Mga “Survivalist”—Handa Ba Sila Para sa Wakas?
Mga “Survivalist”—Handa Ba Sila Para sa Wakas?
“ANG sabi ko sa mga tao’y magsilabas sila sa mga siyudad at doon pumunta sa maliliit na bayan, sapagkat sa buong daigdig ang sibilisasyon ay mawawasak.” Ganiyan ang babala ng isang tagapagtaguyod ng isang lumalagong kilusan na kapuwa nakapagtataka at nakasisindak: ang mga “survivalist” (alagad ng kaligtasan)! Sila, gaya ng ipinahihiwatig ng kanilang pangalan, ay mga taong disidido na makaligtas sa inaakala nilang isang di-maiiwasang pangglobong kapahamakan—maging iyon man ay digmaang nuclear o natural, panlipunan o pangkabuhayan na kasakunaan. Hindi mahalaga sa kanila kung saan man manggaling ang kapahamakang iyon, sapagka’t ang pinaghahandaan nila ay ano mang pangyayari.
Mga aklat na gaya ng Life After Doomsday ang nagbibigay sa kanila ng “nagbubukas-matang impormasyon tungkol sa taguang mga kanlungan, pag-iimbak ng pagkain, mga paraan ng paggamot sa tahanan, sikolohiya ng kaligtasan, at pagdedepensa sa kanlungan.” Sa tulong ng mga peryodiko na gaya baga ng Survive ay napapag-alaman nila ang pinakahuling impormasyon tungkol sa kaligtasan: mga riple, mga pagkaing ilado, mga gamit sa pakikipaglaban at mga taguang-dako. Mga ilan lamang ito sa maraming produkto na ayon sa U.S.News & World Report ay bunga ng “Isang Bagong Lumalagong Industriya.” Ang mga ibang survivalist ay namuhunan pa rin sa mga condominium sa ilalim ng lupa upang maginhawang makaligtas sa isang ‘nuclear Armagedon.’
Huwag magkakamali. Hindi nagbibiro ang mga survivalist. Totoo, marami sa kanilang maniobra militar ay waring isang kalagim-lagim na guniguni. Kamakailan ay nag-ulat ang magasing Life tungkol sa lumalagong katanyagan ng “National Survival Game.” Dito ang mga kasali sa larong
ito ay nangaka-fatigue at gumagala sa mga gubat upang pagtatagpo nila’y nagbabarilan nang walang bala—sila’y nag-iinsayo para sa labanang gerilya. Hanggang sa ngayon, “ang Game [Laro] ay lumaganap hanggang sa 38 estado [ng E.U.],” ayon sa pag-uulat ng Life.Larong-bata? Baka nga kung para sa iba. Nguni’t ang iba’y may seryosong pangmalas sa ganiyang mga pagmamaniobra. Ganito ang sabi ng isang survivalist: “Pagka nagkahigpitan na, kami’y nanakawan ng mga tao. . . . Papatay ang mga tao dahil lamang sa isang pirasong tinapay.”
Mga Sira-Ulo o Realista?
Ang mga survivalist ay pinagtatawanan lamang ng marami at itinuturing na halos mga sira-ulo, subali’t may palagay ang iba na hindi naman sila ganoon. Ang banta ng digmaang nuclear at ang paglabis ng populasyon na nagbubunga ng gutom, krimen, pagbagsak ng kabuhayan, o kaya’y pagguho ng lipunan, ay hindi maguguni-guni ng mga tao na sira-ulo. Ang mga problemang ito ay gumugulo ng isip at gumagambala ng kahit na mga eksperto. Halimbawa, sang-ayon sa The Auckland Star, isang grupo na tinatawag na Worldwatch ang naglathala kamakailan ng isang pag-aaral na nagsasabing “ang daigdig ay nasa bingit ng isang krisis sa kabuhayan na likha ng pagkaubos ng likas na kayamanan.”
Di gaya ng mga sumusunod sa patakaran na “psychic shutdown,” hinaharap ng mga survivalist ang mga pangambang ito. Bagaman galing sila sa iba’t-ibang baytang ng lipunan at kabuhayan, at ang kanilang kilusan ay baha-bahagi sa iba’t-ibang pilosopya at pamamaraan, sila’y pinagkakaisa ng iisang bagay—TAKOT. Kanilang inaakala na ang “sistema” ay bigo—na ang mga pamahalaan, ang pulisya, hukuman at sistema ng pananalapi ay walang kaya na lunasan ang lumulubhang mga problema sa panahong ito. Kaya’t sila’y sa sarili umaasa at naniniwala na ang kanilang sariling pagkukusa at mga abilidad—na napasulong sa pamamagitan ng patiunang pagsasanay—ang magliligtas sa kanila pagsapit ng kapahamakan.
Gagana Kaya ang Paraang Iyan?
Nguni’t ang mga kanlungan, mga iniladong pagkain at mga gusing ginto ay isa kayang gumaganang paraan upang makaligtas kung anuman ang dumating sa hinaharap? Praktikal kaya ito kung mayroon nang digmaang nuclear? Isang artikulong pinamagatang “Long-Term Biological Consequences of Nuclear War,” na napalathala sa Science, ang nagsasabi: “Pinatutunayan ng kamakailang mga pag-aaral tungkol sa pangmalawakang digmaang nuclear
(5000-hanggang 10,000-MT ang lakas) na 750 milyon ang karakarakang mamamatay sa yanig lamang; lahat-lahat ay mga 1.1 bilyon ang mamamatay sa pinagsama-samang epekto ng yanig, apoy, at radyasyon; at humigit-kumulang isa pang karagdagang 1.1 bilyon ang mangasasaktan at kakailanganing gamutin. Samakatuwid, 30 hanggang 50 porsiyento ng lahat-lahat sa sangkatauhan ang maaaring malipol agad sa isang digmaang nuclear.”Ipagpalagay natin na ang isang kanlungan ay nasa napakahusay na dako upang makaligtas sa ganitong pagkalipol. Sinabi ng Newsweek: “Kahit na sa pinakamagagaling na kanlungan ang mga sakit na tulad ng tipus at kolera ay maaaring lumaganap. Ang sukal ay kung saan-saan na lamang itatapon; hindi gaanong magagamot ang mga maysakit, at maraming bangkay ang mapapatiwangwang malaon na bago mapalibing. Karamihan ng mga kanlungan ay madidilim, magiginaw at hindi nararating ng komunikasyon sa labas; maaaring dahil sa yanig sa labas ay masira ang mga radio transmiter. Ang pagsisiksikan, panic at pangamba ang magpapalubha ng tension. Ang mga darating nang huli ay makapagkakalat ng nakahahawang sakit, at magkakahawa-hawa ang mga naroon.” At ito’y isa lamang limitadong digmaang nuclear!
Sa kaniyang aklat na Nuclear Madness, sinabi pa ni Dr. Helen Caldicott: “Yaong mga nakaligtas, sa mga kanlungan o sa malalayong kabukiran, ay papasok sa isang lubusang gibang daigdig, na wala nang mga kaayusan na pantustos-buhay sa tao.” Ang mga anak ng mga maliligtas ay magmamana ng isang kakilakilabot na kalagayan: “Pagkahantad ng kanilang mga sangkap sa pag-aanak sa katakut-takot na radyasyon na resulta ng pagsabog at marami sa kanila ang magiging baog. Darami ang malalaglagan ng anak at pati mag-aanak ng mga may depekto, at daraming totoo ang kapuwa dominante at paurong na mga mutation.” Sa gaanong katagal? Hanggang sa “nalalabing panahon,” ang sabi ni Dr. Caldicott.
Isang pag-aaral kamakailan ang pinamagatan ng “Nuclear Winter: Global Consequences of Multiple Nuclear Explosions” at ito’y naghaharap ng isang lalong kalagim-lagim na tanawin. Bilang pagtatapos ay nag-uulat ito na ang katakut-takot na alikabok at usok na maaaring manggaling kahit na sa isang limitadong digmaang nuclear ay “makakaapekto nang malaki sa klima—magdidilim sa loob ng maraming linggo, magiging pagkaginaw-ginaw sa loob ng maraming buwan, mawawala sa kaayusan ang buong sangkalikasan, at magkakaroon ng biglaang mga pagbabago sa lagay ng panahon at sa pag-ulan—isang malupit na ‘taglamig nuclear’ sa ano mang panahon.” Sa isang kalakip na pag-aaral, isang grupo ng mga siyentipiko ang nagsabi ng ganitong kalagim-lagim na panghihinuha: ‘Posible na malipol ang maraming hayop, halaman at
microorganismo, at hindi maipupuwera pati ang pagkalipol ng tao. Hindi kataka-taka ang naguniguni ng nobelistang si Nevil Shute na, pagkatapos ng isang digmaang nuclear, “ang buhay ay mananaghili sa patay.”“Kami o Sila”
Malabo ang pagkakataon na may mapala ka sa pagsasanay upang makaligtas. Nguni’t kahit na ipagpalagay natin na labis-labis ang mga panghuhula-hula ng mga siyentipiko, mayroon pa ring malaking kahinaan ang paniwala ng mga survivalist: Bagaman marahil ay magagawa ng digmaang nuclear na wakasan ang mga pamahalaan at mga hukbo na umiiral ngayon, hindi rin mawawala ang pangunahing sanhi ng digmaan. Totoo ang sinasabi ng Bibliya: “Ano ang pinagmumulan ng mga digmaan at ano ang pinagmumulan ng mga paglalabanan sa gitna ninyo? Hindi ba ito ang pinagmumulan ng mga yaon, alalaong baga’y, ang inyong paglulunggati sa kalugurang pandamdamin na may paglalaban-laban sa inyong mga sangkap?” (Santiago 4:1) Kung uunahin mo ang sariling mapag-imbot na mga kapakanan mo, iyan ang tiyak na hahantong sa labanan.
Ang mga paniwala ba ng mga survivalist, ay walang pag-iimbot na nagbubuklud-buklod sa kanila na anupa’t ang kasakiman at pag-iimbot ay hindi mangingibabaw sa kanilang kaisipan pagka sila napaharap sa mga kakapusan kung sakaling magkaroon ng isang pangglobong kapahamakan? Kamakailan ay sinipi ng The Christian Century si Jerry Younkins, kinatawan na tagapagsalita ng isang grupo ng “Kristiyanong” mga survivalist, na ang sabi: “Kami’y unang-una mga Kristiyano, pangalawa mga survivalist.” Ang ibig niyang sabihin ay na sakaling dumating ang kapahamakan, kanilang pagsisikapan (kahit man lamang sa primero) na sumunod sa mga simulaing Kristiyano. “Sa pinakamagaling na magagawa namin ay aming hahatian ang iba ng mayroon kami,” ang patuloy pa niya. Subali’t kumusta naman pagka kinapos ang mga pantustos-buhay? “Papatayin namin sila,” ang sabi ni Mr. Younkins. “Simple lamang iyon: Iyon ay kami o sila sa ganoong katayuan.”
Sa gayong kapaligiran ng kakilabutan, ang nakatagong mga kamalig ng pagkain o bangan ng ginto ay baka siyang magdala ng kamatayan sa mga survivalist.
Mga Sinaunang Survivalist
Hindi na bago ang kilusang ito ng mga survivalist. Oo, ang mga survivalist ay nagpapagunita sa atin ng isang grupo na umiral noong unang siglo ng ating Karaniwang Panahon (Common Era): ang mga Judiong Zealots. Nang malapit nang matapos ang ikapitong decada, umaabot na rin sa sukdulan ang pagkakapootan ng mga Judio at ng kanilang mapaniil na mga pinunong Romano. Ang panatisismo sa relihiyon, Mateo 24:6-8) Tulad ng mga survivalist sa ngayon, ang iba’y nagsikap na magtayo ng moog para sa hinaharap. Nang ang mga hukbong Romano sa ilalim ni Heneral Cestius Gallus ay sumalakay laban sa Jerusalem, ang lunsod ng Masada ay nasakop ng mga ibang Judiong Zealot. Sa kanilang 1,300-piye-taas (400 m) na batuhang moog, ang mga Zealots ay nakapagtago ng maraming armas at sapat na pantustos na pagkain at tubig. Para bang noo’y natitiyak nila ang kaligtasan.
ang natural na mga kalamidad na gaya halimbawa ng mga lindol at kakapusan sa pagkain ay pawang nakaturo sa pangamba na sumapit na ang wakas ng umiiral na sistema ng mga bagay. (Subali’t pinuksa ng Romanong si Heneral Titus ang Jerusalem noong 70 C.E., kaya’t ang Masada na lamang ang natirang moog na dapat salakayin. Pitong buwan na ang mga Zealots ay lumaban at nakaaguwanta. Subali’t ang mga inhenyerong Romano ay nagtagumpay ng pagtatayo ng isang malaking rampa upang matawiran ng mga kawal patungo sa moog. Yamang kung sila’y mabibihag ay miserableng mga alipin ang kalalabasan nila, minagaling pa ng 960 mga lalaki, babae, at mga bata ng Masada ang lansakang magpatiwakal. Nawalang-kabuluhan ang kanilang pagsisikap na magkanlong sa isang pinagtibay na moog sa taluktok ng isang bundok.
Datapuwa’t, kapuna-puna, may isang grupo ng mga tao na nakaligtas sa kapahamakang ito bagaman hindi sila gumamit ng mga pamamaraan ng gayong mga survivalist.
[Blurb sa pahina 6]
‘Posible na malipol ang maraming hayop, halaman at microorganismo, at hindi maipupuwera pati ang pagkalipol ng tao’
[Blurb sa pahina 6]
Ang mga paniwala ba ng mga survivalist ay walang pag-iimbot na anupa’t ang kasakiman at pag-iimbot ay hindi mangingibabaw sa kanila kung panahon ng kakapusan?
[Larawan sa pahina 5]
Ang pagtatayo ba ng taguan at pag-iimbak ng pagkain at ginto ang paraan ng paghahanda para ka maligtas?
[Larawan sa pahina 7]
Ang pagsisikap ng mga Zealot na sila’y maging armado para makaligtas sa Masada ay hindi nagligtas sa kanila