Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Sulat Intsik—Bakit Gayon ang Pagkakasulat Nito?

Mga Sulat Intsik—Bakit Gayon ang Pagkakasulat Nito?

Mga Sulat Intsik​—Bakit Gayon ang Pagkakasulat Nito?

BUHOS na buhos ang isip ng munting batang lalaki na nakaupo sa desk. Ang kaniyang kaliwang kamay ay nakahawak sa papel na may malalaking sulat. Ang kaniyang ulo ay bahagyang nakahilig sa kaliwa, at ang kaniyang mga mata ay nakatuon sa dulo ng brush o pinsél na may payat na kawayan na pinaka-katawan, na hawak niya sa kaniyang kanang kamay. Ikinikilos niya nang marahan at kontroladong pagkilos ang brush, manakanakang isinasawsaw ang brush sa isang sisidlan ng tinta, matiyaga siyang nag-aaral na sumulat ng​—Intsik.

Kung ano ang naisulat sa papel ay maaaring magtinging masalimuot at totoong nakalilito sa paningin ng taga-Kanluran. Gayunman, sa pamamagitan ng walang-lubay na pagpapraktis at pag-uulit ang munting batang lalaki, gaya ng angaw-angaw pang mga batang mag-aaral sa Tsina, ay natuturuan, marahil ang tanging praktikal na paraan, ng mga panimula ng sulat Intsik.

Isang Rekord ng mga Ideya

Ang bagay na wala itong abakada o alpabeto ang gumagawa sa Intsik na natatangi sa ibang mga wika. Dahil dito, ang mga sulat Intsik ay hindi basta pagbaybay ng mga tunog, gaya ng ginagawa ng isa sa Ingles o sa iba pang mga wika na may abakada. Unang-una, ang nasusulat na Intsik ay hindi isang rekord ng binigkas na mga tunog; bagkus, ito’y isang rekord ng mga ideya.

Sa pananalita ng mga lingguista, ang nasusulat na Intsik ay ideographic writing, o pagsulat ng mga ideya. Ang bawa’t salita o sulat, sa pamamagitan ng hugis at anyo nito, ay nagpapahiwatig sa mambabasa ng isang tiyak na ideya. Kung ang ideya ay payak, ang sulat ay malamang na isang payak na larawan nito. Tinatawag ng mga lingguista ang uring ito ng pagsulat na pictographic, o pagsulat sa pamamagitan ng larawan. Naglalakip ito ng mga salita para sa karaniwang mga bagay na karaniwan sa pang-araw-araw na buhay, gaya ng

ARAW BUWAN PUNO TAO BIBIG [Artwork​—Chinese characters]

Kung titingnan ang mga salita sa itaas, maaaring makilala o hindi mo makilala ang mga ito bilang mga larawan. Iyan ay dahilan sa paglipas ng mga taon, ang mga larawang salita ay dumaan ng sunud-sunod na yugto ng pagpapapayak upang gawin itong mas madaling isulat. Nguni’t kung susuriin mo ang mas matandang mga bersiyon ng mga salitang ito, makikita mo ang larawan. Sa kalakip na tsart, makikita mo ang mga pagbabagong dinaanan ng mga sulat, mula sa mga larawang sulat sa kaliwa tungo sa istilong anyo na gamit ngayon.

Maliwanag, ang isang sistema ng pagsulat na binubuo ng mga salitang naglalarawan ay lubhang natatakdaan sapagka’t napakaraming ideya na maaaring ipahiwatig ng payak na mga larawan. Kaya, para sa mas masalimuot at mahirap unawaing mga ideya, ang mga sulat ay karaniwan nang binubuo ng ilang payak na mga larawang salita, pinagsama-sama sa isang paraan na ang mga tao, mula sa kanilang karaniwang karanasan, ay makikilala ang mga ideya. Halimbawa, ang pinagsamang “araw” at “buwan” ay nangangahulugang “maliwanag,” at ang “tao” na nakasandal sa “puno” ay nangangahulugan na “pahinga.”

ARAW + BUWAN = MALIWANAG [Artwork​—Chinese characters]

TAO + PUNO = PAHINGA [Artwork​—Chinese characters]

Marahil madaling maunawaan kung bakit ang dalawang sulat Intsik na ito ay nabuo sa gayong partikular na paraan. Sa mas simpleng paraan ng pamumuhay noon, malamang na wala nang liliwanag pa sa araw o sa buwan, at ang panandaliang pamamahinga sa ilalim ng isang puno ay totoong nakagiginhawa.

Ilang Pambihirang Ideya

Gayunman, may mga salita na waring nagsasaysay ng pambihirang mga kuwento, mga kuwentong para bang walang kaugnayan sa karaniwan at pang-araw-araw na karanasan. Kunin, halimbawa, ang sulat Intsik para sa “barko.” Tiyak na hindi ito isang masalimuot na ideyang ipaliwanag. Gayunman, kataka-taka, ang sulat Intsik ay lubhang masalimuot. Binubuo ito ng tatlong payak na sulat Intsik:

SASAKYAN + WALO + BIBIG = BARKO [Artwork​—Chinese characters]

Ang ikatlong bahagi, ang “bibig,” ay napakaraniwang sulat Intsik na maaari ring mangahulugan na “tao,” gaya ng kasabihang Ingles na “isa pang bibig na pakakanin.” Kaya ang sulat Intsik para sa “barko” ay hinango sa ideyang “walong mga tao sa isang sasakyan.” Kataka-taka, hindi ba? Saan nanggaling ang gayong ideya?

Isaalang-alang ang isa pang halimbawa. Ang sulat Intsik para sa “kasakiman” o “sakim” ay isinusulat na may dalawang sulat Intsik na “puno” sa ibabaw ng sulat na “babae.”

PUNO + PUNO + BABAE = KASAKIMAN [Artwork​—Chinese characters]

Ang itaas na bahagi ng salita, dalawang magkatabing puno, sa ganang sarili’y sulat Intsik para sa “gubat.” Gayumpaman, sa larawan, ang buong sulat Intsik ay waring kumakatawan sa isang babae na nasa harap, o marahil ay nakatingala sa, dalawang puno. Bakit kaya inilalarawan sa ganitong paraan ang ideya ng “kasakiman”?

Marami pang ibang mga sulat Intsik ang maaaring suriin na may gayunding resulta. Ang mga ito’y nagsaysay ng kawili-wiling mga kuwento na tila man din walang kaugnayan sa karaniwan at pang-araw-araw na mga karanasan ng tao. Waring isinisiwalat ng mga ito ang isang pinagmulan ng mga ideya na lubhang kakaiba sa kung ano ang ipinalalagay ng karamihan, lalo na ng mga Intsik mismo, na tipikal. Saan nanggaling ang gayong mga ideya?

Isang Posibleng Kaugnayan?

Kung may nalalaman ka sa Bibliya, marahil ay napansin mo ang karaniwang kuwento sa likuran ng sulat Intsik para sa salitang “barko.” Sang-ayon ka ba na may kapuna-punang pagkakatulad ito sa ulat ng Bibliya hinggil kay Noe at sa kaniyang pamilya, ang kabuuang walo katao, na nakaligtas sa Baha sakay ng isang daong?​—Genesis 7:1-24.

Kumusta naman ang tungkol sa ideya na nasa likuran ng sulat Intsik para sa salitang “kasakiman”? Bueno, maaaring natatandaan mo pa ang paglalarawan ng Bibliya sa halamanan ng Eden, kung saan may binabanggit sa pangalan na dalawang punungkahoy: “Ang punungkahoy ng buhay sa gitna ng halamanan at ang punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama.” (Genesis 2:9) Hindi ba’t ang labis na pagnanasa ni Eva sa bunga ng isa sa mga punungkahoy na iyon ang sa wakas ay umakay sa pagbagsak ng sangkatauhan?

Ang mga ito ba’y nagkataon lamang, o may higit pa sa mga ito? Sa isang aklat na pinamagatang Discovery of Genesis, sinuri ng mga magkasamang awtor na sina C. H. Kang at Ethel R. Nelson, ang maraming ideograpikong mga sulat Intsik, pati na ang dalawang nabanggit, at napansin nila na “ang mga sulat Intsik kapag pinaghihiwalay o pinagbubukud-bukod ay muli’t-muling nagbabadya ng kuwento hinggil sa Diyos at sa tao na nakaulat sa maagang mga kabanata ng Genesis.”

Gayunman, maitatanong mo, anong kaugnayan naman mayroon sa pagitan ng Bibliya at ng sinaunang pagsulat na Intsik? Sa katunayan, parang mahirap isipin na ang wika ng mahiwagang mga taga-Silangan ay may anumang kaugnayan sa Bibliya. Subali’t ang isang makatuwirang pagsasaalang-alang at paghahambing ng kung ano ang naiulat sa Bibliya at kung ano ang nalalaman mula sa tatag na kasaysayan ay tutulong sa atin na maunawaan na ang gayong kaugnayan ay makatuwiran.

Himaton Mula sa Bibliya

Malaon nang itinuturo ng mga historiyador ang mga kapatagan ng Mesopotamia bilang ang orihinal na dako ng sibilisasyon at ng wika. Ito, sa katunayan, ay kasuwato ng kung ano ang nakaulat sa Bibliya. Inilalarawan ng aklat ng Genesis, sa kabanata 11, ang isang pangyayari na naganap sa lupain ng Shinar, sa Mesopotamia, na naglalaan ng kinakailangang himaton sa ating pagsusuri.

“Ang buong lupa ay nagpatuloy sa iisang wika at iisang set ng mga salita,” sabi ng Genesis 11:1. Ang pagkakaisa, gayunman, ay inabuso o ginamit sa maling paraan ng mga tao bilang pagsuway sa layunin ng Diyos para sa kanila. “Sila ngayo’y nagsabi: ‘Halikayo! Magtayo tayo ng isang lunsod at ng isang tore na ang taluktok niyaon ay aabot hanggang sa langit, at gumawa tayo ng isang bantog na pangalan para sa ating mga sarili, sa pangambang baka tayo’y mangalat sa ibabaw ng buong lupa.’ ”​—Genesis 11:4.

Ang tore, mangyari pa, ay ang napakasamang Tore ng Babel. Kaya, sa lupain ng Shinar sa Mesopotamia ginulo ng Diyos ang wika ng tao. “Kaya’t ang pangalang itinawag ay Babel, sapagka’t doon ginulo ni Jehova ang wika ng buong lupa, at mula roon ay pinangalat sila ni Jehova sa ibabaw ng buong lupa.”​—Genesis 11:9.

Isang Pagtatalo

Mangyari pa, ang ulat na ito ng Bibliya ay hindi agad tinatanggap ng mga siyentipiko. Para sa kanila, walang anumang kaugnayan sa kung paano nagkaroon ng wikang Intsik. Ang mga opinyon sa gitna ng mga iskolar ay nahahati sa kung baga ang sulat Intsik ay nagmula sa Tsina o ito ba’y mula sa ibang bansa, sa paano man sa pasimula.

Halimbawa, si I. J. Gelb sa kaniyang aklat na A Study of Writing ay nagsasabi: “Ang tuwirang pinagmulan ng sulat Intsik mula sa Mesopotamia, na ipinahihiwatig ng ilang mga iskolar salig sa pormal na mga paghahambing ng mga sagisag na Intsik sa taga-Mesopotamia, ay hindi pa napatunayan ng masusing siyentipikong pamamaraan.” Gayundin, sinulat ni David Diringer sa kaniyang aklat na The Alphabet: “Ang pagsisikap ng ibang mga iskolar na patunayan ang Sumerianong pinagmulan ng sinaunang pagsulat ng Intsik, ay nagpapahiwatig ng pagpapakalabis.”

Gayunman, dapat pansinin na hindi sinasabi ng Bibliya na ang lahat ng ibang mga wika ay nagmula o galing sa “iisang wika at iisang set ng mga salita” na ginamit ng mga tao noon sa Shinar. Ang ipinahihiwatig ay na ang mga wika na bunga ng kaguluhan ay lubhang kakaiba at walang kaugnayan sa isa’t-isa anupa’t tinalikdan ng mga tao ang kanilang itinatayong proyekto at nangalat “sa ibabaw ng buong lupa” sapagka’t hindi na sila magkaunawaan o hindi na sila maaaring makipagtalastasan sa isa’t-isa.

Maliwanag na sa paraan ng paggulo ng Diyos sa wika ng tao ay nabura o napawi ang orihinal na mga padron ng wika sa mga isipan ng tao at nahalinhan ito ng mga bagong wika. Kaya ang bagong mga wika na kanilang sinalita ay lubhang kakaiba sa kung ano ang dati nilang nalalaman. Ang mga ito ay hindi mga sangay o nagmula sa orihinal na “iisang wika.”

Gayunman, ang dapat tandaan ay na bagaman ang kanilang mga padron ng wika ay nabago, maliwanag na ang kanilang mga kaisipan at mga alaala ay hindi nabago. Ang kanilang mga karanasan, tradisyon, takot o pangamba, mga naiibigan, mga damdamin at emosyon ay nanatili. Dala-dala nila ito saanman sila nagtungo, at nagkaroon ito ng malaking impluwensiya sa mga relihiyon, kultura at mga wika na umunlad sa malayong sulok ng daigdig. Sa kaso ng mga Intsik, malamang na ang gayong mga alaala ay lumitaw rin sa kanilang pictographic at ideographic na mga sulat.

Hindi kataka-taka, kung gayon, na si Diringer, na nabanggit kanina, pagkatapos banggitin ang kaniyang pagtutol sa teoriya na ang sulat Intsik ay tuwirang nagmula sa Sumerianong sulat, ay umamin na “ang pangkalahatang ideya ng pagsulat ay malamang na hiniram, nang tuwiran o di-tuwiran, mula sa mga Sumeriano.”

Ano ang Mahihinuha Natin?

Ang ating maikling pagsusuri hinggil sa mga ideya sa likuran ng ideograpikong mga sulat Intsik ay nagpatingkad sa isyu ng kanilang pinagmulan. Gaya ng nakita natin, nasusumpungan ng mga iskolar na mahirap tanggapin ang proposisyon o panukala na ang sulat Intsik ay mula sa isang panlabas na pinagmulan. Subali’t ang kanilang pagtutol ay salig sa kakulangan ng pormal o panlabas na pagkakahawig. Hanggang sa magkaroon ng higit pang arkeolohikal na ebidensiya o katibayan, ang isyu ay maaaring manatiling hindi lutas.

Sa kabilang dako, napansin natin ang kapuna-punang pagkakahawig sa pagitan ng mga kaisipan sa likuran ng maraming mga sulat Intsik at ng ulat ng Bibliya tungkol sa maagang kasaysayan ng tao. Bagaman ang katibayan ay nagkataon lamang, gayumpaman, kawili-wiling isipin na may posibilidad na ang sulat Intsik na sinasanay ng ating batang mag-aaral ay maaaring salig sa mga ideya na nagmula sa Shinar bilang resulta ng kaguluhan o kalituhan at pangangalat sa Tore ng Babel.

[Chart sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)

Pag-unlad o pagbabago ng ilang sulat Intsik sa paglipas ng mga dantaon

KABAYO

PAGONG

ISDA