Kung Bakit Tuluyan Kong Iniwan ang mga Gamit ng Eskultor
Kung Bakit Tuluyan Kong Iniwan ang mga Gamit ng Eskultor
ANG taon ay 1950. Isang daan-bundok na paikut-ikot pababa sa gitna ng mga puno ng igos, na may manakanakang mga kaingin na naglalaan ng maharlikang mga tanawin. Sa isang kahanga-hangang lugar sa tuktók ng lambak at nalulukuban ng makahoy na dalislis ng bato, isang maliit na pangkat (kabilang na ako) ang nasa andamyo. Sinisinsel namin ang malalaking tipák ng bato na tinipon upang magkaanyo ang laki na 15 metro (50 piye) ang taas. Isang hugis tao ay nagsisimula nang magkaanyo. Nguni’t magiging ano ba ito? Isang bantayog o monumento sa mga Marquisard (mga sundalong Pranses) na namatay sa kanilang pakikipagbaka laban sa mga Nazi. Sapagka’t sa rehiyong ito, nasa kalagitnaan ng Lyons at Geneva, sa gawing katimugan ng Bundok Jura ng Pranses, ang tanawin ng madugong labanan noong Digmaang Pandaigdig II.
Nang dakong huli ay kinuha ko ang isang bagong propesyon. Gayunman naaantig pa rin ang aking damdamin kailanma’t may marinig kong nagsisinsel. Bakit tuluyan kong iniwan ang mga gamit ng trabahong labis kong kinagigiliwan?
Isang Pagkahumaling Mula sa Pagkabata
Ang paborito kong mga gunita mula sa aking pagkabata na aking natatandaan ay yaong mga panahong ginugol ko sa paggawa ng mga modelo o pagguhit. Nangunguna ako sa mga klase sa sining at pagyari sa kamay o handicraft, na dahilan ng pagpapatala ko sa Lyons Art School noong 1945, nang ako’y 17 anyos. Natutuhan ko roon ang iba’t ibang pamamaraan na kasangkot sa sining ng eskultura. Tinuruan kaming gumawa ng mga paksimile ng “Venus de Milo,” ang “Nike (o, Tagumpay) ng Samotrace,” isa sa mga alipin na nililok ni Michelangelo, at iba pa. Natuto rin kaming maglilok mula sa buháy na mga modelo. Karaniwan nang ito’y binubuo ng paggawa ang mga modelong luwad ng mga busto, mga katawan o buong katawan ng tao. Ginawa namin ito na pabilog,
ang ibig sabihin ay, sa tatlong dimensiyon na walang kinakabitang pondo o background, isang paraan na kakaiba sa bas-relief, kung saan ang mga hugis ay inuukit sa isang patag na ibabaw, nakausling kaunti sa pondo.Sa ilalim ng maingat na pamamatnubay ni Monsieur Bertola, isang kilalang maestro eskultor, natutuhan din naming pagtimbang-timbangin ang bulto, bihagin ang indayog ng magandang-kilos na mga silweta at supilin ang mga pagkilos ng liwanag sa pagbabagu-bago ng bilugang anyo at mga uka. Tuwing hapon noong huling taon sa paaralan, sinanay kami sa istudyo hinggil sa sining ng pag-uukit sa bato. Ang sangay na ito ang siya kong magiging espesyalidad.
Maaga ng 1950, nagtrabaho ako nang part-time sa isang relihiyosong istudyo sa sining, at kasabay nito ay nagpatuloy ako sa aking pag-aaral sa eskultura. Ilang buwan lamang ang itinagal ko roon sapagka’t ang lalaking nangangasiwa roon ay may artistikong mga ideya na lubhang kakaiba sa aking mga ideya.
Kung Paano Ako Tinuruan
Sisikapin kong ilarawan sa maikli kung papaano ako tinuruang umukit ng isang estatuwa. Ang eskultor ay guguhit muna ng ilang mga dibuho o krokis na magpapangyari sa kaniya na matantiya ang hugis at proporsiyon. Saka siya gagawa ng subok lamang na maliit na modelong luwad na magpapangyari sa kaniya na matiyak ang pangunahing hugis at kayarian ng gawain. Ang susunod na hakbang ang pinakamahalaga at pinakamatagal, sapagka’t ito ang paggawa ng isang modelong luwad, karaniwang kasinlaki, ng kung ano ang magiging hitsura ng estatuwa. Kailangang gawin ang molde de yeso nitong delikadong modelong luwad bago ito matuyo at magbitak-bitak. Ang moldeng ito ay saka maaaring kopyahin sa marmol o sa iba pang uri ng bato.
Ang aming modelong yeso ay nasa proporsiyong isa-sa-lima, ginagawa itong tatlong metro (10 piye) ang taas. Ang maliit na pangkat ay binubuo ng dalawang may karanasang mang-uukit sa bato na siyang gumawa ng karamihan ng pagtatabtab, at dalawang katulong na, gaya ko, ay ipinagpapatuloy ang gawain hanggang sa punto na doon gagawin ng maestro eskultor ang pangwakas na gawain o pagpapakinis.
Ang trabaho doon ay nagpatuloy ng mahigit na tatlong buwan. Ginawa namin ang lahat sa ganang amin, mula sa pagtatayo ng mga andamyo hanggang sa pagpapanday ng iba’t ibang mga pait at mga sinsel. Sa ganitong paraan, nagkaroon kami ng kasanayan sa sining ng paggamit ng mga martilyo, lalo na sa paggawa na kasama ng gayong bihasang mang-uukit ng bato. Ang trabaho dito ay malayung-malayo sa trabaho sa istudyo, kung saan ang mahusay na pag-uukit ay nangangailangan lamang ng mahinang pagmamartilyo na ginagamit ang ilang malambot o madaling sumunod na mga pagkilos ng pulsuhan, at kung saan ang bato, na nakalagay sa tamang antas, ay nasa umiikot na plataporma o tuntungan para sa mas madaling paggawa.
Natatandaan ko pa ang naging problema namin sa pagpapalapit ng andamyo sa bato na inuukit namin, lalo na sa pinakatuktok ng monumento. Ang mataas na mga posteng kahoy ng andamyo ay tila babagsak. Ginulo nito ang mga bagay-bagay, lalo na nang inuukit ko ang delikadong buhok ng babae, 15 metro (50 piye) mula sa lupa. Ang mahinang andamyo ay umuga, at sa pakiwari ko’y umuurong ang estatuwa sa tuwing tinatamaan ito ng aking pait!
Gayunman, natutuhan naming maging maliksi na gaya ng mga unggoy at kung minsan ay may kapilyuhang inaanyayahan pa namin ang mga bisita na umakyat at tingnan nang malapitan ang aming gawa.
Karaniwan, pag-akyat nila roon at matuklasan ang kahanga-hangang kapaligiran at ang mabuway na andamyo, hindi na nila pansin ang aming obra maestra! Dapat ding aminin na ang isang malapitang tingin ng isang 40-centimetro (16-pulgada) na ilong o tainga ay hindi nga kabigha-bighani.!Binigyan-Kasiyahan ang Espirituwal na Pananabik
Hindi ako nakagagawa ng higit na pagsulong sa espirituwal na gaya ng nagagawa ko sa propesyonal na paraan. Lumaki akong isang Katoliko nguni’t hindi ko matanggap ang ilang mga doktrina, lalo na ang transubstansasyon, ang paniniwala na ang literal na katawan ni Kristo ang isinisilbi sa Misa. Madalas akong makipagdiskusyon sa aking pari. Isang araw, naubusan yata ng mga argumento, sinabi niya sa akin na para raw akong Protestante kung mangatuwiran. Ipinalalagay ang aking sarili na espirituwal na baldado, humiling ako sa Diyos ng pananampalataya.
Gayon pa rin ang aking kaisipan noong Agosto 1950, nang makita ko ang isang aklat na tinatawag na Let God Be True (Hayaang Maging Tapat ang Diyos). Nababatid ang interes ko sa espirituwal na mga bagay, kinuha ito ng aking nanay sa mga Saksi ni Jehova isang taon na ang nakalipas. Nang panahong iyon ay binuksan ko lamang ang mga pahina nito at inilagay ito sa isang istante. Ngayon, sinimulan ko itong basahin, hindi ko ito basta mabitawan. Binasa ko ito mula sa simula hanggang sa katapusan. Pagkatuklas ko sa iba’t ibang mga doktrina ng Bibliya, napagtanto ko na ang lahat ng aking mga katanungan noon ay nasasagot ngayon. Dali-dali akong sumulat sa tanggapan ng mga Saksi ni Jehova sa Paris para sa higit pang mga detalye.
Isang gabi, ng Setyembre, isang Saksi ang dumalaw sa aming tahanan at tinanong ang aking ina kung ako ay nasa bahay. Ipinaliwanag niya na wala ako roon kung Lunes hanggang Biyernes. Gayon nga, sapagka’t nagtatrabaho ako bilang katulong na eskultor sa eskultor ng Lyons na si Charles Machet. Mga ilang linggo na ngayon na kami’y gumagawa ng isang pagkalaki-laking eskultura sa kaluwalhatian ng departamento ng Maquis ng Ain, sa ibaba ng Bundok Jura. Inilalarawan nito ang isang babaeng lumalabas mula sa isang dalisdis at nilalagot ang kaniyang mga kadena. Ang sumusunod na mga salita ng makatang Pranses na si Aragon ay nakaukit sa tabi: “Où je meurs renaît la patrie” (“Kung saan ako nabuwal, babangon muli ang amang bayan”).
Ang Ganap na Pagsubok
Tuwing dulo ng sanlinggo kaming lahat ay umuuwi sa Lyons, at doon ko nakilala ang mga Saksi ni Jehova. Isang Sabado ay sinabi sa akin ni Inay na sila’y darating, at dumating nga sila—tama sa oras. Nagkaroon kami ng mahaba nguni’t masiglang pag-uusap, at binomba ko sila ng mga tanong tungkol sa Trinidad, ang pinagmulan ng masama, ang katapusan ng daigdig, at iba pa. Lagi nilang ginagamit ang Bibliya sa pagsagot, at gumawa kami ng kaayusan upang simulan ang isang pag-aaral.
Noong Nobyembre 1950, matapos gawin ang pagkalaki-laking eskultura sa ibaba ng Jura, nag-aral akong muli sa Lyons Art School. Nang panahong ito ay sinimulan ko na ang pag-aaral ng Bibliya, gumugugol ng maraming oras sa pag-alam tungkol sa mga layunin ng Diyos. Gayunman, pagkaraan ng aking panimulang kasiglahan, ang diskusyon ay madalas na nagiging mainit.
Ang ganap na pagsubok ay ang pag-aaral tungkol sa Sampung Utos. Tumigil ako at sinuri ang ikalawang utos, na nakatala sa Exodo 20:4, 5: “Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan, o ng kawangis man ng anumang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa: huwag mong yuyukuran sila . . . sapagka’t akong si Jehovang iyong Diyos ay Diyos na mapanibughuin.”—American Standard Version.
Mangyari pa, tumugon ako na gumagawa lamang ako ng relihiyosong mga estatuwa at mga bantayog; hindi ko naman sinasamba ang mga ito. Naghahanapbuhay lamang ako. Ginamit ni Roger at Yolande, ang mga Saksi na nakikipag-aral noon, ang pangangatuwiran ng ikalawang siglong manunulat na si Tertullian, na itinuturing na isang ama ng simbahan. Sulat niya: “Upang simulan, ang pananalitang iyon, na basta nating sinasabi nang hindi pinag-iisipan, ‘Wala akong ibang ikinabubuhay,’ ay maaaring pagwikaan, ‘Mayroon, mayroon kang ikabubuhay?’ . . . ‘Gumagawa ako,’ sabi ng isa, ‘nguni’t hindi ko sinasamba;’ na para bang may dahilan upang huwag sumamba. . . . Ang mga sining ay may iba pang mapagkukunan ng ikabubuhay, nang hindi nilalabag ang landas ng disiplina. . . Sapagka’t mas madali para sa isa na magpinta [gumuhit] ng mga larawan kaysa lumilok o umukit nito!”—On Idolatry, mga kabanatang 5, 6, 8.
Nang maglaon ay napagwari ko na kailangang talikdan ko ang paggawa ng mga eskultura na may kaugnayan sa relihiyon, o kahit na yaong may kaugnayan sa mga patay, sapagka’t ito’y nauuwi sa ‘pagsasagawa ng banal na paglilingkod sa nilikha sa halip na sa Isa na lumikha.’ (Roma 1:25) Pinapangyari nitong umunti ang mga order o pidido na maaari kong tanggapin upang ako’y may ikabuhay. Gayunman, kasabay nito, naniniwala ako na gaya ni Tertullian na maaari kong gamitin ang aking sining “nang hindi nilalabag ang landas ng disiplina.”
Mga Tagumpay at Kabiguan
Gayon pa rin ang aking kaisipan nang, Marso 1951, ay napag-alaman ko na ang munisipyo ng Saint-Étienne (isang malaking bayan na di-kalayuan sa Lyons) ay naghahanap ng isang guro sa sining na magbibigay ng mga leksiyon sa pagmomodelo at eskultura sa bato. Ang kandidato ay pipiliin ayon sa mga kuwalipikasyon at sa pamamagitan ng isang praktikal na pagsubok. Inaakala ko na ang trabahong ito ay tamang-tama at nagprisinta ako para sa puwestong ito. Sa kasamaang palad, hindi ako tinanggap dahilan sa aking mahinang kalusugan, sapagka’t noong 1948 ako ay ginamot sa sakit na tuberkulosis.
Isa itong mapait na kabiguan, subali’t pinalakas at inaliw ako nina Roger at Yolande, at sinimulan kong dumalo sa mga pulong sa lokal na Kingdom Hall. Dumating ang isang mahalagang hakbang noong 1951 nang daluhan ko ang unang pambansang kombensiyon sa Pransiya pagkatapos ng digmaan, na ginanap sa Paris. Talagang nag-uumapaw ako sa kasiglahan at nadama kong ako’y bahagi ng mga maligayang pulutong na iyon ng mga kombensiyunista. Sumama ako sa gawaing pangangaral sa kauna-unahang pagkakataon, at pagbalik ko ay nakagawa na ako ng matatag na disisyon na ialay ang aking buhay kay Jehova.
Pagdating sa bahay, nasumpungan ko ang isang liham mula sa munisipyo ng Saint-Priest sa Lyons na umuorder ng isang fresco ng isang modelo na iniharap ko. Ang bas-relief ay salig sa tema ng edukasyon at ipalalamuti sa isang complex ng paaralan na itinatayo. Magandang balita ito para sa akin sapagka’t magiging abala ako sa loob ng mga ilang buwan at tutulong ito sa akin na layuan at hiwalayan ang dati kong mga kasama. Nang panahong iyon, mas palagian akong dumalo sa lokal na mga pulong. Pagkaraan ng mga ilang linggo, noong Nobyembre 1951, ako’y nabautismuhan.
Magpahangga noon, ang aking ama ay gumawa ng malaking mga pagsasakripisyo upang matutuhan ko ang mahirap na sining ng eskultura, at hindi niya lubusang maunawaan kung bakit hindi na ako gaanong nagsisikap na makakuha ng isang karera. Kaya’t napilitan akong umalis ng bahay at bumukod. Higit pa riyan, minsang matapos na ang ginagawa kong fresco at maubos ko na ang kabayaran doon, naging imposible na tumanggap ng ilang mga pididong dumarating, dahilan sa aking paninindigan sa mga simulain ng Bibliya.
Sa wakas ay hinarap ko ang pasiya na lagi ko na lamang ibinabalam—gaano man kahirap ito sa akin. Oo, tuluyan kong iniwan ang aking kinahihiligan at itinigil ko na ang paggawa ng mga bagay “na inukit ng sining at katalinuhan ng tao.” (Gawa 17:29) Saka ko tinanggap ang isang gawain sa opisina ng isang kompaniya sa seguro na siya kong pinagtatrabahuan hanggang ngayon, 30 taon na ang nakalipas.
Hindi ko pinagsisisihan ang aking pasiya, sapagka’t ito’y nagbunga ng maraming pagpapala kapuwa sa aking pamilya at sa akin bilang bahagi ng bayan ni Jehova. Subali’t hanggang sa araw na ito, hindi pa rin ako lalapit sa anumang bagay na may kaugnayan sa eskultura sa takot na baka mapukaw ang aking dating hilig. Gayunman, hinihintay ko ang Bagong Kaayusan na ipinangako ni Jehova kung saan inaasahan ko na ang aking sining ay maaaring magkaroon ng kapaki-pakinabang na gamit. Kung gayon, buong kagalakang dadamputin ko ang mga gamit ng eskultor at muling gagamitin ang martilyo’t pait, sa panahong ito’y tanging sa kapurihan ni Jehova.—Isinulat ni Dominique Aimo-Boot.