“Sila’y Kumakain ng Maraming Mais”
“Sila’y Kumakain ng Maraming Mais”
MGA ilang taon na ang nakalipas isang Amerikanong dalubhasa sa kalusugan ang nagtungo sa timugan ng Ecuador upang obserbahan ang ilang mga katutubo na sinasabing kabilang sa pinakamahabang-buhay na mga tao sa kanlurang hating-globo. “Sinabi sa akin ng ilang mga ‘viejo,’ gaya ng tawag sa kanila sa Kastila, na sila ay 132 . . . 127 . . . 113 taóng gulang,” ulat niya. “Kahanga-hanga ang kanilang haba ng buhay at kalusugan.” Ano ang kanilang sekreto? “Hindi ko tiyak,” sulat niya. “Gayunman, upang magbigay ng isang posibleng himaton, sa palagay ko, hindi sa pagbibiro: Sila’y kumakain ng maraming mais.”
Ipinakikita ng kawili-wiling anekdotang ito na ang mais ay siya pa ring pangunahing pagkain ng mga tao sa maraming bahagi ng daigdig at na ito’y may mahalagang bahagi sa isang nakalulusog na pagkain. Kung ang mais ay bahagi ng iyong pagkain, ang pagkaalam ng hinggil sa pinagmulan at mga katangian ng tanim ay maaaring makatulong sa iyo sa mas mahusay na paggamit sa maraming-gamit na tanim na ito.
Ang “Butil na Nagtayo ng Isang Hating-globo”
Ang mais ay dating itinatanim lamang sa kanlurang hating-globo. Nang unang tumuntong si Christopher Columbus sa Amerika, ang mga katutubo roon ay nagtatanim na ng kanilang máhiz at ginagamit ito bilang kanilang pangunahing pagkain sa loob ng mga dantaon. Sa katunayan, sinasabing utang ng mga Mayas, Aztec at mga Incas ng Sentral at Timog Amerika ang kanilang kultura sa masaganang mga ani ng mais. Ang mabuting mga ani ay nagpahintulot sa kanila na magkaroon ng malayang panahon para sa paghahabi, paggawa ng palayok at pagtayo ng mga haywey, piramide at mga lunsod. Sa kadahilanang ito, ang mais ay matatawag na ang “butil na nagtayo ng isang hating-globo.”
Dinala ito ng mga manggagalugad sa Europa. Mula roon ay kumalat ito sa Aprika at hanggang sa Asia. Ngayon, isang ani ng mais ang gumugulang sa bawa’t buwan ng taon sa isang dako sa daigdig. Mula sa mataas na Peruvianong Andes hanggang sa mababa sa antas ng dagat na kapatagan ng Caspian, mula sa malayong hilagang Canada tungo sa kababaan sa New Zealand, ang mais ay naging ang pinakamalawak ang distribusyon na tanim sa lupa.
Mga Uri ng Mais
Maaaring pamilyar ka sa dilaw o puting mais, nguni’t alam mo ba na may pula, kayumanggi, bughaw, murado at maraming kulay pa nga na mga uri? Oo, mahigit sa isang daang uri ng mais ang nasumpungan sa buong daigdig. Ang iba sa kanila ay may natatanging mga katangian na gumagawa sa kanila na nababagay sa ilang tiyak na mga kalagayan o gamit.
Halimbawa, ang uring flint na mais ay mas angkop na tumubo sa mas malalamig na mga rehiyon sapagka’t madali itong gumulang, at nalalabanan nito ang mga uwang na kung tawagin ay weevils. Sa kabilang dako naman, ang uring arina, o malambot na mais ay paborito ng mga Amerikanong Indian sapagka’t ang kanilang mga butil ay naglalaman ng halos malambot na starch at madaling gawing arina o gilingin, sa pamamagitan ng kamay.
Kabilang sa iba pang uri ang tinatawag na dent na mais, isang malakas-mamungang uri na mahalaga sa pangangalakal. Ang bawa’t butil ay may yupi o dent sa ibabaw na nagiging dahilan ng hindi pantay na pagtuyo ng matigas at malambot na starch sa binhi. Ang sweetcorn at popcorn ang matatawag na kaakit-akit na uri. Kapag ininit ang isang butil ng popcorn, ang halumigmig sa loob ay lumalaki, pinapangyaring pumutok, o sumabog ang butil ng mga 30 ulit ng orihinal na laki nito. Ang katamisan na nalalasahan mo sa nilagang mais, o sweet corn, ay sapagka’t naglalaman ito ng halos dalawang ulit ng dami ng asukal kaysa ibang uri.
Maaari ring pagsamahin ang ilan sa mga katangiang ito sa pamamagitan ng mestisong (hybrid) binhi. Halimbawa, ang isa ay maaaring madaling lumaki na gaya ng mais na flint nguni’t matamis na gaya ng sweet corn. Kaya ang nagtatanim ay makapipili ng uri na angkop sa kaniyang partikular na mga pangangailangan at kalagayan. Sa katunayan, ganito ang ginagawa sa karamihan ng mga mais na itinatanim sa ngayon.
Pagkain Para sa Angaw-Angaw
Mahirap tanggihan ang isang masarap na nilagang sweet corn, na pinahiran ng mantikilya at tinimplahan ng asin. Malamang na isa ito sa mga paborito mo. O marahil ay kumakain ka ng mais sa anyong flakes, chips, lugaw, sopas o maruya. Marahil ay gumagamit ka ng giniling na mais sa paghuhurno ng tinapay, mga biskuwit, tortilya, tamales o waffle. Marahil ay gumagamit ka rin ng langis o mantika, gawgaw o arnibal na galing sa mais sa paggawa mo ng sari-saring pagkain. Ang totoo ay na ang mais ay ginagamit ng angaw-angaw na tao sa buong daigdig sa kasiya-siyang pagkasarisari ng mga pagkain.
Gayunman, ang mga taong nabubuhay lamang sa mais ay sinasabing mas malamang na magkaroon ng pellarga, isang karamdaman na kakikitaan ng mga dipirensiya sa balat, sa bituka at sa nerbiyos. Ito’y dahilan sa ang proteina sa mais ay kulang ng ilang mahalagang mga amino acid, o mga proteinang gamit sa paggawa ng mga selula, at ang kakulangang ito, kapag nagtagal, ay humahantong sa karamdamang nabanggit.
Inaakala ng ibang mga nutrisyunis na ang problema ay lumulubha kapag ang kinakain ay isa nang processed corn o isang produkto ng mais, sa halip na ang buong butil, gaya ng kalagayan sa maraming bahagi ng daigdig ngayon. Waring pinatutunayan ito ng karanasan ng mga viejo, sapagka’t kinakain nila kung ano ang itinanim nila sa halip na dumipende sa mga inaangkat sa industrialisadong mga bansa. Gayunman, kalakip din sa kanilang pagkain ang iba pang pinagmumulan ng proteina, gaya ng mga mani, balatong at, paminsan-minsan, mga itlog at manok. Gayundin, sa ibang bahagi ng Aprika, ang kaugalian ng pagkain ng tinatawag na mopani worms o malapot na gatas o karne na kasama ng nilugaw na mais ay nakakatulong sa pagkakaroon ng mas timbang na pagkain.
Magtanim ng Inyong Sariling Mais
Dahilan sa tumataas araw-araw ang mga presyo ng pagkain, ang pagtatanim ng inyong sariling mais ay maaaring kapaki-pakinabang sa maraming paraan. Kung saan angkop ang lupa at kalagayan
ng panahon, ang isang toneladang mais ay maaaring itanim sa sangkanim ng isang hektarya (0.4 a.), sapat na upang pakanin ang isang malaking pamilya sa isang taon. Kahit na sa isang maliit na harding pangkusina, ang pagtatanim ng inyong sariling mais ay maaaring malaking katipiran sa inyo at makapaglalaan pa sa pamilya ng isang kasiya-siyang salu-salo.Ang mais ay dapat na itanim na pabloke, o pakuwadrado, sa halip na mahahabang hanay. Magpapaunlad ito ng pinakamaraming polinasyon, na magbubunga ng magagandang mais. Ang tanim ay malakas gumamit ng mga nutriyente ng lupa, kaya makabubuting gumamit ng ibang plot ng lupa sa hardin sa bawa’t taon o tamnan ng ibang pananim ang lugar na iyon. Ang napakapraktikal na paraan ay magtanim ng mais sa mga kanto ng dos-piye-kuwadrado (60 cm) na mga bloke at tamnan ng balatong o monggo ang espasyo sa pagitan. Pinagyayaman ng “intercrop” ang lupa, at ang mga tangkay ng mais ay magsisilbing suhay sa balatong o monggo—isang napakasayang kalagayan nga.
Kung ikaw ay nagtatanim para maglaan ka ng nilagang mais, maaari kang masiyahan sa pagkain nito sa loob ng mahabang panahon sa pagsasaayos mo ng iyong panahon ng pagtatanim. At kung maingat ka sa pagkuha ng mabuting mga binhi at lagyan ng pataba o abono ang lupa, masusumpungan mong ikaw ay aani nang sagana kapag panahon na ng pag-aani.