Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Tanging Paraan ng Kaligtasan

Ang Tanging Paraan ng Kaligtasan

Ang Tanging Paraan ng Kaligtasan

“KAPAG nakita ninyong nakukubkob ng nagkampong mga hukbo ang Jerusalem, kung magkagayo’y talastasin ninyo na malapit na ang kaniyang pagkagiba. Kung gayon ang mga nasa Judea ay magsimulang tumakas tungo sa mga bundok.” (Lucas 21:20, 21) Ganiyan ang tagubilin ni Jesu-Kristo sa kaniyang mga alagad. At komusta naman yaong mga sumuway sa mga tagubilin ni Kristo? Ang kaniyang inihula: “Sila’y mabubuwal sa talim ng tabak at dadalhing bihag sa lahat ng bansa; at ang Jerusalem ay yuyurakan ng mga bansa.”​—Lucas 21:24.

Sana’y napigil ang mga Zealot ng mga salita ni Jesus. Sang-ayon sa aklat ni Abram L. Sachar na A History of the Jews, ang mga Zealot ay “mga taong hindi susuko hangga’t hindi nila naibabagsak ang kanilang mga panginoong hentil.” Para sa kanila ang pagtakas ay magtitingin na hindi praktikal at isang kaduwagan pati! Kaya’t noong 66 C.E., dahil sa kalupitan ng mga Romano ay napukaw ang mga Judiong ito na tahasang maghimagsik. Pagkatapos na masakop ang Masada ng mga rebeldeng Judio, dagling kumilos ang Roma upang lalong pagtibayin ang Jerusalem. Ngayon ang Jerusalem ay “nakukubkob ng nagkampong mga hukbo.” Subali’t nang sa di-inaasaha’y iurong ng Romanong procunsol na si Cestius Gallus ang kaniyang mga tropa, nabuksan ang pagkakataon upang ang mga tao sa Jerusalem ay tumalima sa payo ni Jesus at sila’y nagsitakas. Ang sabi ng historyador na si Eusebius noong ikatlong siglo: “Subali’t, ang buong kalipunan ng iglesya sa Jerusalem, palibhasa’y ipinag-utos sa kanila sa pamamagitan ng kinasihang pagsisiwalat na sila’y magsilikas . . . ay umalis sa siyudad, at doon nanirahan sa isang bayan sa kabila ng Jordan, at tinatawag iyon na Pella.” Nguni’t ano ang nangyari sa mga hindi nagsialis?

Sumapit ang 70 C.E., at ang mga Romano ay nagsibalik sa pangunguna ni Heneral Titus. Sila’y disididong manakop, kaya binakuran ang lunsod. Si Flavius Josephus, isang dating Judiong rebelde na nagsisilbe ngayon sa mga Romano, ay lumigid sa palibot ng Jerusalem, na nakikiusap sa kaniyang mga kababayan na huwag nang ipagpatuloy ang kanilang walang-saysay na pakikipaglaban. “Tantuin ninyo,” aniya, “na ang inyong nilalabanan ay hindi lamang ang mga Romano kundi pati ang Diyos.” Ang resulta? Sa kaniyang sariling pananalita: “Gayunman, bagaman lumuluhang namamanhik sa kanila nang malakas si Josephus, ang mga rebelde ay hindi nagsisuko ni nagbago man ng kanilang tunguhin.” Kaya naman, daan-daang libo ang namatay sa gutom at sa tabak, at libu-libo pa ang dinalang bihag bilang hamak na mga alipin! Subali’t, para sa mga Kristiyano sila’y naligtas at doon sa Pella ay napagdili-dili nila ang pagpapala ng pagtalima sa babala ni Kristo.

Ang Pagkaligtas Ngayon

Ang nangyari sa Jerusalem ay isa lamang munting halimbawa ng magaganap sa panahon natin sa buong globo. Subali’t ang malilipol sa panahong ito ay hindi lamang isang lunsod kundi ang pambuong-daigdig na sistema ng mga bagay!​—Mateo 24:21.

Ang Diyos mismo ang magdadala ng gayong pangglobong calamidad. Nguni’t sa anong dahilan? Upang “ipahamak ang mga nagpapahamak sa lupa.” (Apocalipsis 11:18) Ang Diyos na “Nag-anyo ng lupa at ang Gumawa nito, . . . na hindi niya nilikha ito para sa walang kabuluhan,” at hindi tutulutan ang tao na ipahamak ito sa pamamagitan ng polusyon o ng mga bombang nuclear. (Isaias 45:18) Nguni’t siya’y mamamagitan upang mahadlangan ang gawang taong calamidad na kinatatakutan ng mga survivalist. Gayunman, sinabi ni Jesus na tayo’y posibleng “makaligtas sa lahat ng mangyayaring ito.”​—Lucas 21:36.

Yamang ang mga tagasunod ni Jesus ngayon ay nakalaganap na sa buong lupa, imposible na sila’y tumakas tungo sa ano mang literal na dako rito sa lupa, gaya ng ginawa ng mga Kristiyano noong unang siglo. Sa ngayon, ang pagkaligtas ay nakasalalay sa pagtalima sa payo ng Bibliya sa Zefanias 2:2, 3: “Bago dumating sa inyo ang mabangis na galit ni Jehova, bago dumating sa inyo ang araw ng galit ni Jehova, hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa, na nagsigawa nang ayon sa Kaniyang sariling ipinasiyang kahatulan. Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.” At sinasabi pa rin ng Bibliya: “Bawa’t isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​—Joel 2:32.

Totoo, may mga salin ng Bibliya na nagpapadilim ng kahulugan ng tekstong ito sa pamamagitan ng ganitong pagkasalin: “Sinumang tumawag sa pangalan ng PANGINOON ay ililigtas.” (Authorized Version) Subali’t ipinakikita ng teksto sa orihinal na wika na ang kailangan ay hindi lamang pagtawag sa isang “PANGINOON” na walang pangalan. Sa maraming Bibliya, ang mga teksto na gaya ng Awit 83:18 ay malinaw na nagpapakitang ang personal na pangalan ng “PANGINOON” na iyon ay JEHOVA. (AV; American Standard Version) Ang pagtawag sa kaniyang pangalan ay hindi lamang ang paggamit niyaon sa ano mang seremonya. Kailangang “hanapin” si Jehova sa pamamagitan ng pag-aaral sa Bibliya at pagkakilala sa kaniya bilang isang persona. (Juan 17:3) Sa pamamagitan ng kaalamang ito ay napakikilos ang isang tao upang igalang ang autoridad ni Jehova bilang Pansansinukob na Soberano, sumunod sa kaniyang mga pamantayan at tularan si Jesus sa ‘pagpapakilala ng pangalan ng Diyos’ sa iba.​—Juan 17:6.

Ang basta pagsisimba kung saan mo man ibig ay hindi ang paraan ng kaligtasan. Paano magkakagayon yamang hindi naman ginagamit ng mga simbahan ang personal na pangalan ng Diyos kundi kadalasan ay hinahadlangan pa nga nila ang paggamit dito at hindi nila gaanong pinahahalagahan ang mga utos ng Diyos? Tandaan, sinasabi ni propeta Malakias na ang Diyos ay may “isang aklat ng alaala” para sa “mga natatakot kay Jehova at mga palaisip sa kaniyang pangalan.” (Malakias 3:16) Sa lahat ng mga grupo ng relihiyon na nag-aangking Kristiyano, alin ba ang malayang gumagamit ng pangalan ng Diyos, na Jehova, naglalagak ng kanilang buong tiwala sa kaniya at sa kaniyang mga pangako at may lakas ng loob na manghimok sa kaniyang mga miyembro na maging mga saksi niya? (Isaias 43:10) Walang alinlangan, ang mga ito ang ‘humahanap kay Jehova.’ Kanilang hinihimok naman ang iba na makisama sa kanila sa pag-aaral ng tanging tiyakang paraan upang maligtasan ang dumarating na kapahamakang pangglobo.

[Blurb sa pahina 9]

“Ang buong kalipunan ng iglesya sa Jerusalem, palibhasa’y ipinag-utos sa kanila sa pamamagitan ng kinasihang pagsisiwalat . . . ay umalis sa siyudad, at doon nanirahan sa isang bayan sa kabila ng Jordan, at tinatawag iyon na Pella.”​—Historyador Eusebius

[Blurb sa pahina 9]

Ang basta pagsisimba kung saan mo man ibig ay hindi siyang paraan ng kaligtasan. “Bawa’t isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.”​—Joel 2:32