Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Ang AIDS sa Brazil
● Sapol nang matuklasan ang unang kaso ng AIDS sa Brazil, “ang bilang ay mabilis na dumarami,” ulat ng Brazilianong pahayagang O Estado de S. Paulo. Labindalawang bagong mga kaso ang lumitaw sa pagitan ng Enero at Marso at, sang-ayon kay Paulo R. Teixeira ng Kagawaran ng Kalusugan sa Sao Paulo, ang “mga kasong ito ay dito mismo nagmula” sa Brazil. Dalawampu katao na ang namatay mula sa AIDS sa Estado lamang ng Sao Paulo. Gayundin, ang kauna-unahang kaso ng AIDS sa Brazil sa gitna ng mga may sakit na hemophilia ay nangyari noong Enero. Isang 13-anyos na batang lalaki ang nagkasakit nito. Inaakala ng kaniyang doktor na “nakuha ng bata ang sakit mula sa madalas na mga pagsasalin ng dugo” na tinatanggap niya bilang isang hemophiliac. “Wala kaming mga batayan na gumawa ng masinsinang mga pagsusuri sa bawa’t nagbibigay ng dugo,” inamin ng doktor.
Paggamit ng mga Gamot sa Altapresyon
● Iminumungkahi ng pamahalaan ng E.U. ang mga teraping walang gamot para sa tinatayang 60 milyong mga Amerikano na may altapresyon. Inirerekomenda nila ang diyeta, ehersisyo at kaunting pagbabago sa gawi na pinakagamot doon sa mga kasong hindi grabe. “Mayroon ding dumaraming pagpapahalaga sa bagay na ang labis na katabaan at altapresyon ay may malaking kaugnayan sa isa’t-isa,” sabi ni Dr. Harriet P. Dunstan, direktor ng cardiovascular research and training center sa University of Alabama. “Malamang na makontrol mo ang altapresyon sa pamamagitan ng pagbabawas lamang ng timbang.” Malamang na magkaroon ka ng sakit sa puso, atake at sakit sa bato dahil sa altapresyon.
Mga Kamatayan Dala ng Lindol
● Taun-taon ang mga kamatayan na dala ng mga lindol sa buong daigdig ay may aberids na 20,000 katao,” ulat ng pahayagang Aleman na Frankfurter Allgemeine Zeitung. Ang mapanganib na mga sona o daanan ng lindol sa Europa ay sa Gresya at timugang Italya, at, sa Gitnang Silangan, sa Turkey. Sang-ayon sa Institute of Geophysics na nasa lunsod ng Kiel sa gawing hilaga ng Alemanya, ang mga lindol ay pumapatay ng 2,000 hanggang 3,000 katao taun-taon sa dako lamang ng Mediteraneo.
Ang Paglago ng mga Saksi sa Canada
● Ipinakikita ng 1981 Census ng Canada na mayroong 143,480 mga tao na nag-aangking mga Saksi ni Jehova. Nguni’t ang mga Saksi sa Canada ay nag-uulat lamang ng 77,628 na kasalukuyang aktibong nakikibahagi sa pag-eebanghelyo. Bakit ang kaibahan? Kalakip sa Census ng gobyerno ang mga bata at ang mga taong nakikipag-aral sa mga Saksi. Ipinakikita ng Census noong 1981 ang 65,160 mga lalaki at 78,320 mga babae. Halos 41,000 ang wala pang 15 taóng gulang, 24,000 ang mula 15 hanggang 24 anyos, 65,000 ang mula sa 25 hanggang 64, at mahigit na 16,000 ang mahigit sa 65 anyos. Kinakatawan din ng pinakahuling bilang na ito ng Census ang 111-porcientong pagsulong sa loob lamang ng 20 taon, mga 68,015 lamang ang nakalista noong 1961 Census.
Mga Batang May VD
● Parami nang paraming bata na wala pang sampung taóng gulang ang nagtutungo sa mga tanggapan ng mga doktor na may sakit na beneryal, sabi ni Paul Fritz, program planner para sa pangangalaga sa mga kabataan sa sangay ng Alberta Social Services sa Canada. Ipinakikita ng 1982 estadistika sa lalawigan ang 12 kaso ng gonorrhea sa mga batang wala pang sampung taon—7 sa kanila ay wala pang limang taóng gulang! Halimbawa, yaong isang sampung-taong-gulang na batang babae, nasuri ng doktor ang gonorrhea, “ang ikatlong
dosis ng bata sa loob ng limang taon,” ulat ng The Edmonton Journal. Mula noong 1982, ang iniulat na mga kaso ng mga sakit na sekswal na naililipat sa mga kabataang taga-Alberta ay sumulong ng mga 15 porciento sa bawa’t taon. Gayunman inaakala ni Fritz na ang naiuulat lamang sa ngayon ay maaaring “ganggakalingkingan lamang.”Kaligtasang Dala ng Seat-Belt
● Mula noong Pebrero 1983, ang paggamit ng mga seat belt sa mga upuan sa harapan ng kotse at maliliit na mga van ay ginawang sapilitan sa Britaniya. Taglay ang anong mga resulta? Ang nakamamatay at grabeng mga sakuna ay bumaba ng 20 hanggang 25 porciento mula noon, ulat ng Kagawaran ng Transportasyon, bagaman ang bilang ng mga sasakyang nasa kategorya na nangangailangan ng seat belt ay tumaas lamang ng 1 porciento. Sa loob ng maraming taon ay pinasigla ng gobyerno ang mga gumagamit ng kotse na kusang gumamit ng mga seat belt, nguni’t walang gaanong mabuting resulta. Isinasaalang-alang ngayon ng gobyerno ang sapilitang paggamit ng mga seat belt para rin sa mga pasaherong nakaupo sa likuran ng kotse.
Satelayt na mga Kabaong?
● Dahilan sa tumataas na halaga ng pagpapalibing, marami ang bumabaling sa kremasyon o pagsusunog ng bangkay bilang mapagpipilian. Subali’t ang Italyanong imbentor na si Dominico de Renzo ay nagmungkahi ng isa pang “solusyon.” Sa Primavera ‘84 Inventors’ Exhibition sa Genoa ay itinanghal niya ang isang kabaong na yari sa natatanging aluminyo na may panlaban sa init—idinisenyo para lumutang sa orbita o landas na ikutan ng lupa. Nagkukomento hinggil sa suliranin ng siksikang mga libingan dahilan sa lumalaking populasyon sa buong daigdig, si Dominico ay nagsabi: “Sa itaas natin ay may napakalawak na espasyo at ang patay ay maaaring lumutas doon sa sakdal na kapayapaan magpakailanman.” Mangyari pa ang isang bagay na hindi niya binanggit ay ang halaga ng gayong ‘paglilibing,’ na malamang ay ‘wala ring sa daigdig na ito’ sa taas ng presyo na hindi abot ng karaniwang sahod.
Musika Para sa mga Manok
● Iniulat ng magasing Sobyet na Sputnik na ang pinsalang dala ng industriyal na ingay sa nangingitlog na mga manok ay maaaring bawasan ng musika. Ang labis na ingay ay nagpapangyari ng mababang ani ng mga itlog at nagpapataas sa bilang ng mga namamatay na manok. Ang labis na katahimikan ay lumilikha rin ng katulad na epekto. Ang tamang akostikong antas, sang-ayon sa ulat, ay 75 decibel. Sa ibang mga manukan ang antas ng ingay ay kasinlakas ng isang lagaring de koryente—94 decibel. Ito’y lubhang nakakaapekto sa mga manok sa pagpapababa ng kanilang temperatura ng katawan at sinisira ang kanilang gana. Waring binabaligtad ng musika ang nakamamatay na epektong iyan.
“Pagbebenta” sa Simbahan
● Sa mga lunsod sa Austria, ang Vienna ang may pinakamaraming tao na lumilisan sa Iglesia Katolika. Noong 1979 ay 9,010 lamang na mga taga-Vienna ang umalis, nguni’t noong 1982 isang daluyong ng mga nag-alisan ang nagparami sa bilang tungo sa 16,760. Upang salungatin ang hilig, ang mga obispo ng Austria, na pinangungunahan ng kanilang kardinal, ay lumabas sa telebisyon upang magsalita ng “personal na pasabi” sa lahat niyaong nagsilisan sa simbahan. Bunga nito, ang ilang membro ay nagsibalik. Ang iba ay sumulat sa simbahan. Ang publikasyon sa Vienna na Borsen-Kurier ay nag-uulat: “Ang mga sulat na ito ay sinusuri ngayon upang alamin ang mga motibo niyaong mga lumisan. Taglay ang ganitong uri ng pangganyak na pagsasaliksik at ang pagganap ng papa bilang ahente ng publisidad (ang Komperensiyang Katoliko sa Austria ay naglakip ng pinakamalaking adbertaysing na kampanya sa kasaysayan, sang-ayon kay obispo Weber) sa kauna-unahang pagkakataon ang Simbahan sa Austria ay gumamit sa modernong mga pamamaraan ng pagbebenta at pangangasiwa.”
“Mga Suliraning Pangkaligtasan”
● Ang mga Methodista, na tinutunton ang kanilang mga pasimula kay John Wesley, isang klerigo ng Church of England noong 1700’s, ay nagdiwang ng kanilang bicentenario sa Amerika noong nakaraang taon. Habang pumapasok sila sa kanilang ikatlong dantaong pag-iral, anong kinabukasan ang kanilang maaasahan? Sa pulyetong The Exodus Into Our Third Century, si James E. Magaw, isang ministro ng pinakamalaking lupon ng Methodista, ang siyam-at-kalahating milyong membro ng United Methodist Church, ay sumusulat: “Marami sa ating lokal na mga simbahan ay nakikipagbaka laban sa mga suliraning pangkaligtasan. Ang bilang ng mga membro ay bumababa, ang mga Sunday Schools ay umuunti, tumataas ang mga badyet, lumalamig ang
kasiglahan, at ang panlalata dahil sa pagod ay nagiging isang karamdaman na nakakaapekto sa kalidad ng ating pangunguna o liderato.”Matuto sa Pamamagitan ng Computer?
● “Ang computer ay maaaring may panandaliang bagong epekto sa pagpapasulong sa pagkatuto—nguni’t pagkatapos niyan ang tradisyonal na gurong naghandang-maigi ay makagagawa rin ng gayon.” Ganiyan ang sabi ng New Scientist sa pag-uulat sa isang pag-aaral kamakailan ni Propesor Richard Clark ng School of Education sa University of Southern California. “Ang mga mag-aaral ay waring nag-uukol ng maraming panahon at pagsisikap kapag unang makaharap nila ang mga bagong makina,” puna ng propesor. “Subali’t ang gayunding panahon at pagsisikap na ginugol sa tradisyonal na mga leksiyon ay malamang na magtamo rin ng gayong mga resulta.” Mga estudyanteng walang computer, magkaroon ng tibay-loob.
Karne ng Baboy at mga Microwave Oven
● Kung minsan ang mga microwave oven ay hindi pantay ang init, sang-ayon kay Dr. Peter Schantz ng Centers for Disease Control ng Estados Unidos. Sa kasamaang palad, ang resulta ay maaaring inihaw na karne ng baboy na sa tingi’y lutung-luto na, nguni’t “impektado pa rin ng mga bulati ng sanhi ng trichinosis,” sabi ng ulat sa The Medical Post. Isa pa, nasumpungan ng isang pag-aaral sa University of Iowa na “mahigit sa sangkapat ng 189 mga karne ng baboy na inihaw sa limang iba’t ibang microwave oven ay kakikitaan pa rin ng trichinae.”