alaala ng mga panahon nang ang atletiks ay libangan ng mga mayaman.
Sinisipi ng isang report kamakailan ang nagwagi ng medalyang-ginto sa Winter Olympics na si Phil Mahre na nagsasabing ang pagkaamatyur “ay hindi umiiral sa matataas na antas ng palakasan.” Gaya ng pinagtatalunan ng maraming manlalaro, sino sa ngayon ang maaaring gumugol ng kaniyang panahon upang makamit ang mga pamantayang Olympic nang walang anumang uri ng pinansyal na panustos? Kaya ang mga kabayaran ay ibinibigay sa mga manlalarong “amatyur” sa pamamagitan ng masalimuot na mga alulod upang maiwasan ang ipinalalagay na bahid ng propesyonalismo.
Kagalingan sa Paglalaro o Nasyonalismo?
Isa pang mithiin ng Olympic ay na manaig ang kagalingan sa paglalaro sa nasyonalismo. Ang Palaro ay ipinalalagay na kumakatawan sa mga indibiduwal na magpapaligsahan sa isa’t-isa, hindi ng mga bansa. Kaya ang Komite ng Olympic ay hindi nagpapaskil ng “liga” ng anumang bansa. Gayunman, pinupunan ito ng pahayagan at ng telebisyon sa paglalathala ng kanilang sariling liga ng mga medalya ng mga bansa. Bunga nito, ang Palaro ay nagkaroon ng himig ng pulitika. Ginawa ito ng pahayagan na labanán sa pagitan ng tinatawag na kapitalista at komunistang mga bansa. Sinabi ng dating manlalaro sa Olympic na si Harold Connolly na para sa iba ang Palaro ay naging isang “ideolohikal na labanan ng palakasan.”
Binabanggit ng manunulat na si James Michener, sa kaniyang aklat na Sports in America, ang tungkol sa “mga pagsisikap sa buong Estados Unidos na pagkaisahin ang palakasan at nasyonalismo. Itinataboy ng ating mga lider sa pulitika ang palakasan sa pagsasagawa ng tatlong hindi wastong tungkulin . . . 1) Ang palakasan ay hinihiling na magsilbing isang propaganda bilang pagsuporta sa espisipikong pulitikal na mga partido. 2) Ito ay ginagamit upang itaguyod ang mga tunguhing militar. 3) Ang mga ito ay inaabuso upang lumikha ng isang malabo, mababaw na patriotismo.” Sabi niya, “Nagsisimula na akong makadama ng pagkaasiwa kapag nakikita kong ang palakasan ay hinihiling na magsilbing pinakakatulong ng pulitika, militarismo at maningning na patriotismo.”
Napansin ba ni Michener ang hilig na ito sa Olympics? “Noong 1936 Olympics, si Adolf Hitler ang unang nagsamantala sa
palakasan bilang isang bisig o lakas ng nasyonalismo,” sulat niya. Sinipi rin niya ang iba pang mga halimbawa mula sa Palaro noong 1968 at 1972, na ang sabi pa, “Ang mahinahong mga kritiko ay nagsimulang magbabala na kung ang di-mapigil na nasyonalismong ito ay magpapatuloy, ang Olympics ay kinakailangang ihinto.”Ang nasyonalismo at patriotismo ba sa Olympics ay isa lamang bagay na pinag-aalab ng media? O ang mga kalahok kaya ay aktuwal na nabibighani rito? Mailalarawan ito ng pangyayari kamakailan noong Winter Olympic Games sa Sarajevo, Yugoslavia. Ang mga ice skaters na Amerikanong sina Charles (Peter) at Maureen (Kitty) Carruthers (magkapatid) ay nagwagi ng medalyang pilak. Ano ang kanilang reaksiyon? Ang The New York Times ay nag-ulat: “Nang tumataas ang banderang Amerikano,” sabi ni Peter, “isa itong sandali na hinding-hindi ko malilimutan.” “Basta nakita kong tumataas ang bandera,” sabi ni Kitty, “at napakaganda nitong masdan.”
Nang si Scott Hamilton ng Estados Unidos ay magwagi ng isang medalyang ginto sa Sarajevo Winter Olympics, “sinundan niya ang kaniyang pagtatanghal sa pagkuha ng isang banderang Amerikano mula sa isang manunood na nasa harapang hanay at iwinagayway ito habang siya’y nag-iskeyt bilang pagtatagumpay sa rink.” (The New York Times, Pebrero 17, 1984) Oo, kadalasang ginagawa kapuwa ng mga manlalaro at mga manunood ng Olympics tungo sa isang pagtatanghal ng nasyonalismo, na ginagamit ang mga watawat o bandera bilang nangingibabaw na simbolo.
Nguni’t gaya ng pagkakasabi ng manunulat tungkol sa isport na si George Vecsey: “Dati, ang Olympics ay ipinalalagay na malaya sa nasyonalismo, ipinalalagay na isang pagkakataon para subukin ng mga indibiduwal ang kanilang mga kakayahan laban sa pinakamagagaling na mga manlalaro sa daigdig.” Nagbago na ang lahat na iyan. “Ang ekstrang pang-akit sa Palarong Olympic ay ang nasyonalismo,” susog niya.
Mangyari pa, hindi lahat ng mga manlalaro ay apektadong labis-labis ng patriotismo. Si Phil Mahre, ang nagwagi ng medalyang ginto sa U.S. slalom, ay iniulat na nagsabi na hindi siya nag-ski para sa kaniyang pamilya o sa kaniyang bayan, “kundi para sa aking sarili.” Sabi pa niya, “Kailan man ay hindi ako sumali sa palakasan upang magwagi ng isang bagay. Narito ako upang makilahok. Narito ako upang ipakita ang aking mga kakayahan. Narito ako sa palakasan sapagka’t naiibigan ko ito.”
Gayunman, ang panggigipit na manalo
sa anumang halaga ay umabot na ngayon sa gayong antas anupa’t isa pang mapaminsalang impluwensiya ang nakapasok sa Olympics—ang droga!Kaluwalhatiang Olympic sa Pamamagitan ng mga Droga?
Ang pamantayang manalo-sa-anumang-halaga ay nagdala ngayon ng nakapipinsalang mga droga sa Olympics. Malaon nang nalalaman na ang mga manlalaro sa maraming palakasan ay gumagamit ng mga droga na nagpapalaki ng masel o kalamnan na gaya ng mga anabolic steroid, ng testosterone at iba pang mga sustansiya upang paghusayin ang kanilang kakayahan. Gayunman, ang iskandalong nagbunyag tungkol dito ay nangyari noong Agosto 1983, sa Palarong Pan American, nang ang 13 mga manlalaro mula sa Estados Unidos ay kusang umurong sa paglahok sa nasabing kompetisyon. Ano ang nagpangyari ng kanilang pag-urong? Ang biglang pagpapawalang-karapatan sa 11 iba pang mga manlalaro dahilan sa paggamit ng ipinagbabawal na droga. Inilarawan ng kabalitaan ng The New York Times ang mga pagpapawalang-karapatang ito bilang “ang pinakamalawak sa kanilang uri sa kasaysayan ng internasyonal na palakasan.”
Kinabukasan ay ipinag-utos ng U.S. Olympic Committee, na siyang may pananagutan sa mga manlalarong Amerikano na lalahok sa Palarong Olympic ng 1984, na bigyan ng pasumalang pagsubok ang mga manlalaro na kuwalipikadong kumatawan sa Estados Unidos. Ang sinumang masumpungang gumamit ng ipinagbabawal na droga ay hindi isasali sa Los Angeles Olympics.
Dahilan sa paglaganap ng mga droga sa palakasan, isang sentro sa Olympic para sa pagsusuri-ng-droga, na nagkakahalaga ng $1,500,000 (U.S.), ay itinayo sa kampus ng University of California, Los Angeles. Ang mga pagsubok ay isinasagawa upang
matiyak na walang manlalaro sa Olympic ang may artipisyal na kahigitan dahilan sa anumang ipinagbabawal na droga.Ang Olympics—“Ang Pinakadakilang Puwersang Panlipunan sa Daigdig”?
Noong 1964 si Avery Brundage, noo’y presidente ng International Olympic Committee, ay nagsabi: “Marahil ang Kilusang Olympic sa ngayon ang pinakadakilang puwersang panlipnan sa daigdig.” Iyan ay isang di-tiyak na opinyon noon, at maging sa ngayon. Gaya ng pagkakasabi ng beteranong manunulat tungkol sa isport na si Leonard Koppett sa kaniyang aklat na Sports Illusion, Sports Reality: “Ipinababanaag ng palakasan ang mga kalagayang panlipunan; hindi ito ang sanhi. . . . Susog pa, taglay ng palakasan ang anyo nila sapagka’t ito’y hinubog ng lipunan na pinagmulan nito. . . . Kailanman’t nagbabago ang lipunan, nagbabago ang palakasan . . . hindi sinisimulan ng palakasan ang pagbabago.”
Gaya ng anupamang bagay sa ating modernong daigdig, ang Palarong Olympic ay dumaranas ng mga panggigipit ng ika-20 siglong mga pagsulong—ito man ay sa larangan ng malalaking negosyo, paligsahan, karahasan o ang paggamit ng droga. Bunga nito, maraming taong nauugnay sa palakasan ang nagtatanong ng nakagagambalang mga tanong tungkol sa kinabukasan ng kilusang Olympic. Mapanatili kaya ang orihinal na mga mithiing Olympic ni Coubertin? Talaga nga kayang manatiling amatyur sa tunay na diwa ng salita ang Olympics? Wakasan kaya ng panggigipit ng malalaking negosyo sa napakaraming mga manlalaro ang panahon ng “kunwa’y amatyur”? Masawata kaya ang tumitinding daluyong ng pulitika at nasyonalismo? Sirain kaya ng pilosopyang manalo-sa-anumang-halaga ang walang dayang laro at pagka-isport? Makamit pa kaya ang sawikain ng Olympic na Citius, Altius, Fortius (Mas Mabilis, Mas Mataas, Mas Malakas) sa pamamagitan ng ganap na lakas at kakayahan—o sa pamamagitan ng mga droga? Dapat itong sagutin sa atin ng susunod na mga taon.
May iba pang mga katanungan para sa mga Kristiyano: Kasangkot ba ang relihiyosong sentimiento sa Olympics? May pagkakasalungatan kaya ito sa mga simulaing Kristiyano? Paano dapat malasin ng mga Kristiyano ang pakikibahagi sa palakasan? Ang palakasan ba ang dapat na
maging pangunahing interes sa buhay ng isa? Inaanyayahan namin kayo na subaybayan ang pagtalakay sa pangwakas na artikulo sa seryeng ito.[Kahon sa pahina 10]
“Lahat ng Kumikinang ay Hindi Ginto”
“Ang mga manlalarong Olympic ay maaaring magsikap sa loob ng maraming taon upang magwagi ng pinakahahangad na mga gantimpala, nguni’t ang halaga ng mga medalyang ginto, pilak at tanso na sa wakas ay isinasabit sa kanilang mga leeg ay higit na makasagisag kaysa totoo,” banggit ng The New York Times ng Pebrero 17, 1984. Kabaligtaran ng popular na paniniwala, ang medalyang ginto ay hindi solidong ginto. Ang bagay na ito ay malungkot na natuklasan ni Charlie Jewtraw, ang kauna-unahang nagwagi ng medalyang ginto sa unang Winter Olympics sa Chamonix, Pransiya, noong 1924. Siya na lamang ang natitirang nagwagi ng medalyang ginto noon sa Chamonix at sabi niya kamakailan: “Totoong nabahala ako nang matuklasan ko na ang medalya ay hindi talagang solidong ginto. Hindi na bale ang halaga. Ang prinsipyo ang ikinababahala ko.”
Ang mga medalyong “ginto” na ipinagkaloob sa Winter Olympics noong nakaraang taon sa Sarajevo ay sa katunayan 4.3 onsang pilak na binalutan ng 0.21 onsang tunay na ginto. Ang halaga? Mga $120 (U.S.) ang bawa’t isa. Sa tunay na ginto ang medalya ay maaaring magkahalaga nang mahigit sa sampung ulit.
[Larawan sa pahina 8, 9]
Daigin kaya ng malalaking negosyo, droga, nasyonalismo at karahasan ang mga mithiin ng Olympic?