Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Napabilad ang Herpes at AIDS

Napabilad ang Herpes at AIDS

Napabilad ang Herpes at AIDS

“PARA akong isang ketongin. Sino ang magkakagusto sa akin kung sasabihin ko sa kaniya na mayroon akong isang walang lunas na sakit na seksuwal na naililipat?” Gayon ang sabi ng isang nagdurusa sa lubhang-nailathalang genital herpes. Palasak ito sa Estados Unidos, Canada, Europa at Hapon. Ang Estados Unidos lamang ay nag-uulat na tinatayang 200,000 hanggang 500,000 mga tao ang nagkakasakit nito sa bawa’t taon. Tinantiya ng isang doktor na “20,000 hanggang 50,000 bagong mga kaso ng genital herpes ang nasusuri taun-taon sa Canada.”

Ang sanhi ng lahat ng kahirapang ito? Sinasabi ng siyensiya ng medisina na ito’y isang napakaliit na bagay, isang virus, na isa lamang sa malaking “pamilya” ng herpes. Ang bulutong tubig at buni ay karaniwang mga sakit na dala ng mga virus ng herpes. Ang isa na nagiging sanhi ng genital herpes ay kahawig (kung minsa’y kamukhang-kamukha) ng virus ng nagpapangyari ng mga singaw sa bibig. Subali’t kapag ang herpes ay sumasalakay sa mga ari (genitals), ang maysakit nito ay karaniwang (nguni’t hindi naman palagi a) nakuha ang virus sa isang tiyak na paraan: sa pamamagitan ng seksuwal na pagtatalik sa isang biktima ng herpes.

Tatlo hanggang pitong mga araw pagkatapos mapahantad sa herpes, napapansin ng nahawaan nito ang mahapdi o makirot na damdamin sa dako ng ari​—ang paglabas ng makirot, tubig-tubig na mga paltos. Ang mga sugat ay tatagal ng mga dalawa hanggang anim na linggo bago gumaling. Nguni’t ang herpes ay hindi umaalis. Sinasabi ng mga doktor na ito ay namamahinga lamang, sa mga daanan ng nerbiyos, tungo sa mga kumpol ng nerbiyos sa puno ng galugod. Doon ito nananahimik hanggang sa may magpakilos muli (gaya ng kaigtingan) sa virus. Minsang magising, naglalakbay ito sa mga daanan ng nerbiyos pabalik sa balat at muling nagsisimula ang siklo ng paghihirap.

Marahil ang pinakatusong epekto ng herpes ay sa mga damdamin ng maysakit nito. Ganito ang puna ni Dr. Oscar Gillespie: “Ang malaking problema sa herpes ay hindi gaano sa virus mismo, kundi sa takot, pag-aalinlangan at mga abala sa araw-araw na pamumuhay na maaaring likhain ng pagkakaroon nito.” Sabi ng isang biktima: “Napakahirap ilarawan ang mga damdamin ng galit, kasalanan, at kawalan ng pagpipigil na taglay mo kapag mayroon kang herpes. Isa itong bagay na sa akala ko’y tanging isang kapuwa biktima ng herpes lamang ang makakaunawa.” Gayunman pinahahaba lamang ng gayong emosyonal na ligalig ang siklo ng paghihirap, kadalasa’y nagpapangyaring maulit ang sakit.

Kung Bakit Tinawag na Walang Lunas

Bakit hindi basta lipulin ng immune system (sistema na panlaban sa sakit) ng katawan ang nakayayamot na virus ng herpes? Sinasabi ng mga doktor na naliligtasan ng herpes ang gayong sa pagkapit nito sa isang selula, pinapasok ang panlabas na lamad (membrane) nito at nagtatago rito. Ligtas sa loob, mabilis na inuutusan nito ang “utak” ng selula na gawing gawaan ng herpes ang selula! Mga 80,000 hanggang 120,000 bagong mga virus ang nagagawa sa loob ng tatlo hanggang limang oras. Sa puputok ang pinaka-dingding ng selula, hinahayaang umagos sa daluyan ng dugo ang isang hukbo ng mapanganib na mga partikulo at hawaan pa ang ibang mga selula.

Kaya mauunawaan mo kung bakit sinasabi ng mga doktor na ang herpes ay napakahirap lipulin. Isang lunas ang dapat na makapasok sa nahawaang mga selula upang sugpuin ang virus. O kailangang malipol nito ang nahawaang mga selula nang hindi sinisira ang mga malusog na selula. Hindi kataka-taka na ang siyensiya ng medisina ay napipigilan. (Tingnan ang kahon.) Ang mga bagong report na diumano’y sinusubok ang mga bakuna para sa herpes ay nagbibigay marahil ng silahis ng pag-asa. Nguni’t bagaman ang gayong “onsa ng pag-iingat” ay maaaring tumulong sa angaw-angaw, kumusta naman yaong mga maysakit na nito?

AIDS​—Isang Bagong STD?

“Sa aking propesyonal na karera, hindi pa ako nakatagpo ng mas nakasisiphayo at nakapanlulumong kalagayan,” sabi ni Dr. Peter Mansell na sinipi ng Newsweek. Tinukoy niya ang sakit na nakatawag sa pansin ng daigdig: AIDS (Acquired Immune Deficiency Syndrome). Inilalarawan ng kataga ang pagtigil ng immune system ng katawan. Sa gayon ang biktima nito ay nagkakaroon ng pambihirang mga uri ng kanser at pulmunya.

Gaano na kalaganap ang AIDS? Hanggang sa ngayon, mahigit sa 4,000 mga kaso b ang iniulat sa Estados Unidos lamang. Hindi kukulangin sa 32 ibang mga bansa ang nag-ulat din ng pag-iral ng sakit. Ang mga bansa na hanggang sa ngayon ay hindi pa gaanong apektado, gaya ng Hapon, ay naghanda na upang gamutin ito​—kung sakali man.

Ang mga biktima ng AIDS ay waring may nakalilitong bilis ng pagkakamatay. Mahigit na 60 porsiyento niyaong unang sinuri na mayroon nito ay namatay sa loob ng isang taon. Gayunman, ang iba ay natatakot na ang lahat ng mga biktima ng AIDS ay mamamatay sa wakas dahil sa sakit. Gayunman ang sakit na ito ay walang malay na nagsisimula sa pamamagitan ng mga sintomas na gaya ng sa trangkaso, pagkapagod at pangangayayat. Sa kasamaang palad, gaya ng napapansin ni Dr. Frederick P. Siegel: “Sa panahong matuklasan ng mga manggagamot ang AIDS sa mga pasyente, ay huli na ang lahat.”

Sang-ayon sa CDC (Centers for Disease Control), ang aktibong mga homoseksuwal ang may pinakamalaking panganib na magkaroon ng AIDS. Nanganganib din ang mga hemophiliac (mga maysakit sa dugo, malabnaw at mahirap mamuo ang dugo) at mga nag-aabuso sa mga droga na isinasaksak sa ugat. c Nguni’t yamang mga 70 porsiyento ng mga biktima ng AIDS ay mga homoseksuwal, lubhang pinaghihinalaan na ang sakit sa karamihan ng kaso ay seksuwal na naililipat.

Takot sa AIDS

“Ang takot ay mas mabilis na kumakalat kaysa sa sakit,” sabi ng magasing Discover. Walang alinlangang ang mga ulong-balita na gaya ng “Maaaring Kumalat ang AIDS sa Pagkadaiti Lamang” ang nagpalaganap ng takot na ito:

● Ayaw gamutin ng mga manggagawa sa ospital ang mga pasyenteng may AIDS. d

● Ang mga patnugot sa punerarya (mortician) ay nag-aatubiling imbalsamuhin ang mga bangkay na mga biktima ng AIDS.

● Ang pulisya sa San Francisco, California, ay binigyan ng mga gamit sa resusitasyon at mga gomang guwantes upang huwag mahawa ng AIDS kapag nagsasagawa ng pangunang lunas.

● Ang mga teknisyan ay tumangging isabit ang mikropono para sa isang biktima ng AIDS na nakatakdang kapanayamin sa isang palabas sa TV. Ang layunin ng palabas? Upang mabawasan ang mga takot tungkol sa AIDS.

● Ang mga serbisyo sa telepono para sa AIDS ay “binaha ng mga tawag na nagtatanong kung ang sakit ay maaaring makuha sa paghipo sa mga tali sa subwey o sa pag-upo sa mga upuan sa inodoro na ginamit ng mga bakla.”

Gayunman, ang pamayanan ng mga bakla ang lubhang naapektuhan nito. Ang mga gay bar at bathhouses ay nag-ulat ng matumal na negosyo sapagka’t ang mga tao ay natatakot na magkaroon ng AIDS. At yamang ang mga homoseksuwal na may napakaraming kabit ang siyang lubhang nanganganib, ang iba ay gumawa pa nga ng malaking pagbabago sa kanilang istilo ng buhay. Iilan lamang, kung mayroon man, ang natatakot na mga lalaki (heteroseksuwal). Subali’t iniwasan ng ilan ang pakikipagtalik sa di-kilala at pumirmi na sa “monogamus” na mga kaugnayan.

Gayunman, ang biktima ng AIDS ang siyang tunay na nagdadalamhati. Tinatrato na parang mga taong itinakwil ng mga kapitbahay at mga kasamahan sa trabaho, nilalayuan ng mga mangingibig, dapat ding batahin ng mga biktima ng AIDS ang pasan ng pagkakaroon ng isang sakit na walang lunas. “Basta nakabitin ito sa ibabaw ng iyong ulo,” sabi ng isang biktima ng AIDS. “Nariyan ang kawalang katiyakan na sa anumang araw ay maaari kang dapuan ng bagong sakit na hindi masugpo ng iyong napipigilang immune system.”

Kaya bagaman ang reaksiyon ng publiko ay maaaring kalabisan, ang takot sa AIDS ay totoo. Ang AIDS ay isang tusong mamamatay-tao. At ang mga report na maaaring kumalat ito sa publiko sa pangkalahatan sa pamamagitan ng mga pagsasalin ng dugo ay pinagmulan pa ng higit na takot at poot. (Tingnan ang kahon sa pahina 10.) e Kaya nasusumpungan ng mga homoseksuwal ang kanilang sarili na mga biktima hindi lamang ng pagkapoot kundi ng isang istilo ng buhay na tigib ng panganib.

[Talababa]

a Halimbawa, ang mga indibiduwal kung minsan ay nagkaka-herpes sa kaniyang mga daliri sa paghipo sa mga sugat na dala ng herpes. Kaya, maaaring ikalat nila nang di-sinasadya ang sakit sa iba pang bahagi ng katawan, gaya halimbawa sa mga ari, sa pamamagitan ng paghipo sa mga ito.

b Posibleng hindi lahat ng iniulat na mga kaso ay talagang nagsasangkot ng iisang sakit, yamang ang AIDS ay sumasakop ng napakaraming iba’t ibang mga sintomas. Sa kabilang dako, ang AIDS ay maaari namang hindi gaanong naiuulat, yamang maraming biktima ang maaaring natatakot sa dungis sa karangalan na nauugnay sa AIDS.

c Ipinagbigay-alam ng CDC sa Awake! na ang dating mga teoriya na nag-uugnay sa mga taga-Haiti sa AIDS sa pamamagitan ng “mga ritwal na voodoo” ay walang matatag na saligan.

d Ang CDC ay naglabas ng mga pag-iingat para sa mga tauhan ng klinika at laboratoryo, kahit na sinasabi nila na ang pagkakaroon ng AIDS “sa pamamagitan ng di-sinasadyang pagkakadaiti [ay] malayong mangyari.” Kabilang sa gayong mga pag-iingat ang pagsuot ng mga guwantes samantalang sinusuri ang dugo ng mga pasyente ng AIDS, pagtatapon ng mga karayom na ginamit sa pagtuturok sa mga pasyente ng AIDS at pagsusuot ng mga surgical gowns.

e Noong Abril 23, 1984, ipinahayag ng mga mananaliksik na naihiwalay na nila ang virus na inaakala nilang sanhi ng AIDS. Samantala, maaaring ipahayag din ang isang mabisang pagsubok upang suriin ang dugo na nahawaan ng AIDS. Ito, gayunman, ay malayo pa rin sa pagkakaroon ng lunas para sa sakit na ito.

[Blurb sa pahina 11]

Napapansin ni Dr. Frederick P. Siegal: “Sa panahong matuklasan ng mga manggagamot ang AIDS sa mga pasyente, ay huli na ang lahat.”

[Kahon sa pahina 9]

Lunas Para sa Herpes?

Ang huwad na mga lunas para sa herpes, sabi ng mga doktor, ay hindi lamang nagbigay ng palsong pag-asa kundi sa ibang mga kaso ay pinalubha pa nga ang kalagayan. Kabilang sa mga paggagamot na sinasabi ng CDC na di-mabisa ay ang mga bakuna, immune stimulants, mga bitamina E at B12, pantanging mga pagkain, zinc, lactobacillus (acidophilus) na mga tableta, mga kremang steroid at dye-light na terapi.

Subali’t bakit sinasabing guminhawa ang marami sa pamamagitan ng mga “lunas” na ito? Pinaaalalahanan tayo ng mga doktor kung ano ang waring nagpapangyari sa muling paglitaw ng herpes​—kaigtingan at pagkabalisa. Halos anumang bagay na nakapagpapakalma sa isang tao at nagbabawas ng pagkabalisa ay tila man din nakalulunas sa sakit​—nang pansamantala. Gayunman, karaniwang panahon lamang ang kailangan bago ang nakatagong mga virus ng herpes, na nagtatago sa mga selula, ay muling sumalakay. Pinagtatalunan pa rin ang ilan sa mga paggamot na ito, nguni’t matalino na masusing siyasatin ang isang paggamot bago pailalim dito.

Samantala, ang pinakamabuting maiaalok ng siyensiya ng medisina ay ang sintomatikong ginhawa. Halimbawa, ang gamot na acyclovir ay sinang-ayunan para sa gamit sa Estados Unidos at waring pinabibilis ang paggaling ng mga sugat ng herpes. Hindi nito hinahadlangan ang muling mga paglitaw ng herpes!

Ang mga doktor ay nagbibigay ng ilang payak na payo para sa mga may herpes na maaari ring makaginhawa. Pahinga, mainit na mga paligo, mga pomento, mga bulsa de yelo at pagpapanatili sa mga sugat na tuyo ay nakatutulong, bagaman hindi mga lunas.

[Kahon sa pahina 10]

AIDS at Dugo

Una’y ang mga hemophiliac. Ang paggamot sa kanilang sakit (clotting factor VIII) ay mula sa dugo ng daan-daang mga nagkaloob. Kaya nang magkaroon ng AIDS ang ilang hemophiliac, agad na pinagsuspetsahan ang dugo. Saka isang sanggol din ang nahawa sa sakit nang tumanggap ito ng pagsasalin ng dugo mula sa isang biktima ng AIDS. Bagaman ang mga tsansa sa pagkakaroon ng AIDS mula sa isang pagsasalin ng dugo ay waring maliit, gayunman ay nagbabala ang CDC na “ang mga membro ng mga pangkat na malaking panganib sa AIDS [unang-una na ang mga homoseksuwal] ay dapat umiwas sa pagkakaloob ng plasma at/o dugo.”

Ang kusang pagpapasunod sa mga nagkakaloob ng dugo ay madaling sabihin kaysa ipasunod. Mga homoseksuwal ay tumutol sa mga mungkahi na sila’y pagbawalan sa pagkakaloob ng dugo. Ang mga Europeong doktor ay nag-usap hinggil sa pagbabawal ng inaangkat na mga produkto ng dugo mula sa E.U., at tinanggihan ng ibang mga pasyente ang mga pagsasalin ng dugo!

Ang takot na maaaring magkaroon ng AIDS sa pamamagitan ng paggamit ng iisang karayom ay ikinatakot ng mga nagkakaloob ng dugo. Sinabi ng isang tagapagsalita para sa Greater New York Blood Program sa Awake! na ang mga pagkakaloob ng dugo ay bumaba ng 25 porsiyento noong buwan ng Hulyo 1983. Bagaman ang mga karayom ay interilisado at selyado bago gamitin, at binabali at itinatapon pagkagamit.

Ang kapapahayag na pagsusuri ay maaaring magsanggalang sa suplay ng dugo na mahawaan ng AIDS, ang takot sa AIDS ay nagpaalaala sa publiko na ang pagsasalin ng dugo ay mapanganib.

[Dayagram sa pahina 8]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon.)

Una: Ang virus ng herpes ay dumidikit sa selula at lumalagos sa panlabas na lamad.

CELL WALL

CELL NUCLEUS

CELL DNA

HERPES VIRUS

VIRAL DNA

Pangalawa: Hinahalinhan ng virus ang nucleo ng selula upang gumawa ng libu-libong mga virus ng herpes.

CELL NUCLEUS DESTROYED

VIRAL NUCLEUS

NEW VIRUS

VIRAL DNA

Pangatlo: Nasisira ang dingding ng selula, inilalabas ang sampu-sampong libong mga virus.

CELL WALL