Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Mula sa Aming mga Mambabasa

Panlalaban sa mga Manggagahasa

Pinahahalagahan ko ang mga artikulo sa inyong magasin, lalo na yaong tungkol sa panggagahasa. Bilang isang guro sa isang paaralang bayan, naibahagi ko ang impormasyong iyon sa buong klase. Marami ang gulat na gulat at ngayon ay may bago nang saloobin tungkol sa panggagahasa.

A. C., Virginia

Ganoon ang Gusto Nila

Sa inyong artikulong “Ganoon ang Gusto Nila!” (Hulyo 22, 1983) nakaligtaan ninyo ang isang grupo: ang inyong sarili, mga Saksi ni Jehova. Tunay ang inyong pagpuna sa mga pamahalaan ngayon ay makatuwiran. Nguni’t inaakala kong mali kayo sa hindi ninyo pagsisikap na gawin itong mas mabuti. Mayroon kayong sapat na tao na kuwalipikado sa moral at propesyonal na paraan na taglay ang mabuting budhi na maaaring tumanggap ng mga puwesto o katungkulan sa pamamahala sa pamayanan na maaaring ihalal ng isang tao nang hindi nababahala. Ang inyong palaging pagtukoy sa bagong kaayusan sa hinaharap ay hindi nagpapawalang-sala sa inyong paggawi ngayon sa isang panahon kung saan ang bagong kaayusang ito ay hindi pa umiiral. Hindi kalooban ng Diyos na ang bawa’t isa ay hayaang gawin ang kaniyang kasamaan nang hindi sinasawata ito. Samakatuwid, katungkulan niyaong mga nakakaalam nito na gumawa ng mga hakbang upang baguhin ito. Yaon ay, malibang ganoon ang gusto natin.

M. Z., Federal Republic of Germany

Sang-ayon kami na ang lahat na naglalagak ng tiwala sa dumarating na Bagong Kaayusan ng Diyos ay kailangang mamuhay ngayon na kasuwato ng kaniyang matuwid na mga simulain. Ang mga Saksi ni Jehova ay kilala sa buong daigdig sa pagiging tapat, masisipag na mga tao, mapagkakatiwalaan, masunurin sa batas at makonsiderasyon sa iba. Ginugugol din nila ang malaking bahagi ng kanilang panahon sa pagtuturo ng mahalagang mga simulaing ito sa Bibliya sa iba, tinutulungan silang makinabang sa pamumuhay na kasuwato ng mga simulain ng Bibliya. Sa kabilang dako, idiniin mismo ni Jesu-Kristo na ang kaniyang mga tagasunod ay hindi dapat mapasangkot sa pulitika ng kasalukuyang daigdig, sinasabi sa kanila: “Kayo’y hindi bahagi ng sanlibutan, kundi kayo’y pinili ko sa sanlibutan.” (Juan 15:19) Nang pakanin ni Jesus ang karamihan, susunggaban sana siya ng ilang mga lalaki upang gawin siyang hari nila, nguni’t tumakas si Jesus mula sa kanila. (Juan 6:14, 15) Binanggit niya ang simulain na ang isa ay hindi nagtatagpi ng bagong kayo sa damit na luma, ni nagsisilid man ng bagong alak sa mga balat na luma. (Mateo 9:16, 17) Nang siya’y dakpin, maaari sanang isangkot ni Jesus ang kaniyang mga alagad at maging ang mga anghel sa pagtatanggol sa kaniya, nguni’t sinabi niya sa harap ni Pilato: “Ang aking kaharian ay hindi bahagi ng sanlibutang ito.” (Juan 18:36; Mateo 26:52, 53) Kung tungkol sa mga kalagayan sa daigdig na ito, tiyak na hindi “ganoon ang gusto” ng mga Saksi ni Jehova, at ito’y makikita sa kanilang halimbawa at mga gawain sa buong daigdig. Sa ganito ay tinutularan nila ang utos at halimbawa ni Jesus.​—ED.