Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pangglobong Kapahamakan—Patuloy na Pagkabahala sa Kaligtasan

Pangglobong Kapahamakan—Patuloy na Pagkabahala sa Kaligtasan

Pangglobong Kapahamakan​—Patuloy na Pagkabahala sa Kaligtasan

NOONG Nobyembre 20, 1983, isang daang milyong Amerikano ang nakapanood sa TV ng drama na “The Day After.” Sa malinaw​—at kung minsa’y kakilakilabot​—na paraan, pinilit na ipadama nito sa pagkarami-raming mánonood ang kalagim-lagim na bunga ng isang digmaang nuclear. Nakalalagim na mga guniguni ang naiwan sa alaala ng maraming nakapanood: mga kabute-korteng nag-aalab na ulap, mga nuclear missiles na sumisibat sa itaas, mga sunóg na bangkay ng mga tao na singaw na lamang ang nalabi at mga larawang tinatamaan ng X-ray, isang batang binulag ng bombang nuclear, isang dating magandang dalagita na nakalbo at lapnos ang buong katawan dahil sa radyasyon.

Ang dramang ito’y hindi nagbunga ng isang malaganap na kilusang pagprotesta. At hindi rin naman naibsan ang igtingan ng dalawang superpowers. Gayunman, waring lumalaki ang pagkabahala tungkol sa kaligtasan sa isang pangglobong kapahamakan. Ang mga tao’y parang lalong mahilig na pag-usapan​—at pag-isipan ang tungkol dito​—ang kakilabutan nito.

Ilang taon lamang ang nakalipas, isang grupo ng 50 katao sa Estados Unidos ang biglaang tinanong ng gaya ng: “Inaakala kaya ninyong magkakaroon ng isang digmaang nuclear?” At “Ano ang gagawin ninyo kung mayroon nito?” Ang mga tao’y tumanggi na kahit pag-usapan man lamang ang bagay na ito. Halimbawa isang magkukulot ang nagsabi: “Hindi iyan para sa atin; para iyan sa mga politiko na pag-isipan.” Ang saloobin ng karamihan ng mga tao sa nagbabantang digmaan ay yaong tinatawag ng mga mananaliksik na “psychic shutdown,” huwag man lamang isipin iyon!”

Habang lumulubha ang igtingan sa daigdig, lalo namang mahirap na sundin ang gayong pangmalas at ipagwalang-bahala ang panganib. Ganito ang sabi ni Jerome Frank, retiradong propesor ng sikayatriya: “Ang posibilidad na mapuksa ang daigdig sa pamamagitan ng mga armas nuclear ang literal na pumapatay sa kinabukasan ng maraming tao. Nakagigitla ang dumaraming pagpapatiwakal ng mga kabataan, na marami sa kanila ang nakadarama na wala silang maaasahang maiaabuloy sa lipunan.”

Subali’t, dumarami ang bilang ng mga tao na ayaw na maupo na lamang at madaig ng takot. Kumbinsido sila na hindi maiiwasan ang pangglobong kapahamakan, kaya mayroon daw isa lamang bagay na dapat gawin: Maghanda para makaligtas! Kaya sila’y tinaguriang mga “survivalist.” Nguni’t sino sila? Mayroon ba silang iniaalok na kabaligtaran ng pagkalipol?