Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Walang Lubay na Salot—Ang Masaklap na Panig ng Seksuwal na Pagbabago

Ang Walang Lubay na Salot—Ang Masaklap na Panig ng Seksuwal na Pagbabago

Ang Walang Lubay na Salot​—Ang Masaklap na Panig ng Seksuwal na Pagbabago

SINASABI ng iba na si Christopher Columbus ang dapat sisihin. Kung gayon, maaaring higit pa sa mga abubot na ginto at mga kuwentong mahirap paniwalaan ang inuwi ng kaniyang mga marino mula sa Bagong Daigdig. Maaaring nakakubli sa kanilang mga katawan ang mga binhi ng isang salot.

Gayunman, hindi tinatanggap ng lahat ng mga mananaliksik ang teoriyang ito. Sinasabi pa nga ng iba na ang salot ay halos “kasintanda na ng tao mismo.” Ang mga palatandaan nito, anila, ay nasumpungan sa mga momiya ng mga Ehipsiyo. Waring maliwanag na inilalarawan ng sinaunang mga sinulat ang mga sintomas nito. Bukod pa, tanong nila, papaano mahahawaan ng kakaunting mga marino ang napakarami pang iba?

Ang pinagmulan ng salot sa gayon ay pinagtatalunan pa at maaaring manatiling isang hiwaga. Gayunman, isang bagay ang maliwanag: Sa pagtatapos ng ika-15 siglo (mga ilang taon lamang pagkatapos ng pagbabalik ni Columbus), biglang lumitaw ang isang salot sa Europa at kumalat na gaya ng apoy. Libu-libo​—marahil ay angaw-angaw​—ang namatay. At sa pagkalito, ang mga biktima ng salot ay itinaboy, ikinuwarantenas, binitay at nilunod pa nga.

Hindi kataka-taka, ang nagdadalamhating mga bansa ay nagsisihan sa isa’t-isa. Ganito ang sabi ng manunulat na si Louis Lasagna: “Tinawag ito ng mga Ingles at ng mga Turko na karamdamang Pranses, sinisi naman ito ng mga Persiano sa mga Turko, tinukoy naman ito ng mga Flemish at mga Olandes na bulutong Kastila, tinawag naman ito ng mga Pranses na karamdamang Italyano o Neapolitano, sinisi ito ng mga Italyano alin sa mga Kastila o sa mga Pranses, tinawag ito ng mga Portuges na karamdamang Castiliano . . . inaakala naman ng mga Ruso na ito’y karamdamang Polako, at sinisi naman ito ng mga Polako sa mga Aleman.” Gayunman, ang Banal na Romanong Emperador Maximilian I, ay lumikha ng mas matayog na teoriya. Sa kaniyang utos noong 1495, ipinahayag niyang ito ay parusa sa paglapastangan sa banal na bagay.

Wala pang 35 taon pagkalipas noon ang manggagamot-makatang si Fracastoro ay gumawa ng isang kuwento tungkol sa isang pastol na mayroong ganitong karamdaman. Ang tula mismo marahil ay malaon nang nakalimutan, subali’t hindi ang kahindik-hindik na pangalang ibinigay sa kaniyang pastol, kung saan nagmula ang pangalan mismo ng karamdaman​—Syphilus.

Ayaw Umalis

Maaaring ipalagay ng isa na ang mga salot na pumipinsala, pumapatay at sumasalanta ay mawawala na gaya ng mga dinosauro sa ating panahon ng CAT scan at pag-oopera sa pamamagitan ng laser. Gayunman, ang sipilis, pati na ang marami pang ibang mapangwasak na mga karamdaman, ay namamalagi sa ika-20 siglong pamumuhay na gaya ng polusyon ng hangin. Noo’y tinatawag ng mga doktor ang makabagong-panahong salot na ito na sakit benereal, halaw kay Venus, ang sinaunang Romanong diyosa ng pag-ibig. Nguni’t isang bagong katawagan na nagtutuon sa paghahatid ng sakit, sa halip na sa pagkakamit nito, ang naging uso; STD, o “sexually transmitted disease.” a “STD” sa gayon ang naging katawagan sa halos 20 masamang-tunog na mga sakit​—mula sa umaagaw ng paulong balita na herpes hanggang sa di-kilalang shigellosis. (Tingnan ang kahon.) Sinasabi ng World Health Organization na ang mga STD ay isang “pambuong-daigdig na epidemya.”

Kaya ang mga tao ay nagbibigay muli ng pansin sa lubhang pinagyayabang na “seksuwal na pagbabago.” Sa simula’y nabulag sa kislap at halina nito, nasusulyapan ng marami sa unang pagkakataon ang masaklap na panig nito: nilalayuan, kirot at paghihirap ng tao.

“Isang Panahon ng Seksuwal na Anarkiya”

“Isang panahon ng napakalaking pagbabago sa seksuwal na moralidad ang nagaganap ngayon sa Amerika. Ikinatatakot na ang bansa ay maaaring humantong sa isang panahon ng ‘seksuwal na anarkiya.’” Gayon ang sabi ng U.S. News & World Report noong 1966. Nguni’t kung ano ang nakagitla sa mga mambabasa noon, ay hindi gaanong pinapansin sa ngayon.

Bakit ang ganitong pagbabago? Mga ilang salik na nangyaring magkakasabay noong 1960’s. Ang paggamit ng birth-control pill, sa isang bagay, ang gumawa na wari bang napakadaling makipagtalik sa sekso nang walang mga pinsala. Gayundin ang maluwag na mga batas sa aborsiyon na sinimulan ng ilang mga bansa. Mga taon ng ekonomiko, sosyal at pulitikal na alitan pa nga ang umakay sa mga tao na pag-alinlanganan ang malaon nang pinanghahawakang mga pagpapahalaga. At nasa unahan ang mga apostol ng “bagong moralidad”​—mga doktor, pulitiko, pilosopo, manunulat at pati na ang mga klerigo, na nagsasabing ang “lumang” seksuwal na mga pagbabawal ay mapaniil at nakapipinsala.

Ang mga resulta? Ang tinatawag na “kapuna-punang paglipat o pagbago tungo sa kaluwagan sa sekso.” Hinangad ng mga tao na maranasan ang kalayaan sa sekso. “Inaasam-asam ko ang isang bagong panahon ng seksuwal na kalayaan,” gunita ng manunulat na si Celia Haddon. “Kumbinsido ako na hindi magtatagal at ang seksuwal na mga kaugnayan ng mga lalaki at mga babae ay magiging higit na tapat, nagbibigay kaganapan at higit na kasiya-siya.”

Marami, gayunman, ang nakakasumpong ng kaunting katuparan sa di-pirmihan o ang tinatawag na casual na sekso. Ang di-makatotohanang matayog na mga inaasahan ay lumilikha lamang ng bagong mga pagkabalisa at mga kabiguan. Dumating na ngayon ang lubhang napalathalang mga report na ang mga sakit benereal ay lumalaganap sa buong daigdig at sa epidemikong bilis. Para sa ‘aktibo sa sekso’ ang pagkakataon na mahawa ay waring hindi malayong mangyari kundi kasindak-sindak na maaaring mangyari. Hindi kataka-taka, kung gayon, na kahit na ang ilang mahilig at masugid na mga tagapagtaguyod ng ‘malayang pag-ibig’ (free love) ay natatakot!

At yaong mga hindi natatakot ay marahil nararapat na matakot.

Ang Nakamamatay na mga Sakit

Ang sipilis ay hindi na pumapatay ng angaw-angaw na gaya ng ginawa nito noong mga kaarawan ni Columbus, gayunma’y mapanganib pa rin. Sinasabi ng siyensiya ng medisina na ang hugis-pilipit na baktirya ng sipilis (Treponema pallidum) ay tumatagas mula sa mga sugat o mga singaw na butlig-butlig sa ari ng biktima. Ang impeksiyon ay nagaganap sa panahon ng pagtatalik sa sekso. Minsang makapasok sa loob ng bagong biktima nito, ang T. pallidum ay nagtutungo sa daluyan ng dugo at sa sistema limpátikó at, kung hindi masusugpo, ay sa wakas kakalat sa buong katawan. Subali’t ang baktirya ng sipilis ay mapaglalang na mabagal. Lumilipas ang sampu hanggang 90 mga araw bago napapansin ng biktima ang sugat na likha ng sipilis sa lugar na pinapasukan ng mikrobyo​—karaniwan nang sa mga ari. Kung hindi gagamutin, ang mananalakay na ito ay maaaring lumikha ng hindi na maaayos na pinsala sa mahahalagang sangkap ng katawan, hanggang sa punto na pagiging sanhi ng kamatayan.

Ang ikalawang-siglong manggagamot na si Galen ang lumikha ng pangalan sa matandang kapareha ng sipilis​—ang gonorrhea. Ang sabi-sabing sintomas nito ay ang mahapdi o makirot na damdamin kapag umiihi. Nguni’t sabi ng U.S. Department of Health: “Sa mga babae . . . ang mga sintomas ay maaaring hindi mahalata o ganyakin man kaya siya na ipasuri ito.” At sa mga lalaki ang mga sintomas ay karaniwang nawawala sa paglipas ng mga ilang buwan. Gayumpaman, sinasabi ng mga doktor na ang gonorrhea ay maaari pa ring magtungo sa sistema ng dugo at hawaan ang mahahalagang sangkap ng katawan, at ang mga babae ay lalong madaling kapitan ng mga komplikasyon ng gonorrhea. Sabi ng The Journal of the American Medical Association: “Ang pinakagrabe sa mga komplikasyong ito ay ang pelvic inflammatory disease (PID) . . . Halos 1 milyong mga babae ay ginamot dahil sa PID sa Estados Unidos taun-taon.” Taglay ang anong resulta? “Di-sinasadyang pagkabaog, ektopik na pagbubuntis (pagbubuntis sa labas ng matris), at talamak na kirot sa balakang.”

Gayunman, kapuna-puna marahil ang karamihan ng mga kaso ng PID ay dala ng isang sakit na hindi man lamang naririnig ng karamihan​—ang Chlamydia. Sinasabi ng CDC (Centers for Disease Control): “Ang mga impeksiyon na dala ng Chlamydia trachomatis ang pinakapalasak na seksuwal na naililipat na sakit sa Estados Unidos ngayon.” Iniulat din ng The Age na ang pagdami ng impeksiyon dahil sa Chlamydia ay nagiging isang “tusong panganib” sa mga Australyano. Ang mga sintomas ng chlamydia ay kahawig ng gonorrhea anupa’t maaaring malinlang nito pati na ang mga doktor.

“Sa kasamaang palad,” sabi ni Dr. Yehudi M. Felman, “ipinalalagay pa rin ng maraming manggagamot ang chlamydia bilang isang minor-league (di-kilala at di-malaganap) na karamdaman.” (Medical World News) Nguni’t sa tinatayang dalawa-at-kalahati hanggang tatlong milyong mga biktima ng mga impeksiyon ng chlamydia sa Estados Unidos lamang, ang karamdaman ay hindi masasabing “minor-league.” Ni ito man ay “minor-league” sa mga sanggol, na kalimita’y dinadapuan ng pulmunya o pagkabulag pa nga, na ipinanganganak sa mga inang may impeksiyon.

Sa gayo’y naiwala ng sipilis at gonorrhea ang ilan sa katanyagan nila sa gitna ng mga STD. Sa Gran Britanya ang mga karamdaman maliban sa sipilis at gonorrhea (pati na ang ilang di-kilala na gaya ng chancroid at granuloma inguinale) ang dahilan ng 84 porsiyentong mga kaso ng STD na nangangailangan ng paggagamot. Bakit, nga, nananatili sa eksena ang salot na ito?

“Lipas Na sa Eksena”

“Bunga ng antibiotic terapi,” sabi ni Dr. John F. Mahoney noong 1949, “ang gonorrhea ay halos lipas na sa eksena ng pag-iral anupa’t hindi na ito pansin ng mga doktor at ng publiko.” Inilalarawan ng mga salitang ito ang pananampalataya na iginagawad ng medikal na propesyon​—at ng publiko sa kalakhang bahagi​—sa bagong kahanga-hangang mga gamot na gaya ng penicillin. Kumbinsido na nasugpo na ng siyensiya ang STD, maraming doktor ang basta nawalan ng interes sa pag-aaral nito. Sa Sentral at Kanlurang Aprika ang mga programang itinataguyod ng U.N. upang lipulin ang sipilis at ang iba pang nahahawig na mga karamdaman ay waring napakabisa anupa’t niluwagan pa nga ng mga opisyal ang kanilang pagmamatyag na mga gawain.

Kaya halos nabigla ang lahat sa mabilis na mga pagbabago ng mga taong 1960. Sa pagitan ng ‘1965 at 1975 ang bilang ng iniulat na mga kaso ng gonorrhea sa Estados Unidos ay naging triple.’ (CDC) Ang pagdami ng negosyo ng turista, dahilan sa paglalakbay sa himpapawid sa pamamagitan ng jet, ay tumulong sa paglaganap ng karamdaman sa bansa at bansa. Isang pandaigdig na epidemya ng STD ang sa gayo’y nagbabanta, nguni’t gaya ng isinulat ni Theodor Rosebury sa Microbes and Morals, “Ang kakila-kilabot na pagkatuklás ay nagawa anupa’t ang mga batang doktor at mga estudyante sa medisina ay walang kaalam-alam tungkol sa [STD].”

Ang mga doktor sa gayon ay nahirapang abutan ang epidemikong paglaganap ng mga STD, kahit na sinasabi nila na mayroon nang mabisang mga lunas para sa karamihan sa mga ito. b Ang mga tao ay basta nagkakasakit nito nang mas mabilis kaysa paggamot sa kanila ng mga doktor.

Samantalang ang marami sa mga karamdaman na seksuwal na naililipat ay sumalot sa sangkatauhan sa loob ng maraming taon, dalawa sa partikular ang lubhang napalathala kamakailan. Ito ang herpes at AIDS. Kung ano ito ay isasaalang-alang sa susunod na artikulo.

[Talababa]

a Ang STD ay maaaring makuha sa iba pang mga paraan maliban pa sa seksuwal na pakikipagtalik at, sa gayon, ay hindi laging katibayan ng kahandalapakan.

b Iniuulat ng WHO (World Health Organization) na ang gonorrhea na hindi tinatablan ng penicillin ay “kumakalat sa lahat halos ng dako sa daigdig.” Ang “di-wastong gamit ng mga antibiotic” ay sinisi sa nakababahalang pag-iral nito. Bagaman mayroong mabisang kahaliling mga gamot, napansin ng WHO na dahilan sa gonorrhea na hindi tinatablan ng penicillin, “higit at higit na mga kabiguan sa paggagamot ang mangyayari na hahantong sa mas matagal na mga yugto ng pagiging di-epektibo ng pasyente at ang dumaraming panganib ng malubhang mga karamdaman, lalo na sa mga babae.”

[Blurb sa pahina 6]

“Ang kakila-kilabot na pagkatuklas ay nagawa anupa’t ang mga batang doktor at mga estudyante sa medisina ay walang kaalam-alam tungkol sa [STD]”

[Chart sa pahina 4]

Hindi Kompletong Talaan ng mga Karamdaman na Seksuwal na Naililipat

Syphilis Chlamydia trachomatis

Gonorrhea Ureaplasma

Hepatitis B urealyticum

Genital Herpes Genital Warts

Chancroid Scabies

Crabs (pubic lice) Granuloma inguinale

Lymphogranuloma Trichomoniasis

venereum AIDS

Pinagkunan: Centers for Disease Control

[Larawan sa pahina 5]

Ang mabilis na mga pagbabago noong mga 1960 ay umakay sa tinatawag na seksuwal na pagbabago at pagluwag sa mga kodigo sa moral