Maaari Kang Maging Lalong Mahusay na Mambabasa!
Maaari Kang Maging Lalong Mahusay na Mambabasa!
WALANG sinumang masisiyahan sa isang kotse na ang gumagana’y isa lamang engranahe. Kung ito’y may mabagal na kambiyo, hindi ito makakatakbo nang matulin sa isang patag na highway. Kung may mabilis na kambiyo naman, mahirap na umakyat iyon sa matatarik na lugar. Upang ikaw ay maging isang mahusay na mambabasa, kailangan na mahusay kang “magkambiyo.”
Ang pagbabasa mo sa Bibliya o sa isang katha ni Shakespeare ay hindi kasingbilis ng pagbabasa mo ng peryodiko o ng komiks, di ba? Subali’t halimbawa ay nagbabasa ka para maglibang lamang, na hindi nag-aalala tungkol sa bilis. Kung ganiyan ang kaso mo, maihahambing ka sa isang ‘drayber kung Linggo,’ na hindi nababahala kung saanman siya patungo o kung ano mang oras siya dumating.
Ang ganiyang pagmamaneho ay nakatutuwa marahil, pero hindi lahat ng araw ay Linggo. At hindi lahat ng ating pagbabasa ay paglilibang. Ang iba ay para magkaroon tayo ng edukasyon, para lumawak ang ating nalalaman, o bilang bahagi ng ating gawain. Para huwag maaksaya ang ating panahon, kailangang nakapagbabago tayo ng “kambiyo.” Pasimulan natin sa “tercera.”
Dalas-dalas na Pagbabasa—“Tercera”
Ang dalas-dalas na pagbabasa ay pagkuha ng pinaka-buod ng materyal nang hindi binabasa iyon nang salita por salita. Hinahayaan mong ang iyong mga mata ay mabilis na gumala sa isang pahina, pahintu-hinto sa kung saan-saan upang makuha ang pangunahing diwa.
Sa ganang sarili ang dalas-dalas na pagbabasa ay hindi tutulong upang maunawaan mo ang pinaka-linamnam, ang nakapupukaw na epekto at kaluguran na idinudulot ng mainam na literatura. Malaki ang nawawala. At hindi rin makatutulong sa pagkatanda mo roon, sapagka’t ang isip ay hindi nabibigyan ng pagkakataon na sipsipin ang materyal. Nguni’t karamihan naman ng nakasulat ay hindi mabuting babasahin at hindi na kailangang matandaan pa. Halimbawa, ang isang mangangalakal ay makapagtitipid ng maraming oras sa linggu-linggo kung ang pagbabasa niya’y dalas-dalas.
Ang isang kurso ba sa mabilis na pagbabasa ay tutulong sa iyo na mabasa ang mga kinakailangang basahin? Sa pamamagitan ng komersiyal na mga kurso, nadoble at natriple pa ng mga tao ang kanilang bilis sa pagbabasa, at ang iba’y nag-aangkin na sila’y nakakabasa ng libu-libong salita por minuto. Sila’y natututong bumasa ng mga grupo ng salita at mga parirala (hindi salita por salita) at pambihira nilang mapansin ang “iyon,” “ito,”
“ang,” “iba” at iba pang maliliit na salita. Subali’t kung may nag-aangkin na siya’y nakakabasa ng libu-libong salita por minuto, kaniyang kinaliligtaan ang hindi lamang mga ilang detalye.Nagugunita tuloy natin ang karanasan ng isang guro sa pagbabasa sa Columbia University, at iniuulat sa magasing Across the Board. Siya’y naghanda ng isang-pahinang test para sa isang kuwartong “speed readers.” Kamangha-mangha, kanilang nabasa ang kaniyang test sa halos 6,000 salita por minuto. Upang matiyak nila na kanilang nauunawaan ang kanilang binabasa, kaniyang paulit-ulit na ipinabasa iyon sa kanila. Bumagal ang kanilang pagbabasa at naging 1,700 salita por minuto—kahanga-hanga pa rin. Nang magkagayo’y ganito ang isiniwalat ng guro: Ang kanilang binasa ay walang-walang kabuluhan, basta ala-suwerteng pagbabasa sa sarisaring artikulo sa magasin.
Ang aral? Huwag kang “pasisilo sa bilis.” Isinulat ni Mortimer Adler: “Nakapagdududa ang kabilisan sa pagbabasa; ang kabutihan lamang nito ay kung ang binasa mo ay hindi karapat-dapat basahin.”
Pagrerebista—Lihim ng Mabuting Pagbabasa
May paraan na nagpapasulong ng pagkaunawa at pagtatanda ng binabasa bagaman dalas-dalas ang iyong pagbabasa. Ito’y tinatawag na previewing o pagrerebista.
Sino mang manggagalugad ay nakakaalam na ang pinakamagaling kung manggagalugad ka sa isang lugar na hindi mo kabisado ay ang tanawin mo muna iyon buhat sa isang mataas na dako at pag-aralan mo iyon sa tulong ng mga tsart. Gayundin kung tungkol sa isang mambabasa na inaalam munang mabuti kung saan siya “manggagalugad” at ito’y sa pamamagitan ng dalas-dalas na pagbabasa para masiguro niya na tama ang direksiyong pinupuntahan niya, at inaalam niya ang mahalagang mga punto upang huwag siyang maligaw at mapabara sa katakut-takot na mga salita.
Papaano ito isinasagawa kung ang materyales ay detalyado? Ang isang paraan ay binabalangkas sa kahon sa pahinang ito. Isa o dalawang minuto lamang ang kailangan sa previewing, nguni’t sulit naman.
Ngayon ay bumago tayo tungo sa diretsong pagbabasa, sa “primera kambiyo,” wika nga.
Maging Isang Aktibong Mambabasa
“Ang pinakasiguradong paraan upang matandaan mo ang iyong binabasa ay ang magbasa nang ayon sa kaayusan, at unawain ang maayos na pagsisiwalat ng kaisipan ng autor,” ang sabi ng The Art of Book Reading. Oo, ang patuloy na pagtalunton mo sa pagbuo ng autor ng kaniyang mga idea ay tutulong sa iyo sa pag-unawa. Ang pagkaunawa naman ay isang tulong sa pagtatanda.
Sanayin ang sarili mo na makita ang pagkakaiba ng mga pangunahing punto at
yaong hindi at mga detalye. Hanapin ang topikong mga pangungusap na nasa karamihan ng mga parapo. Gaya ng sabi ng isang dalubhasang mambabasa, hindi magtatagal at iyong “makikita ang mga pangunahing pangungusap na para bagang kapuna-punang nakaangat pa sa pahina.” At, matutong asam-asamin kung ano ang susunod na babasahin mo at sumahin mo ang nabasa mo na. Sa maikli, maging isang aktibong mambabasa!Kung gagamitin mo ang pamamaraan na tinatawag na pagtatanong, ito’y makatutulong sa iyo na asam-asamin ang darating at mapasulong ang iyong pang-unawa. Papaano ba ginagawa ito?
Ang materyal na babasahin na binuo para magbigay ng kaalaman ay karaniwan nang nahahati-hati sa mga iba’t-ibang seksiyon sa pamamagitan ng mga titulo ng kabanata at mga subtitulo. Sa pagtungo mo sa bawa’t bagong titulo, iuwi mo iyon sa isang tanong. At samantalang binabasa mo, hanapin mo ang sagot.
Kung ang iyong mga tanong ay may kaugnayan, karamihan ng mga pangunahing punto ay makakasali sa iyong sagot. At kung magbibigay ka ng natatanging pansin sa mga pangunahing punto, mas madali mong matatandaan ang mga detalye kaysa kung pare-parehong importancia ang ibibigay mo sa lahat ng pangungusap.
Gayundin, ang intensiyon na magtanda ay magpapahusay ng iyong pagbabasa. Ang mga estudyante na may kabatirang sila’y susubukin sa kanilang nabasa, halimbawa, ay laging marami ang natatandaan kaysa kanila na nakakaalam na hindi sila susubukin. Kasuwato nito, mayroon pang isang “kambiyo” na magagamit at ito’y tutulong sa iyo sa mabisang pagbabasa. Ito’y nahahawig sa kambiyong “paatras” ng isang auto.
Agad-agad na Sariwain sa Alaala Bilang Tulong sa Pagtatanda
Upang matandaan ang iyong binasa, ang kailangan ay hindi lamang pagkaunawa. Kailangan na mayroon kang “alalay” at ituon mo ang pansin mo sa pinakamahalagang mga punto na iyong nabasa. Ang ibig bang sabihin ay uulitin mong basahin ang materyal? Kung minsan ay kailangan iyan. Subali’t may isang lalong magaling na paraan—na tinatawag na immediate recall o agad-agad na pagsariwa sa alaala.
Para ipakita na mabisa ito, isang grupo ng mga estudyante ang hinilingan na
sariwain nila agad-agad sa alaala ang impormasyon na kanilang nabasa. Makalipas ang pitong araw ay natandaan pa nila ang 83 porsiyento ng kanilang natutuhan. Subali’t nang isa pang grupo ang hilingan muna na sariwain sa kanilang alaala ang impormasyon makalipas ang isang araw pagkatapos na mabasa nila iyon, ang kanilang natandaan ay 45 porsiyento lamang pagkalipas ng pitong araw. Ano ang masasabi ngayon? Ang pinakamagaling ay repasuhin mo ang iyong nabasa agad-agad pagkatapos na mabasa mo iyon, kahit na samantalang nagbabasa ka.Ang paggamit ng paraan ng pagrerepaso tulad niyaong nakabalangkas sa kahon sa pahina 13 ay napakamabisa na anupa’t, ayon sa isang pag-aaral, higit pa ang matatandaan pagkatapos ng dalawang buwan kaysa karaniwang matatandaan pagkaraan ng isang araw kung walang pagrerepaso. Sa isa pang pag-aaral isang propesor sa kolehio ang nagpakita ng demonstrasyon na nagpapatunay na ang isang minutong pagrerepaso ay tumutulong na madoble ang kakayahang magtanda. Hindi naman masyadong malaking halaga iyan na ibayad, di ba?
Narito ang iba pang makakatulong: Idea ang tandaan, hindi mga salita. Isulat ang ilang maiikling nota tungkol sa mga pangunahing punto. Repasuhin ang impormasyon pana-panahon sa halip na sikaping matutuhang lahat sa isang upuan lamang.
Mangyari pa, hindi lahat ng binabasa mo ay kailangang matandaan. Mainam ang pagkasabi: “Ang mga ilang aklat ay kailangang tikman, ang iba’y dapat lunukin, at ang iilan ay kailangang nguyain at tunawin.” Para kamtin ang pinakamalaking pakinabang sa iyong pagbabasa, maging pihikan. Paunlarin ang iyong gana sa mga babasahing may lalong malalalim na kahulugan bukod sa magagaang at pang-aliw lamang na mga babasahin. Gawin ang Bibliya na isang mahalagang bahagi ng iyong regular na pagbabasa.
Maraming mga paraan upang mapahusay ang pagbabasa mo. Kailangan lamang ang kaunting pagsisikap upang matutuhan mo ang mga ito. Kailangan na magsanay ka. Subali’t maaari kang maging lalong mahusay na mambabasa!
[Kahon sa pahina 12]
PAGREREBISTA NG DI-KATHA
1. Baguhin ang titulo upang mapauwi sa ilang mga tanong na kumakatawan sa inaasahan mong sasaklawin ng artikulo o kabanata.
2. Basahin ang una o dalawang parapo.
3. Ngayon ay basahin ang mga subtitulo.
4. Basahin din ang unang pangungusap ng bawa’t parapo. Habang binabasa mo, pansinin mo ang mga pangungusap na may mga salitang italisado at tipong maririin.
5. Suriin ang mga ilustrasyon, tsart, diagrama, mga bahaging sunud-sunod ang numero at iba pang mga bagay na kapuna-puna.
6. Tanungin ang iyong sarili: Ano ba ang mga pangunahing punto na inihaharap ng autor? Paano ba organisado ang materyal?
[Kahon sa pahina 13]
SARIWAIN AT REPASUHIN
1. Pagkatapos basahin ang bawa’t seksiyon, tanungin ang iyong sarili: Ano ba ang pangunahing punto? Sagutin. Kung hindi mo masagot nang tama saka mo lamang basahin uli iyon.
2. Sa wakas, pagka tapos na ang pagbabasa mo, subukin ang iyong sarili sa buong artikulo o kabanata. Ilahad mo ang mga pangunahing punto, sa isa-isang seksiyon. Kung hindi mo matandaan saka mo lamang basahin uli.
[Graph sa pahina 13]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
GAANO ANG NATATANDAAN?
DAMI NG NATATANDAAN
Sa pagrerepaso agad-agad
Sa pagrerepaso pagkalipas ng isang araw
Nang walang repaso sa pagitan
100%
80%
60%
40%
20%
0%
ARAW
1
7
14
21
[Larawan sa pahina 11]
Ngayong pagkarami-raming mababasa, paano mo hinaharap ang lahat na ito? Narito ang ilang mungkahi