Mapanghahawakan Ba ang mga Hula sa Bibliya?
Mapanghahawakan Ba ang mga Hula sa Bibliya?
LIKAS lamang sa tao na maging interesado sa hinaharap. Nguni’t sino ang talagang nakakaalam ng hinaharap? Hindi ba’t totoo na ang mga hula ng tao ay kadalasang nabibigo dahilan sa hindi inaasahang mga pangyayari o dahilan sa hindi natutupad ang mga bagay na pinakaaasam ng mga tao anupa’t hindi na nila ito isinasama sa kanilang mga pagtantiya?
Nangangahulugan ba ito na walang sinuman na makahuhula tungkol sa hinaharap? Kumusta naman ang napakaraming hula sa Bibliya? Mapanghahawakan ba ang mga ito? Ang ilan sa mga hula nito ay hinggil sa pagbangon at pagbagsak ng mga imperyo ng daigdig. Napakaraming hula tungkol sa kapanganakan, buhay at kamatayan ni Jesu-Kristo. Ang iba ay tumutukoy sa mga kalagayan sa lupang ito sa wakas ng sistema ng mga bagay at inihuhula na ang itinakdang yugtong ito ng panahon ay susundan ng isang bagong kaayusan
sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos.Ang Ilan ba ay Naisulat Pagkatapos ng Katuparan?
Ito ang konklusyon ng mga ateista. Kunin, halimbawa, ang mga salita ni Jesus hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem at ng templo nito, inihulang magaganap sa loob ng salinlahing nakarinig sa kaniya. Tungkol dito, ang The Great Soviet Encyclopedia, na nagtataguyod ng ateismo, ay nagsasabi: “Batay sa maraming mga pagtukoy sa Ebanghelyo tungkol sa paghihimagsik ng mga Judio noong A.D. 66-70, maliwanag na ang mga ito ay hindi naisulat bago ang A.D. 70. Higit pa riyan, isang piraso ng papyrus ng Ebanghelyo ni Juan, noong mga A.D. 125, ay naingatan. Samakatuwid, makatuwirang ipalagay na ang mga Ebanghelyo ay isinulat noong mga pagsisimula ng ikalawang siglo A.D.”
Totoo na ang Ebanghelyo ni Juan ay isinulat “noong mga pagsisimula ng ikalawang siglo,” noong mga 98 C.E., subali’t hindi gayon kung tungkol sa tatlo pang Ebanghelyo. Ang patotoo ng maraming sinaunang mga Kristiyano at ang kanilang mga katalogo ng mga aklat ng Bibliya, lahat ay nagpapatotoo na ang mga ulat na ito ay tunay, ay isang makasaysayang rekord. Ang mga Ebanghelyo nina Mateo, Marcos at Lucas ay naisulat bago ang pagsalakay ng mga Romano sa Jerusalem noong 66 C.E., na inihula sa bawa’t isa sa mga ito.—Mateo 24:15, 16; Marcos 13:14-20; Lucas 19:41-44; 21:20-24.
Kawili-wili, ang mga museo sa buong daigdig ay punô ng mga manuskrito sa Bibliya na naglalaman ng mga hula na isinulat mga daan-daang taon bago ang kanilang katuparan. Halimbawa, ang The Great Soviet Encyclopedia ay nagsasabi na ang Dead Sea Scrolls “ay isinulat sa pagitan ng ikalawang siglo B.C. at A.D. 68.” Sa anong konklusyon aakayin niyan ang isang nag-iisip na tao?
Bueno, isa sa pinakamatanda sa Dead Sea Scrolls na ito ay ang manuskrito ng Isaias (MS. 1). Tungkol dito, ang kilalang propesor ng arkeolohiya na si Yigael Yadin ay nagsabi kamakailan: “Ang scroll (balumbon) . . . ay naglalaman ng lahat ng mga kabanata ng Isaias mula sa kabanatang uno hanggang sa sesentay-seis . . . Ito ang pinakamatandang kompletong manuskrito ng Bibliya na umiiral sa daigdig ngayon. Hindi hihigit sa mga lima o anim na raang taon ang nakalipas nang aktuwal na bigkasin ang mga salita ni Isaias at ang balumbong ito ay sinipi noong ika-2 siglo B.C. Isang kamangha-manghang bagay na bagaman ang orihinal na balumbon sa museo ay mahigit na 2,000 taóng gulang ay katulad na katulad ito ng Bibliya na binabasa natin ngayon alin sa Hebreo o sa mga salin na ginawa mula sa orihinal na Hebreo tungo sa Ingles o iba pang mga wika.”
Isaalang-alang ang mga punto 1, 10, 11 at 17 sa tsart na nasa mga pahina 16 at 17. Ilan lamang ito sa mga hula na iniulat ni Isaias at natupad matagal pa pagkatapos masipi ang Dead Sea Scroll ni Isaias. Ang mga ito at ang iba pang mga bagay ay nagpapatunay na ang mga hula sa Bibliya ay tunay na isinulat nang patiuna. Nguni’t, maitatanong mo:
Ang mga Ito ba ay Malabo o Espisipiko?
Ang mga manghuhula, gaya ni Nostradamus, ay malimit na gumagamit ng malabong mga salita na maaaring mangahulugan ng maraming bagay. Ito ay ginagawa upang huwag silang mapahiya kapag ang kanilang mga hula ay hindi nagkatotoo. Gayundin ba ang masasabi tungkol sa mga hula sa Bibliya? Ang mga ito ba ay malabo o ang mga ito ay espisipiko?
Sa pagsasaalang-alang sa tsart, mapapansin mo na ang mga hula ay espisipiko o tiyak. Maliwanag na inihula nito na ang Babilonya at Edom ay magiging iláng nang Permanente, samantalang ang lupain Jeremias 29:10) Ang pangalan mismo ng sasakop sa Babilonya, si Ciro, ay inihula ni Isaias mahigit na 190 taon na patiuna. Tungkol sa Mesiyas, inihula ni Isaias na sa kaniyang kamatayan siya ay mapapasama sa mga balakyot at gayundin sa mga mayaman. Maliwanag na inilalarawan ng mga ulat ng Ebanghelyo na si Jesus ay pinatay kasama ng dalawang mga kriminal at saka inilibing sa libingan ng isang mayaman na tao.—Isaias 53:9; Lucas 23:32; Juan 19:38-42.
ng Judea ay daranas ng pansamantalang pagkailáng, sa katunayan, sa loob ng isang tiyak na panahon—70 mga taon. (Ang dahilan kung bakit ang mga hula ng Bibliya ay tiyak ay sapagka’t ang mga ito’y nagmula sa isang nakahihigit sa tao. Nalalaman ng Maylikha, ang Diyos na Jehova, na siyang nagkasi ng mga tao na itala ang mga hulang ito, ang kayarian ng tao at kung ano ang gumaganyak sa kanila na kumilos nang gayon. Masasabi niya nang wasto kung ano ang kalalabasan sa mga taong sumusunod sa kaniyang matuwid na mga utos at doon sa mga hindi pinapansin ang mga ito. Alam niya kung ano ang kaniyang layunin, at taglay niya ang kapangyarihan at karunungan upang tiyakin ang katuparan nito. Sabi niya: “Sa simula pa’y hinulaan ko na ang hinaharap, at aking inihayag kung ano ang magaganap. . . . Gagawin ko ang lahat ng gusto kong gawin.”—Isaias 46:9, 10, The Jerusalem Bible.
Ang mga punto 14-17 sa kalakip na tsart ay nagtutuon ng pansin sa katibayan na tayo ay nabubuhay na sa tinutukoy ng Bibliya na “ang mga huling araw.” “Mga huling araw” ng ano? Ng buong globong sistema ng mga bagay na tumatanggi sa pansansinukob na pagkasoberano ni Jehova, alin sa winawalang bahala ang Diyos o pinipilipit ang kaniyang mga daan. Ipinakikita ng Bibliya na unang magwawakas ang mapakunwari at huwad na relihiyon—ito’y sa kamay ng pulitikal na mga kapangyarihan sa lupa sa itinakdang panahon ng Diyos. (Apocalipsis 17:16, 17; 18:2-8) Kasunod niyaon, dudurugin mismo ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng mga pamahalaan ng tao—na ang lahat ay may rekord ng pagbububo ng dugo at inuuna ang kanilang mga nasa sa mga utos ng Diyos—at magdadala ng isang nagkakaisang daigdig sa ilalim ng pamamahala ng Diyos—Daniel 2:44; 7:13, 14.
Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, tatamasahin ng mga makaliligtas sa lupa ang tunay na kapayapaan at magkaroon ng kasaganaan sa pagkain, hindi lamang sa ilang mga bansa at mga grupo ng lipunan, kundi sa lahat ng sangkatauhan. (Awit 37:10, 11; Isaias 25:6) Ang sakit at kamatayan ay magiging lipas na bagay. (Apocalipsis 21:3, 4) Maging yaong mga patay na nasa alaala ng Diyos ay bubuhaying-muli.—Juan 5:28, 29.
Magkatotoo nga kaya ang lahat ng kahanga-hangang mga hulang ito? Walang dahilan upang mag-alinlangan. Daan-daang mga hula noong una ang napatunayang mapanghahawakan, kaya makatitiyak tayong lubos sa katuparan din ng mga ito.
Papaano mo maliligtasan ang inihulang kawakasan ng matandang sistemang ito tungo sa Bagong Kaayusan ng Diyos? Ang propetang Zefanias ay sumasagot: “Hanapin ninyo si Jehova, ninyong lahat na maaamo sa lupa . . . Hanapin ninyo ang katuwiran, hanapin ninyo ang kaamuan. Kaypala ay makukubli kayo sa araw ng galit ni Jehova.”—Zefanias 2:3.
[Chart sa pahina 16, 17]
Ang Ilang mga Hula sa Bibliya at ang Kanilang Katuparan
Nilalaman ng Hula
1. Ang Babilonya, na magiging kabisera ng isang maluwalhating pandaigdig na imperyo, ay magiging iláng sa dakong huli, hindi titirahang-muli. Isaias 13:19, 20
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
900 taon pagkalipas
Patotoo ng Katuparan
“Naiwala ng Babilonya ang pangunguna nito at sa wakas ay iniwan ang makasaysayang tanawin noong ikalawang siglo A.D.”—The Great Soviet Encyclopedia, 1974 edisyong Ingles, Tomo 4, p. 8.
Nilalaman ng Hula
2. Isang pinuno na nagngangalang Ciro ang sasakop sa Babilonya. Isaias 45:1-3; 47:1-5
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
193 taon pagkalipas
Patotoo ng Katuparan
“Sinakop ng Persianong hari na si Ciro II ang Babilonya noong 539 B.C.”—Ibid., p. 9.
Nilalaman ng Hula
3. Ang Babilonya ay susundan ng Imperyo ng Medo-Persiya, inilarawan ng lalaking tupa na may dalawang sungay, ang mas mataas sa dalawa ay magiging pangalawa. Daniel 8:1-4, 20
Kailan Iniulat
Mga 551 B.C.E.
Kailan Natupad
12 taon pagkalipas, noong 539 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
Unang nagpuno ang kapangyarihang Mediano, nguni’t nahigitan ito sa lakas ng sumunod na kapangyarihang Persiano.—Encyclopædia Britannica, 1959, Tomo 15, p. 172 at Tomo 17, p. 550.
Nilalaman ng Hula
4. Ang dalawang-sungay na Imperyo ng Medo-Persiya ay babaliin ng isang-sungay na kambing na lalaki, lumalarawan sa Gresya sa ilalim ng isang makapangyarihang hari. Daniel 8:5-7, 21
Kailan Iniulat
Mga 551 B.C.E.
Kailan Natupad
217 taon pagkalipas, noong 334 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
Nilupig ni Alejandrong Dakila ang Imperyo ng Persiya, sa gayo’y itinatatag ang Imperyo ng Gresya.—The Outline of History, ni H. G. Wells, 1921, p. 321.
Nilalaman ng Hula
5. Ang makapangyarihang haring ito ng Gresya ay mababali sa tugatog ng kaniyang kapangyarihan. Ang imperyo ay hindi ipapasa sa kaniyang anak; bagkus ito’y mahahati sa apat. Daniel 11:2-4
Kailan Iniulat
539 B.C.E.
Kailan Natupad
216 taon pagkalipas, 323 hanggang 301 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
Sa edad na 33 si Alejandrong Dakila ay namatay dahil sa malaria; pagkalipas nito ang kaniyang dalawang anak na lalaki ay pinatay. Pagkatapos ng digmaan sa gitna ng kaniyang mga heneral, ang imperyo ay nahati sa wakas kina Seleucus, Ptolemy, Lysimachus at Cassander.—Ibid., pp. 336, 337.
Nilalaman ng Hula
6. Ang mayamang lunsod daungan ng Tiro ay sasakupin ni Haring Nabokodonosor. Gayon na lamang kalubusan ang pagkalipol anupa’t ang alabok ng lunsod ay papalisin at doon maglaladlad ng mga lambat ang mga mangingisda. Ezekiel 26:4-7
Kailan Iniulat
607 B.C.E.
Kailan Natupad
275 taon pagkalipas, noong 332 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
Winasak ni Nabokodonosor ang lunsod. Pagkalipas ng mga dantaon, pinalis ni Alejandro ang kagibaan ng Tiro hanggang sa dagat, gumagawa ng tulay patungo sa lunsod, sinasakop ito. Kung minsan makikita roon ngayon ang ibinibilad na mga lambat.—Encyclopædia Britannica, 1959, Tomo 22, p. 653.
Nilalaman ng Hula
7. Ang kaharian ng Judea ay magiging iláng, ang mga kayamanan nito at mga sakop nito ay dadalhing bihag sa Babilonya. (Ang hulang ito ay ibinigay noong panahon ng makapangyarihang Imperyo ng Asiria, nang ang Babilonya ay isa lamang sakop na estado.) Isaias 39:5-7
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
125 taon pagkalipas, noong 607 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
“Ipinakikita ng ‘diaspora’ ang pag-iral ng mga Judio sa labas ng Palestina, lalo na pagkatapos ng pagkabihag sa kanila ng Babilonikong hari na si Nabokodonosor II.”—The Great Soviet Encyclopedia, 1975 edisyong Ingles, Tomo 8, p. 189.
Nilalaman ng Hula
8. Palalayain ng mananakop ng Babilonya, si Ciro, ang mga Judio. Itatayo nilang muli ang Jerusalem at ang templo nito, nagiging mga buháy na saksi sa bagay na si Jehova ang Diyos ng tunay na hula. Isaias 43:8-10, 14; 44:26-28
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
195 taon pagkalipas, mula 537 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
“Ang mga Judio . . . ay nagbalik . . . sa Jerusalem mula sa Babilonya noong Panahon ni Ciro.”—The Outline of History, ni H. G. Wells, 1921, p. 230. Iniulat ng mananalaysay noong unang siglo na si Flavius Josephus ang katuparan sa kaniyang Antiquities of the Jews.
Nilalaman ng Hula
9. Ang malaon-nang-hinihintay na Mesianikong Hari ng Israel ay isisilang sa Bethlehem. Mikas 5:2
Kailan Iniulat
Bago 716 B.C.E.
Kailan Natupad
714 taon pagkalipas
Patotoo ng Katuparan
Pinatutunayan ng Mateo 2:1 at Lucas 2:1-14 na si Jesus ay ipinanganak sa Bethlehem noong 2 B.C.E.
Nilalaman ng Hula
10. Siya’y ipanganganak ng isang birhen. Sa wakas, bilang ang itinaas na pinuno na pinili ng Diyos, magsusulit sa kaniya ang lahat ng mga pinunong tao, sa kanilang pagtataka, at magdadala ng permanenteng kapayapaan sa lupa. Isaias 7:14; 9:6, 7; 52:13-15
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
730 taon pagkalipas, noong 2 B.C.E.
Patotoo ng Katuparan
Iniuulat ng Mateo 1:18-23 at Lucas 1:26-2:14 ang makahimalang kapanganakan ni Jesus mula sa isang birhen. Kinikilala ito ng Koran ng mga Moslem sa sura 111, mga talatang 40-48. Malapit na, sa Armagedon, pupuksain niya ang buong sistema ng pulitikal na pamamahala ng daigdig.
Nilalaman ng Hula
11. Una ang Mesianikong Haring ito ay hahamakin Bago 732 B.C.E. at papatayin sa kaniya mismong bayan, sa kabila ng pagpapagaling niya sa kanilang mga karamdaman. Ang kaniyang kamatayan ang tutubos sa mga kasalanan ng tao. Isaias 53:3-12
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
760 taon pagkalipas, mula 29-33 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Pinatutunayan ng mga ulat ng apat na ebanghelyo ang mga himalang ginawa ni Jesus gayundin ang kaniyang pagdurusa at kamatayan sa mga kamay ng mga Judio. (1 Corinto 15:3-8) Sa kaniyang pangalan ang kaligtasan ay naipangaral na sa buong daigdig.
Nilalaman ng Hula
12. Makikita ng mga maninirahan sa Jerusalem na pumatay sa kaniya ang kanila mismong lunsod na napalilibutan ng mga hukbo. Ang pagsalakay na ito ay hindi magdadala ng kagyat na pagkawasak niyaong mga nasa lunsod. Magiging tanda ito para sa mga Judiong tagasunod ni Jesus na tumakas mula sa lunsod at sa Judea. Lucas 21:20-24
Kailan Iniulat
33 C.E.
Kailan Natupad
33 taon pagkalipas, noong 66 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Ang Chronicles—News of the Past, ni Dr. Israel Eldad at Moshe Aumann, ay nag-uulat tungkol sa ika-30 buwan ng Judio na Tishri, 66 C.E.: Ang mga Romano ay umabante sa Jerusalem, nilupig ang lunsod.” At, ang babasahin ay nag-uulat: “NATALO ANG HUKBONG ROMANO . . . halos 6,000 mga hukbo at mga mangangabayong Romano . . . ang nalipol.
Nilalaman ng Hula
13. Sa susunod na pagkakataon ang mga hukbong ito ay magtatagumpay. Kukubkubin nila ang lunsod at kukutaan ito sa palibot ng matutulis na tulos. Ang mga maninirahan ay papatayin at ang templo ay susunugin. Ang salinlahi mismo na pinangaralan ni Jesus ang mananagot sa pagbububo ng dugo ng mga propeta ng Diyos. Lucas 19:43, 44; 21:5, 6; 11:47-51
Kailan Iniulat
32 at 33 C.E.
Kailan Natupad
37 taon pagkalipas, noong 70 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Inilalarawan ng Chronicles—News of the Past, ang ika-10 araw ng Ab, 70 C.E.: “BUMAGSAK ANG JERUSALEM; NAGLILIYAB ANG TEMPLO . . . Kabuuang namatay mahigit sa milyon . . . Ang ilang bahagi ng templo ay nagliliyab pa . . . Ang iba ay naging isang bunton na lamang ng nagbabagang escombro.” Tingnan din ang ulat ng nakasaksi sa pangyayari na si Flavius Josephus sa Wars of the Jews.
Nilalaman ng Hula
14. Isang tanda na ang wakas ng kasalukuyang sistema ay malapit na—dakilang mga digmaan, malawakang kakulangan ng pagkain, mga lindol, pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng dumarating na pandaigdig na pamahalaan ng Diyos. Lahat na ito, pati na “ang wakas,” ay darating sa loob ng isang salinlahi. Mateo 24:3, 7, 14, 21, 32-34.
Kailan Iniulat
33 C.E.
Kailan Natupad
1,881 taon pagkalipas, mula ng 1914 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Mula ng 1914 naranasan na ng daigdig ang dalawang digmaang pandaigdig sa kasaysayan. Sangkapat ng daigdig ay nagugutom, 40 angaw na mga tao ang namamatay taun-taon. Naranasan din ng siglong ito ang dumaming mga lindol. Noong 1983 lamang, ang mga Saksi ni Jehova ay gumugol ng mga 436 milyong oras sa pangangaral ng “mabuting balita” sa buong lupa.
Nilalaman ng Hula
15. Sa “mga huling araw” na ito lubhang darami ang imoralidad, paghahangad ng kalayawan, krimen, pagguho ng pamilya at delingkuwenteng mga kabataan. 2 Timoteo 3:1-5
Kailan Iniulat
Mga 65 C.E.
Kailan Natupad
1,849 taon ang nakalipas, mula 1914 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Sinasalot ng krimen, karahasan at terorismo ang daigdig ngayon. Ang dami ng diborsiyo ay mabilis na tumataas at ang sakit beneryal ay epidemya. Karaniwan nang ikinagagalit ng mga kabataan ang autoridad.
Nilalaman ng Hula
16. Tutuyain ng marami ang lahat ng katibayan na dumating na “ang mga huling araw” ng kasalukuyang sistema. 2 Pedro 3:3, 4
Kailan Iniulat
Mga 64 C.E.
Kailan Natupad
1,850 taon pagkalipas mula 1914 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Naging popular na malasin ang Bibliya nang may pag-aalinlangan. Nililibak ng marami ang ideya na malapit na ang wakas ng kabalakyutan.
Nilalaman ng Hula
17. Nguni’t sa “huling bahagi ng mga araw” ang mga tao mula sa lahat ng mga bansa ay masikap na magtutulungan sa isa’t-isa upang matuto sa mga daan ni Jehova; silang lahat ay hindi na makikibahagi o mag-aaral man ng pakikidigma. Isaias 2:1-4
Kailan Iniulat
Bago 732 B.C.E.
Kailan Natupad
2,666 taon pagkalipas, mula 1935 C.E.
Patotoo ng Katuparan
Mahigit na 2,600,000 mga Saksi ni Jehova, sa 205 mga lupain, ang naglalaan ng panahon sa pagtulong sa iba upang matuto sa Bibliya. Kilalang-kilala na ang malaking internasyonal na kapatirang ito ay hindi nakikibahagi sa pakikidigma.