Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Kinagawian sa Pag-aaral?
Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapasusulong ang Aking mga Kinagawian sa Pag-aaral?
“GAANO karami ang inyong mga gawaing-bahay o homework,” tanong ng isang kagawad ng patnugutan ng Awake! sa isang pangkat ng mga kabataang nag-aaral. Ang kanilang sagot ay madali at halos magkakasabay: “NAPAKARAMI!” Reklamo ng isang batang babae, “Pagkatapos naming gumugol ng maraming
oras sa paaralan, bakit hindi kami bigyan ng pahinga pagdating namin sa bahay?”Nguni’t kung nais mo ng mabuting marka at ng mga kakayahan na pakikinabangan mo sa buong buhay mo, mangangailangan ito ng panahon at pagsisikap sa iyong bahagi. ‘Inaani ng isa ang anumang inihasik niya.’ (Galacia 6:7) Papaano, kung gayon, magagamit nang pinakamabisa ang panahon sa paaralan at sa pag-aaral?
Sa Silid-aralan
““Lagi akong nangangarap,” sabi ni Ronda. “Iyan ang pinakamalaki kong problema. Kaya mababa ang aking mga marka. Ang aking isip ay kung saan-saan napupunta. Laging gumagala.” Ang hindi pakikinig ay lubhang palasak anupa’t ang ibang mga paaralan ay may mga klase para sa mga instruksiyon sa pakikinig. Gayunman, marahil ang kinakailangan lamang ay malakas na pangganyak at pagkukusa na gumawa ng ekstrang pagsisikap.
Sabi ng awtor ng How to Study in High School: “Ang panahong ginugol sa klase ay panahon ng pagkatuto. Kapag nasa klase ka, makinig na mainam sa mga paliwanag ng guro at sa mga pagtalakay at iba pang mga leksiyon.” Bilang isang kabataan, sinamantala ni Jesus ang mga pagkakataong matuto. Sa gulang na 12 napasama siya sa grupo ng mga guro sa Bibliya. Nangarap ba siya? Hindi, sapagka’t “natagpuan siya [ng kaniyang mga magulang] sa templo, na nakaupo sa gitna ng mga guro at na sila’y pinakikinggan at sila’y tinatanong.” (Lucas 2:41, 46) Bakit hindi gawin ang gayon?
Ang Iyong Kapaligiran sa Pag-aaral
Gayunman, ang pagsubaybay sa mga takdang-aralin na gawaing-bahay ay mahirap para sa maraming kabataan. Kung sa bagay, binabanggit ni Dr. William Glasser na maraming estudyante ang “may hindi gaanong mahusay na mga kalagayan na pag-aaralan sa tahanan.” Karamihan sa atin ay nangangailangan ng isang tahimik na dako na inilaan para sa pag-aaral. Kung may kasama ka sa silid, o kung limitado ang lugar sa inyong tahanan, gumawa ka ng paraan! Marahil ang kusina, o ang kuwarto ng iba, ay maaari mong gawing silid-aralan sa loob ng isang oras o higit pa tuwing gabi. O, bilang huling remedyo, subukin mo ang isang aklatang-bayan o ang tahanan ng isang kaibigan.
Kung maaari, gumamit ng isang desk o mesa na malaki na mapaglalatagan mo ng iyong gawain. Ihanda mo sa tabi mo ang mga lapis at papel nang hindi ka tayô nang tayô. Pinakamabuting alisin ang nakagagambalang mga larawan, o mga subenir na nakalagay sa ibabaw ng desk. At, ikinalulungkot kong sabihin, ang pagkakaroon ng TV o radyo ay karaniwan nang hindi mabuti sa konsentrasyon. Gayon din ang mga tawag sa telepono o mga pagdalaw. Gaya ng sinasabi ng awtor na si Eugene Schwartz, “Ang pag-aaral ay trabaho—trabahong lahat.”
Tiyakin, din, na mayroon kang sapat na liwanag ng ilaw (100 watt man lamang). Ang mabuting liwanag ay nakababawas ng kapaguran sa pag-aaral at pinangangalagaan man din ang iyong mga mata. At huwag kaligtaang tingnan ang bentilasyon at temperatura ng silid. Ang malamig na silid ay naglalaan ng mas nakapagpapasiglang kapaligiran sa pag-aaral kaysa sa isang mainit na silid.
Ano naman kung masumpungan mo ang iyong sarili na nag-iisip, ‘Wala ako sa kondisyong mag-aral’? Tandaan, ang pag-aaral ay isang seryosong trabaho, at ang buhay ay bihirang nagpapahintulot sa atin ng luho na pagbigyan ang ating mga kondisyon. Malamang na ang iyong mga magulang ay kailangang gawin ang kanilang mga iba’t ibang atas maging sila ay nasa kondisyon o wala sa kondisyon.
Ang gawaing-bahay samakatuwid ay maaaring malasin na isang ehersisyo sa pagdidisiplina-sa-sarili, isang pagsasanay para sa karanasan sa trabaho sa dakong huli. Sa isang sekular na trabaho, kakailanganin mong magsimulang magtrabaho sa iisang oras araw-araw. At pinahahalagahan ng mga maypatrabaho ang manggagawa na mapagkakatiwalaang nagtatrabaho nang hindi pinagsasabihan pa. Kaya ituring na trabaho ang iyong mga gawaing-bahay. Sabi ng isang edukador: “Kung maaari, ang pag-aaral ay dapat na gawin sa iisang dako at iisang oras sa bawa’t araw. Sa gayon, magiging ugali na ang regular na pag-aaral, at . . . mababawasan ang iyong pagtutol na mag-aral.”Ang Iyong Rutina sa Pag-aaral
Sa Filipos 3:16 hinimok ni Pablo ang mga Kristiyano na “patuloy na lumakad nang may kaayusan sa ganito ring rutina.” Tinutukoy ni Pablo ang tungkol sa landasin ng Kristiyanong pamumuhay. Gayumpaman, ang isang rutina, o padron ng paggawa ng mga bagay, ay nakatutulong din sa ibang pitak ng buhay—gaya na kung ikaw ay nag-aaral. Sikaping organisahin kung ano ang iyong pag-aaralan. Iwasang pag-aralan ang magkakatulad na mga asignatura o subject (gaya ng dalawang magkaibang mga wikang dayuhan) na magkakasunod. Iplano ang maiikling pahinga sa pagitan ng mga asignatura, lalo na kung marami ang iyong gawaing-bahay.
Kung ang iyong takdang-aralin ay nagsasangkot ng maraming pagbabasa, maaaring subukin mo ang sumusunod na paraan. Una, SURIIN mo ang iyong materyal. Sulyapan mo ang itinakdang materyal, tingnan ang mga subheading, mga tsart, at iba pa, upang makuha mo ang buod nito. Susunod, gumawa ka ng mga TANONG batay sa mga titulo ng mga kabanata o topikong mga pangungusap sa simula ng mga parapo. (Iniingatan nito na ang iyong isipan ay nakapako sa iyong binabasa.) Ngayon BASAHIN mo, na hinahanap ang mga sagot sa mga katanungan na ito. Kapag natapos mo ang bawa’t parapo o pangkat, ISALAYSAY mo, o sabihin mo mula sa memorya, kung ano ang iyong nabasa, nang hindi tumitingin sa aklat. At kapag natapos mo na ang buong takdang-aralin, REPASUHIN mo sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga pamagat o
heading at sinusubok ang iyong alaala o memorya sa bawa’t pangkat o seksiyon. Sinasabi ng ilan na ang paraang ito ay nakatulong sa mga mag-aaral na matandaan ang hanggang 80 porciento ng kanilang nabasa!Ang pag-iisip tungkol sa iyong nabasa ay tutulong sa iyo na matandaan ito. Sabi ng isang edukador: “Mahalaga na ipabatid sa estudyante na ang isang bagay o katotohanan ay hindi umiiral na bukod kundi ito ay laging nauugnay sa iba pang impormasyon.” Sikapin, samakatuwid, na iugnay kung ano ang napag-aralan mo sa kung ano ang nalalaman at naranasan mo na. Sa ganitong paraan, ang mga bagay ay nagkakaroon ng kahulugan sa iyo; ang iyong kaalaman ay sumusulong tungo sa pagkaunawa. At gaya ng naobserbahan ni Solomon, “Ang kaalaman ay madali sa kaniya na nag-uunawa.”—Kawikaan 14:6.
‘Magkakaroon ng Pagsubok sa Bagay na Ito sa Susunod na Linggo’
Ang mga salitang ito ay hindi kinakailangang makabahala sa iyo. Ang iyong regular na rutina ng pag-aaral ay maglalagay sa iyo sa bentaha kaysa roon sa estudyante na dalas-dalas mag-aral pagka malapit na ang pagsusulit. Subali’t, may ilang punto pa rin na dapat isaisip.
Una sa lahat, sikaping alamin mula sa iyong guro kung anong uri ng pagsubok ito. Ito ba ay isang sanaysay na pagsubok? Multiple choice? Isa pa, mga ilang araw o linggo bago ang pagsubok o pagsusulit, pakinggan mabuti ang mga himaton sa kung ano ang lalabas sa pagsusulit. (“Ang susunod na puntong ito ay napakahalaga” o, “Tiyakin ninyong tandaan iyan” ay pangkaraniwang mga himaton, sabi ng magasing Senior Scholastic.) Pagkatapos ay maaari mo nang simulan (mga ilang araw patiuna, kung maaari) ang pagrirepaso ng iyong mga nota, mga aklat-aralin at mga takdang-aralin na gawaing-bahay.
Kaya, ang gawaing-bahay ay isang napakapersonal na bagay, at sabihin pa ay hindi mabuti, o pandaraya pa nga, na hilingin sa isang kaibigan na gawin ito para sa iyo. Gayumpaman, malamang na maliligayahan ang isa sa iyong mga magulang na sanayin ka ng mga tanong o pakinggan ka habang isinasaysay mo ang mga natutuhan mo sa klase. “Ang bakal ay nagpapatalas sa bakal. Gayon ang tao ay nagpapatalas sa mukha ng kaniyang kaibigan,” paalaala sa atin ni Solomon.—Kawikaan 27:17.
Sa gabi bago ang pagsusulit, magrelaks at matulog na mabuti. “Sino sa inyo ang sa pagkabalisa ay makapagdaragdag ng isang siko sa haba ng kaniyang buhay?” sabi ni Jesus. (Mateo 6:27) Kapuna-puna, ipinakikita ng pag-aaral na ang isa sa pinakamalaking sanhi ng pagkabalisa sa pagsusulit ay ang hindi paghahanda nang patiuna. Daigin ang gayong pagkabalisa sa pamamagitan ng paglinang ng mabuting mga kinagawian sa pag-aaral!
Gawin ang Iyong Pinakamabuti!
Sabi ng isang batang babae, “Nakakadama ako ng kabiguan kapag ako ay bumagsak
sa isang pagsusulit . . . Kahit na nag-aral ako nang puspusan, inaakala kong binigo ko ang aking sarili.” Subali’t walang dahilan na ikaw ay makadama ng pagkabigo kung talagang ginawa mo ang pinakamabuting magagawa mo. At kung ang iyong mga pagsisikap sa pag-aaral ay nagbunga ng pagtatamo mo ng magagamit na kaalaman hinggil sa asignatura—kahit na hindi ipinababanaag iyon ng puntos na nakuha mo sa pagsusulit—hindi nasayang ang iyong mga pagsisikap.Ang mga marka ay isa lamang paraan ng pagsukat sa akademikong pagsulong. Hindi ito ang pangwakas na paghatol sa iyong halaga bilang isang tao. Gayumpaman, samantalahin mo ang panahon na ikaw ay nasa paaralan at pag-aralan mo ang pinakamarami na magagawa mo. Karaniwan nang ang pagsisikap na iyan ay mababanaag sa mga marka na magpapaligaya sa iyo—at sa iyong mga magulang.
[Larawan sa pahina 16]
Karaniwan nang may malaking epekto sa iyong pagkatuto at sa iyong mga marka ang kapaligiran na iyong pinag-aaralan
[Larawan sa pahina 17]
Maaari mong harapin ang mga pagsusulit na may higit na pagtitiwala kung mayroon kang mabuting mga kinagawian sa pag-aaral