Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Agunyas Para sa Olympics?

Isang Agunyas Para sa Olympics?

Isang Agunyas Para sa Olympics?

Mayo 8, 1984:

“Ang Pambansang Komite sa Olympic ng U.S.S.R. ay napilitang ipahayag na imposibleng lumahok ang mga manlalarong Sobyet sa Palaro ng XXIII Olympiad sa Los Angeles.”

GAYON bumagsak ang bomba sa daigdig sa palakasang Olympic. Iniurong ng mga Sobyet ang kanilang paglahok sa Palarong Olympic sa Los Angeles. Pagkalipas ng mga ilang araw tinularan ng iba pang mga bansang Komunista ang kanilang halimbawa.

Ano ang nag-udyok sa biglang pag-urong ng U.S.S.R. na lumahok sa Palarong Olympic? Ayon sa opisyal na pahayag ng Rusya na inilabas ng tagapagbalitang Sobyet na Tass, ang pangunahing motibo ay SEGURIDAD. Sabi nila, “Mga demonstrasyong pulitikal na laban sa U.S.S.R. ang inihahanda, tunay na mga pagbabanta ay ginawa laban sa Pambansang Komite sa Olympic ng U.S.S.R., sa mga manlalaro at mga opisyal na Sobyet.” Sabi pa nila na ang saloobin ng mga autoridad ng E.U. ay isang “labis na paghamak sa mga mithiin at mga tradisyon ng kilusang Olympic.”

Nguni’t seguridad nga ba ang tanging motibo sa likuran ng iginawi ng Ruso? Sa kasalimuotan ng maligoy na internasyonal na pulitika, maaari kayang may ibang mga motibo? Sinusuri ang pagkilos na ito sa pandaigdig na larong “chess” ng mga superpower, binanggit ng pahayagang Kanluranin ang iba pang posibleng sanhi sa hindi paglahok ng Sobyet. Ito ay maaaring sumahin sa isang salita​—PULITIKA.

Ang Britanong lingguhang babasahing The Economist ay nagsabi: “Simula nang hindi lumahok ang mga Amerikano sa Moscow Olympic noong 1980, ang ganting-pinsala ng Sobyet ay isang posibilidad.” Kaya inaakala ng maraming tagamasid na ang iginawi ng Ruso ay isa lamang ganting-pinsala subali’t may karagdagang mga bahagi. Ang 1984 ay taon ng eleksiyon ng presidente sa Estados Unidos. Kaya ganito ang sabi ng U.S.News & World Report: “Minsan pa isang pagód na daigdig ay balisang nanood samantalang ang Palarong Olympic . . . ay ginawang bihag na panagot sa malalakas na pulitika. . . . ang tunay na puwersa sa likuran ng boykuteo ay pulitikal.” Saka isinusog nito, “Ang pangunahing target sa hindi paglahok ay si Ronald Reagan.” Sabi ng Newsweek na ang bomba ng Moscow “ay isa ring malupit na palatandaan ng tumitinding pagkakasalungatan ng Kremlin kay Ronald Reagan.” Ipinalagay naman ng isang manunulat sa New York Times na “ang pasiya ng Kremlin ay di-maihihiwalay sa matinding pagkakapootan sa mga kaugnayang Sobyet-Amerikano nitong nakalipas na mga taon.”

Ito na ang ikalimang sunud-sunod na pagkakataon na ang Palarong Olympic ay naging isang biktima, sa paano man, ng pulitika. Mula noong 1968 ang Palarong Olympic ay nabahiran ng pulitikal na mga himig. Ang mga ito ay ginamit na higit at higit bilang isang paraan upang ipahayag ang pulitikal na protesta at hinanakit. Ginawa ng mga terorista ang dako ng Olympic na maging isang tanawin ng kanilang pagbububo ng dugo. Naipakita na ngayon ng dalawang superpower kung papaanong ang Palarong Olympic ay maaaring kasangkapanin sa kanilang labanan sa pangingibabaw. At ang makatuwirang tanong ay, Anong epekto mayroon ang lahat ng ito sa kinabukasan ng Palaro?

Matagalang mga Epekto

Maligtasan kaya ng Palarong Olympic ang karagdagang yuping ito sa kanilang larawan? Optimistiko pa rin ang ibang mga opisyal. Si William Simon, pangulo ng Komite sa Olympic ng Estados Unidos, ay iniulat na nagsasabing, “Malakas ang kilusang Olympic. Taglay ang lahat ng mga kasiraan nito, isa pa rin itong positibong puwersa para sa kapayapaan.” Ang iba, gayunman, ay mayroong mas malungkot na palagay. Sabi ni Alberto Salazar, mayhawak ng world marathon record, “Nalulungkot ako na nangyari ito at inaakala kong ito ang papatay sa Olympics.” Pinangahasan ng Newsweek ang opinyon na “maaari nitong ilarawan ang ganap na pagkawasak ng makabagong kilusang Olympic mismo.”

Tunay, maselang mga katanungan ang ibinabangon ngayon tungkol sa hinaharap na pagtaguyod sa mga Palaro. Anong lunsod o internasyonal na negosyo ang tatanggap ng pinansyal na pananagutan sa pag-organisa ng Palaro kung lagi naman silang isasakripisyo na gaya ng isang pain sa pulitikal na mga pagbabangayan? Maghahanda pa kaya nang puspusan ang mga manlalaro kung ang kanilang paglahok ay hindi magagarantiyahan dahilan sa pandaigdig na mga pulitika? Ilan lamang ito sa mga pag-aalinlangan na ipinahahayag. Subali’t may iba pang mga katanungan​—Kumusta naman ang tungkol sa nasyonalismo? Ang paggamit ng mga droga? Ang paglahok ng mga kunwa’y baguhan o amatyur? Sa ibang pananalita​—humihina na ba ang mga mithiin ng Olympic? O lipas na ba ito?